Share

Kabanata 2

Sa isang publikong ospital namin dinala si Tiyang Loyda. Kasama ko si Kyla ngayon habang nakikinig sa pinapaliwanag ng doktor. Sa totoo lang wala akong maintindihan lalo pa't ingles ang ginagamit nitong salita.

"Besh, anong ibig sabihin ni dok?" Tanong ko kay Kyla nang magpaalam ang doktor. Matalino si Kyla at nakatuntong ng kolehiyo kaya alam kung nauunawaan niya iyon.

"Malala na raw ang hika ni Tiyang besh. May mga nireseta si dok na mga gamot na kailangan mong bilhin para sa maintenance niya." Simpleng paliwanag nito sabay abot ng resetang binigay ng doktor sa kanya.

Malungkot ko itong tiningnan. May karamihan ito kaya baka kulangin ang dala kong barya-barya mula sa naipon.

"Meron akong limang daan dito, ipandagdag muna ito. " Tugon ni Kyla sabay siksik ng limang daan sa aking kamay. Agad nitong naunawaan ang nasa isipan ko.

"Salamat besh, babayaran ko rin ito kapag nakaluwag. Pasensiya ka na kung lagi na lamang kayong nadadamay ni Nanay Mercy sa tuwing namomroblema kami." Malungkot na sambit ko habang nakatingin ang mga mata sa hinihigaang pwesto ni Tiyang. Nakanebulizer ito habang inaalalayan ni Nanay Mercy.

"Ano ka ba, wag mo na ngang isipin yan. Bff kita at pamilya na ang turing namin ni Nanay sa inyo. Mabuti pa't bilhin mo na ang mga gamot na iyan. Kami na muna ni Nanay ang bahala kay Tiyang." Concern na sambit ni Kyla. Niyakap ko siya ng mahigpit. Kulang pa ang salitang salamat sa lahat ng naitulong nila ni Nanay Mercy.

"Salamat sa lahat besh!" Madamdaming tugon ko bago nagpaalam.

Tinungo ko ang pinakamalapit na botika at ibinigay ang reseta sa Pharmacist. Matapos nitong mailagay lahat ng gamot sa maliit na tray ay sinabi na rin nito ang kabuuang halaga.

"3,500 po lahat ma'am." Turan nito na ikinaawang ko.

"Saglit lang po ma'am." Kinakabahang sambit ko at paisa-isang binilang ang baryang dala ko na nasa supot.

Maya-maya pa'y may nagsidatingan na ring ibang customers at hindi pa rin ako natatapos.

Pansin ko na ang pagkabagot sa mukha ng naghihintay na Pharmacist, ganoon rin ang ibang nakapilang customers sa likuran ko.

"Excuse me Ms. Pwede bang ako na muna? Mukhang aabutin ka pa ng ilang oras diyan sa kakabilang ng barya mo." Nakaismid na sambit ng isang sopistikadang babae.

Yumuko ako bilang paghingi ng paumanhin at tumagilid. Ramdam ko ang mga matang mapanghusga habang patuloy lang ako sa pagbibilang.

Yun nga lang bumagsak ang balikat ko sa pagkadismaya ng mabilang lahat ito kasama ang limang daan na binigay ni Kyla. 2,800.00 pesos lang ito, kinulang pa ako ng 700.00 pesos.

"Ma'am, tapos ka na ba?" Tanong ng Pharmacist. Nakaalis na kasi lahat ng mga customers at ako na lamang yung natira.

Napalunok ako ng laway bago nagsalita.

"Ma'am pasensiya na, hindi po pala kasya yung dala kong pera. Kinulang po ako ng 700.00 pesos Pwede po bang yung iba nalang ang bibilhin ko? Babalikan ko nalang po ulit yung iba mamaya." Buong loob na pagtatapat ko. Kailangan kong makahanap ng paraan na mabili lahat ng gamot ni Tiyang bago bumalik ng ospital.

Tumango naman ang Pharmacist. Binigay ko na rin sa kanya ang bayad. Nagtira lang ako ng pamasahe. Ang balak ko ngayon ay makiusap kay Nanay Pasing, mag-aadvance ako ng isang libo.

"Salamat po ma'am." Nakangiting turan ko sa Pharmacist matapos nitong iabot ang mga gamot.

Nagmadali akong lumabas at agad pumara ng traysikel na masasakyan patungong palengke.

"Oh Amina, bumalik ka?" Nagtatakang bungad ni Nanay Pasing nang makita ako.

"Nay, kailangan ko po ng tulong mo. Isinugod po namin si Tiyang Loyda sa ospital." Walang paligoy-ligoy na sagot ko.

"Tulong? Anong tingin mo sa mommy ko Charity?" Inis na bulalas ni Rose, bunsong anak ni Nanay Pasing. Wala itong pasok ngayon kaya ako pinaghalf-day. Mataray talaga ito at mapangmata kahit na mas matanda ako sa kanya. Katunayan, di lang ito ang unang beses na pinagsalitaan ako ng masakit.

Natahimik ako. Ramdam ko yung kirot sa puso ko. Natatakot na baka mabigong makahiram.

