Share

Chapter 2 Broken

"And the winner is!" alingawngaw ng boses sa mikropono.

Lahat halos ng tao sa paligid ng entablado ay atentibong nakatuon sa sasabihin ng tagapagsalita. Halos hindi siya makahinga dahil sa kaba habang hinihintay ang hatol sa patimpalak, magkatikom ang kanyang mga kamay habang taimtim siyang nagdarasal habang nakapikit.

"Abigail Freyja Salazar!" parang tumigil ang tibok ng kanyang puso nang ianunsyo ang kanyang pangalan.

Malakas ang hiyawan ng mga tao kasabay ng matunog na mga palakpakan habang iniaabot sa kanya ang bulaklak at tropeyo, naluluha-luha pa siya sa sobrang tuwa habang kumakaway sa mga manonood na naroon.

"Ay bakla! ang galing mo talaga!" bati sa kanya ng kaibigan si Clifford pakababa niya ng entablado.

Tinulungan na siya ng mga ito na magdala ng mga bitbit, napapatalon na lang sila sa galak dahil hindi nila maitago ang sobrang tuwa.

"Salamat," natatawang saad na lang niya sa mga ito.

Halos hating gabi na nang makauwi sila, pero hindi pa rin maalis sa mukha niya ang ngiti. Umaakto pang isang modelo ang kaibigan niya habang naglalakad sila.

"Sa susunod na pista, sasali na ako sa miss gay pageant," sambit na lang ng kaibigan.

Natatawa na lang siya sa pagkaway kaway nito na wariy nasa mismong patimpalak na ng mga sandaling iyon.

"Turuan mo ako ha! para dalawa na tayong beauty queen sa baryo!" iwinasiwas pa ng kaibigan ang kamay sa kunwaring mahabang buhok.

"Oo naman, sigurado ko wala silang panama sa iyo," masaya niyang paalam sa kaibigan.

Napapalakpak naman ito sa tuwa, kaya ganoon na lang rin ang hagikgik niya dahil na rin sa pagtalon-talon ng kaibigan.

"Ay ateng, nanay mo!" doon lang ito tumigil sabay turo ng nguso sa ina niya na nakaabang sa may harap ng kanilang bahay.

Napabuntong hininga na lang siya nang makita ito. "Nay, nasa labas pa po kayo?" bati niya sabay mano nang makalapit na dito.

"Magandang gabi po nanay Elsa," bati naman ng kaibigan.

Nginitian naman sila ng ina. "Wala pa kasi ang tatay mo," saad nito, bakas ang pag-aalala sa mukha habang nagpapalinga-linga ng tingin sa paligid.

"Nay, baka bukas na po iyon makauwi, pumasok na po tayo, baka mahamugan pa po kayo dito," yakag niya sa ina.

"Ay sige ateng, mauna na ako, sige po nanay," paalam ng kaibigan niya habang ibinabalik ang tropeyong napanalunan sa kanya.

"Tara na po nay," muli niyang hatak dito, napangiti na lang ito sabay yumakap na rin sa kanya upang maalalayan papasok.

"Kamusta naman iyong sinalihan mo?" saad nito habang isinasarado ang pinto nila.

"Nanalo po ako nay, heto po," masaya niyang iniabot ang sobreng naglalaman ng kanyang napanalunan sa ina.

"Naku anak, itago mo na lang iyan" tulak nito sa iniabot.

"Pero nay," napangusong maktol na siya dito.

"Sige na, sa iyo iyan, gamitin mo para sa matrikula mo," nakangiti nitong banggit.

Agad niya naman itong niyakap. "Salamat nay," isang halik ang ibinigay niya rito bago tumungo sa kanyang kuwarto.

Nagpapasalamat na lang siya sa suportang ibinibigay ng kanyang ina sa plano niya na muling mag-aral, alam nito na pinag-iipunan niya ang kanyang ipang-enroll sa darating na pasukan.

Kinabukasan ay balik nanaman siya sa nakagawian, wala na ang maaayos na buhok, ang magagarang damit at makikinang na sapatos. Balik nanaman siya sa dating daster na tagpi-tagpi at tsinelas.

"Bananacue, bananacue" masigasig niyang sigaw sa daan habang inilalako ang paninda, isa ito sa mga pinagkakakitaan niya ng pera para sa kanyang pag-iipon.

"Freyja,

ateng!" alingawngaw ng matining na boses.

