Share

Real Meaning of Love

Real Meaning of Love

"Paano mo pa ipagpapatuloy ang buhay mo, kung alam mong mamatay ka na?"

'Yan ang tanong sa 'kin ng isang kaibigan ko rito sa ospital. Ospital para sa mga taong may cancer. 

Sabi nila, kapag nabigyan ka ng chance na mabuhay, maging masaya ka at 'wag sayangin ito. Dahil maraming tao ang gusto pang mabuhay pero hindi na nabibigyan ng pagkakataon. 

Kahit gustuhin mo pang mabuhay ng mas matagal para makasama ang mga taong mahal mo, kung hanggang dito na lang ang araw na itinakda sa 'yo, dapat mong tanggapin. Masakit man. Dahil hindi lang naman sa 'yo iikot ang mundo. Maraming tao. At sa pag-ikot nito, may mga taong nawawala, lumilisan. May mga taong iiyak sa pagkawala mo, pero sa kabila no'n may mga tao naman ang sumasaya dahil may isang bata na naman ang isinilang sa mundo. 

Isang taon na ang nakalipas nang malaman ko na may malubha akong sakit na leukemia. Nagpagamot ako at ilang chemotherapy ang pinagdaanan ko pero habang tumatagal, mas lalo kong nararamdaman ang panghihina ng aking katawan. 

Hanggang isang araw, tinapat na kami ng doktor na halos magpadurog ng puso ng aking mga magulang. May taning na ang buhay ko. 

Masakit malaman iyon, lalo na't marami pa akong pangarap na hindi pa natutupad. Pero mas masakit pa lang makita 'yung mga taong mahal ko na pinipigilan ang luha nila, para lang hindi ko makita na nasasaktan sila.

Ginagawa ko ang lahat para labanan ang sakit kong ito dahil gusto kong umabot pa ako sa araw na itinakda sa 'kin ng Diyos. Gusto ko, bago ako mawala sa mundo, handa na 'yung mga taong mahal ko.

Sa kabila ng aking panghihina nand'yan pa rin ang mga magulang ko para palakasin ako. 

"Anak." Napalingon ako sa aking katabi at hinawakan niya ang kamay ko. "Magdasal tayo," ani Mommy.

Napangiti ako at dahan-dahang tumango. "Sige po."

Kahit nagkasakit ako ng ganito, kahit kailan hindi ko sinisi o kinuwestyon si God kung bakit sa bilyon-bilyong tao sa mundo, ako pa. Dahil alam kong may dahilan kung bakit nangyayari ito. 

Masuwerte pa nga ako dahil binigyan ako ng pagkakataon para makapag-paalam sa mga taong mahal ko. Iyon nga lang, naaawa lang ako sa mga magulang ko kapag naririnig ko silang sabay na nagdarasal at hinihiling na sana, gumaling na ako.

Hindi ko maitatanggi na sana mangyari nga 'yon, para mas matagal ko pa silang makasama sa mundo. Na sana, mabigyan pa ako ng pagkakataon. Na sana, totoo nga 'yung tinatawag nilang himala.

Hanggang nangyari na lang ang hindi inaasahan, bigla akong nawalan ng malay. Nang ako'y magising, nandito na naman ako sa isang puting kwarto na saksi, kung paano ako pinahirapan ng sakit ko.

Pagtingin ko sa aking kamay, may nakasaksak na kung ano-ano at marami na namang gamot ang itinurok sa 'kin. Mga gamot na alam ko sa sarili ko na wala na rin namang epekto. 

Palaging ganito na lang ang nangyayari. Gustuhin ko man na palagi ko silang kasama sa mga huling araw ng buhay ko, parang hindi na rin nakikiayon sa 'kin ang tadhana. Mismong doktor ko na ang nagsabi na mas makakabuti raw kung mamalagi na lang ako sa ospital dahil palala na raw nang palala ang kondisyon ko.

Mahirap man para sa 'kin, ako na mismo ang nagdesisyong na dumito na lang sa ospital.

Sa paglaban ko sa sakit kong ito, hindi ko akalain na may isang bagay pa akong hindi natutuklasan. May isang bagay pa akong hindi nararanasan at kailan ko lang ito nalaman.

Noong minsan nakita ko siya. Noong minsang natitigan ko ang mukha niya, bigla na lang bumilis ang tibok ng puso ko. Hindi ko mabigyan ng paliwanag kung bakit nadama ko iyon at doon, napagtanto ko ang lahat.

