Share

Chapter Two

“Andiyan na si Andres.”

Kumunot ang noo ko dahil sa bulungan nilang iyon. Ang daming mga estudyante ngayon sa hallway. Parang may apocalypse na nangyayari. Hindi naman sila nakaharang sa daraanan ko kaya madali sa akin ang maglakad.

Wala naman akong pakialam kung anong ginagawa nila sa mga buhay nila. Ang akin lang, late na naman ako.

“Andres.”

May kumabig sa braso ko kaya napahinto ako sa paglalakad. Mabilis na nilingon ko ang kumag na iyon na magiging dahilan ng pagkahuli ko sa klase.

Isang lalaki. Para pa siyang kinakabahan na magrereport sa akin tungkol sa lesson ngayong araw.

“Bakit?” Tanong ko.

Ngumiti siya saka niya inabot sa akin yung nakatago sa likod niyang bulaklak. Parang namumukhaan ko ang bulaklak na hawak niya. Yan yung bulaklak sa gilid ng cafeteria. Haist.

“Para sa iyo, Andres.”

“Hindi pa ako patay para bigyan mo niyan. Next time, ayusin mo ang pagpitas.”

“WHOAAAAAHHH!! MA’H MEN! SUPALPAL!”

Hindi ko na sila pinansin at mabilis na akong naglakad papasok sa classroom. Sanay na ako sa mga ganun. Lagi naman nila akong pinagtitrip-an. Pero siyempre, mas malakas ang trip ko araw-araw.

“Why are you late?”

Bago pa ako makakatok ay naunahan na ako ni Sir. Napansin ko agad ang ayos ni Sir. Para siyang nagpa-salon dahil ang kintab ng buhok niya. Wala na ring gusot ang suot niyang uniporme. Nagbago ang lahat sa kaniya ngayon.

Mukha siyang may liligawan. Sino kaya ang malas na natipuhan ng kumag?

“E, natrapik kasi yung sinakyan kong jeep kanina, Sir.” Pero siyempre hindi yun ang nangyari. Sinabihan ko si John na gisingin ako nang maaga sa normal kong gising pero tinanghali rin daw siya ng gising kaya, ayun nagmadali na ako.

“Kung hindi absent, lagi namang late. Sige, pasok.”

Mabilis na naglakad ako papunta sa puwesto ko saka ako naupo sa tabi ni Gracie. Patago siyang nagbabasa ng paborito niyang libro.

Sa likuran ang puwesto namin kaya hindi kami mapapansin agad.

“Going back to our topic…”

And as usual, hindi ako nandito para makinig. Hindi naman talaga ako pumasok para mag-aral. Pumasok lang ako dahil dun sa activity na tinutukoy ni Sir.

Namiss ko na tuloy ang humiga sa kama at manood ng teleserye sa TV. Ang boring kayang pumasok araw-araw. Pati itong lesson niya ay sobrang boring.

Niyuko ko ang ulo ko saka ako pumikit at naglagay ng earphone sa tainga.

Lagi kong naiisip si John. Well, wala naman akong dapat isipin pang iba pero may bumabagabag pa rin sa akin.

Nang matapos ang klase ni Sir ay nag-angat na ako ng ulo. Ang daming nakasulat sa white board na puro formula at solution ng Avogadro’s Law.

“Sumunod sa akin ang lahat ng tinawag ko.”

Hala, sino ang mga tinawag niya? Kasama ba ako roon? Nilingon ko si Gracie na hanggang ngayon ay nagbabasa pa rin. Sigurado naman akong wala rin siyang alam.

Bumaling ako sa kaharap ko saka ko siya kinalabit. “Kasama ba ako sa mga tinawag ni Sir?” Tanong ko sa kaniya.

“Oo, kasama ka sa mga tinawag ko. Tulog kasi nang tulog.”

Ay, sungit. Daig pa niya babae sa kasungitan niya. Palibhasa guwapo ngayon kaya nagtataray na naman.

Mapaklang ngumiti naman ako saka sumunod na rin sa kanila palabas ng room.

Bigla kaming napahinto sa paglalakad nang huminto rin si Sir. Bakit kaya?

“Tawagin niyo nga si Gracie Villa. Kanina ko pa napapansing nakayuko lang siya sa buong klase ko, e.”

Bakit naman niya ipapatawag si Gracie?

Nakabalik rin agad ang mga inutusan ni Sir na kasama na si Gracie. Nakayuko siya habang naglalakad, mukhang nahihiya.

