Share

Chapter 4

Pagkarating namin sa dorm ni Gela, agad naman niyang ipinahiram sa akin 'yung kinakailangan ko. Matapos iyon, naupo na muna kami sa higaan niya at nagkuwentuhan.

Apat sila rito sa isang kuwarto. Dalawang double deck ang matatagpuan sa silid na higaan nila, sakto lang para sa kanilang apat 'yung kuwarto't hindi naman masikip. Wala 'yung tatlo niyang kasama rito, marahil ay may klase pa.

"Mga bes, naalala n'yo pa ba noong first day of school natin?" bungad ni Rosanna pagkasampa sa higaan. Sumandal siya sa pader at niyakap ang stuff toy ni Gela na tweety bird.

"Oo naman, iyon ang araw na naging magkakaibigan tayo," saad ko. Tinanggal ko ang bag ko't sumampa na rin do'n.

"Hindi lang iyon, 'yon din ang araw na kung saan ay pare-pareho tayong naligaw at ibang silid ang napuntahan kaya na-late tayo sa unang klase natin," gunita ni Gela. Tumabi siya sa amin habang may hinahalungkat sa loob ng bag niya.

Naalala ko na naman ang unang araw na nakilala ko sila...

---

Palinga-linga ako sa paligid habang pinagmamasdan ang mga estudyanteng dumadaan sa aking harapan. Limang minuto na lang ang natitira pero wala pa 'yung prof namin, nakasarado pa ang aming silid kaya nakatayo lang ako sa harapan ng bukana nito.

Madali lang naman mawari kung old student na o freshmen ang isang mag-aaral. 'Yung mga dati ng mag-aaral sa Unibersidad, required silang pumasok ng nakauniporme kahit na sa unang araw pa lang habang kaming mga bago pa lang ay okay lang na naka-civilian.

"Hay naku, lagkit na lagkit na ako rito pero wala pa rin ang prof namin. Hihintayin ko pa yatang tumirik ang mata ko bago siya dumating," litaniya ng isang babae sa 'di kalayuan.

Nakahalukipkip siya at nakasandal sa may pasilyo habang nagpapaypay. Tila ba init na init siya dahil tagaktak na ang kaniyang pawis.

Hindi ko alam kung lalapitan ko siya pero mukha namang magiging kaklase ko siya. Inoobserbahan ko siya at mukha naman siyang mabait. Sampung minuto na ang lumipas pero wala pa rin ang prof namin. Dahil do'n, naglakas-loob na akong lapitan 'yung babae kanina.

"Hello, sa tingin ko'y magkaklase tayo. Juness nga pala," bungad ko sa babae pagkalapit ko. Inilahad ko ang aking kanang kamay para makipag-shake hands. Nakatingin lang siya sa akin at tila ba sinisipat ako mula ulo hanggang paa.

"Nice, hindi na 'ko mag-isa. Rosanna nga pala," aniya habang nakangiti sa akin. Aabutin na sana niya ang kamay ko kaso may tumulong pawis sa kaniyang mukha kaya naman pinunasan niya muna iyon gamit ang kaniyang kamay bago nakipag-shake hands sa akin.

Napangiwi ako halos dahil kumapit sa kamay ko ang lagkit ng kaniyang pawis. Hindi ko na lang ipinakita iyon sa kaniya.

"Yellow plain t-shirt, fit na pants at puting doll shoes... puwede na," sambit ni Rosanna matapos akong inspeksyunin muli.

"Salamat," ani ko. Ako naman ang sunod na kumilatis sa kaniya. 

"Puting polo shirt, kaki na pants, puting rubber shoes at puting clip sa kaniyang buhok... not bad," saad ko.

"Iyan ang gusto ko sa isang kaibigan, kayang makipagsabayan sa trip ko. Tingin ko, magkakasundo tayo," aniya sabay apir sa akin. Hindi ko in-expect na ganoon ang itutugon niya sa akin.

"Haba ng buhok mo, girl. Malapit nang umabot sa beywang mo," dugtong pa niya habang hinahaplos ang aking buhok.