Hindi ko pa pala nararanasan ang magmahal. Kaya pala no'ng nakita ko siya, tumibok nang malakas ang puso ko. Ang ganda ng tindig niya. Ang ganda niya pumorma. Ang amo ng mukha niya. Parang hindi nga siya marunong ngumiti pero ang gwapo pa rin niya.

Buong buhay ko, hindi ko pa nararanasan ang umibig. Nakakalungkot isipin na mamamatay ako na hindi man lang nararanasan ang pinakamasarap na pakiramdam sa mundo; ang magmahal.

Naisip ko nga, siguro kung wala akong malubhang karamdaman, maari kong maranasan iyon. Pero naisip ko na mas mabuti na rin pala na wala akong alam tungkol sa pag-ibig na 'yan. Dahil alam kong mas magiging mahirap para sa 'kin ang lisanin ang mundo.

Mabilis na lumipas ang mga araw, isang pamilyar na tao ang nakita kong muli. Nanlumo ako nang makilala kong siya. 

Hindi ako pwedeng magkamali... sambit ko sa aking sarili.

Siya. Iyong unang lalake na nagpabilis ng tibok ng puso ko.

Nahirapan akong huminga nang makita ko ang lungkot sa mata niya. Namumutla siya at mukha na rin siyang mahina katulad ko. May telang puti na nakabalot sa ulo niya at naka-hospital dress din siya. Ngunit hindi tulad ko, naglalakad pa siya mag-isa at hindi pa kailangan ng wheel chair o saklay.

Ibang-iba na ang itsura niya mula noong una ko siyang nakita. Isang tanong lang ang naglalaro sa sa isip ko. May sakit din ba siya katulad ko?

"Ah, si Von? May stage 2 lung cancer siya. Kailan lang 'yon nalaman ng magulang niya dahil inilihim niya iyon sa kanila," ani ng isang nurse na nakausap ko.

Nalungkot ako sa tuwing may mga kabataang tulad ko ang binibigyan na rin ng taning ang buhay at dinadala sa ospital na ito. Pero mas nakakalungkot na isa rin pala siya sa may malulubhang sakit kagaya ko.

***

Sa mga araw na nagdaan, mas lalo akong nacucurious kay Von. Katabi ko lang kasi siya ng kuwarto. Isang araw nga, nagmadali akong lumabas upang alamin kung bakit maingay sa kabilang kwarto.

At doon, nakita ko na nagwawala si Von. Lungkot at awa ang bumalot sa 'kin nang makita ko siyang umiiyak at sinasabing, "ayoko pang mamatay!"

Bumalik na lang ako sa k'warto ko na may luha sa mata. Doon naisip ko, paano kaya kung permanente na lang ang buhay natin sa mundo? Iyong walang katapusan. At mamamatay ka lang kapag gusto mo na. Kapag pagod ka na. Sana gano'n na lang 'no? Para wala ng taong malulungkot.

Kinabukasan, nagulat ako dahil sabay kaming lumabas ng k'warto. Napatingin siya sa 'kin at gano'n din ako.

"Hello. I'm Lemari," bati ko nang nakangiti.

Hindi siya nagsalita. Hindi rin siya ngumiti pabalik. Nananatiling blangko ang reaksyon niya. 

"Am I asking for your name?" masungit na sagot niya.

"Baka gusto mo lang naman malaman," nakalabing usal ko. Ang sungit naman nito.

Hindi na siya sumagot at bigla na lang siyang umalis. 

Nang sumunod na araw, nakita ko na naman siya at nilapitan. Mukhang malalim nga ang iniisip niya, e.

"Alam mo ba ang kasabihang laughter is the best medicine?"

Nagulat naman siya dahil bigla na lang akong nagsalita. "So?"

"Kung sisimangot ka nang sisimangot, walang mangyayari. Magkakawrinkles ka lang sa ginagawa mo," panenermon ko.

Tiningnan niya ako ng seryoso. "Bakit kung tatawa ba ako, may pag-asang gumaling ako?" hamon niya.

"Siguro. Pero alam mo, kung ngingiti ka, mababawasan ang lungkot mo. Mababawasan ang problema mo kahit sandali. Don't stress your self. Mas lalo mo lang pinapadali ang buhay mo," sambit ko.

Natahimik ako ng biglang magsalubong ang kilay niya. "Bakit mo ba ako kinakausap? Ni hindi mo nga ako kilala."

Ngumiti ako. "Wala lang. Gusto ko lang."

Napailing siya. "Tss. Bahala ka nga r'yan," sabi niya at umalis na naman.