“Isasama ko sa grupo ninyo si Gracie Villa. Siya ang mag-ga-guide sa mga gagawin niyo dahil may alam naman siya kahit papaano.”

Ay, wow. Nang-insulto pa, e. May alam din naman kami, iba lang sa kung ano ang alam ninyo.

Nagpatuloy na kami sa paglalakad hanggang sa makarating na nga kaming lahat sa nakakasuyang faculty nila.

Huminto si Sir saka niya kinuha yung chocolate sa desk niya. “Kanino galing ‘to?” Sa amin nagtanong si Sir saka kami nagsi-ilingan.

Talagang umaasa si Sir na mayroong magbibigay sa kaniya ng ganiyan mula sa mga estudyante niya. Teacher’s month nga naman.

“Sa akin Sir.”

Sabay kaming lahat na napatingin kay Ma’am Fatima. Pffft! Ang pangit ng mukha niya! Para siyang clown kung makangiti. Talagang patay na patay siya kay Sir. Bagay naman sila. Binata si Sir, at dalaga siya. Magka-edad lang naman silang dalawa, twenty-two. Pffft!

“Ahh, ba—bakit, Ma’am?”

“Wala lang naman,” saka niya hinawi ang buhok niya at sinabit sa tainga niya.

Anak ng… ang pangit niyang kiligin.

“Salamat, Ma’am. Nag-abala ka pa.”

“Wala iyon, Sir.”

Hindi na nagsalita si Sir saka na siya umupo sa trono niya. Pero, si Ma’am Fatima ay nakatitig pa rin sa kaniya. Thy love is my drug. Pfft!

“Tinapos ko na kagabi ang mga gagawin niyo.” Aniya habang kinakalkal ang drawer niya.

Tinapos pala bakit pa namin gagawin?

“Sinama ko si Gracie sa inyo para siya ang maging lider niyo at mag-guide na rin. Sure naman akong may mga notes siya ng lessons. I-present niyo sa akin ito sa powerpoint. Ayoko ng Manila paper or cartolina. Make it creative. Pwede kayong maglagay ng GIF na naaayon sa topic niyo.”

Binigay na niya kay Gracie yung yellowpad niya na puno ng listahan niya. Nakita ko yung sulat-kamay ni Sir. Ang linis at ang ganda. Wow. Daig pa niya yung sulat ko na parang kinalkal ng manok.

Walang anu-ano’y napangiti ako. Hindi ko mapigilang mapangiti dahil sa sulat na iyon. May magbibigay kaya sa akin ng love letter na kagaya ng sulat ni Sir? Parang ang sarap naman sa mata kung mangyari iyon.

“Hoy, okay ka lang? Na-ano ka na diyan?”

“Ay,” tumikhim ako saka ko nilunok yung laway ko. Tumulo ba laway ko? “Sorry, Sir.” Bakit nakangiti pa rin ako?!

“Anong nginingiti-ngiti mo diyan?”

“Wala, Sir.”

Pinilit kong alisin sa mukha ko yung ngiti na iyon dahil baka akalain ni Sir na kinikilig ako sa kaniya. Nakakahiya naman. Estudyante na kinikilig sa guro niya? Kadiri, ah.

Umalis na kaming lima sa faculty pero bago ako tuluyang makalabas ng pinto ay nakita ko pa kung paanong itapon ni Sir sa trash bin niya yung chocolate na galing kay Ma’am Fatima.

Oh my gosh! Wala pa man ay nabasted na si Ma’am sa kaniya. Sinara ko na ang pinto nang mahuli ako ni Sir na nakasilip pa rin sa pinto.

Napahawak ako sa dibdib ko—wala pala akong dibdib. Naramdaman ko ang bilis ng tibok ng puso ko. Baka dagdagan ni Sir yung mga gagawin namin dahil sa ginawa ko.

“Andres,” ayan na. Tinawag na ako ng lider namin na si Gracie the Great Book Reader.

Lumapit ako sa kanila na nagpupulong na. Lima kami, dalawang babae at tatlong mukhang babae. Nahiya yung balat ko sa balat ng mga boys namin.

“What?” Tanong ko naman.

“May alam ka ba kung saan natin puwedeng gawin ito?” Tanong sa akin ni Gracie.

“Sa inyo.”

“Nag-usap na kami, bawal sa amin dahil yung lola ko ay dumating galing sa Switzerland.” Sagot niya.