Napalingon na lang siya sa sigaw ni Clifford, pawis na pawis ito at kita ang pagkabalisa sa mukha.

"Bakit, ano nangyari?" saad niya sa humahangos na kaibigan nang makalapit ito.

"Bi...bilis, umuwi ka! ang nanay mo," tarantang saad nito nang makahupa.

Napapigil na lang siya ng hinga sa sinabi nito, nandoon din ang mabilisang pagsikip ng kanyang dibdib sa pag-aalala.

Wala sa sariling ibinigay niya ang dala-dala sa kaibigan upang

makatakbo pauwi, halos mapigtas na ang kanyang tsinelas sa bilis ng kanyang pagtakbo, subalit di niya iyon inalintana dahil sa pangamba.

Mas lalo lang siyang kinabahan nang makita ang kumpulan ng mga tao malapit sa kanilang bahay.

"Makikiraan lang po!" pagsiksik niya sa mga ito, napatigil na lang siya sa paggalaw nang masaksihan ang mga nangyayari.

"Dodong, pakiusap, huwag mo kami iwan!" halos nakakaladkad na ang kanyang ina habang nakahawak sa paanan ng kanyang ama, mugtong-mugto na ang mga mata nito sa pag-iyak subalit halatang hindi iyon pinapansin ng ama niya dahil patuloy lang ito sa paglalakad papapunta sa tricycle na naghihintay sa harapan ng kanilang bahay.

"Nay!" napatakbo na lang siya sa ina nang sipain ito bigla ng kanyang ama upang bumitaw.

Mabilis naman itong yumakap sa kanya. "Anak, ang tatay mo!"

Naintindihan niya ang gusto nitong iparating kaya agad siyang tumayo para tumungo sa ama, subalit nagsimula ng umandar ang sinasakyan nito.

"Tay, tay!" pilit niyang habol dito ngunit tuluyan na siyang napag-iwanan sa bilis ng takbo ng tricycle.

Muli niya na lang binalikan ang kanyang ina upang yakapin ito at alalayan papasok sa kanilang bahay.

Walang tigil pa rin ito sa paghagulgol, wala siyang maintindihan sa mga nangyayari kaya naman napaiyak na lang din siya sa sobrang sama ng loob.

Matinding kalungkutan ang namutawi sa kanilang mag-ina matapos ng mga pangyayari, hanggang ng mga oras na iyon ay nahihirapan pa rin siyang tanggapin ang sinasapit nila.

Bali-balita na sa buong lugar nila ang pagsama ng kanyang ama sa isang babae sa kabilang baryo kaya naman napag-alaman niya na ang dahilan ng pag-alis nito.

Ang bagay na iyon ang naging dahilan kung kaya’t nanatili ng tulala ang kanyang ina at hindi na makausap dahil sa sobrang pagdadalamhati.

"Nay, kumain na po tayo," pag-aya niya rito nang makapaghain. "Niluto ko po iyong paborito niyong sinigang."

Ngunit nanatili lamang na tahimik ang kanyang ina habang nakaupo sa silyang nakaharap malapit sa kanilang bintana, naghihintay, nagbabakasakali sa pagbabalik ng kanyang ama.

"Tao po," magiliw na tawag ng malumanay pero matinis na boses mula sa labas.

Hinayaan niya na muna ang kanyang ina na manatili sa kinalalagyan

upang

masalubong ang mga dumating nilang bisita.

"Ateng!" agad na sigaw ng kaibigan niyang si Clifford nang makita siya.

"Musta na anak," bati naman ng nanay nito na nasa likod pala ng kaibigan.

"Ayos naman po ninang." Mano niya kaagad dito.

"Ang nanay mo, kamusta na?" kunot noong saad na lang nito.

Pinilit niya na lang ngumiti para itago ang sakit na nadarama sa sinapit ng ina. Napapamaywang na lang tulog ang ninang niya.

"Hay, gago talaga iyan tatay mo, sabi ko na nga ba wala iyan maidudulot na mabuti sa nanay mo e, ewan ko ba kung bakit pinakisamahan pa niya iyan, kung nabubuhay lang ang lolo mo naku," nanggigigil nitong saad.

"Nay, tama na nga, kita niyo na ngang down na down na si Frey, dinadagdagan niyo pa," siko ni Clifford dito.

"Oh, heto pala, pagpasensyahan niyo na itong mga gulay," abot na lang nito sa dala-dala.

