Share

Chapter 6

HINDI kinaya ni Monica ang hotness ni Federico kaya hindi siya sumabay rito kumain kahit niyaya siya nito. Sa kusina lang siya kumain habang si Federico ay nasa dining. Tinanggap naman niya ang salad na gulay at fruit shakes na bigay ng binata. Food is life sa kan’ya kaya wala siyang hihindian.

Naunang natapos kumain si Federico at sana’y huhugasan ang pinagkainan nito pero pinigil niya.

“Ilagay n’yo lang po riyan ang plato n’yo, sir. Ako na ang maghuhugas niyan mamaya para isahan na lang,” aniya.

“Okay. Thank you.” Naghugas lang ng mga kamay ang binata. “Nakausap mo na ba ang tita mo, Monica?” pagkuwan ay tanong nito.

“Ah, opo. Pinahahanda ko na ang anak ko.”

“Okay lang ba kung dito muna ang anak mo?”

“Walang problema, sir. Kaso mahahati ang oras ko kasi aasikasuhin ko ang bata.”

“It’s okay. Hindi mo naman kailangang mag-general cleaning araw-araw. Mga pusa lang naman ang kailangan mong tutukan.”

“Sige po. Pero hanggang kailan dito ang anak ko?”

“After the DNA test, or depende sa result. I will decide.”

Tumango lamang siya at sinundan ng tingin si Federico na lumabas. Mabuti may suot na itong itim na t-shirt.

Pagkatapos kumain ay kaagad nagligpit ng kubyertos si Monica. Tahimik na sa kabahayan. Nasa kuwarto na rin nito si Federico. Naglinis pa siya ng kusina at naglampaso.

Lumabas pa siya ng bahay at sa may back door dumaan. Naghakot siya ng dumi ng mga pusa. Meron namang malapad na kahon sa kuwarto ng mga pusa na merong pinong buhangin kung saan dumudumi ang mga ito. Dinadakot lang niya ang mga ito at itinatapon sa labas. Merong butas sa likod ng bahay kung saan tinatapon ang dumi, tinatakpan din ng lupa.

Dinala niya ang kaniyang cellphone sa labas saktong tumawag si Terra. Mabilis niya itong sinagot.

“Kumusta, Terra? Anong nangyari sa misyon mo?” usisa niya sa mahinang tinig.

“Huwag ka nga magbanggit ng misyon, Monica, lalo kung nasa loob ka ng bahay ng target o malapit sa kan’ya!” Kaagad pumalatak si Terra. “Nakapasok na ako sa bar ng target ko. Pauwi na ako kasi tapos na ang duty ko. Eh, ikaw? Kumusta ang unang araw mo sa target mo?”

Napangiwi siya nang maisip ang kumplikasyon sa kaniyang misyon. “May problema ako, Terra.”

“Ano’ng problema? Na-in love ka na ba kaagad sa target mong tisoy?”

“Hindi. Ano kasi…. parang si Federico ang tatay ng anak ko.”

“Ano? Huwag ka ngang magdelusyon diyan!” Humalakhak pa si Terra.

“Hindi ‘to delusyon. Nakita ni Federico ang picture ng anak ko at sabi niya kahawig niya noong bata siya. Gusto niyang ipa-DNA test ang anak ko.”

“Hala! Totoo?” eksaheradong tanong ni Terra.

“Oo. Bukas nga ay kukunin namin si Kenji sa bahay.”

“Patay kang bata ka! Paano na ‘yan? Hindi puwedeng mapurnada ang misyon mo.”

“Gagawin ko pa rin ang misyon ko.”

“Dapat lang. Huwag kang magkakamaling mag-traidor sa boss natin, Monica. Baka matsugi ka, sige ka.”

Nilamon naman siya ng takot. “Matsugi talaga? Huwag kang mag-alala, mag-iingat ako.”

“Balitaan mo ako kung ano ang resulta ng DNA test. Naka-jackpot ka, bruha! Ang yaman niyang si Federico, ang pogi pa!”

Naudlot ang kaniyang excitement nang maalala na may kakambal si Federico. “Hindi pa sigurado, Terra. May kakambal si Federico, magkamukhang-magkamukha sila,” sabi niya.

“Nge! Anak ng pusang gala!”

Natawa siya sa reaksiyon ni Terra. “Sabi ni Federico, kahit mag-positive ang DNA nila ng anak ko, hindi pa rin siggurado na siya ang ama kasi same sila ng DNA ng kakambal niya. Pero may ibang test pa raw na puwedeng gawin para matukoy talaga ang totoong tatay ng anak ko.”

