Share

Chapter 2

Rosi's POV

UMAGA na ako nakauwi matapos magising nang walang kasama sa loob ng hotel suite. Wala na ang anak-anakan ni Don Isidro, at tanging ang kalahating milyong piso sa loob ng maliit na brown paper bag ang naiwan sa kama.

Gutom na gutom ako nang makauwi sa bahay. Katulad ng inaasahan, wala na namang tao pagdating ko. Nasa hospital sa bayan si Inay at siguradong hindi ulit umuwi si Itay. Nagtatago kasi ito sa mga taong pinagkakautangan niya.

Kumakalam ang sikmura ko nang buksan ko ang takip sa ibabaw ng lamesa. Walang ulam, wala rin kanin sa rice cooker. Simot ang pagkain na niluto ko kagabi para sa lahat.

Gusto ko na lang sanang matulog ulit dahil pagod na pagod ako at halos iika-ikang naglakad, pero dahil sa gutom, binalak kong magsaing at bumili na lang ng ulam. Pero laking dismaya ko nang makitang wala na rin bigas sa sako.

Napatingin ako sa perang dala ko. Kahit gaano ko kagustong bawasan ito para makabili ng makakain, nang maisip ko sina Inay at Itay, tiniis ko na lang ang gutom.

***

"Rosi! Gumising ka nga! Rosi! Aba, tanghali na, ah!"

Naalimpungatan ako nang marinig ang galit na boses ni Itay. Pabalikwas akong bumungon. Bago pa makalabas ng kuwarto, biglang bumukas ang pinto ng silid ko.

"Itay!"

"Anong itay? Bakit hindi ka nagsaing? Gutom na gutom ako, pero wala man lang pagkain sa kusina!"

"Itay, pasensya na kayo. Wala na kasi tayong bigas."

"Letseng yawa naman, oo! Ngayon na nga lang uuwi, wala pang malalamon!"

Matagal itong tumayo sa bungad ng pinto habang parang nag-iisip. Naging mailap din ang mga mata nito sa akin.

"Ayusin mo ang mga gamit mo!"

"Ho? Pupunta ba tayo sa bayan, itay? Sa hospital ba tayo matutulog?"

"Hindi!" Muli niya akong binalingan ng tingin. "Sasama ka sa akin!"

"S-saan ho?"

Bigla niya akong nilapitan at hinawakan nang mahigpit sa magkabilang braso. "Anak, tatandaan mo na kahit anong mangyari, mahal ka namin ng inay mo. Pero hindi tayo mabubusog ng pagmamahal!"

"Alam ko ho, itay."

"Alam mo rin naman ang pinagdadaanan natin, di ba? Kailangan natin ng pera! Baon ako sa utang at nasa hospital ang iyong inay! Kailangan natin ng malaking halaga. Sana maintindihan mo ako."

"A-ano po bang ibig n'yong sabihin, itay? Hindi ko kayo maintindihan."

Bumuntonghininga siya. "Sasama ka sa akin sa taong pinagkakautangan ko. Pakasalan mo ang anak niya!"

"Ho?" Namilog ang mga mata ko sa gulat. Mabilis akong kumawala sa mga hawak nito. "Itay, ayoko!"

"Anak, intindihin mo ako! Kailangan natin gawin ito. Mabuti nga, pumayag silang kalimutan ang utang ko kapalit ng pagpapakasal mo sa anak niya!"

Maraming ulit akong umiling. "Ayoko ho, itay. Ayoko!"

Nagawa ko na ngang ibenta ang katawan ko kagabi, ngayon naman, magpapakasal ako sa lalaking hindi ko kilala?

Bumangis ang anyo ni Itay. "Hoy, Rosi! Makinig ka sa akin! Wala kang utang na loob! Kung hindi ka namin inampon ni Roberta matapos mamatay ng iyong ina, patay ka na rin ngayon!"

Natahimik ako sa mga sinabi nito. "Kaya nga ho ginagawa ko ang lahat, para makatulong at makabawi sa inyo. Pero ayaw ko hong ikasal sa taong hindi ko kilala."

