Isang panibagong araw na naman. Isang panibagong pakikipaglaban. Ang bigat-bigat ng pakiramdam niya na tila may nakadagang truck sa kanyang mga binti't hita. Pero kailangang bumangon. Ito kasi ang araw na magdadaos si Father Mer ng misa sa Villapureza. Unang araw na makikilala niya ang kanyang mga parokyano.
Tulad ng dati, umupo siya sa gilid ng kama at umusal ng isang maiksing dasal ng pasasalamat. Pinakain din niya sina Kape at Ulan at pagkatapos ay dumiretso na siya sa kubeta para maligo at magbawas.Tinagalan niya ang pagbababad sa ilalim ng shower. Dinadama niya ang bawat patak ng tubig sa kanyang balat dahil nararamdaman na naman niya ang maitim na ulap na papalapit sa kanyang dibdib. Unti-unti na namang namumuo ang pagkabalisa sa kanyang isip. Paano kung may aksidenteng mangyari? Paano kung masunog ang mantel sa altar? Paano kung matapon ang alak at ang ostiya sa sahig? Nakakahiya. Baka pagtawanan siya. Paano kung hindi siya tanggapin ng mga taga Villapureza bilang kanilang bagong kura paroko? Kung ano-ano na ang tumatakbo sa isip niya.Huminto siya sa harap ng salamin. "Kalma, Mer. Kalma! Gagabayan ka ng Panginoon," at huminga siya nang malalim sa harap ng salamin. Sampung beses niyang paulit-ulit na sinambit iyon hanggang sa bumalik sa normal ang takbo ng kanyang pulso. Turo iyon sa kanya ng isang kakilala sa Italya.Sinilip niya ang kanyang anti-anxiety pills sa medicine cabinet. Wala na itong laman. Naibato niya ang basyong bote sa inis.Mag-aalas otso na ng umaga. Kaunting minuto na lang at mag-uumpisa na ang misa. Wala na siyang panahon para magalit. Isa-isa na niyang pinagsusuot ang kanyang mga damit para sa seremonya. Ayaw niyang madismaya sa kanya ang mga maninimba.Tinignan niya muna ang sarili sa salamin at nang makitang nasa ayos naman ang lahat, tumakbo na siya mula sa Casa hanggang sa simbahan. Wala pang limang minuto at narating din niya ang malaking pintuan nito. Doon, sinalubong siya ng kanyang limang sakristan. Sina Erik, Jaime, Mon, Kiko at Albert. Lahat panganay na anak ng mga taga Asosasyon. Binati rin sila ng pari.Pero bakit hindi pa binubuksan ang pinto? Alas otso na ba? Gusto ni Father Mer na magsimula ang seremonya nang sakto sa oras. Dinig na niya ang mga bulung-bulungan ng mga tao sa kabilang bahagi ng makapal na pinto. Naiinip na sila. Nayayamot.Anong oras na't hindi pa makapasok ang bagong pari? Ano ba 'yan kabago-bago ganyan na ang asta. Napalunok na siya ng laway. Sa isip ni Father Mer, hindi na siya gusto ng mga tao.At sa wakas bumukas din ito. May bumara palang kapirasong kahoy sa siwang sa ilalim kaya't nahirapan ang mga kalalakihan na alisin iyon. Naunang nag-martsa ang mga sakristan sa loob at sa hulihan si Father Mer. Nagpalakpakan ang mga tao, ang iba kinawayan pa siya. Lahat sila nakangiti at masaya siyang makita. Unti-unting nang humupa ang kabang kanyang nararamdaman.Nagsimula naman nang maayos ang misa noong una. Subalit noong umabot na sa sermon, may nahagip ang mga mata ni Father Mer. Hindi siya puwedeng magkamali sa naka-pusod nitong buhok, itim na polka dot blouse at sa pink-rimmed glasses nito. Ang kanyang Ate Isabel. Halos tatlong taon silang hindi nagkita pero parang walang pinagbago sa itsura at istilo ng pananamit nito. Nakaupo si Ate Isabel sa pangalawa sa pinakahuling pew, katabi ng pasilyo. Akala niya ay hindi na ito darating dahil ilang beses na nitong hindi sinasagot ang mga tawag niya sa Maynila. Sinurpresa siya ng kapatid.Nawala sa konsentrasyon si Father Mer. "Ang Diyos ay mapag-pautang din... I mean, sorry, mapagtawad din..." tawanan ang mga tao sa buong simbahan. Akala kasi nila ay nagbibiro siya.Pero ni hindi man lang nakitaan ng kahit kudlit na ngiti ang mga labi ni Ate Isabel. Sa mga mata nito, naka-imprenta ang pagkadismaya. Palpak na naman gaya ng dati si Father Mer, ang nakababatang kapatid. Wala ng ginawang tama. Simpleng homily na nga lang, hindi pa kayang gawin nang maayos.Umuusbong na ulit ang mga pangil ng kanyang anxiety attack. Unang nagpawis ang kanyang mga palad. Pagkatapos ang batok, kili-kili at ang leeg. Nagbutil-butil na