“Bawal din sa amin, Andres. Yung mama ko kasi hindi tumatanggap ng bisita sa bahay, magagalit iyon at baka magbasag na naman ng mga plato. Sayang iyon.”

“Sayang nga, Andrei.” Sagot ko sa dahilan niya.

“Hindi puwede sa amin dahil wala kaming internet connection at laptop.” Pagdadahilan naman ni Adrian.

“Puwede naman sa amin, Andres. Kaya lang mabagal ang connection ng internet namin. Tapos yung laptop pa namin ay laging gamit ni papa, hindi tayo makakasingit dun.” Si Edzell.

“Ah ganun ba?” Nasabi ko lang. Kawawa naman ‘tong mga kaklase ko. Ako na lang sasagot ng pag-aaral niyo, kayo ang tunay na mahirap at hindi ako.

“Manghihiram na lang siguro ako ng laptop sa pinsan ko,” si Gracie. “Kaya lang, maniningil iyon dahil mukhang pera ang isang iyon.”

“HAHAHA.” Literal akong natawa dahil sa sinabi niya. “Hindi naman maiiwasan sa isang tao na magmukhang pera. Ikaw nga may kamukha sa one thousand e.”

“Loko.” Aniya.

“Sige, ganito na lang. Magkita-kita tayo mamayang uwian dito mismo. May alam ako kung saan natin magagawa ang mga iyan.”

“Saan ka pupunta?”

“Cutting,” bigkas ko.

Tumango na lang siya bago sila naglakad na pabalik sa room namin habang ako ay dumiretso sa cafeteria. Inokupa ko ang table na nasa sulok. Baka kasi makita ako ng mga teacher kung may pumasok ‘man.

Kinuha ko ang selpon ko na nakalimutan kong i-charge dahil nga nagmadali akong mag-asikaso. Pinindot ko ang pangalan ni John para mag-text sa kaniya.

Composed message:

“May mga kasama ako mamaya pag-uwi, John. Baka hindi kami magkasya sa regular na sasakyang ginagamit mo sa pagsundo sa akin, John. Maghanda ka na rin ng makakain nila dahil gutom kami. Salamat, John.”

“May hinihintay ka?”

Napaigtad ako at muntik ko pang maihagis yung selpon ko nang may magsalita. Nilingon ko siya.

Pamilyar siya. Siya yung lalaki kanina na nagbigay sa akin ng bulaklak pero hindi ko tinanggap.

Pinasok ko sa bulsa ng blazer ko ang selpon ko. “Wala naman.” Sagot ko.

“Pwede ba akong maki-upo?”

“Pwede naman dahil hindi ko pag-aari iyan.”

Napangiti siya nang sabihin ko iyon. Maganda siyang lalaki pero hindi siya ang tipo ko. Alam naman ng lahat sa school na ito na mahirap lang ako dahil minsan na akong pinahiya ng dating Values teacher namin sa taas ng entablado.

Nagkaroon noon ng botohan para sa mga SSG officers tapos tumakbo ako bilang vice president. Sakto namang yung Values teacher namin ang host, pinahiya niya ako sa buong campus. Naka-on ang mikropono kaya lahat sila ay narinig iyon. Lahat narinig nila. Akala ko doon na ako ibabaon pero inagaw ni Sir Perez ang mikropono sa teacher na iyon.

At yun ang pinagmulan ng pagiging sikat ko rito. Madalas akong pagtrip-an, pero siyempre, gagantihan ko sila. Hindi ako pinanganak para panoorin ang sarili kong bibubugbog sa sarili kong pelikula. Ako ang bida rito, hindi sila.

“Mukhang malalim ang iniisip mo, Andres.”

At hindi ako nanalo bilang vice president. May nagsabi sa akin na binaligtad raw ang resulta. Hinayaan ko na iyon. Pinatalsik ng dean ang guro na nagpahiya sa akin, siya ang adviser namin noon. Pinalitan siya ngayon ni Sir Perez.

Mataas naman ang mga grades ko noon. Last year iyon. And this year, ewan ko na lang.

“Andres, nandito ako.”

Dahan-dahan kong binaling ang tingin ko sa kaniya. Naaawa ako sa kaniya. Bakit ang hilig niyang habulin ang isang babaeng hindi naman naghahangad ng katulad niya? Mahilig siyang lumandi. At kapag naging nobyo ko siya, ang pangit tignan.

“Buti at nakita kita rito. May gusto kasi akong sabihin sa iyo, e.”