Nang sumunod na araw ulit, nakita ko siyang nakaupo sa school garden kaya lumapit ako.

"Hi, Von."

Napatingin siya sa 'kin. Kumaway naman ako nang nakangiti.

Napakunot ang noo niya. "How did you know my name?" tanong niya.

Ngumiti ako. "I have my ways."

Natigilan naman siya at lumayo ng tingin. "Don't talk to me."

"Ang sungit mo naman. Parang nakikipag-kaibigan lang naman, e." Hindi ko namalayan na nakalabi na ako.

Tiningnan niya ulit ako ng seryoso. "I don't need a friend."

"Then treat me like a stranger and tell me your problem. I'm sure, you need a friend. Nahihiya ka lang," nakangiting sabi ko.

"Makulit ka talaga 'no?!" biglang bulyaw niya. Mukhang nabubwisit na siya sa 'kin. "Ayoko nga sabi!"

Bumuntong hininga ako bilang pagsuko. "Okay, fine. Basta lapitan mo lang ako, if you need someone to talk to."

Pagkatapos, pinaandar ko na 'yung wheel chair ko paalis. Mukhang marami siyang iniisip. Ayoko muna siyang kulitin at baka mas lalo pa siyang mainis sa 'kin.

***

Lumipas ang mga araw, hindi ko na siya kinukulit at napapansin kong panay ang tingin niya sa 'kin. Hanggang nagulat na lang ako nang bigla siyang lumapit.

"P'wede ba kitang makausap?" nahihiyang tanong niya.

Kaagad akong napangiti. "Oo naman."

Pumunta kami sa hospital garden at tulak-tulak pa niya ako. Umupo siya sa isang sementadong bato sa harap ko.

"Pasensya na, a? Wala kasi akong mapaglabasan nito," aniya.

Tumango ako. "Okay lang."

"3 years ago, nang malaman kong may lung cancer ako. Dinalahit ako ng ubo no'n kaya nagpatingin na ako sa doktor. Doon, ipinagtapat sa 'kin ang totoo." Napayuko siya. "Noong una pinabayaan ko lang dahil parang wala naman akong nararamdaman na epekto. Ang hindi ko alam, kahit pala wala akong nararamdaman, unti-unti na akong inaatake ng sakit ko," aniya. "Hanggang isang araw, nagising na lang ako na kailangan ko nang magpagamot. Noong una, hindi ako makapag-desisyon dahil inilihim ko sa pamilya ko ang tunay kong kondisyon. Natatakot kasi ako. Nakakahiya man aminin pero naduduwag ako. Dahil 'yung pamilya ko ang kahinaan ko at ayokong makita silang nasasaktan kahit nahihirapan ako."

Hindi ako makapaniwala sa mga narinig ko. Hindi ko akalain na ibabahagi niya sa 'kin ang masakit na kuwento ng buhay niya.

"Hanggang sa nalaman na nila. Wala silang ginawa kundi umiyak sa harap ko. Ang hirap nga, e." Napangiti siya ng walang saya. "Kasi kahit gusto kong umiyak at ipakita sa kanila na mahina ako, hindi ko ginawa. Dahil alam kong masasaktan sila. Nilakasan ko ang loob ko para ipakita sa kanilang malakas ako. Kahit na ang totoo'y, duwag na duwag ako."

Naramdaman ko na lang ang mabilis na pagtulo ng luha ko. Nalulungkot ako. Nasasaktan. Nararamdaman ko rin kasi ang nararamdaman niya.

"Nilabanan ko ang sakit ko, para sa kanila. Hanggang sa tinapat na ako ng doktor." Nakita kong may luhang tumulo sa mata niya pero kaagad niya 'yon pinunasan. "Tangina! Sila ba ang Diyos para bigyan ng taning ang buhay ko?! Bakit hindi na lang nila tayo paniwalain sa kasinungalingan na magtatagal pa ang buhay natin para hindi ganito kasakit tanggapin ang katotohanan na iyon!"

Imbis na siya ang abutan ko ng panyo, ako pa ang inabutan niya. "Pero hindi ba, mas magandang tapatin ka sa masakit na katotohanan kaysa paniwalain ka pa sa kasinungalingan?"

"Iyon na nga, e." Bumuntong hininga siya. "Pero bakit kaya gano'n? Iniingatan ko naman ang buhay ko kahit na alam kong ipinahiram Niya lang 'to. Pero bakit naman kung kailan ako masaya, doon pa Niya babawiin ito?"

