Share

Princess Tala and Prince Uncharming
Princess Tala and Prince Uncharming
Author: Ukiyoto Publishing

A Princess Child Bride

 

 

Noong nakaraang linggo lang nireregla si Tala, saktong isang buwan pagkatapos ng ika-labing dalawa nitong kaarawan. Pinagmasdan ni Mahalia ang anak habang inaayusan niya ito bilang paghahanda sa nalalapit na kasal. Black beauty, ito ang madalas na hambing ng mga tao kay Tala. Namana nito sa ama ang kabuuan nitong itsura gaya ng kayumagging kaligatang kulay, bilugang mga mata, matangos na ilong, at manipis na mapululang labi. Mahahabang pilik-mata, makinis na kutis, tindigan, at pangangatawan naman ang nakuha nito sa ina.

 

“Bakit hindi po ako mistisa gaya mo Mama?” Minsan ay tanong ni Tala sa kanya.

“Ang ganda kaya ng kulay mo, hindi mapusiyaw at hindi maitim, tamang-tama lang. Tsaka pag binigay ni God sa iyo ang kulay ko, ibibigay niya rin ang ilong ko sa iyo,” birong paliwanag ni Mahalia sa anak, hindi kasi katangusan ang kanyang ilong at masiyado ring makapal ang kanyang mga labi.

“Okay lang po 'yon, ganito na lang po gagawin ko araw-araw,” at iipitin ni Tala ang ilong ng ina ng maliliit niyang mga daliri para patangusin ito. Magtatawanan na lang ang dalawa.

 

Ngayon nga, kahit patpatin at napakaliit pa ay napakaganda ni Tala sa suot nitong traditional na damit pangkasal ng mga Mezati. Hinabi pa ng matatandang Ati ng kanilang barangay ang baro’t sayang suot ni Tala. Pinatingkad ng diseninyong pula, puti, at itim na kulay nito ang taglay na kainosentehan ng bata. Matapos isuot ang mahaba at makulay ring hikaw at mga palamuti sa leeg ay huling inayos ni Mahalia ang samo’t saring puti at mababangong bulaklak na ginawang pamatong naman sa ulo ng anak.

 

Hindi mapigilan ni Mahalia ang maluha habang pinagmamasdan ang anak.

“Bakit po Mama?” sa sobrang kainosentehana ay hindi alintana ni Tala ang nagbabadyang pangyayari na magpapabago sa buhay niya. Pinahid ni Tala ang pumatak na luha sa mga mata ng ina, biglang gusto na rin niyang maiyak.

 

“Luha yan ng saya. Masaya ako para sa iyo,” tinapik ni Mahalia ng daliri ang matangos na ilong ng anak.

 

“Ako din po,” hindi pa rin maintindihan ni Mahalia kung paanong kinaya ni Tala na tanggapin ang lahat ng desisyong ginagawa niya para sa buhay nito. Ni hindi ito nagtanong o nagprotesta man lang gaya ng inaasahan niya. Iniisip niya na lang na matatag at mature ang anak kaya naman abot abot ang pasasalamat niya sa Diyos dahil naging maayos at mabilis ang lahat. Matapos lang ang ritwal ng kasalang ito ay makakahinga na ng maluwag si Mahalia.

 

Bata ang puso ni Tala pero masayang masaya siya na si Limuel ang pakakasalan niya. Lihim nitong gusto si Limuel o kuya Limuel kung tawagin niya. Kahit ang kanyang ina ay hindi alam ang lihim niyang paghanga sa binata.

Nang sinabi ng ina ni Tala na ikakasal siya pagkatapos ng kanyang unang pagreregla ay na-shock si Tala, pero bago pa siya nakapag-protesta ay sinabi ng ina na si Limuel ang mapapangasawa niya. Dahil dito ay binalot ng saya ang puso niya kaya hindi na niya nagawang magtanong pa o tumanggi sa ina. Basta ang alam niya, may mga bagay na ginagawa ang ina na hindi niya maintindihan, pero pinili ni Tala na maging masunurin sa ina dahil mahina ito at palaging nagkakasakit. Ayaw niyang bigyan ng dagdag problema pa ang ina. Alam naman niya na kung ano man ang ginagawa ni Mahalia ay para ito sa kabutihan niya. Sa ganoong isipin laging nagiging payapa si Tala.

