Share

CHAPTER 1

EMERALD’S POV

(8 years later)

“Happy birthday, Emerald!”

Napangiti na lamang ako nang makita kong may hawak na maliit na cake si Nanay Linda, ang yaya na siyang nagpalaki sa akin. Taon-taon na niyang ginagawa ito simula nang mapalipat ako sa bahay ng aking ama. Siya na ang tumayong ina ko. Siya ang nag-alaga at ang tanging tao na nagpakita sa akin na katanggap-tanggap ako.

“Thank you po, Nanay Linda,” masayang sambit ko naman.

Bukod sa cake ay may nakalagay na rin na breakfast sa may side table ko. Ika-dalawampu’t anim na kaarawan ko ngayon at alam kong parang isang normal na araw lang ang dadaan ngayon. Tanging si Nanay Linda lang ang nagpaparamdam sa akin na espesyal ang araw na ito.

“Anong lakad mo ngayong araw?” tanong pa niya sa akin.

Tipid naman akong napangiti. “Nanay, may sasabihin po sana ako sa inyo pero huwag niyo po munang ipagsasabi sa kahit na sino ha?”

“Aba ay oo naman. Kailan ko ba naman sinira ang tiwala mo?” pabiro naman niyang sagot sa akin.

Mabilis naman akong napatango. Kay Nanay Linda ko lang din kasi nagagawang sabihin ang lahat ng mga sikreto ko, at ni isa sa mga iyon ay walang nakarating kina Papa or Tita Haidee. Kaya malaki ang tiwala ko kay Nanay Linda.

“Ngayon ko na po kasi balak sagutin si Marco,” mahinang sagot ko sa kaniya.

Si Marco del Mundo ang kaibigan ko simula no’ng college, at nagsimula siyang manligaw sa akin noong isang taon. Noong una ay kaibigan lang ang tingin ko sa kaniya ngunit sa kalaunan ay nahulog na rin ang loob ko sa kaniya. At masasabi kong simula noong unang heartbreak ko, ngayon na lang ulit natuto ang puso ko na magmahal.

“Aba mabuti naman kung ganoon. Buong akala ko ay papaasahin mo na lang siya e,” tuwang tuwa na sambit naman ni Nanay Linda.

Napatawa naman ako. Lagi kasi niyang sinasabi sa akin noon na deserve ko rin namang sundin ang puso ko.

“Pakiramdam ko po kasi ito na po ang tamang panahon para sabihin sa kaniya ang tunay kong nararamdaman.”

Naputol ang pag-uusap namin nang biglang mag-alarm ang phone ko. Mabilis namang kinuha ni Nanay Linda ang towel ko at iniabot sa akin.

“O siya, mamaya na tayo magkwentuhan dahil baka ma-late ka pa sa trabaho mo. Maligo ka na doon. Teka, paano itong almusal mo?” natatarantang sabi pa niya.

“Nay, katulad po ng dati, babaunin ko na lang po ‘yan,” nakangiting sabi ko naman.

“Oo, tama, sige. Ihahanda ko na ito at ikaw ay maligo na. Sige na, hija.”

Tumayo ako at lumapit kay Nanay Linda upang yakapin siya. Bahagya namang natigilan si Nanay sa ginawa ko.

“Maraming salamat po talaga, Nanay Linda.”

Pagkabi ko noon ay mabilis akong pumasok sa CR. Ayoko na kasing makita pa niya ang mga luhang kumawala sa mga mata ko. Napatitig na lang ako sa sarili ko sa salamin. Ganito na lang kasi lagi ang senaryo kapag kaarawan ko. Gigisingin ako ni Nanay Linda upang ibigay sa akin ang cake na siya mismo ang bumili. At pagkatapos noon ay papasok na agad ako dito sa CR upang itago ang pag-iyak ko.

Taon-taon na lang ako umiiyak tuwing birthday ko. May pamilya akong kinagisnan, ang pamilya ng ama ko ngunit ni minsan ay hindi ko naramdaman na myembro talaga ako ng mga Villafuente. Ganito yata talaga kapag naging bunga ng isang kasalanan. Anak ako ni Papa sa ibang babae, kaya halos kaedad ko lang ang kapatid kong si Brenna.

