Share

LAB— 5

Hindi ko maintindihan kung bakit labis ang pagkalabog ng aking dibdib ngayon. Natatakot na ako dahil baka mamaya ay may sakit na pala ako sa puso. Bukas na ang kasal namin ni Jacob. Hindi ko maunawaan kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Nanghihina ako at matamlay.

Wala din akong makausap dahil wala si Cora. Umalis ito. Kahapon pa. Hindi pa din umuuwi hanggang ngayon. Nagagalit na nga yata ang Nanay niya. Tinatanong ako nito kung may nobyo na ang kaniyang anak. Wala namang sinasabi si Cora sa akin. Sasabihin n'on kung may nobyo siya kung sakali.

Ang sabi naman niya wala. Busy daw siya sa work at nagpaplano siyang mag-open ng business kaya mawawala-wala siya. Hindi ko na lang gaanong pinapakialaman ang kaibigan ko. Maganda din na nagpupursigi siya para maging successful. Pangarap niyang magpatayo ng bahay, magkaroon ng sariing condo. Kapag nangyari iyon, hindi na kailangang mamasukan ng kaniyang Nanay dito. Pagpapahingain na daw niya. Hindi naman ganoon kabigat ang trabaho ng kaniyang Nanay dito sa amin. Pamilya ang turing namin sa mga tauhan namin, kaya nga madami sila para hindi sila mahirapan ng husto sa trabaho. At maganda din ang pasahod ni Daddy sa kanila. Pero alam ko naman na hindi sila habang buhay na magtatrabaho para sa amin. May mga sarili din silang mga pamilya at kapag nakapagpatapos sila ng mga anak, tiyak na mag-re-retire na sila.

Hindi ako kumain ngayon. Nag-fruit shake lang ako, bilang preparasyon para bukas.

"Jacob, puwede ba tayong magkita?" Baka kapag nakita ko siya ay kumalma ang pakiramdaman ko. Ilang araw na kaming hindi nagkikita. Hindi din gaano nagt-text.

Isa ito marahil sa dahilan kung bakit ganito na lang ang kaba na nararamdaman ko ngayon.

Ilang oras pa ang lumipas pero wala pa ding reply si Jacob. Sinubukan ko siyang tawagan pero hindi ko siya ma-contact.

Kailangan ko si Cora.

"Cora, ano'ng oras ka uuwi? Kailangan kita ngayon."

Malungkot akong naupo sa sofa. Hindi ko din alam kung bakit ako malungkot, imbes na masaya.

Alas sais gabi, dumating si Cora. Natuwa ako dahil may mapagsasabihan ako ng nararamdaman ko.

"Bakit ganiyan ang mukha mo?" puna niya sa akin habang inaayos ang mga dala niyang paper bags. Ang dami niyang pinamili.

"Dami niyan, ah. Nag-withdraw ka ba sa crypto?"

Tumawa siya.

"Parang ganoon na nga..." Kakaiba ang kaniyang mga ngiti.

"Ang init!" reklamo niya. Hindi kasi bukas ang aircon dito sa sarili niyang silid dito sa maid's quarter. Tinaas niya ang pagkakatali ng kaniyang buhok.

Napakunot noo ako nang makita ko ang mga pulang marka sa kaniyang batok at leeg. Meron na naman siya nito?

"Kumain ka ba ng sea food?"

"Huh? Bakit?" Nilingon niya ako. Binuksan niya ang aircon saka muling inayos ang mga dala niya.

"May pantal ka kasi sa leeg at batok."

"Ay, oo..." Kinapa niya ito. Ngumiti na may kasama pang kagat labi.

"Sige pahinga ka na muna." Parang wala siya sa sarili kasi at wala sa mood na makipag-usap kaya lumabas na muna ako at nagpunta ng garden. Mami-miss ko ang bahay namin. Na-empake ko na pala ang mga damit ko kanina. Dalawang maleta lang iyon.

"Hija..." Tinabihan ako ni Daddy dito sa sun lounger. Pinasadya niyang palakihan 'to para kasya kaming dalawa. Minsan tumatambay kami dito ni Daddy. Nagkuwentuhan tungkol sa mga business niya at tungkol sa namayapa kong ina.

Inakbayan niya ako at niyakap ko naman siya.

"Mamimiss kita, Daddy."

Hinaplos niya ang buhok ko. "Parang kailan lang, nang pinanganak ka. Hindi ko alam kung paano kita palalakihin na mag-isa." Napaiyak kaming dalawa.

"You did a great job, daddy. You're a selfless father. You're the best dad in the universe."

Tumawa siya. "You're the best daughter, hija. Kahit paano mapapanatag na ako kapag nawala na ako sa mundong 'to."

"Dad! Pinapalungkot mo ako..."

"Lahat naman tayo papunta doon. Alam mo namang matanda na ang daddy."

"May sakit ka ba na hindi ko alam? May taning na ba ang buhay mo?"

Humalakhak siya. "Wala, anak. Your dad is healthy."

"Sure ka, huh? Dad... Please lang. If you're ill or something please tell me. Ayaw kong nagugulat."

"Wala, promise."

"Sure ka ha..."

"Yes. One hundred percent."

Nag-alala tuloy ako. Para makasigurado, tatawagan ko ang doctor niya mamaya.

Bukas pa ng hapon ang kasal sa isang private at isolated island. Nandoon na ang mga wedding coordinator at lahat ng mga mag-aayos para sa kasal namin.

Bukas ng umaga ay mauuna doon sina Jacob. At kami naman ni Daddy ay hapon na susunod. Dito ako aayusan. Bababa ako sa mismong venue na nakaayos na, sakay ng chopper.

Bukas na. I'm so excited and scared, honestly. Hindi ko kasi naranasang magkaroon ng karelasyon. Hindi ko alam kung paano maging isang girlfriend at lalong-lalo ng walang idea kung paano maging isang asawa.

Hindi ko nasabi ang nararamdaman ko kay Cora dahil maaga pa lang ay tulog na siya. Hindi na siya nakakain ng dinner. Parang pagod na pagod siya. Hindi ko din ito na-open kay Daddy dahil ayaw ko siyang mag-alala.

Before lunch, inayusan na ako ng HMUA na kinuha ni Dad. Ang mga ilang staff namin ay nauna ng ihatid ng chopper. Nauna na din sina Cora at kaniyang Nanay doon.

"Ang ganda mo, hija. Kamukhang-kamukha mo ang iyong mommy."

Gumanda ako dahil sa ayos ko, pero hindi ko makita ang pagkakahawig namin ni Mommy, lalo at napakataba ko.

Nasa chopper na kami at tanaw ko na ang venue. Hindi pa ako nakakababa pero nagsimula na akong umiyak.

Ang kaba at takot ko kahapon ay napalitan na ng saya. Masaya ako dahil ikakasal ako ngayon sa lalakeng mahal ko.

May hinanda akong vow pero hindi ko iyon nasabi dahil hindi kasama sa program. Iyong salita lang na pinapagaya ng nag-officiate ng kasal namin ang sinabi namin sa isa't isa.

At ilang ulit din akong napatulala dahil sa mantsa sa kuwelyo ng suot na damit ni Jacob. Pula. Ano iyon?

"You may now kiss the bride..."

Heto na. Heto na. Pumikit pa ako pero sa pisngi ko lang dumampi ang labi ni Jacob.

Bakit hindi sa labi?

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status