Hindi ako umimik. Hinayaan ko lang na kumuda siya nang kumuda. Mas astig kasi kapag hindi ka masyadong nagsasalita, mas maiintriga silang mapakinggan ang sasabihin mo. At kung ano man ang sasabihin mo ay magiging importante.

“Hindi ko alam kung pa’no ko sisimulan ‘to, nakakahiya kasi.”

“Easy. Huwag mo na akong kausapin para hindi ka mahiya.” Humalukipkip ako. Ang sabi kasi sa akin ni John, kapag may ayaw akong kausapin gawin ko lang ito.

“Andres,”

How he murmured my name is like listening to a dissonant singer who’s insisting to be listened of.

“Pwede ba akong manligaw sa iyo?”

Hala siya?! Nagpapatawa na naman siya. Siya ang pangatlong lalaking nagtanong sa akin ng tanong ng ganiyan.

I don’t like how men say it. I don’t like how they run their fingers through their hair. It doesn’t add points for me.

Pero hindi ko siya masagot. Hindi ako makapagsalita, parang nalunok ko ang dila ko.

“Andres?”

“Hindi ako nagpapaligaw. Hindi ako handang magkaroon ng asawa.”

“Ha? Liligawan pa lang naman kita. Magde-date lang tayo, hindi naman tayo magiging mag-asawa.”

“So, what’s the point of dating? Hindi ako nagpapaligaw. Wala akong balak na sayangin ang panahon ko para sa pansamantalang experience.”

“Ang gulo mo!” Asik niya sa akin. Tinapon pa niya ang isang baso ng juice sa table kaya napaatras ako at hindi ko na alam ang nangyari dahil parang nakabuhol ang sintas ng sapatos ko.

Akala ko ay matutumba ako pero may sumalo sa akin. Hindi ko siya makita dahil nasa likuran ko siya. Parang hindi ko gusto ang laki ng mata niya habang nakatingin sa taong sumalo sa akin.

Nilingon ko ang taong kailangan kong pasalamatan dahil sa pagligtas niya sa akin mula sa punyetang juice na iyo—Sir?!

Bigla kong naitulak si Sir Perez nang siya ang makita ko! Hindi ako nakaatras dahil ang sapatos ko ay hindi mapaghiwalay kaya nawala ako sa balanse.

“Ang kulit kasi,” bulong ni Sir nang hulihin niya ang kamay ko at kabigin ang baywang ko! Oh no! Wait, hindi ako makahinga.

Lumuhod si Sir para tanggalin sa pagkakabuhol ang sintas ng sapatos ko. Shoot! Shit.

Kailangan kong umayos. Kailangan kong magpaliwanag kung bakit ako nasa cafeteria sa oras ng klase.

Tumayo si Sir. Kapag pala malapit siya sa akin, ang liit ko? Humakbang ako paatras.

“Anong ginagawa mo rito—”

“Sorry, Sir. Bibili lang sana ako ng tubig tapos umupo ako ri—”

“Hindi ikaw.” Putol niya sa sagot ko. Nilingon niya ang lalaking nasa harapan namin. Hindi ko kasi alam ang pangalan niya. “Bakit nandito ka, Cosmo?”

Pansin kong parang napakakaswal nang pagtanong ni Sir.

“Hindi mo naman pag-aari ang cafeteria kaya nandito ako.”

Teka, linya ko iyan.

“Hindi mo puwedeng ligawan si Miss Domingo.”

Ha? Wait a minute, parang may mali na rito. May kamera yata sa mga paligid at ito ang joke time ng school, tama? Sinasabi ko na.

“Anong hindi puwede? Pag-aari mo ba si Andres?”

“Dahil kailangan niyang mag-aral nang mabuti. Kung wala kang magawang makabuluhan sa buhay mo, umalis ka na, Cosmo.”

“Ayoko, Sir Andrew Perez.”

Ang diin ng pagkakabigkas niya sa Sir. Parang may alitan ang dalawa.

“No wonder why you’re a repeater student. Stubborn and mischievous.”

Kinuha ni Cosmo ang bag niya saka siya umalis ng cafeteria na masama ang tingin kay Sir Perez.

Nang makaalis si Cosmo, doon ko lang napansin na hawak pala ni Sir ang kamay ko. Inagaw ko sa kaniya ang kamay ko saka ko kinuha ang bag ko para sana umalis pero pinigilan niya ako nang hablutin niya ang bag ko.

