Share

CHAPTER 3.2

PAGTAPOS NAMIN KUMAIN ay nilinisan ko na si Papa ng katawan. Pinunasan ko ito at pinagpahinga na sa kwarto niya. Ang mga kapatid ko ay nasa kwarto na rin nagpapahinga. Naghugas muna ako ng pinggan bago naghilamos at pumasok sa kwarto.

Nilapitan ko ang isa sa paper bag na naglalaman ng mga damit galing kay Brianna. Ito ang mga outfits na susuotin ko kapag secretary na ako. Kinuha ko ang isang paper bag at inilabas ang laman. Itinapat ko ito sa katawan ko. Nasukat ko na ang lahat ng ito at alam ko na ang dapat magkaka-partner para magandang tignan.

Binilinan ako ni Brianna na dapat maganda ako dahil mapili ang CEO. Ibinaba ko ang damit at ibinalik sa loob ng paper bag. Kinuha ko ang maliit na salamin ko at saka pinagmasdan ang mukha. Bago umuwi ay dinala ako ni Brianna sa salon at spa. Sobrang sarap sa feeling. Parang natanggal lahat ng libag ko sa katawan at mukha. Sobrang lambot rin ng buhok ko at napakabango. Hindi lang damit ang binigay ni Brianna sa akin, pati na ang shampoo, sabon, perfume at ilang makeup na nagkakahalaga ng libo.

Ibinaba ko na ang salamin sa ibabaw ng plastic na drawer namin na bakas na ang kalumaan dahil sa pagkupas ng kulay nito at pagbabakbak ng ilang parte. Konting tiis na lang, mapapalitan din kita ng mas maganda.

Humiga ako sa tabi ni Potpot at nasa kabilang gilid naman si Pia. Mahihimbing na ang tulog. Inunan ko ang braso ko. Tumagilid ako at humarap sa kanila. Inangat ko ang kumot sa taas ng katawan nila.

Kahit mahirap, kahit anong harapin ko ay handa akong gawin para sa mga batang ito at sa tatay ko. Nang dapuan ako ng antok at bumigat na ang talukap ng mga mata ko ay unti-unting akong pumikit.

Kinabukasan, matapos makapasok ng mga kapatid ko ay naghanda na ako. Ngayon ay magpapasa ako ng resume sa kumpanya. Bilin ni Brianna na idiretso ko ito sa HR manager. Kaya iyon ang susundin ko. Ibinilin ko si Papa sa tita ko bago umalis.

Abala ang isip ko sa pag-i-imagine ng mga scenes pagdating sa Contero's Corporation. Ini-imagine ko rin na isa na akong secretary. Ang tunog ng heels ay nag-e-echo sa tenga ko. Ang calls galing sa CEO.

"Hoy, Peng! Saan ang punta mo?" Lumingon ako sa nakahalukipkip na Marco habang nakasandal sa pader. Huminto ako kaya naman ay lumapit siya sa akin.

"Mag-a-apply ako ng trabaho. Hulaan mo kung anong position ang a-apply-an ko!" Ngumisi ako nang nakakaloko habang nakatingin sa kaniya. Siningkitan niya ako ng tingin. Inobserbahan ako mula ulo hanggang paa. Dahil hindi ko pa naman suot ang bigay ni Brianna, walang clue na magtuturo kay Marco na secretary ang position na ia-apply ko.

"Alam ko na, Peng," ani Marco at ngumisi. Tinaasan ko siya ng kilay. Nahulaan niya?

"Ano?"

"Ano pa ba, edi waitress!" Halos mapahagalpak ako ng tawa dahil sa confident na sagot ni Marco. Umiling ako habang tumatawa.

"Secretary kaya! Kailan pa ako naging excited nang ganito sa pagiging waitress? Ayoko na maghawak ng pinggan, papel naman ang gusto ko," humina ang boses ko at napanguso. Hinawakan ni Marco ang ulo ko at ginulo ang buhok. Lagi niyang ginagawa ang paggulo sa buhok ko. Inayos ko ito at saka hinampas siya. Tinawanan niya lang ako

"Oo nga pala, secretarial nga pala ang tinapos mo. Tara, ihahatid kita," aya niya.

"Hanggang sakayan lang ng jeep, Marco, ha!" Tumango naman siya kaya sumakay na kami sa motor niya. Hinatid niya ako hanggang sakayan ng jeep. Pagkatapos ay sumakay sa jeep na papunta sa lugar na tinuro ni Brianna.

