Share

Kabanata 3

"Huwag ako Beh, ine-echos mo 'ko e. Masyado naman kasing panteleserye 'yan... Pero 'di nga, totoo?" Nyemas parang ako ang hindi makapaniwala sa tagal niyang naproseso.

"Paulit-ulit ka Jamie, nakaka-irita ka na kanina ka pa. Nananadya ka ba o bingi ka lang talaga?" singhal nitong katabi ko. Kung pagtabihin itong si Jamie na medyo tanga at si Mirna na pikon, ewan ko na lang. Mabuti na lang nandito ako para umawat. Naks!

Pero kahit ganyan kaming tatlo, hindi kami umabot sa puntong nagkakasakitan na, maliban syempre sa paminsan-minsang pananampal at pambabatok—ekspresyon kumbaga.

Nandito kami sa classroom, vacant time sa General Mathematics—na minsan lang mangyari. Dahil maraming ginagawa ang GM teacher namin, pinili niyang 'wag na munang magturo. Hinimok niya kaming gamitin ang oras na 'to para gawin ang mga activities sa ibang subject. Sus, dumaan lang 'yon sa mga tainga namin.

Nakaharap kami sa isa't isa habang nakaupo. Para kaming seryosong nagpupulong. Ngunit napakalayo sa tunay na ginagawa.

"Oh ano na Dzai? Continue na pa-epal kasi 'tong si Jamie." Napakaprangka nitong si Mirna. Kung hindi mo lang talaga siya kilala, mapipikon ka sa kung paano siya makipag-usap sa’yo.

"Ano pa ba ang dapat kong i-kwento? Basta 'yon na 'yon—wala ba silang sariling bahay? Anong pakay nila?  Para ipamukha sa amin na gagawin namin ang lahat basta sa pera? Basta naiinis talaga ako! Lalo na kay Mishella, ‘yong mukha niyang ang bait-bait pero nasa loob pala ang kulo!"

Pinipilit ko ang sarili na huwag magpa-apekto, na wala akong pakialam. Pero hindi! Lamang pa rin ang pag-aalala. Hindi ko hahayaang sirain na naman kami.

"Luh high blood na si Elise!" Hagikhik pa niya. "Pero seryoso, bakit galit ka diyan kay Mishella? Ano bang ginawa niya?" dugtong ni Jamie na siyang nagpataas ng kilay ko.

Hay naku. Kanina pa ako daldal nang daldal, wala man lang siyang nakuhang ideya. Hindi niya man lang madugtong-dugtong ang kwento.

"Gaga ka talaga Jamie! Hindi ba usong gumamit ng utak ha? Hindi ba halata na—"

"Nabuntis ng tatay ko ang kabit niya kahit na nagsasama pa sila ni Nanay, gets?" Hindi ko na pinatapos si Jamie. "Hindi naman kasi halata na may kerida siya. At noon pa man pala, alam na ni Nanay na may kabit siya, matagal na. Ako lang ang walang alam!"

Humigop ako ng hangin at marahas na ibinuga, ipagpapatuloy ko na sana ang sasabihin ko kung hindi lang muling nagtanong si Jamie.

"So ilang taon ka nang iniwan ka ng Papa mo?"

Peke akong ngumiti at mapait na sumagot, "Eight years old."

Tango naman ang itinugon niya sa akin.

"So, ano na ang sunod? Idetalye mo naman." sabi ni Mirna na sinabayan ng pag-ikot ng mata.

"’Yon na nga ‘yon. Basta ngayon bigla siyang nagpakita. Sa loob ng walong taon ha na wala siya. Ngayon lang nagpakita! At sinabing sa bahay namin titira iyang si Mishella, ang anak niya. Nyemas!"

Mabuti na lang malayo ang puwesto ng teacher namin habang may ginagawa sa lamesa. Kung kaya't nakasisiguro akong 'di niya narinig ang pagmumura ko.

Samantalang sinadya kong hindi ilahad ang buong istorya, nakakahiya sa parte ko, sa kay Ellena, at lalo na kay Nanay. Puro negatibo na kasi ang pinanghahambing sa pamilya ko, dadagdagan ko pa ba?