rin ito sa kanyang noo. Nanghina ang kanyang mga hita at nakaramdam siya ng pagkahilo bigla. Pakiramdam niya ay mamamatay na siya anumang sandali. Na para bang isang malaking kometa ang tatama sa kanila at lilipulin silang lahat.Hindi siya makahinga bigla. Kung hindi nga lang siya napahawak sa kalapit na upuan malamang kanina pa siya natumba. Nagsipagtayuan ang mga tao, sinisipat nang maigi kung ano ba talaga ang nangyayari kay Father Mer.Inalalayan ang pari ng dalawa sa sakristan. "Please, tulungan niyo ako. Dalhin niyo ako sa likod." At sinunod naman nila siya. Ang mga parokyano, nagkandahaba na ang leeg para maki-usyoso.Inilagak ng mga sakristan si Father Mer sa isang bangko sa isang sulok. Inabisuhan niya ang mga ito na iwan muna siya pansamantala para palipasin ang kanyang panginginig.Hinga nang malalim at mabagal. Ituon ang isip sa isang magandang alaala gaya noong siya at pitong taong gulang pa lamang. Nasa grade one o grade three siya noon. Kauna-unahan niyang field trip, sa Manila Zoo ang destinasyon. Kasama niya ang kaniyang Tiya Lucy, ang mabait niyang tiyahin na kapatid ng kanyang ama. Hindi niya makakalimutan iyon dahil suka siya nang suka sa bus papuntang zoo. Madali kasi siyang mahilo noong bata pa. Pero lahat ng pagdurusa niyang iyon napalitan ng tuwa noong makita niya ang iba't ibang uri hayop doon. Mula sa elepante, giraffe, hippopotamus at unggoy hanggang sa mga sawang hindi niya alam kung buhay o patay na dahil hindi ito gumagalaw at sa mga sari-saring makukulay na ibon na nakakulong sa isang malaking hawla. Doon mismo, napagpasyahan niyang maging duktor - duktor ng mga hayop. Pero, sabi nga nila, hindi lahat ng gusto ng tao matutupad. Kasama na doon ang kanyang pangarap. Kaya heto siya ngayon, isa nang ganap na pari dahil sa kagustuhan ng kanyang ate.Paunti-unti, bumabalik na sa normal ang tibok ng kanyang pulso. Huminto na rin ang kanyang pagpapawis, dumaloy nang maluwag ang hangin sa kanyang baga at nawala ang kometang tatama sana sa kanila.Lumipas na ang anxiety attack.Hinga nang malalim at mabagal. Isa, dalawa...Isa... dalawa."Ano bang nangyari sa'yo kanina? Bigla mo na lang nilayasan parishioners mo," tanong ni Ate Isabel. Nasa loob sila ng kuwarto ni Father Mer. Dumating na pala ito sa Villapureza galing Malolos apat na araw na ang nakararaan, pero hindi niya ito sinabi sa kapatid dahil balak niya sana itong surpresahin."I'm okay. Nahilo lang ako dahil hindi ako nakapag-almusal kanina." Pa-simpleng inaayos ni Father Mer ang mga kalat niya sa kuwarto. Ayaw kasi ng Ate Isabel niya ang burara."Are you sure? Puwede kitang samahan sa duktor para magpa-check up. Just tell me when para ma-set aside ko na iba kong schedule." Dinampot ng ate niya ang isang puting t-shirt na parang basahang nakasuksok sa isang sulok. "Ano 'to?""Ah, akin na Ate. I'm sorry." Hinablot ni Father Mer ang damit at saka inilagay sa hamper sa likod ng pinto ng banyo.Naglibot-libot pa si Isabel. Kuntento naman siya sa hitsura ng kuwarto. Malaki, marangya at bukod sa naka-kalat na t-shirt kanina, mukha namang nasa ayos. Hanggang sa may
"Good morning, Minggay. Magaling ka na ba?" bati ni Father Mer sa dalaga. Alas siyete 'y medya pa lang pero naabutan na niyang naglalampaso na ito ng sahig.Gumanti rin ito ng bati. "Good morning, Father. Medyo sumasakit pa rin po yung pilay ko, pero bumubuti na siya." Alam naman ni Father Mer na nagsisinungaling ang isang 'to sa kanya. May pilay bang kumakandirit? May benda pa rin ang paa ni Minggay pero kung oobserbahan, mukhang naigagalaw na niya ito nang maayos. Maayos na maayos na parang hindi naman talaga ito nabalian. Pero pinalampas na lang niya ito."Kanino 'yan?" Ang tinutukoy ng pari ay ang pulang bayong na nasa tabi ni Minggay. "Anong laman n'yan?""Wala pong laman. Pinakuha lang po ni Lola dahil lalagyan daw po ng mga pinamili niya mamaya. Uuwi siya sa kanila... Ummm sa amin mamaya. Pero babalik din daw po siya agad dito."Hindi napansin ni Father Mer ang pagkadulas ni Minggay. "Ah gano'n ba. Uuwi lang pala. Akala ko aalis na siya nang tuluyan. As in iiwan na niya rito.