TUMINGALA AKO habang pinagmamasdan ang buong building ng Contero Corporation. Halos mahulog ang mata ko sa lula kahit nasa baba lang ako. Ilang floor kaya ito?

Pinagmasdan ko ang nakalagay na 'Contero' na kulay ginto. Hindi ko na pinatagal pa at pumasok sa loob. Nagsulat ako sa log book bago pumasok, para sa mga walang maipakitang ID.

Nang mai-abot ko ang resume ko sa HR manager na tinutukoy ni Brianna ay bumaba na ako. Pero paglabas ko ng building ay sa parking lot ako napadpad. Kumunot ang noo ko. Nakakalito at nakakaligaw naman kasi ang lugar na ito sa sobrang laki. Sa parking lot tuloy ako lumabas. Nandito na rin naman ako, dito na lang ako dadaan.

Wala naman masyadong dumadaan na sasakyan. Pumunta ako sa kabilang side habang nakatingin sa relo ko. Maaga pa, ayoko pang umalis sa lugar na ito. Bukas pa ang interview kaya kailangan kong bumalik. Sa wakas, maisusuot ko na ang skirt at blouse na pang-secretary. Excited na ako!

*Beeeeeeep!*

Paglingon ko ay may humaharurot sa sasakyan papunta sa gilid ko. Mabilis na napaupo ako at pumikit sa takot. Hinihintay ko ang masakit na pagtama ng sasakyan sa parte ng katawan ko.

Dumilat ako, nagmasid sa paligid. Ang kotse ay ilang metro na lang ang layo sa akin. Tumayo ako at kinumusta ang katawan kung may galos. Wait, patay na ba ako? Ganito ba ang feeling nang maaksidente?

Napatingin ako sa lalaking lumabas sa sasakyan niya. Hindi lang basta lalaki. Gwapo, matangkad, mukhang mabango at malinis. Mukhang anghel ito. Naka-formal attire siya na hula ko ay isang employee rin dito. Pero kung ikukumpara sa mga employee dito ay hindi hamak na mas mukhang sosyal at mamahalin ang damit niya.

"Kung gusto mo magpakamatay, 'wag dito. Mas mahalaga pa ang—"

Hindi ko alam kung anong nagtulak sa akin na kuwelyuhan ang lalaking nasa harap ko nang sigawan niya ako. Bahagyang nanlaki ang mata niya. Binigyan ko siya ng matalim na tingin.

"Balak mo ba akong patayin!? May pamilya pang naghihintay sa akin pero dahil sa kayabangan mo muntik na akong mamatay!" sigaw ko sa kaniya. Dahil sa mga barumbado at mayayabang na katulad niya sa daan, may mga inosenteng buhay ang nasasayang.

Napaawang ang bibig ko nang mabilis niyang hatakin ang kamay ko at inilagay sa likod. Ngayon ay ako na ang nakatalikod sa kaniya. Narinig ko ang mahinang pagtawa niya. Napangiwi ako dahil pakiramdam ko ay mapipilay ako at mapuputulan ng ugat.

"How dare you, woman?" aniya sa nakakakilabot na boses. Malakas na hinatak ko ang kamay ko. Nagtagumpay naman ako na makaalis sa tabi niya. Bumaba ang tingin niya sa envelope na nasa baba na naglalaman ng copy ng resume ko. Inunahan niya ako sa pagkuha nito at saka tinignan ang laman.

"Ibalik mo sa akin 'yan, hindi mo ba alam ang salitang privacy?" Hindi niya ako pinansin. Lumawak ang ngisi niya habang nakatingin sa resume ko.

"You're applying here without enough knowledge about this company? You don't even know who's the CEO?" mayabang na wika ng lalaki habang niluluwagan ang necktie. Napakayabang! 

Nagulat rin ako sa ginawa ko. Tumatapang yata ako? Samantalang hindi ako makabasag pinggan sa pagsasalita, pero kung totoong pinggan... Hehe. Maraming beses na. Siguro nadala ako ng emosyon ko sa sobrang pag-aalala sa pamilya. Hindi pa ako handang iwan sila sa ganitong estado ng buhay.

"S-sorry." Mula sa pagiging tigre ay tila naging isang maamong tupa ako. Mabilis pa sa kidlat na inagaw ko ang resume ko sa kamay niya. Tumakbo ako paalis sa parking lot na iyon at umuwi.

Baka isumbong ako no'n sa CEO tapos hindi ako makapasa sa interview. Huhu. Halos maiyak ako sa kaba habang nasa jeep. Ano bang kagagahan ang ginawa ko?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status