Hindi na nakaiwas si Isobel. Tumama sa mukha niya ang isang baso ng fruit juice!
Agad nagtakbuhan ang mga kasambahay para tulungan siyang punasan.
“Jerson!” galit na sigaw ni Joshua.
Nagulat ang bata at mabilis na tumakbo paakyat ng hagdan.
Susundan sana ito ni Joshua pero mabilis na tumayo si Sabrina at hinarangan siya. “Josh, bata lang siya. You can’t discipline him that way. Ako na ang kakausap sa kanya.”
Pagkasabi noon, sumulyap siya kay Isobel na nagpupunas ng damit. Parang may gusto pa itong sabihin pero hindi na itinuloy.
Doon lang muling nabaling ang atensyon ni Joshua kay Isobel.
“Okay ka lang ba? Tingnan ko nga.”
Nagpunas na si Isobel ng sarili niya, pero inabot pa rin ng lalaki ang mukha niya para sana haplusin.
“Madumi. Don’t touch me.” Bigla iyong lumabas sa bibig ni Isobel.
Hindi naintindihan ni Joshua ang ibig niyang sabihin. “Bakit ko naman iisipin na madumi ka? Ako pa nga ang naaawa sa 'yo.”
“Kung alam ko lang na ganyan ka walang modo si Jerson, hindi na sana kita pinayagang ikaw mismo ang mag-alaga sa kanya.”
Bahagyang ngumiti si Isobel, pero may halong panunuya. “Oo nga. Siguro kung totoong nanay niya ang nag-aalaga, mas maayos. Sayang lang, patay na ang nanay niya, kaya ang adoptive mom na gaya ko, hindi marunong magpalaki ng bata?”
Natigilan si Joshua. Bahagyang tumigas ang mukha niya. “Anong sinasabi mo? Inampon natin si Jerson. Ikaw lang ang nanay niya.”
Pagkasabi noon, hinaplos pa niya ang ulo ni Isobel na parang batang inaamo.
Hindi nakaiwas si Isobel. Bigla siyang nakaramdam ng matinding pagkasuklam.
***
Pagbalik sa kwarto, agad si Isobel pumasok sa banyo at naligo.
Ilang minuto lang, sumunod na si Joshua. Alam niyang ang tunay nitong pakay ay pag-usapan ang tungkol sa pagpapatira kay Sabrina.
Sasabihin man nitong pag-uusap lang iyon, alam ni Isobel na wala naman talaga siyang desisyon. Sila ang tunay na mag-asawa. Siya lang ang stand-in wife.
“Critical stage ngayon ng company. Malapit na ang IPO. Kailangan ka rin doon, at kailangan din ng mag-aalaga kay Jerson. Si Teacher Sabrina, kilalang child development expert na ngayon. Nakita mo naman, nakikinig sa kanya si Jerson…”
“Sige. Pumapayag na ako.”
Hindi na hinayaan ni Isobel na humaba pa ang usapan. Habang mas nakikinig siya, mas nasusuka siya.
“Isobel, alam ko talagang ikaw ang pinaka-understanding. Naiintindihan mo kung gaano kita kamahal.”
Lumambot ang mga mata ni Joshua at akmang yayakapin siya sa baywang.
Mabilis na umiwas si Isobel at inilabas ang cellphone niya. Ipinakita niya sa lalaki ang isang litrato.
Isang villa sa tabing-ilog ang nasa larawan, nasa Eldora District. Mas maganda ang lokasyon kaysa sa kasalukuyan nilang bahay. Mas mataas din ang presyo sa area na iyon.
“Joshua, anong tingin mo dito?”
“Maganda ’yan. Sa lugar pa lang, panalo na. Prime location ’yan.”
Hindi nito agad naintindihan ang punto niya.
“Birthday ko next month. Gusto ko sana ’tong bahay na ’to. Regalo mo na sa akin, okay?”
Ngumiti si Isobel, pilit na ginawang malambing ang boses.