"Gremlins, matagal pa ba kayo? Inaantok na kasi ako." Mag-a-alas nuwebe na ng gabi at sampung minuto nang palakad-lakad sina Kape at Ulan sa hardin pero hanggang ngayon hindi pa sila nakakapagbawas. Nakaupo siya sa bench at nakatingala sa langit. Walang kahit isang bituin siyang makita. Natabunan siguro ng mga ulap, baka uulan ngayong gabi.Hindi maalis sa isip ni Father Mer ang narinig na mga iyak at boses kanina sa may hagdan. 'Yung iba parang nagmamakaawa, humihingi ng saklolo. Galing ba 'yon sa second floor? Imposible naman yata. Walang tao roon. Napakadilim pati. Saka parang nasa malayo galing ang mga boses na kanyang narinig. Pero bakit niya naririnig kung totoong nasa malayo nga ito? Isa pa, bakit gano'n na lang ang inasta nila Kape at Ulan? Unang beses na nakita niyang ganoon ang mga alaga niya. Maaamo ang mga ito. Ni hindi mo nga maaasahang maging bantay sila ng bahay dahil siguradong kakaibiganin lang nila ang magnanakaw. Ano kaya kung akyatin niya ang ikalawang palapag? Wa
Sa loob ng tricycle, seryoso si Father Mer. Ni hindi man lang niya magantihan ng kahit maiksing ngiti ang driver na nakikipagbiruan sa kanya sa sasakyan. Nagpupuyos kasi siya sa galit. Paano ito nagawa ng dalawang matanda sa tahanan ng Diyos pa man din? Isang 'di katanggap-tanggap na krimen.Ibinayad ni Father Mer ang natitirang singkwenta pesos sa kanyang bulsa. Hindi na niya hinintay ang sukli. Basta nagmamadali siyang bumaba ng tricycle para makapasok na siya sa compound ng simbahan at magkulong na lang sa kanyang kuwarto buong araw sa sobrang inis. Pero napahinto siya sa may gate. Bakit bukas 'to? Sinarado niya 'yung gate bago umalis kanina, iyon ang pagkaka-alala niya. May narinig siya sa kanyang kaliwa. Parang mahinang iyak ng pinalong tuta. Nilingon niya iyon at nakita si Ulan ilang metro lang ang layo sa kanya. May inaamoy-amoy ito sa damuhan. Tinawag niya ang alaga pero hindi siya nito pinansin kaya siya na lang ang lumapit."Ulan, anong ginagawa mo dito sa labas? Nasa'n si.
