Share

Hindi Bayani Si Bayani

 

Naglingunan ang lahat, si Yani na ama ni Tala ang dumating sa reception. Tapos na ang kasal, patapos na rin ang reception ng sumugod ang lasing na lasing na lalaki.

 

“Limuel, ipasok mo ang mga bata sa loob.” Utos ni Datu Jano.

“Opo.”

 

Napaigtad si Tala sa higpit ng kapit ni Limuel sa kanyang kamay saka siya hinatak nito papasok ng isa pang bakanteng silid kasama ni Nuel at ng iba pang mga kabataang naroroon. Takot na takot si Tala sa naririnig na sigawan at pagkakagulo sa labas dahil lang sa kanya. Napatingin lang siya kay Limuel na sa mga mata ni Tala ay naging kuya niyang muli na ipagtatanggol siya sa mga kalaban. Nasa malapit ito sa pintuan at tila nakaharang doon. Si Nimuel ang naramdaman niyang tumabi sa kanya.

 

“Wag kang matakot andyan si kuya, siya ang bahala sa atin,” sabi nito.

 

Napayapa naman si Tala. First time niyang nakitang naging mabait sa kanya si Nimuel at umastang kuya niya rin gaya ni Limuel.

 

“Ito o pinirmahan mo?” Nilapag ni Mahalia sa lamesa ng mga datu ang consent form na nagbibigay permisong magpakasal si Tala. Takot man ay galit na galit ito sa panggugulo ng lalaki sa pagtitipon.

“Kelan ko pinirmahan ito!?!”

“Noong huling bumisita ka para sabihing ibebenta mo ang lupa ko sa Subang dahil kailangan mo sa negosyo mo sa Maynila. Sinabi ko sa iyo na ikakasal si Tala.”

“Lasing na lasing ako noon, hindi ko naintindihan!”

“Pwes, hindi ko kasalanan na lasing ka! Naintindihan mo ang papeles ng pagbebenta ng lupa pero hindi ito?”

“Bueno dahil dyan ay legal ang kasal ng dalawang bata.” Singit ni Datu Jano

“Menor de edad ang anak ko, ikakaso ko ito.”

“Subukan mong magsampa sa kahit saang korte, sige!” hamon ni Mahalia. Legal ang batas ng tribo nila at walang korte ang pwedeng mangialam nito.

“Ikaw ang bahala Apong Yani. Hihintayin na lang ng tribunal ang reklamong ihahain mo,” alam ni Yani na walang kwenta ang pananakot niya. Naisahan siya ni Mahalia.

“Gusto kong makausap si Tala. Asan ang anak ko?!”

“Wala ka nang karapatan sa kanya. Si Limuel ang pwede mong kausapin. Si Limuel na ang tumatayong guardian ni Tala.” Sabi ni Datu Anto.

 

Hindi inalis ni Tala ang kamay kay Limuel, mas mahigpit ang kapit niya rito habang tumatagal ang pakikipag-usap sa kanila ng lasing na ama.

 

“Tala, anak. Gusto mo bang sumama kay Papa?” Umiling ang bata.

“Mali ang ginawa ng mama mo, pwede kang magreklamo sa korte para mapawalang bisa ang kasal mo.”

“Si Limuel ang kausapin mo Apong Yani,” utos ni Datu Nitong

“Bakit? Para sa akin hindi siya asawa ng anak ko,” singhal nito.

“Si Limuel lang ang pwedeng magdesisyon sa mga gusto mong mangyari, kung ibabalik niya sa iyo si Tala o hindi,” patuloy ng isa pang pinuno ng tribo.

 

Takot na tumingin si Tala kay Limuel, tumingin din ito sa kanya. Nangilid ang luha ni Tala. Wag mo akong ibigay kuya, ito ang gustong sabihin ni Tala sa asawa, pero hindi niya masabi, sa takot ay tila nawalan siya ng boses, kaya lalo niyang hinigpitan ang kapit dito. Napangiwi si Limuel, kanina pa siya nasasaktan sa mahigpit na hawak ng bata sa kamay niya. Alam niya naman na ayaw ni Tala sa ama.

 

“A-asawa ko na po siya, akin po si Tala,” sabi ni Limuel sa kaharap. Pinilit ni Limuel maging matapang pero ang totoo ay takot din siya sa ama ni Tala, lalo at lasing na lasing ito.

 

Gaya ng inaasahan, nagalit si Bayani, tumayo ito at sinugod si Limuel na agad namang niyakap ni Tala.