“Nako! Eh, nasaan ba ang kakambal ni Federico?”

“Sabi namatay na.”

“Ayun lang. Pero kung positive ang DNA, may habol pa rin ang anak mo.”

“Hindi naman ako maghahabol sa mamanahin ng anak ko. Gusto ko lang malaman kung sino ang tatay ng anak ko.”

“Kung sa bagay. Pero mukhang mabait naman si Federico, ano?”

“Mukha nga. Hindi lang natin alam, baka nasa loob ang kulo.” Humagikgik siya.

“Oh, siya, mag-chat na lang ako sa ‘yo. Hindi pala tayo puwede basta magtawagan lalo na sa area mo. Detective ‘yang si Federico, kaya mag-ingat ka sa kinikilos mo.”

“Oo na. May warning na ako kay Boggy.”

“Sige. Bye!”

“Bye!”

Lumanghap muna siya ng sariwang hangin at umunat ng kasukasuan bago pumasok ng bahay.

KINABUKASAN ay maagang nagising si Monica at kaagad naligo. Paglabas niya ng kuwarto ay sinalubong siya ng dalawang pusa.

“Good morning, Satore and Parisi!” bati niya sa dalawang pusa.

Sumunod ang mga ito sa kaniya sa kusina ng mga ito. Pinaghanda na niya ng pagkain ang dalawang alaga ng kaniyang amo. Pagkuwan ay nagwalis na siya sa salas.

Mayamaya ay namataan niya si Federico na pababa ng hagdan, tanging itim na boxer lang ang suot. May puting tuwalya itong nakasampay sa kanang balikat nito. Napako na naman ang titig niya sa binata at natitigilan sa ginagawa.

“G-Good morning, sir!” nautal pa niyang bati.

“Good morning, Monica!” tugon naman nito. “We will leave after breakfast. Maliligo lang ako sa pool.”

“Ipagluluto ba kita ng almusal, sir?”

“No need. I can make my breakfast later. Hindi naman ako kumakain ng kanin sa umaga. You can cook for your own.”

“Okay po.” Hinabol pa rin niya ng tingin si Federico na palabas ng main door.

Aliw na aliw siya sa matambok nitong pang-upo at mabalbong binti at hita na hitik sa muscles. Binilisan niya ang pagwawalis at naglampaso. Pagkuwan ay sumilip siya sa bintana na nakatungo sa hardin kung nasaan ang swimming pool. Walang kurap na pinapanood niya si Federico na lumalangoy. May pakagat pa siya ng labi.

“Grabe! Ang hot niya! Ang yummy!” kinikilig niyang usal. Kakasilip niya sa bintana ay nakaligtaan niya ang hawak na mop.

Nilaro ni Satore ang laylayan ng mop kaya nagalaw. Nagulat pa siya at biglang napayuko. Tumama tuloy ang handle ng mop sa kaniyang baba.

“Aray!” d***g niya sabay tayo nang tuwid.

Dahil naigalaw niya ang mop, hinabol-habol ni Satore ang mga hibla ng laylayan nito. Nilaro na ito ng pusa.

“Uy, Satore! Masira iyang mop!” sita niya sa pusa.

Pag-angat niya sa mop ay naisama si Satore na lumambitin sa tela. Sumabit na rito ang mga kuko nito. Tawang-tawa naman siya at naisama sa paglampaso ang pusang itim.

Matapos maglampaso ay pumasok na siya ng kusina at nagluto ng kaniyang almusal. Pinakialaman na niya ang Italian sausage at hiniwa nang maninipis. Ginawa niya itong omellete. Pasayaw-sayaw pa siya habang nagluluto. Nagsangag din siya ng tirang kanin.

Mayamaya ay napalundag siya nang mamataan si Federico na nakatayo sa bukana ng pintuan, humalikipkip at pinapanood siya. Nababalot ng puting tuwalya ang ibabang katawan nito.

“What a positive energy!” nakangiting sabi nito.

Uminit naman ang kaniyang mukha at hindi nasaway ang sarili na mahagip ng paningin ang matipunong dibdib ng binata, maging ang puson nito’ng may nagkaparte-parteng muscles.

“Kailangan po maging positibo lagi para masaya ang buong araw,” aniya.

“That’s right. And what are you cooking?” Tuluyan itong pumasok at sinilip ang niluluto niya sa kawali.

“Sinasangag ko itong tirang kanin. May naluto na akong tortang sausage. Gusto n’yo po ba?” aniya.

