Share

Kabanata 3

"Makinig ka," panimula ni Chase. "Hindi ka puwedeng lumayo sa akin. Kahit ano'ng mangyari at kahit saan ka magpunta, kailangan magkasama tayong dalawa. Maliwanag ba?"

Natulala ang babae. Nakatitig siya nang diretso sa mga mata ni Chase na seryosong-seryoso. Ilang segundo rin siyang hindi nakapagsalita hanggang sa mapagtanto niyang kalokohan lamang ang narinig.

Tumawa ang babae dahilan upang magsalubong ang dalawang kilay ni Chase. Nabitawan niya rin ang braso nito.

"Ano ba'ng pinagsasasabi mo, Chase? Adik ka ba? O sadyang malakas lang talaga ang tama ng bola riyan sa ulo mo?"

Binalewala ni Chase ang narinig. "I'm serious. Kailangan kitang iligtas."

Tumaas ang kilay ng babae ngunit hindi nawala ang ngisi sa kanyang labi. "At bakit naman? Ano ba'ng mangyayari sa akin?"

Sasabihin sana ni Chase ang tungkol sa aksidente ngunit natigilan siya. Naalala niya na hindi nga pala puwedeng malaman ng kahit na sino ang tungkol sa kanyang misyon dahil kapag nangyari 'yon, baka mabigo at tuluyan nang magbago ang mga pangyayari sa nakaraan.

Bumuntong-hininga siya at hinarap nang maayos ang babae. Kailangan niyang makaisip ng paraan kung paano mababantayan ang babae hanggang sa sumapit ang itinakdang araw ng pagtatapos ng misyon niya.

"Okay, una sa lahat, puwede ko ba malaman ang pangalan mo?" tanong ni Chase.

Nawala ang ngisi sa labi ng babae. Mabilis na bumalot ang pagtataka sa kanyang mukha. Inayos niya ang kanyang tindig at tinaasan ng kilay si Chase. "At bakit naman? Isusumbong mo ba ako dahil nasaktan kita?"

Muli, nagsalubong na naman ang kilay ni Chase. Iniisip niya kung bakit ang hirap naman kausapin ang babaeng ito. Pangalan lang ang tinatanong niya pero kung ano-ano na ang iniisip.

"Hoy, Luna! Ano na? 'Yong bola!" sigaw ng isang lalaki mula sa 'di kalayuan.

Nilingon ng babae ang nagsalita at sumenyas na maghintay. Sunod ay hinarap niya muli si Chase at sinuri kung mukha itong nasaktan. Nang makumpirmang hindi, tumango ito at tinapik ng marahan ang balikat ng binata.

"Mukhang ayos ka naman. Sige, mauna na ako. Hindi pa tapos ang P.E namin, eh."

Magsasalita sana Chase ngunit biglang tumakbo ang babae patungo sa mga kasama nito.

Dahil doon ay nagpasya siyang hindi na pasukan ang huling subject. Umupo siya sa isa sa mga bleachers upang hintayin matapos ang P.E subject ng dalaga.

Habang naghihintay ay kinuha niya ang kanyang phone sa bulsa. Nakatanggap siya ng ilang text mula kay Cody.

From: Cody

Bro, wala akong prof. Tara billiard!

From: Cody

Nasaan ka? Sumilip ako sa room n'yo pero wala ka. Hindi ka pumasok?

From: Cody

Hoy! Nasaan ka? Magreply ka. Naghihintay kami ni Bryan dito sa parking lot sa tapat ng sasakyan mo.

Napailing na lang si Chase bago tiningnan ang call logs na naglalaman ng pitong missed calls galing kay Cody at tatlong missed calls galing kay Bryan.

Dahil doon ay tinawagan na niya si Cody. Wala pang ilang segundo ay sinagot na nito ang tawag.

"Where are you? Kanina pa kita tinetext pero hindi ka nagrereply," bungad ng kaibigan sa kabilang linya.

"Nandito ako sa open field."

"What? Ano'ng ginagawa mo riyan? Hindi naman ngayon ang P.E mo, ah!"

"Mahabang kuwento. Umuwi na lang kayo. May gagawin pa ako."