Oo kaibigan ko sila, pinagkakatiwalaan ko, kahit nitong taon lang kami nagkalapit ng loob. Kaso ang usaping 'to masyado ng personal lalo na kung detalyado kong sasabihin.

Karamihan kasi sa Sitio namin, alam na raw ang ugali ni Nanay na kesyo uhaw sa pera, bungangera, walang hiya at kung ano-ano pang nakakainsulto. Hindi ko ipagkakaila na minsan nakikita ko rin iyon kay Nanay… Pero may rason! Dahil para sa kanila tapos na ang usapan, tipong hindi na iyon mababago kailanman.

Tama, kailangan namin ng pera dahil naghihirap kami. Kung kaya't baon kami sa utang at kung nagkakaroon man kami ng pera kadalasan mula sa ahensya ng pamahalaan, 'di pa rin namin nababayaran ang lahat ng utang, sa dinami-rami ba kasi. Saka marami rin kaming pangangailangan lalo na't walang permanenteng trabaho si Nanay. Rumaraket din ako, kaso hindi iyon sapat.

Ngayon uhaw sa pera na ba agad-agad?

Pangalawa, ang pagiging bungangera kuno ni Nanay? Aba sino ba naman ang hindi magbubunganga kung masama na ang tingin ng karamihan sa’yo, syempre kailangan ipagtanggol ang sarili. Totoong likas na madaling mapikon si Nanay kaya dinadaan niya sa pananalita, natural naman iyan 'di ba?

Nyemas na lipunan, 'kala mo naman perpekto!

"Ay next subject na! Sayang gusto ko pa namang mag-chika, basta Beh may utang kang kwento sa amin 'di mo pa natatapos ‘yon," si Jamie.

"Dzai ah, aasahan namin 'yan, tagal mo kasing magkwento ka-imbyerna ka!" Siya pa talaga ang may ganang magreklamo? Syempre si Mirna pa ba.

Napatango naman ako, kahit wala akong planong sundin iyon. Marahil babawi na lamang ako sa isa ko pang kwento tungkol kay Emerson. Kung 'di lang talaga pangit ang nangyari kahapon, ang saya ko na siguro dahil sa kanya.

Darating kasi ang masayang pagkakataon kung sobrang lungkot mo. Dahil nga sa sobrang lungkot, 'di mo na mapagtutuunan ng pansin ang masayang pagkakataon. Mababaon ka na lang sa kalungkutan. Ma-a appreciate mo na lang iyan kapag tapos na ang lumbay. Ang unfair...

Nyemas nahugot ko ba iyon dahil kay Emerson?

=====

Dito sa Nayades National High School libre ang karamihan, maliban sa mga miscellaneous fees, mga projects tulad ng kailangang i-print at 'di rin maiiwasang gumastos kapag may events sa school, kunwari mga sayawan sa kada grade level syempre kami ang gagastos ng damit, bayad sa trainer, at props.

Kaya minsan pinapagalitan ako ng adviser namin, kahit anong pilit niya kasi 'di niya ako mapapasali, i-gastos ko na lang iyan sa pagkain, sa bahay, at baon ko, minsan nga kulang pa ta's sasali pa ako sa mga ganyan? 'Wag na!

Tagilid tuloy impresyon sa 'kin ng mga guro rito . Pala-absent pa kasi ako, kahit ayaw ko man kailangan e. Kailangan ko munang magtrabaho bago pumunta ng eskwela. Hindi para sa akin at hindi para may baon ako. Kundi sa kakainin namin, ang prayoridad ko.

Saka ayos lang kahit wala akong baon, nakakakain pa naman ako tuwing umaga. Ang problema kung wala kaming pagkain, iyon nga ang punto ko kung bakit inuuna ko ang pagtatrabaho.

Pangarap kong magkaroon ng maayos na trabaho, may sapat na suweldo para sa pangangailangan at luho. 'Di nga lang ako desidido sa pag-aaral. Pwede ba ‘yon? Ewan…

Sana kahit walang tinapos may mararating pa rin sa buhay. Kaso bihira ang ganito. Depende sa mukha, tiyaga, at suwerte. Nakapanghihina ng loob.