 

“Hindi! Hindi! Ayokong sumama sa iyo. Dito ako kay ku - sa a - asawa ko, dito lang ako!” umiiyak na si Tala. Mabuti at napigilan ng mga kalalakihang naroroon si Yani kung hindi ay nasunggaban nito ang mga bata at nasaktan.

 

Matagal nang wala si Yani ay nakayakap pa rin si Tala kay Limuel.

“Tala anak, bitiwan mo na si Limuel. Pawis na pawis na kayo pareho, magbihis na kayo,” hinaplos ni Mahalia ang likuran ng anak. Saka pa lamang unti-unting bumitiw si Tala sa lalaki. Huminga ng maluwag si Limuel, kanina pa siya hirap na hirap sa higpit ng yakap ni Tala sa kanya.

“Ayos ka ba anak?” nag-aalalang tanong ni Dalisay sa panganay niya.

 

Tumango lang si Limuel. Ito naman ang niyakap ni Mahalia. Hindi sila pwedeng sumama sa pagpupulong kanina lalo at sa batas ay wala na ring karapatan si Mahalia kay Tala. Hindi niya alam kung paano hinarap ni Limuel ang laki ng responsibilidad na kausapin ang lasing na si Yani para lamang kay Tala, pero nagawa nito ang tama.

 

Hinawakan ni Dalisay ang matalik na kaibigan na agad yumakap sa kanya at humagulgol.

 

“Masaya lang ang mama mo Tala dahil nandito ka sa amin, kaya siya umiiyak,” nakangiting paliwanag ni Dalisay kay Tala. Mukhang iiyak na naman kasi ito nang makita ang paghagulhol ng ina.

“Salamat. Malaki ang utang ko sa iyo,” sabi ni Mahalia matapos kumalma at kumalas sa pagkakayakap sa kaibigan.

“Salamat. Ako ang may malaking utang sa iyo,” sagot ni Dalisay sabay abot ng tissue kay Mahalia.

 

Galing si Mahalia sa buena pamilya nang Beunasuerte. Ang alam ng lahat ay sa taga Buenasuerte rin ito ikakasal. Naging malapit ito kay Vedasto, tubong Buenasuerte, 'yon lang ay

hindi prominente ang pamilya nito sa bayan. Gusto ni Vedasto si Mahalia, pero sa huli si Dalisay na matalik na kaibigan nito ang pinakasalan ng lalaki. Kahit kasi pare-pareho silang mula sa tribo ng Mezati, maraming lupain at negosyo ang pamilya ni Mahalia kaysa sa dalawa. Bukod dito ay nagkagusto si Mahalia sa bolero at gwapong taga Almaraia, si Bayani. Kilala sa taglay na tikas at gandang lalaki si Bayani sa buong tribo Eskaya at maging sa mga kalapit na tribo. Bata pa lamang ay marami na itong proposal ng kasal mula sa iba’t ibang angkan. Lamang ay labas masok si Bayani ng kanilang probinsya at halos lumaki na ito sa Maynila kaya pati ugali at asal nito ay makabago at hindi marespeto sa sinauna nilang kaugalian. Ewan ni Mahalia pero higit siyang nagkagusto kay Bayani dahil sa pagiging rebelde nito. Kaya nang ibigay niya ang pagkababae niya rito kahit hindi pa sila kasal ay act of rebellion ito sa parte niya. Hindi nga lang niya napaghandaan ang pagdating ni Tala ng wala sa panahon at plano. Dahil mula sa Eskaya tribe, nang pinakasalan ni Mahalia si Yani, naging bahagi na ng tribo ni Bayani si Mahalia pati ang anak niyang si Tala. Bagay na nakapanghihinayang sa pamilya ni Mahalia dahil higit na mataas at prominente ang kanilang tribo kaysa sa tribo ni Bayani.

 

Gaya ng inaasahan na dala ng pag-ibig na may halong kapusukan, naging magulo ang pagsasama ng mag-asawa. Mali ang akala ni Mahalia na mababago ng pag-ibig niya ang rebeldeng kaluluwa ni Bayani. Sa unang taon ay pinilit itaguyod ng pagmamahal niya sa lalaki ang kanilang pagsasama pero mahirap kalaban ang barkada at bisyo ni Bayani. Naging pabalik balik ng Maynila si Yani para sa mga tinatayo nitong negosyo na palagi namang lugi. Nang maubos ang yamang ibinigay ng ama ni Yani sa kanila, isa isa nang pinag-initan ni Yani ang mga lupain ni Mahalia na bigay naman ng kanyang pamilya. Sinubukan ni Mahalia na suportahan ito, samahan sa Maynila, pero wala rin. Iniiwan lamang silang mag-ina ng lalaki at uuwi lamang kapag wala na itong pera. Nang makakuha si Mahalia ng sapat na ebidensya na nambababae nga si Bayani ay doon na nagising si Mahalia sa katotohanan, wala na siyang dapat pang ipaglaban. Simula noon ay kay Tala na umiikot mundo niya bilang ina nito.