"E, kaya nga pupuntahan natin, para makilala mo!"

"Ayoko po, itay!" Mabilis kong kinuha ang paper bag sa ilalim ng kama ko. "Heto po! Pera! Gamitin n'yo po iyan pambayad sa utang n'yo, huwag n'yo lang po ako ipakasal sa hindi ko kilala!"

Natigilan siya nang makita ang pera sa loob ng paper bag. "Saan ka nakakuha nang ganitong kalaking pera?"

Hindi ako nakasagot sa tanong niya.

Nanlaki ang mga mata ni Itay kaya kinilabutan ako. Bigla niya akong hinawakan sa braso. "Siguro, tinanggap mo na ang alok ni Tuwad, no! Siguro, binenta mo na ang sarili mo!"

"Nasasaktan po ako! Bitiwan n'yo ako!"

"Anak, parang ganoon din ang gagawin mo. Ang pinagkaiba lang, ikakasal kayo!"

"Itay, hindi pa ba sapat iyan? Magtatrabaho po ako para lang mabayaran ang mga utang natin."

Muling nagdilim ang mukha niya. "Hindi! Hindi pa ito sapat! Malaking halaga ang utang ko, Rosi! Milyon! At ang inay mo? Kailangan niyang maoperahan! Hahayaan mo lang ba siyang mamatay!"

Wala akong nagawa kundi umiyak. Ayaw kong pumayag sa gusto nito, pero nang ipamukha pa niya lalo ang mga nagawa nila para sa akin, wala na akong nagawa.

Hindi ko totoong magulang sina Itay Lito at Inay Roberta. Ang tunay kong ina ay kapatid ni Inay. Nang mamatay ito noong sanggol pa lang ako dahil sa sunog, inampon na nila ako at tinuring na parang tunay na anak.

Naligo ako habang umiiyak. Ganoon din noong nag-aayos na ako. Masakit sa akin na sa kabila ng mga sakripisyo at pagtitiis ko, hindi pa rin pala sapat at masusumbatan pa ako. Ngayon naman ay ito ang sasapitin ko.

"Oh, ngumiti ka naman! Huwag kang iiyak! Baka isipin ng don, pinilit kita."

Lumabas kami ng bahay pero mabilis akong huminto nang maisip si Gary. Halos magmakaawa akong umiling kay itay.

"Maawa po kayo, itay. Ayaw ko po. Ayaw ko po talaga."

"Ngayon ka pa ba hihindi? Ano ba naman, Rosi!"

Mula kay itay, nabaling ang paningin ko sa kalsada. Hindi na ako nag-alinlangan pa. Mabilis akong tumakbo at nilagpasan ito.

"Tangina! Rosi! Bumalik ka rito!" Hinabol ako ni Itay. Lalo kong binilisan ang pagtakbo.

Pupunta na lang ako kay inay sa hospital. Magmamakaawa ako sa kaniya na huwag hayaan si Itay na ipakasal ako. O hindi kaya ay si Gary ang pupuntahan ko, ang boyfriend ko nang dalawang taon na mahal na mahal ako.

Nagawa kong matakasan si Itay. Mabilis akong sumakay ng tricycle papunta sa boarding house na tinutuluyan ni Gary.

Pawis na pawis pa ako dahil sa init nang makarating. Mabuti na lang dahil nakasalubong ko ang landlady nito sa bungad ng pintuan.

"Aling Martha, nandyan po ba si Gary?"

"Mukhang nandiyan. Kasama iyong kaklase niya. May gagawin daw na project. Sige, umakyat ka na."

"Salamat po!"

Mabilis akong umakyat ng hagdan hanggang sa maabot ko ang pangatlong palapag ng bahay na yari sa kahoy.

Third year college si Gary sa kursong edukasyon. Pinagpatuloy nito ang pag-aaral sa kabila ng edad nitong bente sais, kaya hangang-hanga ako dito. Hindi siya katulad ng iba na walang pangarap sa buhay.