"Salamat po nang," kuha niya na lang sa mga iyon. "Pasok na muna po kayo." Pagpapasunod niya sa mga ito sa may sala.

Napabuntong hininga na lang ang kanyang ninang nang makita ang lagay ng kanyang ina, maingat itong umupo sa tabi ng ginang sabay hinaplos ang balikat nito.

Nagtungo na lang siya sa kusina kasama si Clifford para ayusin ang mga gulay na dala sa kanila.

"Ateng, bakit di natin sugurin iyong mahaderang bruha na umagaw sa tatang mo," turan ni Clifford na nakapamaywang, "nasa kabilang baryo lang naman iyon, hala tara ng maturuan ng leksyon," ngitngit na saad na lang nito.

Napangiti na lang siya dito. "Hayaan mo na, wala rin naman mangyayari kung gagawin natin iyon," marahan niyang haplos sa balikat nito para pakalmahin.

Hindi niya na naman nais pang lumikha ng gulo, lalo pa at ito pa rin naman ang ama niya, maliban doon ay abala pa siya sa pag-aasikaso sa ina.

"Martyr," busangot na lang ni Clifford sa kanya sabay irap.

"Sabayan niyo na lang kami ni Nanay kumain, nagsigang ako ng bangus," pilit tuwang saad na lang niya.

Kita naman ang pagkutitap ng mga mata nito sa sinabi niya, kaya dali-dali na lang itong kumuha ng mga plato at kubyertos para kanila.

Si Clifford at ninang niya na ang umalalay sa kanyang ina sa pagpunta sa sa may hapag dahil tila wala pa rin itong gana na kumilos.

Minadali na lang niya ang pag-aayos ng mga gulay upang maitabi na at makasalo na sa pagkain. Akmang papunta na siya sa may hapag nila nang mabatid niya ang ilan mga tao sa may harapan ng kanilang bahay.

"Nandiyan po ba si Eduardo Salazar!" sambulat na lang ng mga ito nang makita siya sa pintuan.

Agad na lang siyang napatigil upang tumungo sa mga ito. "Sino ho sila?" magalang niyang salubong sa mga taong nasa may labas ng bakuran.

"Pasensya na sa abala, dito ba nakatira si Eduardo Salazar?" muli nitong tanong sa kanya.

"Ano pong kailangan nila?" datapwat wala na doon ang kanyang ama ay minabuti niya pa rin ang mangusisa.

"Mga kaibigan niya kami," ngiti nitong saad.

Ngunit batid niya na may kakaiba sa hitsura ng mga lalaking naroon. "Wala na po siya rito, lumipat na po at sumama sa ibang babae," mapait niyang saad sa mga ito. "Hanapin niyo na lang po siya sa kabilang baryo," pagbibigay alam niya sa mga lalake.

"Ah, ganoon ba, pasensya na iha," ngiting yuko na lang nito sa kanya.

"Sige po," agad niyang paalam sa mga ito bago tumalikod upang bumalik na sa loob ng tahanan at makisalo sa mga naroon.

Matapos nang araw na iyon ay nanatili naman na tahimik ang kanilang lagay. Halos mag-iilang buwan na rin ang lumipas mula nang iwan sila ng kanyang ama, kahit papaano ay nakakabawi na ang kanyang ina mula sa pagdadalamhati nito.

Wala naman silang naging problema sa pagkain at pera dahil sa umpisa pa lang ay silang dalawa na ng kanyang ina ang nagtratrabaho, kaya hindi naging mahirap ang pag-iwan ng ama sa kanila. Iyon nga lang kinailangan niyang doblehin ang pagkayod upang sumapat ang panggastos nila dahil na rin sa ilang araw linggong pagkawala ng tulong mula sa kanyang ina.

"Tao po!" tawag na lang ng isang malalim na tinig mula sa labas ng bahay.

Hindi maialis ni Freyja ang pagtataka nang may tumungo nanaman mga tao sa kanilang tirahan, dati rati'y wala naman mga bisita ang kanyang ama, ngunit nitong nakaraan ay sunod-sunod na ang punta ng ilang mga hindi kilalang lalake sa kanilang tahanan.

"Sino po sila?" bati niya pakalapit sa may tarangkahan nila na gawa sa kawayan.

Hindi niya mapigilan ang mapakunot ng noon nang mapansin na iba ang hitsura ng mga taong dumating ngayon. Mga mukha itong kagalang-galang at nakaayos ng suot.

