Share

Kabanata 1

( AMINA'S POV )

"Amina pasensiya ka na. Maghahalf day ka lang ngayon dahil walang pasok ang isang anak ko at siya na muna ang katulong ko rito. Sayang naman kasi yung ipapasahod ko sayo, napakatumal pa naman ng benta natin." Malungkot na sambit ni Nanay Pasing, ang may-ari ng gulayang pinapasukan ko bilang tindera sa palengke. Mabait naman ito yun nga lang, talagang may pagkakuripot.

"Ayos lang po iyon nay. Tatapusin ko lang itong paghihiwa ng kalabasa at pagkatapos ay uuwi na rin ako." Malumanay na sagot ko at ipinagpatuloy ang ginagawa.

Tiningnan ni Nanay Pasing ang oras sa suot nitong relos bago sumagot.

"Mag-aalas dose na Amina. Ako na ang bahalang tumapos niyan at nakakahiya na sayo." Anito at may kinuhang pera sa kanyang maliit na bag.

"Kakaunti lang naman ito nay. Tapusin ko na po." Tugon ko ngunit nilapitan ako nito para awatin.

"Okay na yan, bukas nalang ulit Amina. Tsaka ibibigay ko na itong sahod mo ngayong araw at ng makabili ka ng uulamin ninyo." Aniya sabay abot ng hawak nitong pera. Isang singkwenta, isang bente at limang piso, bale 75.00 pesos ito lahat.

Nakangiti ko itong kinuha at nagpasalamat.

"Maraming salamat po nay." Tumayo na rin ako at hinubad ang suot na eypron.

Kahit kakarampot lang ito para sa iba, sa isang dukhang kagaya ko ay napakalaking tulong na nito para makaraos sa pang-araw araw namin ni Tiyang Loyda. 150.00 pesos lang kasi ang arawang sahod ko kay Nanay Pasing at hindi na ako nag-aambisyon ng sobra-sobra.

Tanggap ko na, na ang kagaya kong mahirap at walang pinag-aralan ay wala ng ibang patutunguhan. Basta makakain lang ng tatlong beses sa isang araw galing sa marangal na trabaho ay sobra pa sa sapat.

"Aalis na po ako Nay." Paalam ko at isinukbit ang lumang belt bag.

"Mag-iingat ka Amina. Bukas ulit!" Tugon nito bago ako naglakad paalis.

Dumaan ako sa pwesto ng bentahan ng mga isda. Namimili ng may mumurahing kilo ng isda para sa tanghalian at hapunan namin ni Tiyang.

"Ate kalahating kilo lang po nitong tamban." Nakangiting sambit ko sa tindera ng isda sabay abot ng singkwenta pesos. Pinagkasya ko lamang ang kita ko ngayong araw. Habang ang natitirang 25 pesos ay ipapambili ko ng mantika at asin. Dalawa lang naman kami ni Tiyang Loyda sa bahay kaya aabot pa ito hanggang hapunan.

Pagkatapos ay binilisan ko na lamang ang aking hakbang. Maglalakad lang kasi ako pauwi dahil sayang din yung ipapamasahe ko sa traysikel. Ilang metro lang naman ang layo ng palengke pauwi sa tinitirhan ko. Kaya't kahit tirik na tirik ang araw ay tinitiis ko na lamang ito.

Sa bilis ng aking mga hakbang ay hindi ko napansin ang babaeng pababa sa nakaparadang pick-up. Sakto namang paglabas niya nang mapadaan ako kaya di sinasadyang nagkabungguan kami.

"What the fuck!" Sigaw niya na agarang nakaagaw ng atensyon ko. Natuon agad ang mga mata ko sa mamahalin niyang suot, ngayon ko lang napansin na natapunan pala siya ng dala kong supot na may lamang isda.

"Sorry ma'am, hindi ko po sinasadya." Di magkandaugagang sambit ko at ipinunas ang dala kong panyo sa suot niya.

"Stop it! At baka mas lalo lang mangamoy lansa itong Gucci dress kong mas mahal pa sa pagkatao mo!" Pigil nito sa akin na mas lalong ikinahiya ko. Pabango pa lang niya, amoy mayaman na. Kaya di ko alam kung paano ko matatanggal ang lansa ng natapong isda sa suot niya. Nakayuko akong humingi ulit ng paumahin.

"Teka, kilala kita ah! Amina!?"