“Cosmo was my friend.” Sabi niya pero hindi ko siya nililingon. “Katulad mo siya, maloko sa pag-aaral, kung magseseryoso naman sa pag-aaral, kawawa ang ibang estudyante. Sabay kaming nangarap na magiging teacher pero bumalik siya nang bumalik sa highschool hanggang sa naging teacher ako nang mag-isa.”

Bakit niya sinasabi ito? “Hindi niyo kailangang magpaliwanag, Sir.” Aniko at tuluyan nang lumabas sa cafeteria.

Nakita ko si Cosmo na nakatayo lang malapit sa cafeteria, nakatingin sa akin nang masama. Hala? Bakit ako?

Nagmadali na akong pumasok sa room namin dahil malapit na rin naman ang dismissal. Naabutan ko na nga ang mga babae kong kaklase na nag-aayos ng mga make-up nila.

“Andres,”

“Bilisan niyo na.” Aniko. Pinanood ko pa ang paglalagay nila ng lip tint sa mga labi nila. Tama lang na maglagay sila ng ganiyan dahil ang iitim ng labi nila. Kaniya-kaniya pa sila nang payabangan sa mga pabango nilang nabili sa Avon. Yung iba sa Boardwalk daw inorder.

“Ano, ‘di pa ba kayo tapos?” Tanong ko.

“Malapit na.”

Lumapit na sa akin ang tatlo naming boys habang hinihintay pa namin si Gracie. Nang matapos naman siya ay sabay-sabay na kaming lumabas ng room.

“Kaya kaya nating tapusin ‘to ngayon? Marami-rami rin kasi itong binigay ni Sir tapos ang deadline ay sa makalawa.” Banggit ni Gracie habang nakatuon sa yellowpad niya.

“Oh, nasaan nga pala yung nobyo mo?” Tanong ni Edzell kay Gracie.

“Hindi siya pumasok.”

Nagtaka silang lahat nang tahakin ko ang daan papunta sa parking area. Ang alam kasi nila ay bumabiyahe ako gamit ang jeep.

“Bakit dito tayo pumupunta?” Tanong ni Adrian.

“Dahil dito tayo pupunta.” Sagot ko naman kaya nanahimik na sila. Pabalang ang sagot ko at alam na nilang ugali ko na iyon.

Nakita ko na si John. Kumakaway na siya sa akin, as usual.

“Teka, tayo ba ang kinakawayan ng lalaking iyon? Nakakatakot, ah.” Si Gracie.

“Baka may gawin sa atin na masama iyan, Andres. Ibang daan na lang ang gamitin natin.” Ani Andrei.

Hindi ako nagsalita. Tinignan ko ang oras sa sa relos ko. Mas maaga ako ngayon.

Nang makalapit kami kay John ay binuhusan niya ng alcohol ang mga kamay namin. Alam kong nagtataka pa sila kaya hindi muna ako nagsalita sa kanila.

“Nagpapatawa ka na naman, John. Ang sabi ko baka hindi kami magkasya sa regular na sasakyan. Bakit ang ginamit mo ay ang limousine, John? Dinaig ko na niyan ang presidente.” Natatawang aniko habang ang mga kaklase ko ay hindi pa makapagsalita.

“Hindi mo sinabi sa akin kung ilan ang kasama mo, Master.”

“Ma—master?” Halos sabay nilang tanong.

Nakahuma na sila kaya inutusan ko na si John na buksan ang pinto. “Pumasok na kayo.” Utos ko sa kanila.

Hindi pa nila alam kung sino ang mauuna at kung sasakay ba sila. “Napapano kayo?” Takang tanong ko.

“Baka kasi madumihan namin ang sasakyan.”

“Bakit pa nauso ang paglilinis kung bawal magdumi? Sige na, pasok na kayo. Marami pa tayong gagawin.”

Nauna nang pumasok si Edzell dahil wala naman siyang hiya sa katawan niya, sinundan siya ni Adrian at Andrei, sunod si Gracie.

Sa tabi ako ni John naupo. Hinubad ko na ang suot kong rubber shoes. Dapat black close shoes ang suot ko dahil iyon talaga ang attire ng mga babae pero hindi ako komportable roon. Inabot sa akin ni John ang mabalahibo kong tsinelas.

“Dala ko na po ang laptop niyo, Master.” Si John ang bumasag ng katahimikan sa loob ng sasakyan. Sinilip ko ang apat mula sa rearview mirror. Pero alam ko may camera ang bawat seat ng sasakyang ito.

Nagbubulungan sila. Nakita ko pa si Gracie nagpupunas ng pawis.

“Aircon, John.”