"Ah, magandang araw po" ngiting saad sa kanya ng isang lalake na naka puting long sleeves at necktie.

"Magandang araw din po," pilit ngiti niyang sagot.

"Hindi ba't ito po ang bahay ni Eduardo Salazar?" magiliw nitong sabi.

Napakunot nanaman siya nang marinig ang buong pangalan ng kanyang ama. "Opo," agad niyang saad "Pero hindi na po siya nakatira dito," pagbibigay alam niya sa lalake, subalit nanatili pa rin itong nakangiti.

Nakadama na lamang siya ng kaunting kaba at pagtataka dahil sa inaasal nito.

"Alam ho namin iyon. Heto, pakibasa na lang," abot nito sa isang kulay brown na envelope.

Kunot noo niya iyong inabot at binuksan, mas lalo lang siyang napa-isip dahil hindi niya maintindihan ang mga nakasaad doon.

"A...Ano ho ito?" angat niya sa hawak-hawak.

"Notice iyan iha," paliwanag ng lalake.

"Ho?" hindi niya maisip kung bakit sila magkakaroon ng ganoon, kaya naman lalo lang kumusot ang kanyang mukha.

"Kinukuha na ng bangko itong bahay bilang pambayad utang," pilit hinahon na saad na lang nito.

Napatigil siya sa paghinga kasabay ng panlalaki ng mga mata sa narinig. "Ano ho!" gulat niyang sambit.

"Bibigyan pa namin kayo ng isang buwan para makahanap ng malilipatan," pagbibigay alam nito.

"Pero hindi po iyon pwede," pigil niya sa lalake bago ito makatalikod "Pamana po ang bahay na ito sa mama ko," pagpapaliwanag niya.

"Pasensya na iha, pero pagmamay-ari na ng bangko itong lupa, kaya makabubuting maghanap na kayo ng ibang matitirahan," saad na lang nito.

"Pero paano po iyon nangyari?" pilit niyang pagpapaintindi.

"Ginamit ni ginoong Eduardo Salazar ang lupang ito bilang collateral sa pagpapahiram ng pera sa kanya para sa negosyo nito." pagpapaalam ng lalake.

Napaatras na lang siya nang marinig nanaman ang pangalan ng kanyang ama. "Anong pera, wala po kaming nalalaman diyan," d***g niya.

"Pasensya na, pero nandito lang ako para maningil, ipinaalam na rin namin ito kay ginoong at ginang Salazar ilang buwan na ang nakakaraan at wala naman naging problema," turan na lang nito.

Nalukot niya na lang ang hawak dahil sa nalaman. "Hindi po iyon pwedeng mangyari!" sita niya sa mga ito.

"Ginagawa ko lang ang trabaho ko iha, kailangan na namin kunin ang lupa dahil lagpas-lagpas na ang palugit para sa utang ninyo," hindi na siya nakapagsalit sa sinabi nito. "Isang buwan lang iha," pahabol nito bago muling tumalikod.

Pinabayaan niya na lang na umalis ang mga lalake at dali-dali na lang na tumakbo papasok sa loob papunta sa kanyang ina para ipaalam ang mga nalaman.

"Nay, nay!" humahangos niyang saad nang makita ito.

"Ano iyon anak?" bakas pa rin ang panghihina at lungkot sa mga mata nito habang nagtutupi ng mga gamit nila.

"May mga pumunta ditong taga bangko, kinukuha na po itong bahay natin!" balisa niyang saad.

"Ah, ganoon ba," walang ganang sambit nito.

"Alam niyo ba to nay?" sita niya rito.

Tiningnan lang siya nito ng mga malungkot na mata. "Matagal na rin iyan," saad nito. "Gusto kasi mag negosyo ng tatay mo noon, kaso nalugi, hindi ko alam kung bakit, kaya hindi na namin iyan nabayaran," kuwento ng kanyang ina.

Napaupo na lang siya sa isang tabi dahil sa panlalambot at kawalan bigla ng lakas sa sobrang pagkasorpresa hindi niya lubos akalain na may kasunod pa ang mga masalimuot na pangyayaring nadadanasan nila.

Doon na siya nagsimulang makadama ng poot para sa kanyang ama, hindi niya lubos akalain na ganoon na pala kalala ang kawalang hiyaan nito sa kanilang pamilya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status