Halos hindi na maidilat ni Father Mer ang mga mata sa sobrang mugto ng mga ito. Bumangon siya at muling napahiga dahil sa sakit ng kanyang ulo na para bang tinadyakan ito ng tatlong kabayo. Inabot niya ang isang baso ng tubig na nakapatong sa lamesitang katabi ng kama para basain ang nanunuyo niyang lalamunan. Pakiramdam niya ay naubos na ang lahat ng tubig sa kanyang katawan sa ilang oras na pag-iyak noong nagdaang gabi.Nakatingin siya sa kisame. Kumurap-kurap para alisin ang agiw ng antok at pagod. Kahit na bigat na bigat ang buo niyang katawan, pinilit pa rin niyang umupo sa gilid ng kanyang kama para magdasal ng pasasalamat para sa panibagong araw na ipinagkaloob sa kanya. Noong una ay puro pa siya papuri sa Diyos hanggang sa napalitan ito ng pagsusumbong sa kanya at pagmamaktol. Bakit ayaw mawala ng bigat ng kalooban niya? Ng sakit niya sa pag-iisip? Bakit ba siya tina-traydor ng mga taong itrinato at pinakitaan naman niya ng kabutihan? Bakit kailangan niyang kunin si Kape? Hind
Naalimpungatan si Father Mer sa mga tilaok ng mga manok. Hindi niya namalayan na bente minutos na pala siyang naiidlip. Nakasandal siya sa isang kubling bahagi ng malaking aparador na nakapuwesto malapit sa tinakpang hagdanan, inaabangan ang paglabas ng magnanakaw sa sikretong pinto.Naiinis siya sa sarili. Baka kanina pa nakalabas ang magnanakaw nang 'di niya namamalayan. O baka nakatakas na ito sa isa sa mga bintana sa taas. "Napakatanga mo naman, Mer. Ang tanga-tanga mo. Nakatakas na tuloy 'yun," pinagalitan niya ang sarili, pero hindi pa rin siya umaalis sa kanyang pinagtataguan. Umaasa na hindi totoo ang kanyang hinala.Hinawakan niya nang maigi ang floor mop na kinuha niya kanina sa may kusina. Gagamitin niya iyong panghambalos sa ulo ng kawatan. Sampung minuto pa ang lumipas at susuko na sana siya nang unti-unting bumukas ang sikretong pinto. Ang tunog ng langitngit nito ay lumikha ng ingay sa Casa Del Los Benditos.Dahang-dahang tumayo si Father Mer mula sa madilim na sulok n
"Ang ganda naman ng kuwintas mo. Sino nagbigay sa'yo n'yan?" hahawakan sana ni Father Mer ang kuwintas para kilatisin pang maigi pero naunahan siya ni Minggay. Dagli niyang dinaklot ang pendant at saka itinago sa loob ng kanyang kuwelyo."Bi-bigay po siya ng Mama ko," pagsisinungaling ni Minggay.Ipinag-kibit balikat na lang ni Father Mer ang ginawang iyon ni Minggay. Baka kasi nahihiya lang ang bata. "Nasa'n na nga pala mga magulang mo? Bakit si Nana Conrada na ang nag-aalaga sa'yo?" "W-wala na po sila. Pa-patay na po," lumungkot ang mga mata at labi ni Minggay para mas magmukha siyang kapani-paniwala.Tumalab naman ito sa pari. "Ah, gano'n ba? Pasensya na kung matanong ko. Gusto lang kasi kitang makilala at maging kaibigan."Umiwas ng tingin si Minggay sa nakangiting mukha ng pari. Siguradong mapapalitan ng galit ang mga ngiting iyon kung malaman nito ang lihim ng Casa Del Los Benditos. Nakokonsensya tuloy siya sa ginagawa."Sige na't maligo ka na doon at galing ka pa sa pakikipagh
Simula noong gabing iyon, nang madiskubre ni Father Mer ang pagnanakaw ng dalawang matanda, lihim na niya silang minamanmanan mula sa malayo. Hangga't maaari, hangga't hindi pa siya nagpapahinga, inaalam niya muna kung saan nagsusuot o kung saan niya sila huling nakita bago niya gawin ang kanyang iba pang trabaho.Mahirap iyon para kay Father Mer dahil hindi siya ang tipo ng tao na kayang magpanggap kapag may nakikita na siyang mali at hindi magandang gingagawa ang kanyang kapwa. Pero kailangan muna niyang manahimik muna at mag-obserba bago siya gumawa ng anumang konklusyon tungkol kina Nana Conrada at Manong Jerry. Baka naman kasi mali lang ang pagkakaintindi niya sa nakita."Kain na po kayo, Father habang mainit pa yung kanin at sinigang." Kinatok siya ni Nana Conrada sa kanyang kuwarto. "May guyabano rin po akong nabili. Baka gusto niyo po at ipaghihiwa ko po kayo.""Ah, sige po. Ako na lang po ang bahala. Salamat po, Nana," nakangiting sabi ni Father Mer kahit na naglalaro sa isip