 

Ipinanganak at lumaki si Tala sa Almaraia, isa sa pinakamaliit at malayong barangay sa bayan ng Anda, probinsya ng Bohol. Pero sa Buenasuerte siya ikakasal kung saan lumaki ang kanyang inang si Mahalia. Sa sobrang layo ng Anda sa Tagbilaran, hindi ito madaling puntahan ng mga turista kaya naman nanatiling makaluma at tradisyonal ang maliliit pero mga prominenteng barangay ng iba’t ibang katutubo roon.

 

Katutubong Quinali si Tala, pero hindi sila galing sa tribo Eskaya na kilala sa Bohol, mula sila sa tribo ng Ati na nahaluan ng mga dugong kastila noong unang dumaong ang mga ito sa dalampasigan ng Bohol. Sa Anda, ang mga Mezati o tribo ng Mestizang Ati ay may sariling kultura at batas na sinusunod bukod sa batas ng Pilipinas. Sa loob ng BuenaSuerte kung saan pinakamarami ang mga Mezati, mas mataas ang batas ng tribo kaysa sa batas ng bansa. Ang angkan ni Mahalia ay mula sa pinakamatandang Datung namuno sa Barangay ilang daang taong na ang nakararaan bago pa dumating si Simon de Anda y Salazar noong 1769 bilang Gobernador Heneral ng Pilipinas. Sa madaling salita, Prinsesa si Mahalia sa Buenasuerte at makapangyarihan ang kanyang angkan.

 

Magkagayon man, unti unti na ring naging modern ang bayan ng Bohol at maging ang Anda. Dahil sa madalas na paglabas ng mga natives nito para maikot ang ibang bahagi ng bansa ay hindi maiwasang pumasok ang modernisasyon sa lugar, higit lalo na may mga mangilan-ngilang turista at mga taga ibang bayan na rin ang nagbibigay pansin dito para magtayo ng negosyo at nakipagkalakalan. Magkagayon man ay patuloy pa rin ang pamumuno ng mga Datu at pagtataguyod ng batas at kultura ng bawat mga tribo. Ang bawat katutubong Quinali, moderno man ang pamumuhay o hindi ay nasasakop ng batas ng tribo sa loob ng buong bayan ng Anda. May kalayaan namang gawin ng isang katutubo ang kanyang nais kahit hindi naaayon sa batas ng tribo, lalo kung nasa labas ito ng bayan o bansa, 'yon lamang ay mananagot pa rin ito sa batas ng kanilang lahi oras na muli itong bumalik ng Anda. Ang seryosong pagsuway at hindi pagtanggap ng kaukulang parusa ay nangangahulugan ng pagtaboy ng buong katribohan sa isang katutubong pasaway. Maaaring mailitan ng lupain at mga ari-arian ang sino mang mapapalayas sa bayan sampu ng buong angkan at pamilya nito.

 

Ang kasal nila Tala at Limuel ay legal sa batas ng tribong Mezati. Sa takdang panahon at ayon sa batas ng bansang Pilipinas ay ipatatala ng mag-asawa ang kasal nila kapag umedad na ng desi otso si Tala. Ang papel ng rehistro ay dapat ipagkatiwala ng mag-asawa sa pangangalaga ng mga Datu. Dito rin lang pwedeng magkaroon ng sexual encounter ang mag-asawa. Magkagayonman pagkatapos ng kasal sa tribo, si Tala ay mula na sa angkan ni Limuel at wala ng karapatan ang angkan ni Mahalia dito. Bilang asawa ni Tala, si Limuel na at ang pamilya nito ang maaaring magdesisyon patungkol sa buhay at kinabukasan ng bata.

