Share

Chapter 13: Caught

Sarah did everything just to avoid Erhart. Maaga siyang pumapasok sa trabaho at nagpapa-late ng uwi. Umuwi siya sa Rizal nang sumapit ang kaniyang rest day at pagbalik niya ay hindi siya lumalabas ng bahay. Nagkukunwari siyang abala o tulog kapag naisipan nila Erhart na mag-breakfast o mag-dinner nang sabay-sabay.

Mabuti na lang at hindi nag-usisa si Jessica. Busy ito sa bagong dine-date kaya wala itong kamalay-malay sa mga nangyayari sa kaniya. Pero hindi niya alam kung hanggang kailan niya iiwasan ang binata.

Gaya ngayon, rest day niya ulit at mag-isa lang siya sa bahay dahil gumala si Jessica. Gusto niyang magpahangin sa labas pero hindi niya magawa dahil nakatambay sa labas si Erhart. Paano niya nalaman? Simple lang. Bahagya niyang hinawi ang kurtina at sumilip sa bintana. Bakit kasi napakaliit ng mundo para sa kanilang dalawa?

Humilata siya sa sofa at pinagkasya ang sarili doon. Bagot na bagot na siya pero wala siyang ganang manood ng palabas sa TV. Kumakalam na ang kaniyang sikmura pero wala siyang ganang kumain. Ano bang nangyayari sa kaniya?

Ilang minuto na rin siya sa ganoong posisyon at sitwasyon nang biglang namatay ang ilaw. Nagsigawan ang iba niyang kapitbahay na walang kuryente. Nagpakawala siya ng buntong-hininga. Tinatamad siyang bumangon upang magsindi ng kandila.

Noong nabubuhay pa ang kaniyang ama, ang una nitong ginagawa sa tuwing nanawalan ng kuryente ay ang yakapin siya. Ipapaalala nito kung gaano siya nito kamahal at hindi siya nag-iisa. Pero wala nang gagawa noon dahil iniwan na siya nito.

Nagladas ang luha sa kaniyang mukha. Hindi sana ito mawawala kung nalaman nila nang maaga ang sakit nito, kung may pera silang pampagamot dito, kung tinulungan sila ng taong nagluwal sa kaniya. Hindi deserve ng babaeng ‘yon ang karangyaang tinatamasa habang nagdurusa noon ang kaniyang ama.

Sunod-sunod na pagkatok sa pinto ang pumukaw sa kaniyang malalim na pag-iisip. Marahan niyang tinuyo ang luha gamit ang palad at nangangapang naglakad patungo sa pinto. Dumating na siguro si Jessica. Subalit ibang tao ang bumulaga sa kaniya pagbukas ng pinto.

Madilim ang paligid ngunit naaaninag niya ang mukha nito. Salamat sa liwanag na hatid ng buwan. “Erhart…”

“Napansin kong walang liwanag sa bahay n’yo. Binigyan ako ni Aling Nena ng kandila—Sarah? Umiiyak ka ba?” nag-aalalang tanong nito.

God knows, pinigilan niyang suminghot pero hindi niya maawat ang sarili. Hindi niya rin mapigilan ang pag-agos ng luha. Bakit ngayon pa? Bakit si Erhart pa ang nakakita?

“Natatakot ka ba?” Hindi siya kumibo at nagpatuloy lang sa pag-iyak. “Huwag ka nang matakot, nandito lang ako.” Kinabig siya ng binata palapit dito at niyakap nang mahigpit. “Hindi ka na mag-isa.”

His words were comforting but it broke her heart even more. “Si Tatay…” Banayad nitong hinaplos ang kaniyang likod upang pakalmahin siya. “Nami-miss ko na si Tatay,” aniya sa pagitan ng paghikbi.

Wala na siyang narinig na salita mula rito pero sapat na ang init na hatid ng yakap nito upang mapakalma siya. Matagal sila sa ganoong posisyon nang biglang kumalampag ang gate. Itinulak niya palayo ang binata at napatingin sa direksyong pinagmulan ng ingay.

“Ano ‘yon?” kinakabahang tanong niya.

“Ssh…” saway nito sa kaniya. “Pumasok tayo,” bulong nito sa punong-tainga niya.