"Ano'ng gagawin mo?"

Napapikit sa inis si Chase. "Basta! Sige na, umalis na kayo."

Hindi na narinig ni Chase ang sinasabi ni Cody dahil pinatay na niya ang tawag.

Muli niyang binalingan ng tingin ang babae na nakangiti habang naglalaro ng soccer. Buhay na buhay ito at maliksi, malayo sa itsura nitong nakahandusay sa sahig no'ng gabing nasagasaan niya ito. Hindi niya lubos maisip na posible ngang makita niya ang babaeng ito at makagawa ng paraan upang iligtas at pigilan mangyari ang aksidente.

"Gagawin ko lahat para maligtas ka," bulong ni Chase habang nakatitig sa dalaga. "Kailangan mabuhay ka hanggang sa matapos ko ang misyon ko."

Muling natahimik si Chase at naniningkit na inangat ang tingin sa kalangitan. Isang buwan lang ang kailangan niyang tiisin upang matapos ang kanyang misyon. Kailangan niyang makaisip ng paraan upang hindi mawala ang koneksyon nilang dalawa ng babae.

"Nandito ka pa?"

Napatingin si Chase sa nagsalita. Nakita niya ang babae na ngayo'y nasa kabilang bleachers at umiinom ng tubig. Agad siyang tumayo upang lapitan ito.

"Wala akong klase kaya tumambay na muna ako rito—"

"Sinungaling," pagputol ng babae sa sinasabi ng binata habang pinupunasan ng bimpo ang mukha. "May klase ka kaya."

Kumunot ang noo ni Chase. "Paano mo nalaman?"

"Huli ka!" natatawang sambit ng dalaga. "May klase ka pala pero nandito ka. Tsk tsk."

Napailing na lang si Chase. Hindi siya makapaniwala na nakikipag-usap siya ngayon ng ganito sa babaeng hindi naman niya kilala. Sobrang feeling close nito ngunit wala siyang choice dahil may misyon siya.

"Okay, fine. Gusto kong lang malaman—"

"—kung ano ang pangalan ko?"

"Hindi. Gusto kong malaman kung paano mo nalaman ang pangalan ko."

Bukod sa kanina pa iniisip ni Chase kung paano niya ililigtas ang babae, tumatakbo rin sa kanyang isipan kung paano siya nakilala nito. Wala siyang matandaan na nagkaroon sila ng interaction dahil ang alam niya, ito ang unang beses na nakita niya ang babae maliban no'ng aksidente.

"Hindi ka ba aware na kilala ka ng lahat sa building natin? Mostly mga babae? Pero don't get me wrong, hindi ako kasama sa mga babaeng nagkakandarapa sa 'yo."

Tumango si Chase sa narinig. May point siya. Kilala nga si Chase sa building nila kaya posibleng doon siya nakilala ng babae.

Ilang sandali pa'y pinakita ng babae ang kanyang ID. Binasa naman agad ito ng binata.

Luna L. Madrid

BSBA Operations Management

Student Number: 201512705

"O ano? May tanong ka pa? Puwede mo na ba akong tantanan?" walang ganang sambit ni Luna.

Hindi kasi niya maintindihan kung bakit siya sinusundan ni Chase. Wala naman siyang matandaan na may atraso siya rito. Ang alam lang niya'y magkaklase sila sa ibang subject. Hindi rin naman sila nag-uusap kapag nasa room. Sa katunayan, ito ang unang beses na kinausap siya ni Chase dahil palagi itong may sariling mundo, lalo na kapag kasama si Hillary at ang dalawang kaibigan.

"Hindi puwede," tipid na sagot ng binata na siyang kinakunot ng noo ni Luna.

Magsasalita sana ang dalaga kung hindi lang siya tinawag ng kanyang mga kaklase upang magpalit ng damit. Sinabihan niya na lang ito na susunod siya. Tumango naman ang mga kaibigan niya.

Muli niyang binalik ang atensyon kay Chase na ngayo'y titig na titig sa kanya. "Alam mo, umalis ka na. Wala naman akong atraso sa 'yo maliban sa natamaan kita ng bola kanina nang hindi sinasadya."

