Share

She Only Live Twice
She Only Live Twice
Author: yourlin

Prologue

Nanginginig ang mga kamay ko ngunit pinipilit ko itong pakalmahin. Hindi maaari. Baka magkamali ako sa aking gagawin. At hindi rin iyon maaari. Maraming mga matang nakatingin sa'kin at ayokong mapahiya sa kahit na sino. Ngayon lamang ako magpapakatotoo sa 'king sarili ngunit nagpapanggap pa rin sa harap ng maraming tao dahil hindi nila ako p'wedeng makilala.

Kahit kinakabahan, sinimulan ko nang tumugtog ng piano sa harap ng mga taong ito na hindi ko naman kilala. Hindi nila alam na moon river ang tinutugtog ko kasi wala pa ang kantang iyon sa panahong ito. Itong mga taong ito, wala na sila sa panahong pinanggalingan ko ngunit sa bawat kumpas ng aking mga kamay, sumasabay ang kanilang emosyon. Iyong mga ngiti na hindi ko akalaing makikita ko, iyong mga matatalim na matang tumatama sa'kin, iyong mga nasusuklam sa akin, hindi ko akalaing mararanasan ko ito rito.

Natapos akong tumugtog at kasabay nun ang masigabong palakpakan. Tumayo ako at yumuko sa harapan nila bilang pasasalamat sa palakpak. Pero... ayoko nito. Lahat sila... mga nagdiyo-diyos-diyosan sa lupang hindi naman kanila. At ang totoong nagmamay-ari nito'y inaalipin, kinakawawa.

Bigla akong nanliit dahil sa naisip ko. Pinasasaya ko ang mga taong umaabuso sa mga kalahi ko. Nakakasuka.

Hinawakan ko ang magkabilang gilid ng saya ko at bahagya itong inangat para hindi ko maapakan sa aking paglalakad. Nagsimula na akong maglakad para makaalis na ako sa mga mata ng mga dayuhang ito ngunit bago pa man ako makaalis, naramdaman ko ang paghawak niya sa kanang braso ko dahilan para mapatingin ako sa kanya. Nagtama ang mga mata namin. Pero hindi ako sigurado kung namukhaan niya ako dahil may manipis na telang nakaharang sa mga mata ko at nakakabit ito sa sombrerong soot ko. Para akong Latina sa porma ko. Itim lahat ng kasootan mula ulo hanggang paa. Iyon ay dahil hindi niya ako p'wedeng makilala.

"Bitawan mo ako," mahinang sabi ko gamit ang totoo kong boses at hindi ang boses na karaniwan kong ginagamit kapag kaharap siya.

Hindi agad siya kumibo. Nakatitig lang siya sa mga mata ko na para bang ako lang ang taong nakikita niya. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Sasabog na yata. Bakit ganito niya ako tingnan? Bakit ganito na naman?

"Brunneis oculos..." sambit niya at doon lang lumuwag ang pagkakahawak niya sa braso ko dahilan para magkaroon ako ng pagkakataong makaalis sa lugar na hindi ako nabibilang.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status