Dalawang taon siyang niloko ng lalaki. Hindi lang oras ang nawala sa kanya, pati career.
Para tulungan si Joshua na makabangon ang kumpanya, tinanggihan niya ang scholarship at offer ng malalaking kumpanya. Pumasok siya sa maliit na company ng Casiño family.
Sa loob ng dalawang taon, siya ang nag-ayos ng sistema at nakapagbalik ng kita. Ilang buwan na lang, magiging publicly listed na ang kumpanya, at ang halaga ni Joshua aabot sa daan-daang bilyon.
Samantalang siya, walang naipon. Halos maubos na.
Hindi niya hahayaang sila ang manalo.
Dati, lagi siyang pinapangakuan ni Joshua na anumang gusto niya, basta kaya nito, ibibigay niya.
Pero hindi siya maluho. Hindi siya humingi ng kahit ano.
Nag-alinlangan si Joshua. “Bakit biglang gusto mong bumili ng bahay? Hindi ba maganda na ’tong tinitirhan natin?”
“Maganda naman. Pero kung investment ang pag-uusapan, mas mataas ang value ng isang ’to. Tataas pa ang presyo in the future. At kapag listed na ang company mo, mas maganda kung doon tayo mag-host ng events. Mas presentable.”
Bawat salita ni Isobel, para sa kapakanan ng lalaki.
Nawala ang pagdududa ni Joshua.
Sa isip nito, ganito pa rin si Isobel. Laging inuuna siya.
Nakaramdam pa siya ng kaunting guilt.
“Basta kasama kita, may mukha na kong ihaharap sa iba. Hindi ko kailangan ng iba.”
Susubukan na naman sana siyang yakapin, pero muli siyang umiwas.
“Sabi ko naman birthday gift ko. Don’t tell me nanghihinayang ka?”
Pabiro niya iyong sinabi.
Napansin ni Joshua na parang iba siya ngayon. Mas may dating. Mas nakakaintriga.
“Magkano ba?” tanong nito.
“Hindi naman gano’n kamahal. Six hundred million lang.”
Nakasmile pa si Isobel.
Bahagyang tumigas ang mukha ng lalaki. Hindi naman siya kuripot kay Isobel. Pero malaki ang halaga.
Gayunpaman, malapit na ang IPO. Ayaw niyang masira ang mood.
“Sige. Kung gusto mo, bibilhin ni hubby mo ‘yan para sa 'yo.”
Agad siyang tumawag sa finance department sa harap ni Isobel.
Kinagabihan, pumasok sa personal account ni Isobel ang anim na daang milyon.
Ayon sa request niya, may note pa ang money transfer. “Para sa bahay ni Isobel. Happy Birthday.”
Mula sa dating isang milyon naging six hundred and one million na ang laman ng account niya.
Simula nang “ikasal” sila, ibinigay ni Isobel kay Joshua ang lahat ng control sa pera. Ang natira sa account niya ay ipon pa noong estudyante siya.
Sa loob ng dalawang taon, ni isang sentimo ng sahod ay hindi niya kinuha.
***
Kinabukasan, paglabas ni Isobel ng kwarto, nakita niya sa ibaba si Joshua na naka-apron, masayang nakikipagkwentuhan kay Sabrina sa kusina.
Si Jerson, parang maliit na buntot na sunod nang sunod sa kanila. Sobrang bait ng kilos, halos hindi niya makilala.
Pero nang makita si Isobel na pababa ng hagdan, biglang nag-iba ang eksena.
Mabilis na inalis ni Sabrina ang kamay niya mula sa balikat ni Joshua. Lumapit naman agad ang lalaki kay Isobel.
“Good morning. Gumawa ako ng breakfast. I cooked it myself. Halika, tikman mo.”
Isang sulyap lang ni Isobel, nakita niya ang masaganang pagkain sa mesa.
May kasambahay naman sila na nagluluto araw-araw. Wala ring habit si Joshua na mag-breakfast, lalo nang pumasok sa kusina. Kaya malinaw na hindi ito basta trip lang.