 

Umiiyak si Mahalia nang bumukas ang pinto at nakita noong pumasok ang napakaganda niyang anak patungo sa unahan ng silid kung saan nakaupo ang mga datu sa sahig na may latag na dinesenyuhang makulay na tela. Sa maliit na lamesa ay may mga katutubong pagkaing pagsasaluhan ng magiging mag-asawa bilang bahagi ng ritwal ng kasal. Tumingin si Mahalia kay Limuel na kanyang inaanak nang pumasok ito sa kabilang pintuan patungo rin sa harapan ng mga datu. Tahimik lang na nakatingin kay Tala ang lalaki habang sinsalubong ang bata. Hindi mabasa ni Mahalia ang damdamin nito. Nagkaroon sila ng maikling pag-uusap bago ang kasal. Niyakap saka nagpasalamat na lamang si Mahalia sa pagsasakripisyo ni Limuel ng kinabukasan nito para kay Tala. Tiningnan naman ni Mahalia ang ina ni Limuel, ang matalik na kaibigan niyang si Dalisay, nakatingin din ito sa kanya. Ngumiti at tumango sila sa isa’t isa. Nagkakaunawaan sila sa ganitong pagkakataon.

 

Lord, bahala ka na sa anak ko, sana tama ang naging desisyon ko, taimtim na dasal ni Mahalia.

 

Tinitigan ni Limuel ang batang sinalubong niya, inakay sa harapan ng mga datu, at ngayon ay kaharap habang nakaupo na rin sa sahig para sa pagsisimula ng kanilang kasal. Napatiim bagang si Limuel, sa utak niya ay parang may mali, pero sa puso niya, alam niyang ginagawa niya ang lahat para sa kabutihan ng kanyang pamilya. Alam niya ang magiging responsibilidad niya kay Tala, ang alagaan at protektahan ito. Dati naman na niyang ginagawa sa bata ang ganoon, lalo pa’t nakita niya ang paglaki nito at kapatid na totoo pa nga ang turing niya dito.

Tiningnan ni Limuel ang kanyang inang si Dalisay, sa tabi nito ang kanyang mga kapatid na sina Nimuel at Nuel. Wala na ang ama nilang pumanaw dalawang taon na ang nakakaraan. Alam ni Limuel na siya na ang ama at tumatayong padre de pamilya nila. Ngayon nga ay kasama na si Tala bilang bahagi ng kanyang pamilya.

 

Napatingin si Limuel kay Nimuel, sila ang magkasama at nag-uusap bago dumating si Nuel para tawagin siya.

 

“Kuya mag-uumpisa na ang kasal mo.”

 

Hindi natapos ang pag-uusap nila ni Nimuel kaya tiningnan na lamang niya ito at saka ngumiti. Tumango lamang ang kapatid. Ano mang mangyari, si Nimuel na sumunod sa kanya ng dapat humalili para alagaan nito sina Dalisay at Nuel, ngayon nga na ikakasal na siya.

 

Habang idinaraos ang ritwal ng kasal ay hindi maiwasang bumalik ni Mahalia sa nakaraan at sa kanyang mga pagkakamali.

 

“Ako na ang humihingi ng pasensya sa iyo Lia. Dahil sa kapatid ko puro problema at hirap ang tinitiis mo.”

“Sobra na kuya! Hindi ko na kaya. Sa Buenasuerte na muna kami magpapalipas ng ilang araw, kapag hindi ako iiwas baka wala nang matira sa amin ng anak ko.”

“Naintindihan ko. Ako na ang bahala kay Yani. Ilang araw lang at malamang na babalik na rin 'yon sa Maynila.”

Alam ni Mahalia na hindi makapapasok sa Buenasuerte si Yani. Balwarte niya 'yon, malamang na ipatawag siya ng mga Datu kapag tumuntong siya doon at nanggulo. 'yon ang palagi niyang panakot kay Yani.

