Share

Chapter 3

Sa ikatlong palapag ng bahay, tuloy-tuloy lang ang inuman nila Nana Conrada at Manong Jerry kahit pasado alas onse na ng gabi. Sa gitna nila ang isang pabilog na lamesa kung saan nakapatong ang isang antigong candelabra na ninakaw pa ni Nana sa simbahan. Balak nila itong ipagbili sa isang antique collector sa Maynila. 'Pag nagkataon, puwede silang kumita ng kinse hanggang bente mil dito na paghahatian nilang dalawa.

"Kailan ka luluwas ng Maynila para makita na 'yan ng buyer, ha?" tanong ni Manong Jerry. Wala kay Nana ang atensyon niya habang nagsasalita. Sa halip, tinitignan niya ang mga tao at bahay sa ibaba ng terasa na para bang hari na pinagmamasdan ang kanyang nasasakupan.

"Hay naku. Bakit ako? Ikaw ang dapat lumuwas sa Maynila. Alam mo namang hahanapin ako nu'ng bagong dating na pari. Baka mahalata tayo nu'n 'pag nalaman niyang wala ako sa Casa." Nagbuhos pa ulit ng alak si Nana sa kanyang baso at nilagok lahat iyon nang tuloy-tuloy.

Hindi na sapat kina Nana Conrada at Manong Jerry ang mga "biyayang" natatanggap nila mula kay Serberus. Noong mawala si Father Tonyo at palitan siya ni Minggay bilang bagong bantay, doon nagsimulang lumabas ang tunay na kulay ng dalawang matanda. Dahil sa madaling ma-manipula ang bata, mas lumaki rin ang perang hinihingi nila kay Minggay. Kaya lang may limitasyon pa rin dahil nagbibigay lang si Serberus ng gantimpala sa tuwing aalayan lang ng sariwang dugo ng tao. Walang dugo, walang gantimpala. Ang hirap naman kung walang habas na papatay sila ng tao para lang makakuha ng dugo. Baka may makahalata na sa kanila kapag ganu'n. Kaya nitong huli, para madagdagan ang yaman, natuto na rin silang magnakaw.

Paisa-isa lang ang ginagawa nilang pagpuslit ng mga kagamitan mula sa simbahan. Hindi puwedeng sabay-sabay. Inuna nilang nakawin at ibenta noon ang mga lumang set ng lamesa at upuan na gawa sa Narra at Apitong. Nagkamal sila doon ng mahigit kuwarenta mil. Sunod ang isang lumang painting ng santo na pakalat-kalat lang sa likod ng altar ng simbahan. Ginuhit pa ito noong 1845 ng isang kastilang pari. Kumita sila roon ng sampung libo. Itong huli, ang lumang chandlier na dating nakasabit sa may kisameng katapat ng hagdanan. Tumataginting na singkwenta mil ang naiuwi nila mula sa pinagbentahan.

Iniba na lang ni Manong Jerry ang usapan. Wala siyang ganang lumuwas ng Maynila. Napagod din kasi siya sa maghapong pagtatakip sa ikalawang palapag ng Casa. Isa pa, may pupuntahan pa siyang sabong kinabukasan. "Anong palagay mo du'n kay Mer?"

"Mukha namang mabait. Mas mabait kay Father Eman ng isang daang beses, d'yan siguradong-sigurado ako," natatawang sabi ni Nana Conrada.

"Sa tingin mo puwede nating sabihin sa kanya ang tungkol kay Serberus?"

"Ha? Masyado pang maaga. Hindi pa nga natin lubusang kakilala ang tao. Baka traydurin lang tayo n'yan at tayo pa ang mapahamak sa huli." Sinamahan ni Nana Conrada si Manong Jerry sa pagdungaw sa terasa. Salamat kay Serberus at Father Tonyo, naipagawa  niya ito at ang buong bahay na tinutungtungan nila ngayon.