Pinilit kong ngumiti. "May mga bagay kasi na ayaw man nating mangyari, kung iyon naman ang nakatakda, wala tayong magagawa kundi magtiwala sa Kanya."

Tumingin siya sa malayo. "Kaya naiinis ako sa mga taong sinasayang lang ang buhay nila. Iyong mga taong kinikitil ang mga buhay nila dahil lang sa mababaw na dahilan. Naiinis ako sa kanila! Dahil hindi nila naisip na maraming tao ang gusto pang mabuhay pero hindi na mabigyan pa ng pagkakataon."

Mas lalo akong naawa sa kanya. Ako, kahit masakit, tanggap ko na mawawala na ako sa mundo. Napagdaanan ko rin iyon, e. At sobrang hirap. 

Habang tumatagal mas lalong nahuhulog ang loob ko sa kanya. Mas lalo kong nalalaman kung sino talaga siya. 

"Ako, gusto ko bago ako mawala sa mundo, makapunta ulit ako sa park," nakangiting sambit ko habang nakatingin sa malayo.

"Bakit sa park?"

Nilingon ko siya. "Dahil gusto kong makakita ng lugar na masaya. Gusto kong makakita ng mga batang nagtatawanan, iyong mga inosenteng ngiti nila habang naglalaro sila sa playground. Gusto kong pagmasdaan lang ang kapaligiran," sambit ko.

Pagkatapos ng araw na 'yon, masungit na naman siya sa 'kin at bihira lang mamansin. Akala ko pa naman dahil doon magiging close na kami. Hindi rin pala.

***

Napansin kong panay ang tingin sa 'kin ni Von habang nasa garden kami pareho. Pagtitingin ako sa direksyon niya, nahuli ko siyang nakatingin sa 'kin at kaagad din naman siyang nag-iwas ng tingin. 

Hanggang sa hindi na ako nakatiis at nilapitan ko na siya. Pinagmasdan ko siyang mabuti habang nakangiti.

"Anong tinitingin-tingin mo r'yan?" masungit na tanong niya na tila naiilang.

"Nagsusungit-sungit ka pa r'yan. E, ikaw nga ang panay ang tingin sa 'kin," sambit ko habang nakangiti ng mapangasar.

Nanlaki ang mata niya at parang natauhan. Kaagad siyang yumuko at napansin ko ang mabilis na pamumula ng kanyang mukha. 

"Ewan ko sa 'yo," sabi niya at tinalikuran na naman ako. Ang hilig talagang magwalk out no'n.

Isang araw, naisipan kong kausapin na lang ang mga nurse. Marami silang itinatanong sa 'kin. 

"Pagsubok lang iyan, hindi ka dapat mawalan ng pag-asa. Alam kong kaya mo 'yan," sabi no'ng isang nurse.

Napangiti naman ako. "Salamat."

Masaya ako dahil kahit sa sandaling oras, itinuring nila akong kaibigan at hindi bilang isang pasyente. Pabalik na ako sa kwarto nang bigla na lang may nagsalita sa likuran ko.

"Are you kidding me? You're not afraid to die?"

Kahit na hindi ko lingonin kung sino iyon, boses pa lang kilala ko na. Si Von. 

Humarap ako sa kanya at kitang-kita ko ang kakaibang aura ng mukha niya ngayon. Para bang galit siya. Hindi lang basta masungit.

Bumuntong hininga ako. "Natatakot akong iwan 'yung mga taong mahal ko. Pero hindi ako natatakot mamatay."

Unti-unting nawala ang galit na iyon at mabilis na nabalot ng lungkot ang mukha niya. "Bakit hindi ko maramdaman ang nararamdaman mo? Bakit hindi mawala ang takot sa puso ko?" tanong niya.

Ngumiti ako ng malungkot. "Lahat naman ng tao may kinatatakutan. Nasa sa 'yo na 'yan kung paano mo lalabanan ang takot na 'yon at tanggapin ang katotohanan, gaano man kasakit." Huminga ako ng malalim. "Hindi ako takot mamatay dahil alam kong ginawa ko naman ang lahat. Sa labing siyam na taon ko sa mundo, naging masaya ako dahil maraming tao ang nagmamahal sa 'kin. Ang ikakatakot ko lang siguro, 'yong mamatay ako na wala man lang nagawa. Na kahit isang beses sa buhay ko, hindi man lang ako naging masaya. Kaya palagi kong sinasabi, kung mamamatay man ako ngayon, bukas o sa mga susunod pang araw, mamamatay akong masaya. Dahil wala akong pinagsisisihan." I forced a smile again. "Gaano man kasakit, you need to accept the truth. Dahil wala ka rin naman pagpipilian."