“Halika na Tala, bilisan mo bago pa magising ang papa mo…” Nagmamadaling inakay ni Mahalia si Tala palabas ng kanilang bahay.

“Lasing na naman si Papa?”

“Oo.” Awang-awa si Mahalia sa confusion ng anak. Ni wala itong relasyon sa sariling ama dahil kung hindi ito lasing ay barkada ang inaasikaso nito kaysa ang sariling pamilya.

“Pupunta ba tayo sa BuenaSuerte?”

“Oo dun muna tao magpapalipas ng ilang araw.”

“Kina tita Dalisay pupunta din po tayo?”

“Kung gusto mo.” Alam ni Mahalia na gusto ni Tala kalaro si Nuel na kaklase nito at kababata. Hindi alam ni Mahalia na si Limuel na crush nito ang gustong makita ni Tala.

 

“Opo mahal na Datu…” narinig ni Mahalia na sinabi ni Tala bilang sagot sa tanong kung tinatanggap nitong asawa si Limuel.

 

Bumalik sa kasalukuyan si Mahalia. Ito ang isang desisyon na alam kong hindi mali, sa isip-isip nito habang pinagmamasdan ang anak na hawak ang kamay ng lalaking pinakakasalan nito.

 

Nanlalamig ang mga kamay ni Tala na nakahawak sa kamay ni Limuel. Sampung taon pa lamang siya ay crush na crush na niya ang kuya Limuel niya. Kasi naman ay ito ang madalas na magbantay at magpakain sa kanila ni Nuel noong mga bata pa lamang silang naglalarong walang kapaguran. Ito rin ang umaayos ng sira nilang laruan. Minsang naghahabulan ay tinulak si Tala ni Nimuel, ang pangalawang kapatid nila Limuel at Nuel, napakaharot kasi ni Nimuel lalo pagdating sa kanya. Kaya ayaw ni Tala kapag kasali si Nimuel sa laro nila, madalas kasi siyang paiyakin nito. Pag ganito, si kuya Limuel niya ang magagalit kay Nimuel. Nang naitulak nga siya ni Nimuel at nasugatan ay si Limuel ang gumamot sa mga gasgas niya.

“Tahan na, wag ka nang umiyak. Hindi na yan masakit kay nilagyan ko na ng gamut.” Sabi ni Limuel na hinihipan pa ang mga sugat ni Tala.

“Si kuya Nimuel kasi eh…” sumbong ni Tala habang humihikbi.

“Sige lagot sa akin 'yon mamaya. Punta ka na kay Nuel maglaro na kayo.” Pinahiran pa ni Limuel ang luha ang mukha ni Tala.

 

Mapapangiti si Tala dahil ang saya-saya niya sa pag-aalaga ni Limuel sa kanya. Nagpapa-alala si Limuel sa mga prinsipe na kinukwento ng kanyang ina sa kanya sa tuwing papatulugin siya nito. Kapag tinatrato siyang espesyal ni Limuel ay pakiramdam ni Tala na isa siyang prinsesa.

 

Simula noon ay palagi na siyang naeexcite na pumunta kina Nuel, kahit puro larong lalaki ang ginagawa nila, sipa, taguan, at sumpit.

 

“Nakakatuwa naman at mukhang magiging best friends din ang mga anak natin.” sabi ni Mahalia

‘Ayaw kong maging bestfriends…I want more.’ sumimangot si Tala nang marinig ang sinabi ng ina, nasa bakuran sila ng tita Dalisay nya habang ginagawan sila ni Limuel ng harang para hindi mainitan ng araw ang kanilang palaruan.

 

Mukhang nagkatotoo ang gusto ni Tala ngayong hawak ni Limuel ang kamay niya at ito naman ang nangako sa harap ng datu bilang asawa niya.

 

“Anong kalokohan ito?!?”

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status