"Dzai—huy tingnan mo! Si Emerson oh!" Napabalik-ulirat ako nang sigawan ako ni Mirna. Sarap tahiin ang bibig eh.

Pero ano raw? Si Emerson?

Luminga-linga ako sa kaliwa't kanan. Kung may iinat pa ang leeg ko, ginawa ko na sana. Naaayon naman sa edad ko ang aking tangkad, pero—

"Pinagloloko mo ba ako? Wala naman e." Nanliliit ang mata kong tiningnan siya. Loka 'to, ako na naman ang pinagtripan.

"Ayun! Pinansin na 'ko, kanina ka pa tuleg diyan Dzai. Saka 'wag kang umasa. Paano naman mapupunta 'yan dito e hindi pa naman DISS time. ‘Yan absent pa more!"

"Bwiset ka, 'di ba pwedeng umasa paminsan-minsan? Atleast ako umaasa lang. Kaysa naman sa iba diyan, nagdedelusyunal na, feeling niya mag-on na sila pero hindi nga siya kilala ng sinasabi niyang boyfriend. Kawawa naman siya, ‘di ba Mirna?" pa-inosente kong tanong. 'Kala mo ah.

"Grabi ka. Oo na, oo na! Ako na ang feelingera." Sabay irap.

Ang galing. Siya ang naunang nagbiro ta's siya itong napikon.

"Chaka 'yang si Vergo," pagsisingit ni Jamie. "Kung ibinigay na lang ‘yong susi nitong classroom, para kahit wala siya may tatambayan tayo. Palibhasa terror."

Si Sir Amardo Vergo ang PerDev teacher namin. Nandito kami sa hallway nakatayo at naghihintay sa kanya.

Maya't maya lang, nagsitumpokan ang mga kaklase ko sa isang papalapit na tao.

"Guys attention! Wala si Sir Vergo ngayon pero nag-iwan siya ng task sa 'tin, magbunot daw tayo ng damo. Dapat bukas daw malinis na 'yong garden niya. Ang hindi susunod, walang attendance. Ako ang magchi-check!" malakas na sabi ng aming Classroom President na siyang kadadating lang.

Sabay-sabay na nagreklamo ang mga kaklase ko, kabilang na 'ko. Sunod-sunod na walang teachers ah. Sana nagtrabaho na lang ako nito. Nyemas!

Tama! Tila may bombilya na umilaw sa tuktok ng aking ulo. Mag-e escape na lang ako. Sayang ‘yong oras, kaya i-trabaho ko na lang.

Agad kong binalingan ang dalawang katabi ko. "Jamie, Mirna uuwi muna ako ha." Na tinugunan naman ng simpleng tango at 'Geh' ni Jamie.

Ngunit bago maka-alis, nag-iwan ng paalala si Mirna, "Ingat ka. Galingan mong tumakas baka makita ka ni Manong Guard at ma-guidance ka pa." At sinundan niya iyon ng nakakalokong tawa.

=====

Sa likod na parte ng eskwelahan ako dumaan, sa harapan lang kasi ang pader na gawa sa semento. Dito sa likod gawa na sa kawayan ang bakod. At dahil kawayan madaling sirain. Sisiw lang.

Ito talaga ang ruta ko kapag magdi-ditch, iilan lang ang nakakaalam nito. Mabuti naman, dahil kapag umabot sa mga teachers na may sirang bakod dito sa school, ipapa-ayos 'yan kung kaya hirap na naman kami nitong mag-escape.

Suwerte ko dahil walang guard na nagbabantay.

Pagkatapos ay dali-dali akong tumakbo palayo at ng mga ilang metro na ang walang habas na pagtakbo, napagpasyahan kong mamahinga muna sa upuan dito sa labas, na pagmamay-ari ng isang karinderya. Nimfas' Eatery.

Ang haba nga ng tinakbo ko't nakaabot pa ako rito.

Sa harap nito ay ang plasa naming kahit masusunog ka na sa init ng araw ay may nangahas pa ring maglaro ng basketball, mga walang t-shirt pa 'yan.