Nagsitayuan ang balahibo niya sa buong katawan. Hindi niya alam kung kinilabutan siya sa ginawa ng binata o sa taong umakyat sa gate, na nakapasok na sa loob ng bakuran nila. Naestatwa siya sa kinatatayuan kaya hinila siya ni Erhart sa loob at bahagyang isinara ang pinto. Nag-iwan ito ng maliit na awang upang makasilip sa labas.

Gusto niya ring sumulip pero nakaharang ito sa pintuan. “Tatawag na ba ako ng pulis?”

“Hindi na kailangan.” Binuksan nito ang pinto na ipinagtaka niya. Tumayo siya sa tabi nito at nag-usisa. “Si Harry at Jessica—”

Natigilan ito at napasinghap naman siya. Namilog ang kaniyang mata sa nasaksihan. Hinapit ni Harry ang baywang ni Jessica at kumuyapit naman ang dalaga sa leeg ng binata habang magkalapat ang labi ng mga ito. Mabilis niyang inalis ang tingin sa dalawa.

Dama niya ang pag-init ng kaniyang pisngi dahil bigla niyang naalala ang pinagsaluhan nilang halik ni Erhart. Sigurado siyang pulang-pula na ang kaniyang mukha. Mabuti na lang talaga at buwan lamang ang nagsilbi nilang ilaw dahil kung hindi, makikita ng binata ang naging reaksyon niya.

“Sarah…” anas nito.

Napalunok siya. Nakakikilabot ang pagbigkas nito sa pangalan niya ngunit sa nakakakiliting paraan. Nababaliw na yata siya. “O?”

“Never mind.”

Nakahinga siya nang maluwag. Akala niya’y uungkatin nito ang nangyari sa kanila. Hindi pa siya handa. “Tapos na ba sila?” walang kuwenta niyang tanong.

He giggled. “Ayaw mo ba silang panoorin o naiinggit ka sa kanila?”

“Iniinis mo ba ako?” Pinigilan niya ang sarili na sumigaw dahil baka mabulabog ang katahimikan ni Aling Nena at baka makaistorbo siya sa ginagawang milgaro nina Jessica at Harry. “Umuwi ka na nga!” mahina pero mariin niyang utos.

Akmang itutulak niya ang binata palabas ng bahay nang biglang may bumagsak na malamig na bagay sa kaniyang balikat at gumapang ‘yon papunta sa kaniyang batok. Napahiyaw siya sa gulat.

“Erhart, tanggalin mo!” Gumapang ang butiki pababa sa kaniyang katawan. Medyo maluwag ang suot niyang sando kaya malayang nakagalaw ang hayop na ‘yon. “Erhart!”

“Anong tatanggalin ko?” May bahid na pagkataranta sa tinig nito. “Saan?”

“Mayroong butiki sa likod ko, sa loob ng sando.” Nandidiri siyang hawakan ‘yon kaya ito ang inutusan niya. “Bilisan mo!”

“Heto na.” Ipinasok nito ang kamay sa loob ng kaniyang damit. “Saan banda?”

“Sa bandang kanan, malapit sa…” Sh*t! Bakit doon pa? “Malapit sa strap ng bra ko,” nahihiyang saad niya. Narinig niya ang pagbuntong-hininga nito bago kinapa ang likod niya. Lumihis ng direksyon ang butiki, gumapang ‘yon patungo sa dibdib niya. “Sh*t!” sigaw niya kasabay nang pagsindi ng ilaw.

“Anong ginagawa n’yo?” pasinghal na bungad na Aling Nena na bigla na lang sumulpot. Nakatayo ito malapit sa pintuan at may dalang flashlight na naka-off. “Puwede bang itikom n’yo ‘yang mga bibig n’yo kapag gumagawa kayo ng milagro?”

“Nagkakamali po kayo—”

“Hindi ko akalaing magagawa mo ‘to, Sarah.” Umiling ito. Dismayadong tingin ang ipinukol nito sa kaniya. “Mapupusok talaga ang mga kabataan sa panahon ngayon,” huling hirit nito bago umalis.

Saglit na nawala sa kaniyang isipan ang tungkol sa butiki Dahil kay Aling Nena. Naalala niya lang nang bigala ‘yong gumapang paakyat sa kaniyang leeg. “Erhart, nasa leeg ko.”