“No. Thanks. I’m okay with my daily breakfast recipe.” Lumapit na sa ref si Federico at kumuha ng strawberry at ibang prutas.

Naghanda ito ng oatmeal na nilagyan lang ng mainit na tubig. Hinaluan nito ng dinurog na saging na hinog ang oatmeal saka nilagyan ng fresh milk. May fruit salad ito na nilagyan ng yogurt. Yayamanin din ang almusal nito.

“Let’s eat, Monica! You can get the orange juice from the jar,” paanyaya ni Federico.

“Sige po, salamat. Dito lang ako kakain sa kusina.”

“Bakit ayaw mong sumabay sa akin, huh?”

“Kasi maid mo lang ako. Hindi dapat sumasabay ang maid sa amo.”

“Don’t compare me to the other boss. I want my servant to feel comfortable living with me.”

“Pasensiya na, hindi lang ako sanay.”

“Dapat kang masanay. Come on! Join me in the dining. Magbibihis lang ako.” Dinala na ni Federico ang pagkain nito sa dining.

Hindi pa rin siya makapagpasya. Pumasok pa sa kuwarto nito ang binata at hinintay niya na makabalik bago nagtungo sa dining.

“Huwag kang mailang. Pareho lang tayong tao,” ani Federico. Umupo na ito sa tapat ng lamesa.

Saka lamang siya umupo sa silya pero malayo kay Federico, hindi rin nakatapat dito. Baka kasi hindi niya makain nang maayos ang pagkain dahil sa makaagaw-pansin na presensiya ng kaniyang amo.

“Puwede bang magkamay akong kumain, sir? Mas ganado kasi akong kumain na nagkakamay,” paalam pa niya.

“You can do what you want, Monica. Feel at home.”

“Salamat.”

Bumanat na siya ng kain at ganadong nagkakamay. Nilagyan pa niya ng ketchup ang kaniyang ulam. May natimpla siyang kape at iyon ang kaniyang hinihigop.

Tiniis niya na huwag sipatin si Federico at inisip na mag-isa lang siya. Pero isang beses niyang sinulyapan ang binata. Saktong nakatingin din ito sa kaniya. Tila aliw na aliw pa ito at nakangiti.

“Mind your own food, sir. Huwag mo akong pansinin. Ganito kumain ang hampaslupa,” aniya.

Mahinang tumawa si Federico. “You’re cute, Monica,” wika nito.

Natigilan naman siya nang biglang sumikdo ang kaniyang puso. Wari pinapaso ang kaniyang mukha at biglang uminit. Kahit tawa kasi ng binata ay napaka-sexy. Binilisan na lamang niya ang pagsubo ng pagkain. Kamuntik pa siyang mabilaukan.

Ilang minuto lang pagkatapos ng almusal ay nagpasya si Federico na magtungo sila sa bahay nila Monica. Hindi na nagpalit ng damit at dalaga dahil sasakay naman sila ng kotse.

Habang lulan ng kotse ni Federico katabi ng driver, hindi naman paawat ang puso niya sa excitement. Tuloy ay mabilis napuno ang kaniyang pantog. Nasa backseat si Federico at tahimik lang. Sinabi na niya sa driver ang address ng bahay niya.

Pagdating naman ng kanilang bahay ay nauna na siyang bumaba. Nakaabang na pala sa labas ng bahay ang kaniyang tiya karga si Kenji. Na-miss niya kaagad ang kaniyang anak at dagling niyakap.

“Miss you, baby ko,” aniya matapos humalik sa pisngi ng bata.

Bumaba na rin ng kotse si Federico at lumapit sa kanila. Titig na titig ito sa mukha ni Kenji. Pagkuwan ay hinawakan nito sa kanang kamay ang bata.

“Can I hug him?” tanong ni Federico.

Maingat naman niyang ibinigay rito si Kenji. Sanay sa maraming tao si Kenji kaya kalmado habang yakap ni Federico. Sabi nga ng ibang tao, madaling manakaw ang anak niya.

Nagulat si Monica nang halos ayaw pakawalan ni Federico si Kenji. Nakapikit pa ito habang yakap ang bata.

“I could feel my blood in him,” usal nito.

“Pa-pa!” bigkas naman ni Kenji.

“Oh, he’s looking for his daddy,” anas ni Federico, lalong hindi binitawan ang bata.

Wari may kung anong malamyos na hanging humipo sa puso ni Monica habang pinagmamasdan ang kaniyang anak na yakap ng suspected father nito. Nag-assume na siya na si Federico nga ang tatay ng kaniyang anak.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status