Agad naman niyang sinunod ang utos ko. Inabot na rin niya sa akin ang laptop. “Nakalimutan kong i-charge yung phone ko kanina, John.”

“Na-charge mo siya. Ibang cellphone ang dala mo ngayon.”

Nagulat naman ako sa sinabi niya kaya kinuha ko ang selpon mula sa bulsa ng blazer ko. Doon ko nakitang ibang model pala ang dala ko.

“Nevermind,” anas ko. Binuksan ko lang ang laptop saka ko iyon tinanggalan ng passcode para hindi na mahirapan ang magbubukas noon. “Gracie,” pukaw ko sa lider namin.

“Y—yes?”

“Pfft! BWAHAHAHA!” Sabay kaming natawa ni John nang sagutin ako ng ganoon ni Gracie. Nabigla lang ako dahil parang namutla siya. Nilingon ko sila mula rito sa puwesto ko. “Si John nga pala ang tunatayo kong ama. Anyways, heto ang laptop. Iyan ang gagamitin mo.” Inabot ko naman sa kaniya ang laptop na iyon. May design pa iyon ng hello kitty.

“Hindi mo naman sinabi sa amin, Andres na mayaman ka pala.” Si Andrei.

“Ubod kamo ng yaman. Biruin mo may limousine na sumusundo sa iyo nang patago?” Si Adrian na hinihimas himas pa ang salamin ng kotse.

“Feeling ko mas masarap ang buhay kapag walang may alam na ganito ang buhay ko.” Sagot ko.

“Malapit na tayo, My lady.”

“Anong hinanda mo para sa amin ngayon, John?” Inayos ko na ang upo ko.

“Surpresa.”

Wow. Make sure matutuwa ako sa surprise na iyan, John.

Lumiko na ang sasakyan sa kantong maraming puno. Ito ang gusto ko kapag unuuwi ako. Lagi kong nakikita ang mala-hacienda’ng lugar na ito.

Huminto na ang sasakyan at si John ang naunang bumaba para unang pagbuksan ng pinto ang mga kaklse ko. Ako ang huli niyang inasikaso dahil bisita sila.

“Simulan na natin ‘to.” Aniko ko nang makababa ako sa sasakyan.

“Dito ka nakatira?” Tanong ni Gracie habang naglalakad na kami papasok sa bahay.

“Unfortunately, yes.”

Pinaupo ko silang apat sa couch saka ako nag-utos sa maid na kumuha ng apat pang laptop para sa amin.

Pumasok na rin si John na tumayo lang sa gilid namin. “May iba pa ba kayong kailangan, Miss An?”

“Sa ngayon, wala pa, John. Pag-uusapan muna namin ang gagawin namin.” Sagot ko kay John. Tinanguan niya ako at nanatili siya sa pagtayo sa gilid namin.

“Andres,” lumapit sa akin ang mga kaklase ko. “Bakit?” Sabay-sabay na tanong nila. Yung tingin pa nila ay nakakaloko.

“Anong bakit? Saka lumayo nga kayo sa akin, ang init. Amoy araw pa kayo.”

Nagsilayo naman sila sa akin. “Ibig naming sabihin, bakit ka nagpapanggap na mahirap? Eh, ang garbo ng mga bagay na pagmamay-ari mo. Hindi mo dapat tinatago ang ganitong buhay mo.” Sagot naman ni Gracie.

“Saka mas sisikat ka sa school kapag nalaman nilang may limousine ka. Mas rerespetuhin ka ng mga teacher, Andres.” Si Edzell.

“Kami na lang ang mga resbak mo. Mga alalay. Kami na lang ang magiging utusan mo sa school.” Si Andrei.

“Te—teka,”

“Saka, alam mo Andres, kayang-kaya mong bilhin yung school. Ikaw ba ang may-ari noon? Baka kasi ikaw pala ang may-ari noon, hindi pa namin alam.”

“Teka lang, ha?” Pigil ko sa kanila. Tumayo ako at sumenyas kay John na ilabas na ang meryenda dahil baka gutom lang itong mga ‘to. “Una sa lahat, hindi ko naman kasi kailangang ipagkalandakan sa publiko na may ganito ako, may gano’n ako, na mayaman ako. At pangalawa, hindi ko kailangan ng kasikatan at respeto kung dahil lang naman sa materyal na bagay na mayroon ako. At ikatlo, hindi ako ang may-ari ng school. Bata pa ako para humawak ng ganiyan. Nasagot ko na ba kayo?” Litaniya ko.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status