Biglang sabi nito na ipinagtaka ko. Nag-angat ako ng mukha at ngayon ko lamang napansin ang hitsura ng babae. Saglit akong napaawang nang makilala kung sino ito! Si Aira, dating kaibigan at kapitbahay ko noon.

Di makapaniwalang napatitig ang aking mga mata sa kabuuan niyang postura. Ibang-iba na kasi ito sa Aira na kilala ko dati. Bukod sa pumuti ang kutis nitong dating morena ay nakablonde na rin ang buhok at napakayayamanin tingnan sa OOTD nito.

"My gosh Amina, wala ka pa ring ipinagbago." Nakailing na turan nito habang pinapasadahan ako ng tingin mula ulo hanggang paa.

Nakaramdam ako ng panliliit sa sarili ngunit tama naman siya. Kung ano kasi ako noon ay ganito pa rin ako hanggang ngayon. Isang dukha pa rin.

Samantalang siya, mahirap ng abutin sa layo ng narating niya sa buhay.

Yun nga lang, pagdating sa prinsipyo mas lamang pa rin ako. Nakaahon kasi ito sa hirap gamit ang pagbebenta ng aliw. Nakapangasawa siya ng isang matandang mayaman na regular customer sa pinagtatrabahuhan niyang club. Pinahinto siya sa trabaho at ibinili rin ng lalaki ang pamilya niya ng house and lot.

"Halos hindi kita nakilala, mas lalo kang gumanda Aira. Pasensiya kana ulit." Pag-iiba ko ng usapan. Magmula kasi ng lumipat ito ng tirahan ay ngayon ko lang ulit ito nakita.

"I know right. And about this dress, bibili nalang ako ng bago. Lampa ka pa rin kasi talaga at aanga-anga Amina." Nakahalukipkip na sambit nito habang iniikot ang kanyang mga mata.

Mapait akong napangiti. Sa totoo lang, halos magkapatid na ang turingan namin ni Aira noon dahil sa sobrang close namin sa isa't-isa. Sadyang nagkalamat lang ang pagkakaibigan namin nang niligawan ako ng crush niya. Kahit hindi ko naman gusto ang lalaking iyon ay talagang dinamdam ni Aira ang lahat at alam kong dala-dala niya pa rin ito hanggang ngayon. Mas lumala nga lang dahil napakataas na ng tingin nito sa sarili.

"Sige Aira, Mauuna na ako." Paalam ko sa kanya para makaiwas na rin sa pangmamata niya. Ngunit hindi pa man ako nakakahakbang ay narinig ko pa ang sagot niya.

"Whatever Amina. Ikumusta mo nalang ako sa mga daga roon. Bye!"

Hindi ko na siya muling nilingon at nagtuloy-tuloy lang sa aking lakad. Ang masasakit na salitang binitawan niya ay parang punyal sa aking dibdib.

Alam ko namang mahirap lang ako ngunit iba pa rin ang sakit kung mismong nanggaling ang panlalait sa taong dati mong naging kaibigan.

Nag-aalburuto ang damdamin ko nang makarinig ng isang busina ng sasakyan. Napatigil ako nang mapagtantong nakahinto na ito sa gilid ko.

"Hi Miss pwede bang magtanong?" Ani ng isang lalaki matapos nitong ibaba ang windshield ng sasakyan.

"Ah sure po. Ano po yun?" Magalang na sagot ko.

Ngunit hindi agad nakasagot ang lalaki at napatitig sa mukha ko na para bang kinikilatis ito. Bahagya pa itong napaawang na para bang nagpalipat-lipat ang tingin sa akin at sa hinahawakan nito na di ko mawari kung ano.

"Uhm sir? Ano po ulit yun?" Agaw ko sa atensyon nito. Naweirduhan kasi ako sa ikinilos nito.

"Ahh pasensiya na, itatanong ko lang sana kung saan ang pinakamalapit na pharmacy rito." Sambit nito na hindi pa rin inaalis ang tingin sa aking mukha.

"Ah pharmacy? Diritso lang po kayo roon sa may kanto. May pharmacy po roon sa gilid lang." Tugon ko.

Di ko na rin hinintay na makasagot ang lalaki at muli akong nagmamadaling naglakad paalis. Anong oras na kasi at magluluto pa ako pag-uwi ng bahay.

Ngunit palapit na sana ako nang magring ang de keypad kong cellphone. Agad ko itong sinagot nang rumehistro ang numero ni Kyla, bestfriend ko.

