Share

Beyond The Lines
Beyond The Lines
Author: Inbluence

Simula

Sa pangalawang pagkakataon ay tiningnan ko ang relos sa aking palapulsuhan upang makita ang oras doon. Halos kahalating oras na pala ang nakalipas. Kaunti na lang at matatapos ko na ito.

Muli akong nag-angat ng tingin, direkta sa lalaking mag-isang nakaupo sa katabing cottage kung saan ako naroon. Naka-side view siya kaya marahil ay hindi niya ako napapansin at bukod diyan ay seryoso siyang nagbabasa ng libro. Nakapatong naman sa mesa ang sketchpad ko kaya naging madali sa akin na iguhit siya. Pinatungan ko pa ng kaunting shading ang paligid at dinagdagan ng highlight ang kaniyang wavy hair bago muling tinitigan ang kabuuan ng drawing. Isinama ko na rin sa sketch ang cottage.

Habang pinapasadahan ito'y hindi ko maiwasang mamangha, hindi sa sketch kundi sa kaniya mismo. Marami naman na akong nakilalang lalaki na mahihitsura rin pero sa kaniya lang ako na-attract. Paano ba naman kasi, ang ganda ng pagkakahugis ng ilong niya. Mas lalo siyang naging gwapo sa paningin ko dahil sa ilang hibla ng buhok na nakatakas sa kaniyang noo.

Nang magawi ang tingin ko sa mga labi niya ay 'di ko mapigilang isipin kung gaano kalambot ang mga iyon. Bahagyang napahigpit ang hawak ko sa lapis. Kinagat ko ang labi ko para pigilan ang ngiting gustong kumawala roon.

“Hoy, Alliyah!”

Napapitlag ako sa sigaw ni Venus, ang nag-iisa kong kaibigan. Agad siyang pumasok sa cottage at tumabi sa akin. Bago pa ako makakilos ay huli na nang makita niya ang drawing ko.

“Oh. My. G.” Sapo ang kaniyang bibig, binalingan niya ng tingin ang lalaking nasa kabilang cottage at pagkatapos ay tinapunan niya ako ng naglalarong tingin.

“I just find him, uhh... cute,” dispensa ko bago pa mabahiran ng kung ano ang isip niya.

“Exactly! Crush mo siya! Oh my!”

“Ang bibig mo!” anas ko.

Nangunot ang noo nung lalaki nang tila marinig niya ang ingay malapit sa kaniya. Tuloy ay napalingon siya sa direksiyon namin. Mabilis akong tumungo habang ramdam na ramdam ko ang pag-init ng pisngi ko. Si Venus naman ay umaktong may katawagan sa cellphone niya. Naku, pamahak talaga ito kahit kailan!

“Oh, yes, yes! I'm so happy for you! Finally, magkakajowa ka na! Hahaha!” aniya habang may paghampas pa sa mesa.

Mariin akong napapikit. Gusto ko na lang lamunin ng lupa!

Ilang segundo ang lumipas, natahimik na si Venus. Nang mag-angat ako ng tingin mula sa pagkakayuko ay nakita kong wala na roon ang lalaki. Hindi ko alam kung bakit tila bigla akong nanlambot.

“Ano ka ba!” sermon ko sa kaniya. “Muntik na akong mahuli!” Tiyak sobrang nakakahiya iyon.

“Yiiiiee! Ikaw ha! Dumadamoves ka d'yan!” aniya at nasundan pa ito ng nakaririnding hagikhik.

“Tama na nga. Buti na lang tapos na ako nung dumating ka.” Pinagmasdan kong muli ang sketch na para bang naghahanap ng kulang.

Ah, oo. Mayroon nga.

Kalahati lang ng katawan niya ang nahagip sa drawing kaya sa ibaba ng kaniyang braso ay doon ko swabeng isinulat ang pirma ko.

“Kilala mo ba iyon?” untag ni Venus.

“Hindi. Pero... mukha siyang anak-mayaman, ano?”

Hindi naman siguro masamang mamangha. Sa makinis na kutis pa lang nung lalaking iyon, malaki ang posibilidad na nakaaangat sila sa buhay.

“Ah! Hindi kaya sa kaniya yung kotseng naka-park sa entrance?”

Isinara ko na ang sketchpad at isinilid ito sa dala kong backpack kasama ng lapis. “Lumabas ka?” baling ko kay Venus.