Walang imik na kinuha nito ang butiki sa kaniyang leeg. Hinagis nito sa labas ang munting nilalang. “Nasaan na pala sila Jessica?” Bigla na lang nawala ang mga ito.

“Ewan,” tipid nitong sagot.

Napansing niyang namumula ang buong mukha nito at hindi ito makatingin nang deretso sa kaniyang mga mata. “Anong problema mo?”

“Ikaw.”

“Ha? Bakit ako?” inosente niyang tanong. Anong ginawa niya rito?

Pinuno nito ng hangin ang dibdib at marahas ‘yong ibinuga sabay iling. “Good night, Sarah.” Kinantalan nito ng halik ang kaniyang noo bago umalis.

Naiwan siyang tulala at nanatiling nakatayo sa puwestong pinag-iwanan nito sa kaniya. Naabutan siya ni Jessica sa ganoong sitwasyon.

“O, gising ka pa?”

Tinitigan niya ang kaibigan mula ulo hanggang paa. Maayos ang itsura nito at halatang kapapahid lang ng lipstick. Nag-ayos pa talaga ito para hindi mahalata ang kalokohang ginawa.

“Sarah,” untag nito.

“Bakit hindi mo sinabi sa akin na si Harry pala ang bago mong dine-date?

Tinakasan ng kulay ang mukha nito. “Paano mo nalaman?”

“Nakita kitang nakikipaghalikan kay Harry at bigla na lang kayong nawala noong bumalik ang kuryente. Boyfriend mo ba siya?”

Hula niya na nagtago ito upang ayusin ang sarili. Puwede ring nakita nitong lumabas ng bahay si Aling Nena at natakot itong mahuli ng matanda.

“Sorry.” Yumuko ito. “Hindi ko naman gustong ilihim sa ‘yo. Natatakot lang ako na baka hindi ka pumayag. At isa pa, hindi ako sigurado—”

“Bakit naman kita pipigilan sa gusto mo?” Hula niya, no label ang relationship status nito kaya inilihim nito ang tungkol doon.

“Sorry na.” Niyakap siya nito mula sa likuran. “Akala ko kasi magagalit ka sa akin dahil magpapakatanga ulit ako sa pag-ibig.”

Oo, palagi niya itong tinatalakan sa tuwing nakikipagrelasyon ito pero hindi dahil gusto niyang hadlangan ito. Nababahala lang siya para sa kaibigan dahil kahit kinakawayan at kinakalabit na ito ng red flag, sige pa rin ito.

“Alam mong kapakanan mo lang ang iniisip ko.” Marupok kasi ito pagdating sa lalaki, madaling mauto. “Mas nakakagalit ‘yong paglilihim mo sa akin lalo na’t kilala ko ‘yong dine-date mo. Pinagmukha mo naman akong tanga.”

“Sorry. Promise, hindi na mauulit,” pangako nito.

“Ewan ko sa ‘yo.”

“Dapat nga magtampo rin ako sa ‘yo,” anito na ikinataas ng kilay niya.

“Bakit naman?”

“Hindi mo sinabi sa akin na nagkakamabutihan na pala kayo ni Tisoy.”

Kumalas siya sa pagkakayakap nito sa kaniya at hinarap ito. “Aba, binabaligtad mo pa ako!”

“Sus, kunwari ka pa!” Sinundot nito ang tagiliran niya. “Magkasama kayo ni Erhart sa bahay na walang ilaw ‘tapos ang lakas pa ng tili mo kanina. Anong ginawa n’yo, ha?”

Pinandilatan niya ito ng mata. “Hoy, hindi tayo magkapareho! Ibahin mo ako sa ‘yo.”“

Ows?”

Humalukipkip siya. “Marami kang dapat na ikuwento sa akin,” pag-iiba niya sa usapan. Mukhang magdamag silang mag-uusap ng kaibigan lalo na’t ‘di nito sinagot ang kaniyang tanong kung boyfriend ba nito si Harry. Hindi siya mapapalagay hangga’t ‘di ito nagkukuwento sa kaniya. “At uulitin ko, wala kaming relasyon ni Erhart.”

Hindi ‘yon mangyayari dahil ipinangako niya sa sarili na hinding-hindi siya iibig.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status