"Nag-aalala lang kasi ako. Pa'no kung isang araw eh mabuko niya tayo. Tandaan mo, hindi kung ano lang ang nasa second floor ng bahay na 'yun. Ang hirap kumilos kapag may mga matang nakabantay sa atin. Eh pa'no kapag nagdala tayo ng alay doon sa bahay at mahuli tayo? Siya nga pala, gumawa ako ng ng sikretong pintuan dun sa pinang-harang na plywood. Doon na lang tayo lulusot kung sakaling mag-aakyat tayo ng alay para kay Serberus."

"Ssshhhh! Ang ingay mo naman d'yan. Mamaya may makarinig sa 'tin," saway ni Nana Conrada. "Iniisip ko rin 'yan. Kaya lang hindi pa ngayon ang tamang panahon. Kilalanin muna natin ang tao bago tayo gumawa ng desisyon. Huwag tayo magpadalos-dalos."

"Hindi ko siya gusto. Masama ang kutob ko sa kanya," matigas na bitaw ni Manong Jerry. Ininom na rin nito ang natitirang alak.

"Hindi mo namam kailangang magustuhan si Father Mer. Ang gagawin mo lang ay tumahimik, ngumiti, tumango, magtrabaho - basta sundin mo lang lahat ng pinapagawa niya, tapos ang usapan. Huwag mo na siyang bigyan ng pagkakataong pag-isipan tayo. Basta kontrolado natin si Minggay, ayos na ang buto-buto."

Pero hindi pa rin mapalagay si Manong Jerry. May kung ano sa pari na hindi niya maipaliwanag.

"Kung ako sa'yo, uminom ka na lang muna dito at nang hindi ka na mag-isip ng kung ano-ano d'yan." Kinuha ni Nana Conrada ang bote ng alak na paubos na at iniabot niya kay Manong Jerry ang natitirang laman nito. Tinanggap naman iyon ng kasama.

High school pa lang magkaibigan na sina Conrada at Jerry. Hindi kalaunan naging magkasintahan sila ng halos dalawang taon. Nagkahiwalay lang nang landas nang madestino si Jerry sa Maynila dahil sa trabaho. Doon, nakilala ni Jerry si Lucresia na naging asawa niya. Nang malaman ito ni Conrada, halos malusaw ang puso nito sa sakit. Halos dalawampung taon din silang hindi nagkita't nag-usap. Hanggang sa isang araw, pareho na lang nilang natagpuan ang mga sarili na naninilbihan sa simbahan. Si Nana bilang katulong at kusinera, at si Jerry naman bilang hardinero at karpintero. Pareho na silang balo noong mga oras na iyon pero wala na ang dati nilang pagtitinginan. Napalitan na iyon ng purong pagkakaibigan at ang hangaring guminhawa ang buhay hindi lang para sa kanila kundi pati na rin sa kani-kanyang mga anak.

"O siya! Mauna na ako't marami pa akong aasikasuhin. Siya nga pala, nakahanap ka na ba ng puwede nating susunod na alay?" Nahihilo na si Manong Jerry dala ng sobrang kalasingan. Naparami yata siya ng inom ngayong gabi.

"Oo. Kilala mo si Rolly, 'yung anak ni Mitring sa Villadolid? Tulak ng shabu dito sa lugar natin. Wanted pa raw 'yan sa Cavite dahil may sinaksak doon. Salot lang sa lipunan 'yung damuhong na 'yun. Hindi ko alam kung bakit pa 'yan inere." Umasim ang mukha ni Nana.

"Sige, sabihan ko si Hero para mapag-planuhan na namin." Ang tinutukoy ni Manong Jerry ay ang panganay niyang anak na kasabwat niya sa paghahanap at pagpatay sa mga alay. Alam ng mga pamilya nila ang tungkol sa lagusan at kay Serberus. Tanging mga taong may masasamang loob ang kanilang kinukuha gaya ng napagkasunduan.

Humayo na si Manong Jerry, pero bago umalis narinig nila ni Nana ang isang malakas at mahabang alulong ng aso. Nagsipagtayuan ang kanilang mga balahibo. Maging ang mga taong naglalakad sa baba ay tumigil at namangha.

Si Serberus ba 'yun?

Baka nagugutom na yata ang asong may tatlong ulo.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status