Share

Chapter 10

Naging mabilis ang pagtakbo ng panahon sa mga nagdaang araw sa buhay ko.

Pagkatapos ng pribadong pag-uusap sa isang kwarto ng mga magulang ko at ni Tita Hyacinth ay naging maayos naman ang lahat lalo na nang matapos sila sa kung ano mang pinagkasunduan nila. Hindi ko rin naman nagawang makinig sa usapan nila dahil si Mama na rin mismo ang nag-utos na lumayo ako pansamantala sa kung nasaan man sila at humingi ng permiso sa akin na hayaan silang mag-usap nang silang tatlo lang.

Hindi naman masyadong halata na ayaw nila akong isali sa kung anumang usapan nila kaya naman sa halip na mamilit ay hinayaan ko na lang din sila.

Importante rin naman ang privacy ng isang tao at naiintindihan ko naman na wala pa akong karapatang sumabat sa usapan ng matatanda lalo na kung sa usapan ng ibang taong hindi ko naman gaanong kakilala.

Pagkatapos ng usapan nilang iyon ay hindi na muling nagpakita si Tita Hyacinth sa bahay. Hindi ko rin naman nagawang kumustahin ang kalagayan niya lalo na nang makita ko itong namumugto ang mga matang naglakad palabas ng kwarto. Ni hindi na nga rin siya nagkaroon ng pagkakataong magpaalam sa akin, 'di tulad dati na magpapaalam siya sa tuwing uuwi na siya. Hindi ko naman sinasabing nagtatampo ako sa hindi niya pagpapaalam pero, parang gano'n na nga.

Bakas ang pagod at hirap sa mga mata niya nang magkatitigan kaming dalawa. Hindi ko rin naman siya nagawang tanungin dahil naging mabilis ang paglalakad niya palayo sa bahay. Maging sila Mama ay walang naging kibo nang lumabas silang dalawa ni Daddy.

Sa hapag ay hindi na masyadong nagtutugma ang oras ng pagkain naming dalawa ni Mama sa oras ng hapunan si Daddy. Bihira na lang din kung magtungo at bumisita si Tita Hyacinth, 'di tulad dati na nagmimistulang dito na siya nakatira dahil mas marami pa siyang oras na inilalaan dito sa bahay kaysa sa bahay niya mismo.

“How are you, Kimberly?” tanong niya nang maiwan kaming dalawa sa hapag noong nagkaroon siya ng pagkakataong bumisita sa bahay.

Hindi ko alam kung sinong binisita niya. Hindi ko rin naman masabing binisita niya si Mama dahil gaya nga ng sinabi ko ay naging mailap siya rito. Natitiyak kong hindi rin naman ako ang binisita niya dahil kapag nagkakaroon siya ng oras na mapalapit sa akin ay— nagagawa niya akong kausapin pero natitiyak kong ang atensyon niya ay napupunta kay Daddy sa tuwing nandito ito sa bahay.

Gaya nga ng sinabi ko kanina ay bihira na lang ito kung magtungo sa bahay upang bumisita. Minsan ay naaabutan ko silang tahimik na nag-uusap ni Mama sa sala pero kapag nakita na nila akong paparating ay daglian na silang tatahimik at hindi na muling kikibo.

Hindi naman ako manhid at natitiyak ko namang nakakaramdam ako sa mga kilos nila. Sadyang hindi ko lang talaga ugali ang manghimasok sa usapan nila at pilit na isiksik ang sarili ko sa mga bagay na alam kong bawal at wala naman akong kinalaman.

Hindi na muling nag-ubos ng oras sa akin si Daddy na ihatid man ako sa school. Medyo napaaga ang duty nito sa trabaho kaya naman wala siyang sapat na oras upang ihatid ako dahil minsan ay nakaalis na siya habang ako naman ay natutulog pa.

Naiintindihan ko naman ang panunuyo niya sa tuwing magkakaroon ako ng pagkakataong tanungin siya kung bakit wala na siyang oras na kahit maihatid man lang ako sa school. Nagagawa niya namang ipaliwanag sa akin ang lahat kaya naman nagagawa ko siyang maintindihan.

Si Mama ang nagprepresenta na ihatid ako sa campus dahil siya lang ang may malawak at bakanteng oras. Minsan ay nagagawa ring mag-offer ng ride ni Tita Hyacinth na tinatanggap ko rin naman minsan dahil nakakahiya rin namang mang-reject ng taong taos-pusong nag-ooffer sa 'yo, 'di ba?