Bata pa lamang ako nang mamatay ang aking ina, at simula noon ay kinupkop na ako ni Papa. Iniuwi niya ako dito sa bahay at ipinakilala sa asawa niyang si Tita Haidee at anak na si Brenna. Mas matanda sa akin si Brenna pero ayaw niyang tawagin ko siyang ate. Ayaw na ayaw sa akin ng mag-ina dahil anak lang ako sa labas ngunit nanindigan si Papa na kupkupin ako dahil nga sa ulila na ako sa ina. Walang nagawa sina Tita Haidee kundi ang pumayag sa desisyon ni Papa ngunit hindi maganda ang trato nila sa akin.

At kahit kinupkop ako ng ama ko, hindi ko siya naramdaman sa paglaki ko. Lagi kasi siyang nasa kumpanya niya dahil pinapalago niya ito. Kaya madalas ay ang mag-ina lamang ang nakakasama ko sa bahay na ito. Mabuti na lang talaga na naging mabait sa akin si Nanay Linda kaya kahit papaano ay nagawa kong tumanda ng ganito sa bahay na ito.

Kaya tuwing kaarawan ko ay ako lang talaga mag-isa. Baka nga hindi alam ni Papa ang birthday ko. At ang mag-ina, wala namang pakialam sa akin. Gustong gusto ko nang umalis sa bahay na ito ngunit hindi ko kayang iwan si Papa. Kahit papaano ay nagpapasalamat pa rin ako sa kaniya dahil pinanindigan niya ako.

Matapos ang ilang minutong pag-iyak ay nagpasya na akong maligo. Kahit birthday ko ay mas pinili ko pa ring pumasok sa trabaho ko. Mas gusto kong sa opisina na lamang ako maghapon kaysa ang magmukmok dito sa bahay.

Sa isang sikat na financial company ako nagtatrabaho. Mas pinili ko kasing magtrabaho sa ibang kumpanya kaysa sa kumpanya ni Papa. Matagal na nga akong kinukumbinsi ni Papa na magtrabaho sa kaniya ngunit tinatanggihan ko iyon. Masalimuot na ang buhay ko sa bahay na ito at ayokong pati ang workplace ko ay ganoon din. Nasa company na rin kasi ni Papa si Brenna at Tita Haidee. Paniguradong pag-iinitan lang nila ako kung sakali.

Nang matapos ako at makuntento sa itsura ko ay nagoasya na akong lumabas ng kwarto ko. Dito pa lamang sa taas ay rinig na rinig ko na ang tawanan sa baba. Paniguradong masayang nag-aalmusal na sina Tita Haidee. At ganoon na lamang ang excitement na naramdaman ko nang marinig ko ang boses ni Papa. Nandito pa si Papa kaya mabilis akong bumaba at nagtungo sa dining room. Pagpunta ko roon ay sabay-sabay na napatingin sa akin ang tatlo.

“Nandyan ka na pala, Emerald. Sumabay ka na sa amin,” seryosong sabi sa akin ni Papa.

Hindi nakatakas sa paningin ko ang pag-ismid ni Brenna at ang pag-irap sa akin ni Tita Haidee. Sanay na sana na ako sa mga ganoon nila at hindi ko sasayangin ang pagkakataon na makasabay sa pagkain si Papa. Kaya walang pag-aatubiling umupo ako upang sumabay sa kanila.

“Nga pala, Emerald, may family dinner mamaya sa Queen’s Resto,” dugtong na sabi pa ni Papa.

“Ricky, baka busy ‘yang si Emerald sa opisina niya,” singit naman ni Tita Haidee.

As usual, kapag may mga family gatherings, kulang na lang ay sabihin sa akin ng direkta ng tita ko na huwag na akong sumama dahil anak lang naman ako sa labas. Mabuti na lang din na may sariling lakad talaga ako mamaya. Sasagutin ko na si Marco at bukas na bukas ay ipapakilala ko siya kay Papa. Kilala naman na siya ni Papa bilang kaibigan ko pero ipapakilala ko na siya bilang boyfriend ko.