"Besh si Tiyang Loyda mo hinimatay!"

Unang linya pa lang ng sinabi nito ay tinakbo ko na ng mabilis ang kahabaan ng kalsada. Agad na sumibol ang matinding kaba sa dibdib ko. Si Tiyang Loyda nalang ang pamilyang meron ako kaya di ko alam ang gagawin kung may mangyaring hindi maganda sa kanya.

Pagkarating ko sa bahay ay naabutan ko si Kyla at ang nanay nitong si Aling Mercy na panay ang paypay kay Tiyang.

"Anong nangyari besh?" Nag-aalalang tanong ko kay Kyla sabay yugyog ng marahan sa balikat ni Tiyang.

"Tiyang, nandito na po ako!" Kinakabahang sambit ko ngunit tanging mahihinang ungol lang ang sagot nito.

"Naghahatid ako ng ulam kanina nang maabutan kong inaatake ng hika si Tiyang bago nahimatay." Paliwanag ni Kyla na wala pa ring tigil sa pagpaypay.

"Naku Amina, lumalala na ang hika ni Loyda. Kailangan mo na siyang mapatingnan sa doktor." Mungkahi ni Nanay Mercy.

Tumango ako. Nilapag sa mesa ang dala kong isda at agad na tinungo ang aming tagpi-tagping kwarto. Kinuha ko ang aking alkansyang baboy at binutas ito.

Kasabay ng paglagag ng aking mga luha ay ang paglalagay ko sa supot sa mga baryang ilang buwan kong inipon. Kita ko ito sa pagtitindera sa palengke at ang iba'y sa paglalabada. Para sana ito sa pagpapaayos sa aming barong-barong ngunit ngayo'y gagamitin ko na muna. Mas mahalaga pa rin ang buhay ni Tiyang Loyda.

Mabigat-bigat na rin ito ngunit alam kong hindi ito magkakasya sa pagpapaospital kay Tiyang. Bahala na! Gagawa na lamang ako ng paraan para makahanap ng pandagdag.

Naglagay na rin ako ng iilang gamit ni Tiyang sa plastic bag. Balak kong dalhin na agad siya sa ospital ngayon din.

Lumabas si Nanay Mercy para humanap ng traysikel na masasakyan namin. Tinabihan ko si Tiyang at niyakap.

Maya maya pa'y narinig na lamang namin ni Kyla ang mahinang boses nito.

"Amina." Sambit nito sa pangalan ko kasabay ng matigas na pag-ubo.

"Tiyang mabuti at gising ka na. Pupunta tayong ospital ngayon." Usal ko habang marahang hinahaplos ang likuran niya.

"Amina, wag na." Pigil nito sa akin. Noon pa man ay ayaw talaga nitong magpatingin sa doktor dahil gastos lang daw. Lagi niyang sinasabi na maayos na ang lagay niya dahil ayaw niya akong mag-alala. Yun pala, lumalala na ito.

"Tiyang, please! Kahit ngayon lang para mapanatag ang loob ko." Garalgal ang boses na saad ko.

Pagdating kay Tiyang ay mababaw ang mga luha ko. Matandang dalaga si Tiyang at alam kong buong buhay niya ay ginugol niya sa pagpapalaki sa akin kahit na mag-isa lang siya.

Kwento niya sa akin, kamag-anak niya raw ang mama ko. Sanggol pa lamang ako ng iniwan ako sa kanya dahil hindi raw ako kayang buhayin lalo pa't tinakasan si mama ng nakabuntis sa kanya.

Mula noon ay wala ng balita si Tiyang sa mama ko. Hanggang sa nakipagsapalaran si Tiyang na dala-dala ako. Napadpad kami rito sa probinsiya ng Cavite at dito na nanirahan sa loob ng mahabang panahon.

Kaya sobra-sobrang pagmamahal ang ibinigay ko kay Tiyang dahil kahit mahirap lang kami, napalaki niya ako ng maayos, marangal at may takot sa Diyos.

"Amina, naghihintay na ang traysikel sa labas." Ani Nanay Mercy nang makabalik. Inalalayan namin si Tiyang pasakay para magtungo sa pinakamalapit na ospital.

Comments (2)
goodnovel comment avatar
Jenny Rose Ramirez
ang pangit parang tangga lng
goodnovel comment avatar
Sonia Walet Torio Olalo
Nkka inlove nman... .........
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status