Gaya nga ng palagi kong sinasabi ay komportable naman ako sa presensya ni Tita Hyacinth, sadyang hindi lang ako komportable sa palagi niyang pagdikit sa Daddy ko kahit na nasa paligid lang si Mama at natitiyak kong nakatitig din sa gawi kung nasaan man sila.

“Dito ka na lang ba?” tanong ni Mama habang nakatingin sa rearview mirror. 

Isang ngiti ang pinakawalan ko bago tumango na ikinangiti niya rin 'di kalaunan.

“Ako ang susundo sa 'yo mamaya, Kimberly,” bilin niya na sunod-sunod kong tinanguan.

Hindi na rin ako nagsayang ng oras dahil ilang minuto na lang ay muli na namang mag-uumpisa ang klase. Tanghali na akong nagising kaya naman natitiyak ko na kapag nakipagkwentuhan pa ako kay Mama sa ngayon ay nasisigurado kong masasabon na ako ng guro namin sa pang-umagang  klase.

Isang mabilis na halik at paalam ang ginawa ko sa kanya bago nagmamadaling tumakbo papasok ng gate.

Bakante na ang pathway kaya naman nasisiguro ko na lahat ng mga estudyante ay nasa kani-kanila ng klase.

Nagmistula na rin akong tumatakbo sa paraan ko ng paglalakad ngayon na tila ba sumali sa isang marathon. Ngayon ang pangalawang linggo ko sa kindergarten at ngayon ko lang mararanasang mahuli sa klase!

“Kimberly!” tawag ng isang pamilyar na boses sa likuran ko kaya naman bahagya pa akong natigilan sa paglalakad.

Naiinis ako sa sarili ko sa tuwing nakakaramdam ako ng kakaiba sa tuwing mararamdaman ko siyang papalapit sa kung nasaan man ako. Hindi ko alam pero nakakaramdam ako ng takot sa tuwing maririnig ko ang lagapak ng mga paa niya na papalapit sa likod ko. May kakaiba sa presensya niya na nagpapaguho sa pader na itinayo ko sa loob ng katawan ko.

Alam mo ba yung pakiramdam na nanginginig ka nang wala kang ideya sa kung ano man ang sanhi ng panginginig mo? Hindi mo naman masasabing natatakot ka sa isang presensya ng isang tao dahil hindi naman kayo magkagalit sa isa't isa. Hindi mo naman masasabing nanginginig ka nang dahil sa galit dahil first of all, hindi naman kayo nagkaroon ng sama ng loob sa isa't isa.

Ito 'yung pakiramdam na nararamdaman mo pero hindi mo magawang maipaliwanag. Natatakot ka sa mga posibleng maramdaman mo dahil kahit sa sarili mo ay hindi mo man lang magawang mahinuha kung ano-ano nga ba ang mga espekulasyon na nararamdaman mo ngayon sa tuwing mararamdaman mo ang presensya ng isang tao na papalapit sa gawi mo. 

Nanginginig ka hindi dahil sa takot at mas lalong hindi dahil sa galit. Nanginginig ka sa isang dahilan na ikaw sa sarili mo ay hindi mo magawang mahinuha.

Agad akong napabalikwas sa pagkakatayo nang maramdaman ko ang pagbagsak ng mabibigat niyang palad sa magkabila kong balikat na bahagya pang ikinalaki ng mga mata ko. Ramdam ko ang pagdukwang niya sa kaliwang bahagi ng mukha ko na para bang sinisipat ang itsura ko ngayon.

Dahan-dahan ko siyang nilingon nang may bahid pa rin ng pagkagulat sa mukha ko kaya naman hindi ko siya masisisi nang marinig ko ang mahina nitong pagtawa.

“Anong meron at bakit namumutla ka?” tanong niya habang abala ang mga berde niyang mata sa pagsipat sa kabuuan ng mukha ko.

Nakaramdam ako ng mabilis na pag-init sa kabuuan ng mukha ko. Tiyak kong napansin niya ang bahagyang pamumula ng mukha ko kaya naman bahagya pa siyang natawa sa sarili niya.

Hindi ko inaasahan ang bahagya nitong pagkurot sa kanan kong pisngi na mas lalong ikina-init ng mukha ko.

“Tantanan mo 'ko, Klaude. Late na tayo sa klase,” angil ko bago umalis sa pagkakadagan niya sa likod ko at nagtatakbo na palayo sa kanya.

Si Klaude yung tipo ng bata na medyo playful. Lahat halos ng mumunti kong mga galaw ay mabilis niyang nababasa. Tahimik ito nung una pero nang sandaling naging malapit na kami sa isa't isa ay dito na muling lumabas ang pagiging makulit niya. 

