Share

Prologue

“MAMA!”

Umiiyak na nagsumiksik ang batang si Grace sa ilalim ng kahoy na mesa. Takot na takot siya, puno ng luha ang mga mata at nanginginig ang mga labi. Bakas sa kaniyang mukha ang labis na takot sa nangyayari sa labas ng kanilang bahay.

“UMALIS NALANG KAYO DITO, MGA MANGKUKULAM!”

“OO NGA! DAHIL SA INYO WALA NANG MAHULING ISDA ANG MGA MANGINGISDA DITO SA ISLA!”

“PATI TATAY KO, NADAMAY PA! KINULAM NINYO ANG TATAY KO!”

Mas lumakas ang iyak ni Grace nang marinig niya ang palahaw ng kaniyang ina. Batid niyang nasaktan dito sa kung ano man ang ginawa ng kanilang mga kapitbahay. Matagal nang galit sa pamilya niya ang mga tao sa isla, nagsimula ang galit ng mga ito nang tumuntong sya sa ng pitong taon.

“WALA KAMING GINAGAWA SA INYO!” iyon ang malakas na sigaw ng kaniyang ama upang depensahan ang kanilang pamilya.

“ANONG WALA? MANGKUKULAM ANG PAMILYA NINYO! LUMAYAS NALANG KAYO DITO PARA WALA NANG MASAKTAN!”

“PERO SA AMIN ANG ISLANG ITO!” dinig niyang sagot ng kaniyang ina.

Humikbi ang batang si Grace saka unti-unting gumapang palabas sa ilalim ng lamesa. Kailangan niyang puntahan ang kaniyang mga magulang.

“UMALIS NA KAYO DITO! LALONG-LALO NA ANG ANAK NINYONG SALOT!”

Tila binagsakan ng bato ang dibdib ni Grace dahil sa masakit na salitang ibinato ng isa kanilang kapitbahay. Hindi niya maintindihan kung bakit siya ang sinisisi ng mga ito sa pagkalunod ng tatlong mangingisda tatlong buwan palang ang nakakalipas. Kaarawan niya nang lumakas ang alon sa dagat, tumaob ang bangkang sinasakyan ng apat na mangingisda at isa lamang ang nakaligtas sa mga ito. Nasa dalampasigan siya nang araw na iyon at siya ang unang nakapansin sa walang malay na mangingisda sa dalampasigan ngunit nang tulungan niya ito ay bigla na lamang itong nagwala at sinabing isa siyang salot.

“UMALIS KAYO!”

“HINDI KAMI AALIS!”

Magkakasunod at malalakas na sigawan pa ang narinig niya bago niya marinig ang napakalakas at nakakabinging palahaw ng kaniyang ina. Suminghap sya at mabilis na sumilip sa bintana, nagimbal siya sa kaniyang nakita. Nakahandusay na ang kaniyang ama na walang humpay na pinaghahampas ng mga tao ng kung anu-anong mga pamalo. Ang kaniyang ina ay hinatak ng grupo ng mga babae at pinagsasampal, binugbog ng walang awa.

Humikbi siyang muli, sinubukan niyang lumabas ngunit may humila sa kaniya.

“Grace, halika na.

“H-Hindi po n-natin puwedeng i-iwan sina mama at papa!”

“Halika ka, Grace! Delikado kapag nakita ka nila!”

Pinilit siyang hilahin ng kanilang kasambahay at wala siyang nagawa nang takpan nito ang kaniyang bibig saka siya binuhat at lumabas sa likod bahay. Wala siyang nagawa kun'di pagmasdan nalang ang munting tahanan nila na bigla na lamang tinupok ng malaking apoy. Mariin siyang pumikit habang lumuluha at naghihinagpis.

-

Nagising siya nang makarinig siya ng mga ungol at daing. Agad siyang nagmulat ng mata at hinanap ang kasambahay na kasama niya.

Pinagmasdan niya ang bahay na kinaroroonan nila, ito ang lumang bahay ng kaniyang lolo at lola na nasa puso ng isla. May kalayuan ito mula sa dalampasigan kung saan sila namamalagi.

“Grace.”

Lumingon siya sa kaniyang likuran, ang kaniyang inosenteng mga mata ay dumapo sa isang bagay na hawak ng kanilang kasambahay. 46 years old na ang kanilang kasambahay, hindi na ito nag-asawa at hindi umalis sa kaniyang pamilya mula nang magtrabaho ito sa kanila.

Tinitigan niyang maigi ang matulis na bagay na hawak nito, may bahid iyon ng pulang mantsa. Dugo.

“Aling Baba, bakit ka po may hawak na kutsilyo?”

Ngumiti ang nakatatanda, “Wala naman, anak. Mayroon lamang akong kinatay na hayop. Nagugutom ka na ba?”

Umiling siya, “Hindi po,” inilibot nya muli ang paningin. “Hindi na po ba tayo babalik sa bahay? Nandoon pa po sina mama at papa.”

Lumapit sa kaniya si Aling Baba, “Hindi tayo maaring bumalik doon, mayroong masasamang tao doon, paalisin ko muna sila.”

Naniwala siya sa sinabi nito. Tumango siya at matamlay na ngumiti, “Salamat po, Aling Baba.”

“Basta't para sa iyo, gagawin ko ang lahat. Para na kitang anak, Grace kaya lahat ay hahamakin ko maipagtanggol ka lamang.”

Tinitigan niya ang matamis na ngiting nakaguhit sa mga labi ng nakatatanda. Doon ay napanatag siyang aalagaan siya nito hanggang sa kaniyang pagtanda. Umaasa siya na mababalikan pa nila ang kaniyang mga magulang, umaasa siya habang pikit matang binabalewala ang ginagawa ng kanilang kasambahay. Alam niya, sa murang isipan ay alam niyang masama ang ginagawa nito ngunit hindi sya nagsalita, nanatili siyang bulag at pipi sa katotohanang ipinaghihiganti ng nakatatanda ang mapait na sinapit ng mga magulang niya mula sa kamay na bakal ng malupit at mapanghusga nilang mga kapitbahay.

[A novel by sinnederella]

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status