Balang-araw, alam kong giginhawa rin ang buhay ko. At gusto kong si Gary ang isa sa makasama ko kapag nangyari iyon.

Nakaakyat ako sa pangatlong palapag. Mabilis kong nalapitan ang kuwarto ni Gary sa dulo ng pasilyo. Pero natigilan ako nang marinig ang ingay sa loob.

"Ahh! Gary! Sige pa! Malapit na ako!"

Ang nasasarapang boses ng isang babae ang bumungad sa akin. Humahalo ito sa ingay nang paglangitngit ng kama.

"Ang sarap mo talaga, Shiela! Malapit na rin ako! Sabay tayo!"

Bago pa nila marating ang langit na inaasam-asam nila, mabilis kong binuksan ang pinto.

"Gary?!" Hindi ako makapaniwala sa inabutan ko. Nakapatong pa ang kaklase nito sa kaniya at pareho silang walang damit na suot habang nagkakan*****. "Ito ba ang project na ginagawa n'yo?!"

Napatili ang kaklase nitong si Shiela habang siya ay gulat na gulat. Pero mabilis na napalitan ng inis ang gulat sa mukha niya nang makabawi.

"Anong ginagawa mo dito!"

"Ako dapat ang magtanong niyan! Anong ginagawa n'yo!"

"Gary, bakit nandito ang babaeng iyan? Akala ko ba, break na kayo!"

"Break na nga!"

"Anong sabi mo?" Mabilis ko silang nilapitan at pinagsasampal si Gary sa mukha.

"Hey! Don't hurt my boyfriend!"

"Boyfriend ko rin siya!"

Hinampas ng babae sa braso si Gary. "Anong break ang pinagsasabi mo? Break na kayo pero hindi niya alam!"

"Sandali nga!" Tiningnan ako ni Gary at tumayo ito habang yakap sa hubad na katawan ang unan. Pinilit niya akong hinila sa braso.

"Bitiwan mo ako! Akala ko pa naman, iba ka sa lahat! Iyon pala, pare-pareho lang kayo! Mga manloloko!"

Inis niya akong itinulak palabas. "Kung makapagsalita ka, akala mo kung sino kang malinis, ah? Aayaw-ayaw ka pa sa akin, pero ibebenta mo lang pala ang katawan mo sa mga mayayaman? Break na tayo! Lumayas ka na!"

Umawang ang mga labi ko sa narinig. Malakas ako nitong pinagsarhan ng pinto.

Mabilis na nangilid ang mga luha sa pisngi ko. Paano nalaman ni Gary ang tungkol sa ginawa ko?

"Gary? Gary, buksan mo ang pinto! Gary!" Sinubukan kong katukin ang pinto nito pero hindi na niya ako pinagbuksan.

Hindi nagtagal, muli kong narinig ang mga ungol nilang dalawa sa loob ng kuwarto. Napuno ng muhi ang dibdib ko.

"Mga baboy! Walang hiya kayo! Mga cheater!" Sinipa ko pa ang pinto pero hindi na nila ako pinansin pa. Umalis akong luhaan.

Naglalakad ako ngayon sa gilid ng daan at hindi alam kung saan pupunta. Isang magarang sasakyan ang tumigil sa tabi ko.

Noong una, hindi ko ito binigyan ng pansin, pero nang ibaba ng taong laman ng sasakyan ang bintana sa backseat, napasilip ako sa loob.

"Don Isidro?"

Tuluyang tumigil ang kotse nito at bumaba ang tatlong malalaking lalaki. Siguro ay mga bodyguard ng don.

"Sumakay ka, hija."

"Ho? H-hindi na ho. May pupuntahan—" Natigilan ako nang makita ang lalaking kasama ni Don Isidro sa loob ng kotse. "Itay?!"

Iyon lang at sapilitan na akong isinakay sa kotse ng mga bodyguard nito.

Mga Comments (2)
goodnovel comment avatar
Jocelyn Pioquinto Armario
buti nga nalaman mo agad na cheater ang bf mong si gary
goodnovel comment avatar
joime
thanks po...️
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status