At kadalasan, rice meal o porridge ang almusal nila. Ngayon ay Western style, may bacon, scrambled eggs, toasted bread, salad, pati fresh juice. Halatang pinaghandaan. At halatang may pinapasaya.
Alam ni Isobel kung para kanino iyon, pero hindi na niya binanggit.
Ngumiti siya at tumingin kay Sabrina. “Lahat ng ’yan, paborito mo?”
“Oo,” natural na sagot ni Sabrina. “Sobrang thoughtful ni Josh. Natakot siyang baka hindi ako masanay sa ibang pagkain. Hindi na marami ang ganyang klaseng lalaki ngayon. Isobel, ang swerte mo talaga. You married such a good husband.”
Ngumiti si Sabrina, pero sa titig nito kay Isobel, may bahagyang pagmamataas.
“Oo nga,” sagot ni Isobel nang magaan ang tono. “Ganyan talaga si Joshua. Hindi lang sa akin, sa lahat ng babae, sobrang gentleman at gentle.”
“Hoy, huwag kang ganyan magsalita,” agad na depensa ni Joshua. “Hindi naman totoo ’yan.”
Magaan ang tono ni Isobel, parang nagbibiro lang silang mag-asawa. Pero hindi natawa si Sabrina.
Napansin ni Jerson na parang hindi masaya si Sabrina. Nang aabutin na sana ni Isobel ang huling piraso ng fried egg, biglang dinaganan ng bata ng toyo na nasa hapag.
Sa sobrang diin ng pagpisil, tumalsik pa sa maputing kamay ni Isobel ang toyo.
“Jerson! Anong ginagawa mo?” galit na sabi ni Joshua.
Mabilis na inabot ni Sabrina ang tissue at ibinigay kay Isobel. Pagkatapos, bahagya niyang sinita si Jerson. “Jerson, kahit busog ka na, bawal mag-aksaya ng pagkain. Tingnan mo, nadumihan pa ang kamay ng mama mo. Say sorry.”
Palihim na inirapan ng bata si Isobel, saka mahinang nagsabi, “Sorry.”
Tahimik na nagpahid ng kamay si Isobel at tinaasan ng tingin ang mag-ina.
Nakataas ang baba ni Jerson habang humihingi ng tawad. Ang tono ni Sabrina ay parang minamaliit ang nangyari.
“Sige, tapos ka na kumain. Bumalik ka na sa kwarto,” sabi agad ni Sabrina.
“Sandali.”
Tumayo si Isobel bago pa makalayo ang bata. Hinila niya ito at dinala sa may pader.
“Tumayo ka nang maayos.”
“Bad woman! Bitawan mo ako!” sigaw ni Jerson habang nagpupumiglas.
Sanay na si Isobel sa ganoong eksena. Mahigpit niyang hinawakan ang dalawang braso ng bata at idiniin ito sa pader. Kumuha siya ng manipis na twit mula sa flower vase sa gilid at walang pag-aatubiling pinalo ang puwitan ng bata.
“Waaah! Waaaah!”
Umiyak nang malakas si Jerson, sa sakit at takot.
“Isobel, ano’ng ginagawa mo? Humingi na siya ng sorry. Kailangan mo ba talagang maging ganito ka-violent sa bata?” hindi na napigilan ni Sabrina at sinubukang awatin siya.
“Teacher Sabrina,” malamig na sagot ni Isobel habang patuloy ang palo, “...anak ko si Jerson. Bilang nanay niya, karapatan kong disiplinahin siya. Ang bilis mong magtanggol. Para bang… anak mo siya?”
Isa pang malakas na palo ang tumama.
Biglang namutla si Sabrina. Napadiin ang kuko niya sa palad. “Ano… bata pa siya. At hindi naman gano’n kalaki ang kasalanan niya…”
“Kung hindi itatama ang maliit na mali, lalaki ’yan na mas malaki pa ang kasalanan. Hindi ako expert sa pagpapalaki ng bata tulad mo. Kung hindi ko siya didisiplinahin nang maayos, ako rin ang mahihirapan.”