Hindi nagsalita si Chase. Napailing na lang si Luna bago bitbitin ang bag at maglakad papunta sa restroom.

Gaya kanina'y muling hinintay ng binata ang dalaga. Hindi siya umalis at matiyagang nanatili sa labas ng rest room.

Paglipas ng ilang minuto'y lumabas na si Luna. Nagulat ito nang makita si Chase. Maging ang mga kaklase ni Luna ay hindi rin makapaniwala.

"Uy, girl. Ano'ng meron?" bulong ng isang kaklase ni Luna sa kanya.

"Tumahimik ka. Huwag kang issue," tugon ng dalaga bago lumapit kay Chase gamit ang mapanuring mata.

Hindi pa sana aalis ang mga kaklase ni Luna upang maki-chismis kaya lang bigla silang tinitigan ni Chase gamit ang makahulugang tingin. Wala tuloy silang nagawa kundi iwan ang dalawa.

"Ano na naman ang kailangan mo?"

Kung kanina'y nagagawa pang makipagbiruan ni Luna kay Chase, ngayo'y unti-unti na itong napipikon.

Una sa lahat, wala talaga siyang maalala kung bakit ganito makitungo si Chase sa kanya. Pangalawa, hindi naman gano'n kalakas ang tama ng bola sa ulo ni Chase para pakitunguhan siya ng ganito. At pangatlo, hindi sila close. Wala silang mutual friends at kahit sa F******k, hindi sila friends.

"Okay, fine," sambit ni Chase. "Kailangan ko ng tulong mo na pagselosin si Hillary para maging kami ulit."

Ito lang ang naisip na paraan ni Chase upang makasama si Luna. Wala na siyang pakialam kung tuluyang magbago ang nakaraan dahil desidido na siyang matapos ang kanyang misyon.

Samantalang hindi naman makapagsalita si Luna. Nakanganga ito at pilit pinoproseso ang sinabi ni Chase.

"Bakit ako?" Ang tanging salita na lumabas sa bibig ng dalaga pagkatapos ng ilang segundong pananahimik.

"Natamaan mo ako ng bola at hindi sapat ang sorry lang kaya kailangan mo akong tulungan," palusot ni Chase na hindi nakalusot kay Luna.

"Hoy! Huwag kang OA riyan. Hindi ka naman nabagok or what!"

Napapikit sa inis si Chase. Huminga siya nang malalim bago lumuhod sa harap ni Luna. Nanlaki ang mata ng dalaga dahil sa nangyari.

"Please, help me. Tulungan mo akong magkabalikan kami ni Hillary. Please," pagmamakaawa pa ni Chase kahit na labag sa loob niyang gawin ito.

Hindi nakapagsalita si Luna. Nanatiling tikom ang kanyang bibig habang nakatitig sa kaawa-awang mukha ng binata. Nanigas siya sa kinatatayuan dahil ito ang unang beses na may lalaking lumuhod sa harap niya.

Ilang sandali pa'y mas lalo naging mainit ang paligid nang biglang dumating si Hillary. Natigilan ito sa pakikipagtawanan sa mga kaibigan nang makita si Chase na nakaluhod sa harap ni Luna.

Nanlaki ang mata ni Luna habang si Chase nama'y walang emosyong binalingan ng tingin si Hillary, ngunit saglit lang dahil kailangan pa rin niyang umakto sa harap ni Luna.

"Please, Luna..." pagmamakaawa muli ni Chase sabay hawak sa kamay ang dalaga.

Nagpapalit-palit ang tingin ni Luna kina Chase at Hillary ngunit sa huli'y tinitigan na rin niya si Chase at nagsalita, "Fine, simula ngayon, pinapayagan na kitang ligawan ako."

Ang mga babaeng kasama ni Hillary ay mabilis nagbulungan, samantalang sina Hillary at Chase nama'y parehas nagulat.

Hindi inasahan ni Hillary na gano'n siya kabilis ipagpalit ni Chase at hindi naman inasahan ni Chase na gano'n ka-detalyado ang pagkakasabi ni Luna.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status