Hindi siya sumagot, tumalikod na lang siya at umalis. Pero napansin kong mas dumoble ang lungkot niya ngayon.

Makaraan ang isang linggo, nagulat na lang ako, nang lumapit sa 'kin si Von. Hindi ko maitago ang saya ko nang kausapin niya ako. Lumipas ang mga araw palagi na kaming nag-uusap. Masungit pa rin siya pero nabawasan na iyon.

Hanggang isang araw, nakaramdam na lang ako ng mabilis na panghihina ng aking katawan. Minsan sobrang sakit na ng ulo ko pero hindi ko iyon sinasabi sa doktor dahil tuturukan na naman nila ako ng gamot na pakiramdam ko, mas lalong nagpapahina sa 'kin.

Tanggap ko na ngunit habang pabawas nang pabawas ang numero sa kalendaryo, nalulungkot pa rin ako at hinihiling na sana, tumagal pa ang buhay ko.

Kahapon nga inatake na naman ako at hindi ko na nailihim sa mga doktor. Sinabi nila na 'wag daw muna akong magkikilos dahil mas lalong manghihina ang katawan ko. Pakiramdam ko, ayaw na makisama ng katawan ko para bigyan pa ako ng lakas.

Nagpahatid ako sa isang nurse na nagbabantay sa 'kin sa hospital garden. Ilang araw ko nang hindi nakikita si Von dahil hindi ako pinapayagan ng doctor na lumabas ng k'warto. 

Sa mga araw na hindi ko nakikita si Von, sobrang namimiss ko siya. Para kasing 'pag nakikita ko siya, nagkakaroon ako ng lakas.

Nagulat na lang ako nang maramdaman ko na may biglang tumulak sa wheel chair ko.

"Nurse, nagpaalam naman ako 'di ba? P'wede bang dito muna ako kahit sandali lang? May hinihintay kasi ako." At sana, dumating siya.

Hindi siya sumagot kaya napalingon ako. Laking gulat ko ng hindi 'yung nurse ang nakita kong nagtutulak sa 'kin.

"Von..."

Sumenyas siya na 'wag akong maingay at nagpatuloy lang siya sa pagtulak sa 'kin.

"Von, saan ba tayo pupunta? Saan mo ako dadalhin?" mahinang tanong ko. 

"You'll know when we get there."

Tumango na lang ako kahit na nagtataka ako. Nagulat na lang ako nang lumalabas kami sa likod ng ospital kung saan naka-parada ang mga sasakyan. Huminto siya sandali dahil tinanggal niya 'yung suot niyang hospital dress. 

Laking gulat ko nang biglang lumabas mula sa itim na sasakyan 'yung isang lalake, binuhat at inupo pa niya ako sa loob no'n. Sumakay din si Von sa tabi ko. At sa unahan 'yung lalake na palagay ko'y driver niya. Isa lang ang ibig sabihin nito.

Tatakas kami.

Habang nasa sasakyan, walang nagsasalita sa amin. Tanging nakakabinging katahimikan lang ang naghari. Hanggang ako na mismo ang bumasag ng katahimikang iyon.

"Von, saan tayo pupunta?"

Nilingon niya ako. "Sa park. 'Di ba sabi mo, gusto mong pumunta doon?"

Nagulat ako. Natatandaan pa niya iyon? "Paano kung may mangyaring masama sa atin? Baka hanapin nila tayo."

"Hindi na mahalaga iyon. Ang mahalaga ngayon, hindi ko na ulit hahayaan na maging duwag ako sa nararamdaman ko."

Natigilan ako at parang huminto ang mundo ko. "Von, anong ibig mong sabihin?"

Unti-unti siyang napangiti. Isang ngiti na nagpabilis ng tibok ng puso ko.

"Dati, noong high school ako, may nagustuhan akong isang babae. Hindi ko man lang nasabi sa kanya iyon at tanging apelyido lang niya noon ang alam ko," aniya. "Lumipas ang mga araw, buwan at taon. G-um-raduate na kami at nag kanya-kanya na ng eskwelahan. Hinanap ko siya at doon nalaman kong hindi na pala siya nag-aaral. Nalungkot ako."

Biglang bumagal ang tibok ng puso ko. Kinabahan ako sa hindi malamang dahilan.