Wala pa naman akong payong. Wala naman talaga akong payong kaya tagaktak ang pawis ko, dulot ng init na sinamahan pa ng pagtakbo.

Kinapkap ko ang likod nitong aking bag, hinahanap ang aking tubig. Nang makapa, hinablot, at bubuksan ko na sana kaso—

"Nyemas ubos na pala."

Hay, hanggang ngayon 'di pa rin ako tinatantanan ng malas.

Sana naman kahit piso mayroon ako, pambili man lang ng cold water. Kung kaya't hinalughog ko itong kupas kong bag. At mabuting may dalawang piso pa akong natitira. Salamat naman.

Sakto rin, karinderya itong nasa likod ko kaya posibleng may ibinebenta ritong cold water. Agad akong pumasok.

May mangilan-ngilang customer ang nasa loob. Malinis ang paligid at tanging kalansing ng pinggan at kutsara ang nagsisilbing ingay. Nasa bandang kanan ang posisyon ng counter, do'n ako lumapit.

"Manang may cold water kayo?"

Hindi nagsalita ang tindera, diretsong binuksan niya ang ref at ibinigay sa akin ang hinahanap ng kalamnan. Masyado naman 'atang malaki itong cold water para sa piso o dalawang piso.

"Tig-tres 'yan."

Bago pa man makapagbayad binanggit niya na iyon. Hala!

"Ma-manang, dalawang piso na lang po pera ko e." Sana bumenta itong paawa style ko. Nyemas talaga, akala ko dahil may dalawang piso na ako swerte na pero dahil kulang edi malas. Ano pa ba.

Hindi na ulit nagsalita ang tindera, hinablot niya na lang ang pera. Tila hinablot niya rin ang panandaliang kaba ko dahilan ng kulang na pera. Guminhawa nang kaunti ang aking pakiramdam.

Mabilis akong umalis at tumungo sa kaninang puwesto rito sa labas. Nang maka-upo, sunod-sunod kong nilagok itong cold water, halos mangalahati na.

Preska!

Napasandal ako sa likod ng upuan at inilibot ang aking paningin nang mahagip nito si—Mishella?!

May kasama siyang hindi kalakihang lalaki, nasa loob sila ng karinderyang pinagbilhan ko ng tubig. Nakaharap siya sa banda ko, nakatalikod naman sa 'kin ang kasama niya.

Wala sa sarili akong pumasok ulit. Pumosisyon ako sa ikatlong lamesa. May dalawang babae na nasa gitna ang nagsisilbing harang sa akin at sa kanila. Ngunit para makatiyak, umupo akong nakatalikod sa kanila, nasisiguradong hindi nila ako makikita.

Alam kong malayo itong puwesto ko ngunit dahil sa katahimikang taglay nitong nasa gitna, naririnig ko pa ang usapan nila ni—tatay—ng lalaking ‘yon?!

"O-opo pa."

"Sigurado ka Nak? Si Emelda masyadong malupit 'yon. Maayos ba pakikitungo nila sa’yo? Ni Elise, nagkakasundo ba kayo?"

"O-opo pa, nagkakasu-sundo kami..."

"Mabuti naman. Balik ka sa miyerkules, magkita ulit tayo rito. Saka sabihin mo lang kung may problema ka nang masolusyunan natin iyan. Oh siya, alis na ako. Ingat ka."

"I-ikaw din Papa, i-ingat."

Tangina.

Ang sakit-sakit. Nagawa niyang mahalin ang anak niya sa labas samantalang kami? Iyon lang, iniwan lang?

Bakit nagawa niyang kumustahin si Mishella habang kami ni Ellena ni bisita wala?

Anong mali sa 'min? Anong kulang sa amin? Ang dali niya kaming binitiwan.

Kung problema kay Nanay, edi 'wag siya ang balikan pero kaming anak, ba't ni kapritsong pagmamahal 'di niya maipakita’t maibigay? Anak niya rin ako ah! Ako pa nga ang nauna!

Ang sakit makitang may mas mahal siya at may mas pinahahalagahan imbes na kami, imbes na kaming legal at nauna!

=====

Jamie

IPA: /ˈdʒeɪmi/

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status