“Kung sa kumpanya na lang natin kasi ikaw magtrabaho, wala sanang problema sa schedule mo,” sabi naman ni Papa.

And as usual, isisingit din ni Papa ang kagustuhan niyang lumipat ako sa kumpanya niya. Hindi ko nga alam kung bakit ipinipilit pa niya iyon kahit halata namang hindi ako gusto ng mag-ina niya. Ganoon yata talaga kapag masyadong busy sa trabaho, nagiging bulag na sa ibang bagay. Wala naman akong sama ng loob kay Papa. Kahit papaano ay gusto pa rin niya akong maging bahagi ng kumpanyang pinaghirapan niya.

“Ano po bang mayroon mamaya?” pag-iiba ko na lamang ng usapan.

“Isang simpleng salu-salo lang naman iyon kasama ang pamilyang may-ari ng TAC Group of Companies. Sa wakas ay pumayag na sila sa paunlak ko,” nakangiting sabi ni Papa.

Matunog ang TAC Group of Companies dahil isa ito sa pinaka-successful na family corporation sa buong bansa. Bukod dito, napaka-ekslusibo ng pamilyang ito dahil iilan lang ang nakakakilala sa kanila. Maski ako ay walang ideya kung sinong pamilya ang nasa likod ng kumpanyang iyon.

“Hindi po ba’t istrikto sila sa mga ganyan, Papa?” hindi ko napigilang itanong.

“Yes, but for some unknown reason, they accept my invitation. It is a great opportunity for our company,” masayang wika ni Papa.

“And Ricky, honey, balita ko ay pupunta rin ang binatang anak nila. Kaya excited itong si Brenna,” sabi naman ni Tita Haidee.

Napatingin naman ako kay Brenna na malawak ang ngiti na animo’y kinikilig pa.

“You know him?” hindi ko napigilang itanong.

“Of course. I have connections, unlike you,” nakangiting sagot niya sa akin bago siya tumingin kay Papa. “Kaya, Papa, baka naman matutulungan mo ako sa anak nila. You know, baka siya na ang nakatadhana sa akin.”

Marahang napailing naman si Papa. “Love is not like that, Hija.”

“Hon, hindi ba’t magandang opportunity iyon? I mean, kung magkaka-inlove-an ang dalawa, magandang image iyon para sa kumpanya natin,” sabi naman ni Tita Haidee.

Hindi pinansin ni Papa ang kaniyang mag-ina, bagkus ay tumingin siya sa akin.

“Makakasama ka ba, Emerald?”

Alanganin naman akong ngumiti. “May lakad po kasi ako, Papa.”

Tumango na lamang si Papa at ibinalik na ang atensyon sa pagkain. Mapait naman akong ngumiti at pinilit na huwag umiyak sa harapan nila. Hindi naalala ni Papa na birthday ko ngayon, o baka hindi lang talaga niya alam na itong araw na ito ang kaarawan ko.

“Excuse me po. Mauna na po ako dahil baka ma-late pa po ako,” ang tanging nasabi ko na lamang.

“Hindi mo man lang tatapusin ang pagkain mo?” hindi makapaniwalang tanong sa akin ni Tita Haidee.

Bahagya akong napangiti. Alam ko naman kasi na mas gusto niyang umalis na ako sa harapan nila. Mas gusto niyang nagmumukha akong bastos sa harapan ni Papa.

“How rude,” mahinang sabi naman ni Brenna na alam ko namang pinarinig pa rin niya kay Papa.

“Emerald, minsan na lang tayo magkasabay sabay sa hapag-kainan. Just let us finish eating before you go,” maawtoridad na sambit ni Papa.

Wala na akong nagawa kundi ang mag-stay na lamang. Kapag kasi si Papa na ang nagsalita, hindi ko na kayang tumanggi pa. Tiniis ko na lamang ang masayang pagkukwentuhan nila habang nakaupo ako at wala nang ganang kumain.

It was always like this, and I wonder until when?

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status