Sampung taon si Tala nang ma-diagnosed si Mahalia ng cervical cancer. Piling tao lamang ang nakakaalam ng pagpapagamot ni Mahalia sa Maynila. Kay Dalisay, na kababalo lamang, madalas bilin ni Mahalia ang anak lalo’t ayaw nitong malaman ng bata ang nangyayari. Kahit maraming kamag-anak sa Buenasuerte ay mas kampante si Mahalia kay Dalisay ipagkatiwala ang anak lalo at nahihiya siya sa sariling pamilya magsabi. Na-gui-guilty pa rin siya dahil sa mali niyang pag-aasawa. Nang pumasok sa remission si Mahalia ay sobrang saya niya. Kaya lamang ay ilang buwan bago mag labing-dalawang kaarawan si Tala ay bumalik ang cancer at nag metastasized sa utak ni Mahalia.

 

Tinapat ng mga doktor si Mahalia na dahil hindi na nagrerespond ang katawan niya sa gamutan ay kailangan na lamang nitong mabuhay at maging masaya sa natitira nitong oras. Hindi takot si Mahalia mamatay, malapit siya sa Diyos at tinuro niya rin ito kay Tala, pero takot siyang iwan si Tala sa tribo ng Eskaya kasama ni Bayani. Alam niyang kayang ibenta ni Yani sa ibang tribo si Tala kung magkagipitan na at naubos ang yaman nila.

 

Nang mamatay sa ibang bansa ang isa pang kapatid ni Mahalia na walang pamilya, naghati-hati ang natitira pang mga kapatid ni Mahalia sa yamang naiwan nito. Sa halip na maging masaya ay mas takot si Mahalia kunin ang yaman kaya naman agad niyang kinausap ang pinakamalapit na kapatid na si Yasmin, na isang abogado.

 

“Gano'n din 'yon ate, kahit ipangalan natin lahat ng ari-arian mo kay Tala. Asawa ka at anak ni Yani si Tala, ang pag-aari ninyo ay pag-aari din ni Yani.”

“Ang ari-arian ko pwedeng i-claim ni Yani, pero hindi ang minana natin kay ate Zeni lalo kung ipapangalan natin agad ito kay Tala.”

“Pero bilang minor, si Yani pa rin ang tatayo bilang guardian ni Tala, lalo kapag…wala ka na.” Halos madurog ang puso ni Mahalia, hindi dahil sa cancer, kundi dahil sa takot para sa kinabukasan ng anak.

 

Si Dalisay ang sumagot sa problema ni Mahalia. Binisita nito ang kaibigan sa bahay ni Yasmin, hiyang-hiya. Gusto nitong isanla ang natitirang maliit na bukid ni Vedasto para mapa- aral si Limuel ng kolehiyo sa Maynila.

 

“Ang gusto ni ama, magpakasal ako ulit. Nabiyudo daw si Antonio at maliliit pa ang mga anak, kung pagsasamahin namin ang natitira naming mga lupain eh masusurvive ng pamilya namin ang hirap. Pero Lia, ayaw ko nang mag-asawa at ayaw din ni Limuel. Na-stress nga ang bata at ayaw ng mag-aral. Magtatrabaho na lang daw siya sa Panglao beach kahit ano. Andun nga naman ang mga turista at pera.”

“Ano ka ba Dalisay, para saan pa at naging magkaibigan tayo. Sino ba naman ang magtutulungan kundi tayo-tayo lang rin. ‘Wag mo na problemahin ang tungkol sa pag-aaral ni Limuel. Inaanak ko 'yon, kaya syempre tutulungan ko.” pag-aalo ni Maharlika sa nag-aalalang kaibigan.

“Alam ninyo, matutulungan ninyo ang isa’t-isa sa problema ninyo,” singit ni Yasmin sa usapan ng magkaibigan. Kanina pa pala ito nakikinig sa dalawa.

 

 

 

 

 

 

 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status