Natahimik si Sabrina. Sa sitwasyon ngayon, wala siyang karapatan para pigilan si Isobel.
Nagulat din si Joshua. Dati, kahit mahigpit si Isobel, puro salita lang. Hindi pa niya ito nakitang talagang nanakit.
Totoo, sumobra si Jerson. Pero hindi rin niya matiis ang tingin ni Sabrina.
Lumapit siya at hinawakan ang kamay ni Isobel. “Sige na, tama na. Napalo mo na. It's enough.”
Ilang beses na rin napalo ang bata. Kahit paano, nabawasan ang galit ni Isobel.
Inihagis niya ang tangkay sa sahig. Agad na tumakbo si Jerson at nagtago sa likod ni Sabrina.
Hikbi ito nang hikbi. Hindi na nito magawang magmatigas pa kay Isobel.
Tahimik na tinapik ni Sabrina ang likod ng bata.
“Jerson,” malamig pero malinaw ang boses ni Isobel, “...habang ako pa ang nanay mo, matuto kang rumespeto. Kapag hindi mo natutunan ’yan, hindi biro ang makukuha mo sa hawak kong pamalo.”
Ngumiti pa siya habang sinasabi iyon.
Tumahimik si Jerson. Pati si Joshua, natigilan.
Pagkatapos magsalita, umalis si Isobel sa dining area.
Hindi nagdalawang-isip si Joshua at susundan sana siya, pero hinila siya ni Sabrina.
“Joshua…”
Punong-puno ng sama ng loob ang mga mata nito. Halos hindi na ni Sabrina kaya.
Alam niyang mahal siya ni Joshua sa loob ng maraming taon. Matibay ang relasyon nila, kaya kampante siya. Kaya rin niyang magpaka-gentle at magpaka-understanding.
Pero ngayon, sobra na.
Mula pa noon, ayaw ng lolo ng Casiño family sa relasyon nila. Pinilit silang paghiwalayin. Wala pang kakayahan si Joshua noon para lumaban. Halos mawalan ng trabaho si Sabrina, at kalaunan ay tuluyang umalis bilang counselor at lumipat bilang child education teacher.
Wala silang choice noon. Kaya humanap si Joshua ng panakip-butas.
Tinanong pa ni Sabrina noon kung bakit si Isobel ang pinili.
Sa simula, dahil maganda raw si Isobel. Kapag dinala ni Joshua sa bahay para ipakilala, mas kapani-paniwala. Pagkatapos niyang imbestigahan, nalaman niyang ulila si Isobel, walang aasahan, pero top student sa finance. Maraming kumpanya ang gustong kumuha sa kanya.
Kapag naging girlfriend ni Joshua si Isobel, malaking tulong din sa negosyo.
Para mapanatag si Sabrina, ilang buwan pa lang silang nagde-date ni Isobel, palihim na silang nagpakasal ni Sabrina.
Sa ganitong paraan, kahit kasama ni Joshua si Isobel, ang anumang ari-arian na maipon ay legally kasama si Sabrina.
Pinangakuan pa ni Joshua si Sabrina na kapag nakuha na niya ang kontrol sa pamilya, iaanunsyo niya ang relasyon nila.
Sa buong kwento, si Isobel ay isa lang tool. Isang panangga.
Pero ngayon, ang isang tool, naglalakas-loob nang umasta sa harap niya?
Hindi iyon matanggap ni Sabrina.
Nasasaktan si Joshua nang makita ang kalagayan ni Sabrina. Pero hindi pa ito ang tamang oras para tuluyang kalabanin si Isobel.
Mahigpit niyang niyakap si Sabrina. Ngunit nakakunot ang noo niya.
Pagkatapos, binitiwan niya ito at mabilis na sinundan si Isobel palabas.