Ilang linggo na rin kaming magkasama ni Klaude. Sa lahat halos ng activities ay siya ang nakakapares ko. Gaya nga ng palagi kong sinasabi ay hindi ako gaanong nakikisalamuha sa ibang tao. Yung tipong gusto mong makipagkaibigan sa ibang bata pero wala kang lakas ng loob na mauna sa pakikipagkilala.

Hindi ako marunong mag-isip ng topics at hindi rin ako gano'n ka-sanay na makisalamuha sa iba kaya naman ang pakikipagkaibigan ay ang isa sa mga kinatatakutan kong bagay sa ngayon.

Alam ko sa sarili ko na ito ang resulta ng hindi pagsanay sa 'kin ng mga magulang ko na makipagkaibigan sa iba habang maliit pa ako. Ito yung sinasabi ko na unti-unti kang masasanay sa isang bagay na kinalakihan mo na dati at ang pagiging independent at hindi sanay na humingi ng tulong mula sa iba ang isa sa mga bagay na paulit-ulit kong sinasabi magmula pa nung una.

Buong pasasalamat ko sa Diyos na nariyan palagi sa tabi ko si Klaude. Siya ang nagsilbing liwanag ko sa tuwing makakaramdam ako ng pag-iisa. Hindi ako sanay sa presensya ng iba 'di katulad ng sa kanya. 

Iba nga lang ang nararamdaman ko sa tuwing makikita ko siyang papalapit na sa gawi namin at sa tuwing makikita ko na ang nakakasilaw niyang ngiti na palagi niyang sinusuot sa tuwing magkakaroon kami ng pagkakataong tumitig sa isa't isa na naghahatid ng panginginig sa katawan ko.

Nanginginig nga ba talaga sa takot sa tuwing magkakaroon ako ng pagkakataong lumapit sa kanya? 

Hindi ko naman masasabing epekto ito ng galit o inis dahil wala naman akong kinikimkim na sama ng loob para sa kanya. Kaya naman ang dahilan ng panginginig ng katawan ko sa tuwing mararamdaman ko ang presensya niya ay hindi ko magawang mahinuha sa ngayon.

May kakaiba akong nararamdaman pero hindi ko ito magawang maitugma sa kung ano dahil tila ba hindi rin naman ako pamilyar sa nararamdaman ko ngayon sa kanya.

And for God's sake, I'm too young for that thing! 

Mabuti na lamang at nang sabay kaming nakarating sa klase ay wala pa ang guro namin para sa araw na iyon kaya naman ang karamihan sa mga kaklase namin sa silid ay abala sa ibang bagay. Hindi rin nagtagal ay dumating na rin ang guro at kalaunan ay nagsimula na rin ang klase.

Ramdam ko ang panginginig ng mga kamay ko habang nakahawak sa mesa kaya naman natitiyak kong paparating na naman ang presensya ni Klaude upang mang-inis. Alam ko dahil ganito ang epekto ng katawan ko sa tuwing maririnig ko na ang mga pamilyar na yapak ng paa niya na patungo sa upuan kung saan ako nakaupo.

“Kanina ka pa namumutla. May sakit ka ba?”

Bakas ang pinaghalong pang-aasar at pag-aalala sa boses niya na lihim kong ikinamura sa sarili.

Hindi naman ako naiinis sa kung anong klase at anong paraan ng tono ang ginamit niya. Naiinis ako dahil sa paraan ng pagkilos niya— alam kong may kakaiba.

Oo, alam kong natatawa kayo dahil naiisip niyo na para bang imposible para sa isang six year old na bata ang makaramdam ng ganitong klase ng pakiramdam. Kahit sino naman ay alam kong hindi maniniwala sa mga sinasabi ko pero natitiyak ko na lahat naman ng tao ay may karapatang makaramdam ng ganitong klase ng pakiramdam, 'di ba?

Agad akong napaiwas sa mukha niya dahil sinadya niyang ilapit ang mukha niya sa mukha ko. Nang dahil sa ginawa niya ay mas lalo ko lang naramdaman ang pagka-ilang kaya naman nang mapansin niya na naiilang na ako sa kakalapit niya ay siya na rin ang nagdesisyon na lumayo. 

Kahit na alam kong nailang din siya sa ginawa kong pag-atras ay naroon pa rin ang ngiti sa labi niya at ang 'di pangkaraniwang pagkislap ng mga berde nitong mga mata na hindi ko gaanong nasisilayaan kapag ibang tao ang nasa harap niya. 

Hindi ko inaasahan ang biglaang paglapat ng palad nito sa leeg ko na naghatid ng kung ano-anong pakiramdam sa katawan ko.