"Hanggang sa isang araw, naisipan kong tingnan ulit 'yung year book namin at hanapin siya. Namalayan ko na lang na nakatitig na pala ako sa mukha ng isang babae. At siya ang babaeng iyon. Labis akong humanga sa ganda niya. Hindi ko alam kung saan ko siya hahanapin. Hanggang hindi inaasahan, nakita ko siya." Huminto siya at saglit na tumingin sa 'kin. "Natakot ako bigla. Nakita ko siyang nakatitig sa 'kin. Malayong-malayo na siya sa itsura niya noon. Wala na rin sigla ang mukha niya. Alam kong siya 'yon, dahil iyon ang sinasabi ng puso ko. At sa kabila ng panghihina niya, maganda pa rin siya." Para akong nakuryente nang dumampi ang kamay niya sa kamay ko. "Ang pangalan niya ay Lemari Orpeña."

Nanlaki ang mata ko at naitakip ko ang isang kamay sa bibig ko. Para akong kinapos ng hininga at hindi ko nagawang magsalita. Paano... schoolmate ko siya dati? Bakit hindi ko man lang nalaman iyon?

Gayunpaman, unti-unti akong napangiti. "Alam mo ba noon, kontento na ako sa buhay ko. Tinanggap ko na ang lahat. Hanggang sa makita ko ang unang lalake na nagpatibok ng puso ko. Ubod siya ng sungit at palagi niya akong tinatalikuran. Pero napansin kong ang saya-saya ko kapag kinukulit ko siya. Napapangiti niya ako. Binigyan niya ako ng inspirasyon sa araw-araw, hanggang namalayan ko na lang na nahuhulog na ako sa kanya at hindi ko na kayang lumipas ang isang araw na hindi ko siya nakikita." Pinagdaop ko ang kamay namin. "Ang pangalan niya ay Von Edria."

Mataman niya akong tinitigan na parang gulat na gulat. Bigla akong nahirapan huminga dahil sa titig niya na sadyang nagpapalakas ng tibok ng puso ko.

"I'm just scared to admit it to myself. But everytime I hear your voice, my heart beat so fast." Unti-unti siyang napangiti. "Isang araw, nagising na lang na lang ako na mahal na pala kita. Nagsimula yata 'to no'ng nakita ko 'yung ngiti mo. Parang binigyan mo ako ng lakas na hindi pa huli ang lahat para labanan ito at ipagpatuloy ang buhay ko."

Naramdaman ko na lang na parang may mga paru-parong nagliliparan sa tiyan ko nang halikan niya ang kamay ko.

"Ikaw ang nag-alis ng takot sa puso ko. Ipinaintindi mo sa 'kin ang totoong ibig sabihin ng buhay. At isa lang ang gusto ko ngayon." Huminto siya at hinigpitan ang hawak sa kamay ko. "Ang makasama ka sa mga nalalabing araw ng buhay ko."

Nagulat ako, kasabay nang pagpatak ng luha sa mata ko. 

"Alam Niyang hindi ko makakaya kapag nauna ka sa 'kin. Heaven knows how much I love you and you mean everything to me, Lemari. Kung mawawala ka, hindi ko kaya."

Hindi ko napigilan at naluha na ako sa kaligayahan. Hindi ko alam na mararanasan ko pa ito. Ganito pala kasarap ang magmahal at mahalin. Ngayon, napatunayan ko na walang pinipili ang pag-ibig.

"Me too. I want to spend my remaining days with you."

Napangiti siya at lumapit sa 'kin. Napapikit ako ng naramdaman kong dumampi ang labi niya sa noo ko.

Noon, tanggap ko na ang lahat. Akala ko, mamamatay ako na hindi man lang nararanasan ang magmahal at mahalin. Because of him, I believe that true love really exist.

"Sir!"

Masyadong naging mabilis ang pangyayari, nagulat na lang kami ng may biglang sumulpot na 10 wheeler truck sa harap namin. Hinigpitan ko ang hawak sa kamay niya dahil nahirapan akong huminga dahil hindi namin alam ang gagawin.

Hanggang sa niyakap niya ako at sabay kaming pumikit. Alam na namin ang susunod na mangyayari, ngunit nang marinig ko ang mga sinabi niya, nawala ang takot ko. Nawala lahat ng pangamba sa puso ko.

"Mahal na mahal kita, Lemari. At kahit sa kabilang buhay pa, patutunayan ko 'yon. Hahanapin kita, at doon sisimulan ko ang walang hanggang pagmamahal ko sa 'yo."

Lemari Orpeña

Time of death: 4:36 PM

Von Edria

Time of death: 4:36 PM

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status