“Oo. Inutusan ako ni Tiyo Banny na maghanap ng signal para ma-receive yung texts mula sa anak niya.”

“Kung sabagay, ngayon lang din may nagawing ganoong sasakyan dito. Hindi naman kasi 'to mamahaling beach na dinarayo ng mga turista. Malamang ay sa kaniya nga iyong kotseng nakita mo. Pero ano naman kaya ang ipinunta niya rito?”

“We don't know. Gusto mo bang malaman?”

May parte sa akin na gusto ko siyang makita ulit pero may parte ring natatakot na baka mahalata niyang interesado ako sa kaniya. Ngunit wala na rin akong nagawa nang hatakin ako ni Venus palabas ng cottage.

“Saan ang punta n'yo?” usisa ni Nanay nang madaanan namin siya sa pampang. Sa tabi niya ay naroon ang basket na malapit nang mapuno ng shells na pinupulot niya.

“Sa labas lang po, 'nay. Babalik din kami kaagad.”

“Oh, sige. Bilisan n'yo at magtatanghalian na tayo.”

Dahan-dahan kaming sumilip sa entrance para tingnan kung may tao roon. Mabuti na lang at wala.

“Ito yung kotseng sinasabi ko,” agad na turo ni Venus.

Isang kulay itim na BMW ang nabungaran ko. Sumisigaw iyon ng karangyaan na siyang nangibabaw sa lahat ng sasakyang kalapit nito. Sa katabi nung kotse ay naroon ang tricycle ni Tiyo Banny na siyang sinakyan namin patungo rito. Nasa kabilang barangay lang kasi ang bahay namin at puwede rin namang lakarin pero dahil may mabibigat kaming dala ay inihatid kami ni Tiyo Banny.

Isang maliit at simpleng beach lang ang lugar na ito na pahingahan ng bystanders at workers. Mayroong maliit na restaurant sa loob at yung may-a*i no'n ay sa amin bumibili ng mga sa*iwang gulay. Kung minsan ay pinapakyaw rin nila ang aming ani kaya halos dito na rin ako lumaki.

Halatang vintage yung kotse dahil sa dilim ng kulay ng mga salamin nito. Dahil sa papatirik nang araw ay malinaw kong nakita ang repleksyon ng mukha ko sa salamin. Pinaglandas ko ang aking mga daliri sa tuwid kong buhok habang nakatingin roon. Gaya ng nakasanayan ko'y ngumiti ako sa salamin. Sa sobrang kintab noon ay mahihiyang manalamin ang may amos sa mukha.

“Oy, teka. May paparating,” bulong ni Venus dahilan para mapalingon ako.

Agad kaming umatras at dumiretso na lang patungo sa likod ng tricycle ni Tiyo Banny.

Mukhang kaedaran lang namin iyong lalaking tinutukoy ni Venus. Good thing, hindi siya yung lalaking nasa cottage kanina. May bitbit itong supot ng gulay sa magkabila nitong kamay. Diretso itong nagtungo sa kotse, sa kabilang side nung pinagsalaminan ko kanina.

“Let's go, bro,” rinig kong saad nito na mukhang may kausap sa loob.

Kunot-noo kong pinanood ang pagpasok niya roon hanggang sa magsara ang pinto ng sasakyan.

Nang magsimulang umandar ang engine nito ay kabado kong nilingon si Venus sa tabi ko.

“Shit,” hindi makapaniwalang turan ko.

Wala na sa harapan namin ang sasakyan pero nanatili akong tulala.

“Hala!” bulalas ni Venus nang pareho na naming napagtanto ang isang bagay.

“Venus, m-may tao roon kanina pa!” Gusto kong maiyak sa kahihiyan. Posibleng naroon kanina yung lalaking iginuhit ko!

“Oh. My! Alliyah! Nandoon pala sa loob yung guy na hinahanap natin! Tapos nanalamin ka pa sa kotse niya!”

“Ayun na nga, 'di ba! Hindi ko rin alam! Kasalanan mo 'to, Venus!” naiiyak kong sabi.

Hindi ako makapaniwalang nangyari ito sa akin ngayon!

Malamang ay kitang-kita niya ako kanina. Ngumiti pa man din ako sa bintana! Gusto kong pagalitan ang sarili ko ngunit huli na. Sana lang ay agad din niya akong makalimutan.

Nakakahiya, sobrang nakakahiya!

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Diamonica DM
found yah, Blue ...
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status