Para bang nawala ang panginginig ng katawan ko sa ginawa niya. Tila ba sa unang pagkakataon ay naramdaman ko ang pagiging komportable sa presensya niya kahit na halos isang buwan na rin kaming magkasama sa lahat ng bagay.

“Wala ka namang masakit,” nguso niya bago tumitig sa mga mata ko. “May masakit ka ba, Kimberly?”

“'Yung kamay mo,” baling ko sa kamay niyang nananatili pa rin sa leeg ko. “Masakit sa leeg ang kamay mo.”

Nang dahil sa sinabi ko ay mabilis niyang tinanggal ang kamay at itinago sa gilid niya. Wala akong ibang nagawa kundi matawa sa reaksyon niya habang siya naman ay matunog na lang na napangisi kasabay ng pag-iwas ng tingin.

Isang buwan na kaming magkasama pero nang dahil sa ginawa niya ngayon, ngayon ko lang naramdaman ang pagiging komportable sa presensya niya. Nawala ang takot at panginginig sa sarili ko. 

Alam mo ba 'yung pakiramdam na para bang naging komportable ka dahil napag-alaman mo sa sarili at natitiyak mo na may hangganan at limitasyon ang lahat ng bagay? 'Yan ang nararamdaman ko sa ngayon para kay Klaude.

“Nagbago ka na, Kimmie,” asik niya habang naglalakad kami patungo sa library.

Sa tuwing bakante ang oras naming dalawa ay nagdedesisyon din kaming dalawa na magpunta sa isang library at doon mag-ubos ng oras upang magbasa.

Dalawang taon na kaming magkasama sa lahat ng bagay. Palagi siyang naririyan sa tabi ko sa tuwing may problema ako at gano'n din naman ang ipinaparamdam ko sa kanya sa tuwing siya naman ang maghihikahos sa problema. Magkasama kaming dalawa sa lahat ng bagay. 

Umabot na rin sa puntong sa bahay nila malapit sa bukid ko naiisipang mag-ubos ng oras sa tuwing walang klase o papatak na ang buwan ng tag-init. Kilala naman ako ng mga magulang ni Klaude dahil sa loob ng dalawang taon naming pagkakaibigan, ako pa lang ang naisasama niya sa bahay nila— maliban na lang siguro kapag may groupings o mas tama bang sabihin na group related topics ang tinatalakay namin.

Kampante si Daddy sa presensya ni Klaude. Nung una ay hindi pa siya natuwa dahil isang lalaki ang kauna-unahang naipakilala ko sa kanya bilang kaibigan sa halip na babae na inaasahan ng lahat.

Kahit sino naman ay magugulat kung babae ang anak mo tapos lalaki ang maipakilala niya sa 'yo, 'di ba? Maaari kasing dalawang bagay ang mahinuha nila sa ginawa ko. Posibleng isipin nila na babae ang gusto kong makatuluyan sa hinaharap gaya nang nauuso ngayon o baka naman isipin nila na sa edad kong iyon ay may binabalak na akong magpaligaw— which is hindi angkop para sa edad ko at ayoko rin namang gawin ang bagay na iyon, 'no.

Masyado pa akong bata, at isa pa— hindi pa ako handa, 'no.

Natawa ako sa singhal niya kaya naman pabiro rin kaming nagsuntukan at naghabulan sa hallway hanggang sa tahimik kaming makarating sa library.

Nararamdaman ko ang kapanatagan sa sarili ko kapag si Klaude ang kasama ko. Oo, nung una ay nararamdaman ko ang takot dahil hindi ko mapigilang mapaisip na baka may masama siyang balak at gustong patunayan sa akin kaya naman no'ng sinusubukan niyang makipagkaibigan ay hindi ko man lang siya nagagawang pansinin. Hindi kalaunan ay unti-unti ko ring napatunayan sa sarili ko na may mabuti siyang puso at mayroon siyang mabuting adhikain. Lubos tuloy ang pasasalamat ko sa Diyos dahil ang kauna-unahang regalo na ibinigay niya sa akin ay mabait at natitiyak ko ring makakabuti para sa akin.

“Magsagot ka,” angil ko habang nakataas ang kilay ngunit nanatili lamang ang ngiti sa labi niya habang nakapangalumbaba sa harap ng mesa kung saan ako nagbabasa.

Isang irap ang pinakawalan ko nang makita ko ang ngiti sa labi niya, ngunit hindi rin nagtagal ang pagtataray sa mukha ko nang makita ko siyang humugot ng kung ano sa mula sa bulsa.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status