"Anong tulong ba ang kailangan mo Amina?" Tanong ni Nanay Pasing, di na pinansin ang pagmamaldita ng anak.

"Mag-aadvance po sana ako ng isang libo Nay. Kinulang po kasi yung naipon ko para pambili ng mga gamot ni Tiyang." Paliwanag ko.

"Isang libo? Ilang linggo mo dapat pagtatrabahuhan niyan ah." Nakataas na kilay na sabat pa ni Rose.

"Amina alam mo naman kung gaano ako katipid sa pera. Lalo na ngayon na napakatumal ng benta natin." Paliwanag ni Nanay Pasing na ikalungkot ko. Hindi ko na napigilan ang paglandas ng masaganang luha sa aking mga mata.

"Nay, parang awa niyo na po. Kahit po mag overtime ako at hindi na magday-day off. Wala na po kasi akong ibang malalapitan." Garalgal ang boses na saad ko. Kulang na lamang ang lumuhod ako sa harapan nila at magmakaawa.

"Aba talagang namimilit ka pa? Kung hindi ka lang sana tamad mag-aral edi sana hindi ka namumulubi ngayon. Tapos may paiyak-iyak ka pang nalalaman diyan para kaawaan ka. Umalis ka na nga!" Bulyaw ni Rose. Sadyang matigas talaga ang puso ng babaeng ito.

"Tama na anak." Awat ni Nanay Pasing. May kinuha ito sa kanyang pitaka at ibinigay sa'kin. "Oh siya Amina sige, pagbibigyan kita basta ipangako mo hah na kakayod ka ng doble para mabayaran agad iyan. Gagamitin ko rin yan sa susunod na linggo."

Maluha-luhang lumiwanag ang mga mata ko at agad na kinuha ito. "Maraming maraming salamat po Nay! Hayaan niyo po mas magsisikap pa po ako sa pagtitinda."

"Nay naman! Napakabilis mo talaga magpauto sa babaeng yan eh!" Pagmamaktol ni Rose ngunit hindi ko na rin ito pinansin.

"Aalis na po ako Nay, salamat po ulit." Nakayukong paalam ko. At bago pa man ako tumalikod ay pinabaunan pa ako ng isang tagos pusong tugon ni Rose.

"Hoy Amina! Oras na huthutan mo ulit si mommy, sisiguraduhin kong mawawalan ka ng trabaho! Tandaan mo yan!" Gigil na gigil na salaysay nito.

Rinig ko pa ang pagsaway ni Nanay Pasing sa m*****a nitong anak bago ako tuluyang naglakad palayo. Kung iintindihin ko si Rose ay hindi ko matutulungan si Tiyang kaya di ako pwedeng magpasindak sa kanya. Never naman ako nagpabaya sa trabaho kaya tutuparin ko ang pangako ko.

Nag-abang ulit ako ng masasakyan. Babalikan ko sa botika ang mga gamot na hindi nabili bago ako babalik ng ospital.

Ngunit gayun na lamang ang pagtataka ko nang may sasakyang huminto sa tapat ko. Iniluwa nito ang isang pamilyar na mukha ng lalaki.

"Hi Miss, saan ba punta mo?" Bati nito sa akin. Napatingin ako sa mukha nito, pilit inaalala kung saan ko ito nakita.

"Ah teka, ikaw yung lalaki na nagtanong sa akin kanina kung nasaan ang pharmacy ah." Magkasalubong ang kilay na tanong ko dahil sa pagtataka.

"Ah oo buti naalala mo. Siyangapala, mukhang may lakad ka ah. Sumakay ka na sa'min." Alok nito sa akin. Nakaramdam ako ng pagkaasiwa ng bumaba ito ng sasakyan at lumapit sa akin.

"Ah eh hindi na po kuya, diyan lang naman ako sa malapit." Pagtanggi ko ngunit sadyang mapilit ito.

"Ayaw mo bang makalibre ng pamasahe? Sige na!" May tigas na sa tono ng pananalita nito.

Mas lalo lamang akong nagduda kaya bahagya akong umatras upang makalayo.

"Salamat nalang po. Aalis na po ako!"

Bago ko pa man maihakbang ang aking mga paa ay mabilis na lumabas ang tatlo pang kalalakihan mula sa sasakyan. Agad akong hinawakan ng isa sa mga ito ng sobrang higpit at hinila papasok sa loob.

Sumibol na ang matinding kaba sa puso ko. Alam kong hindi na maganda itong nangyayari.

At bago pa man ako makasigaw para makahingi ng tulong ay naramdaman ko na lamang ang pagtutok ng baril sa aking tagiliran. Inakbayan pa ako ng lalaking may hawak nito para hindi mahalata ng ibang mga tao sa paligid.

"Oras na sumigaw ka, hindi ako magdadalawang isip na kalabitin ito." Matigas na banta nito.

Dahil sa magkahalong kaba, takot at nerbyos ay wala sa sariling sumunod ako sa mga lalaki papasok sa loob ng sasakyan.

Mga Comments (2)
goodnovel comment avatar
Apple Dejanio
Next po ang Ganda kasi
goodnovel comment avatar
Connie Samson
excellent maganda novel thanks sa author sana matapos ko LAHAT ng episode thanks
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status