"Oo nga, e," tugon ko. Hinawakan ko rin ang kaniyang buhok na hindi lalagpas sa kaniyang balikat.

"Ang lambot ng buhok mo. Ano ang shampoo mo?" tanong ko matapos ko iyong haplusin.

"Huwag kang maingay, a? Conditioner lang ang gamit ko riyan," wika niya sabay hawi sa kaniyang buhok.

"Naks naman this girl..." mahina kong sabi.

"Excuse me, puwedeng magtanong?" pagsingit ng isang babae. Nagkatinginan kaming bigla ni Rosanna at sa isang iglap lang, ininspeksyon namin nang sabay ang babae.

Naka-blouse na pang matanda ang style, maluwag ang pantalon, nakaitim na rubber shoes, naka-pig tail ang kaniyang buhok at mayroong suot na salamin sa mata. Sa isip-isip ko, mukhang makaluma si Ate girl...

"Sige, tanong lang," sagot agad ni Rosanna. Batid kong nagpipigil na siya ng tawa.

"Naligaw kasi ako. Tatanong ko lang sana kung tapos na ang klase riyan sa Room 207?" aniya.

"Huwag kang mag-alala, hindi pa dumarating ang prof," tugon ko.

"Hay salamat..." sambit niya at tila ba nabunutan ng tinik sa lalamunan.

Kamukatmukat, biglang humagalpak ng tawa si Rosanna sa hindi namin malaman na dahilan. Napatingin kaming bigla sa kaniya ng babaeng mukhang kaklase rin namin.

"Ano’ng nakakatawa, Miss?" nagugulumihanang tanong ng babae.

"Ikaw kasi, e. Pinapatawa mo ako..." sagot nito. Pinandilatan ko bigla ng mata si Rosanna dahil baka ma-offend 'yung babae.

"Ha? Hindi naman ako nagpapatawa, a?" Napakunot na ng noo ang babae. Baka mainis ito kapag sinabi ni Rosanna ang kaniyang rason.

"Ang ibig kong sabihin, ikaw mismo ang nakakatawa. Ang baduy mo kayang tingnan," litaniya ni Rosanna.

Syaks, tinamaan na talaga ng lintek. Baka umiyak pa ang babae dahil sa tinuran nito. Kailangan kong rumisponde.

"A, Miss... pasensya ka na sa bunganga niyan. Ganiyan talaga iyan, e..." palusot ko.

"Naku, wala iyon. Sanay naman na ako. Oo nga pala, may ibinebenta akong yema rito limampiso lang ang isa," alok niya sa amin sabay labas ng yema sa loob ng kaniyang bag.

"Ay panalo iyan. Pabili ako ng apat," ani Rosanna sabay abot ng bente pesos dito.

"Sige, apat din ako." Nag-abot din ako ng bente sa kaniya.

"At dahil buena mano kayo, may libre kayong tig-isa…" maligaya nitong sambit.

"Hmmm... ang sarap naman nito. Ikaw ang gumawa?" tanong ni Rosanna. Agad niyang nilantakan ang yema pagkakuha.

"Yes, pandagdag sa pantustos ko sa aking pag-aaral. Alam n'yo naman, kailangang magsipag sa buhay," paliwanag niya.

"Napakahuwaran mo namang mag-aaral," segunda ko.

"Kailangan, e. Marami akong pangarap sa buhay. Mabuti nga't nakapasok akong iskolar sa Unibersidad na 'to, malaking tulong iyon para mapag-aral ako ng mga magulang ko," pahayag niya.

"Nakakatuwa ka naman, mukhang magkakasundo-sundo tayong tatlo. Isang madaldal at dalahirang kagaya ko, isang go with the flow lang na kagaya ni Juness at isang masipag at huwarang estudyante na katulad mo... ano nga pala ang pangalan mo?" pambibitin ni Rosanna.

"Gelyka Liwanag, puwede n'yo akong tawaging Gela," nakangiti nitong sambit.

"Rosanna Mangubat, you can call me Rosanna or Rose," anito.

"Asus, pinabango pa ang pangalan. Ano ka, humahalimuyak? E pawisin ka nga... Rosanna na lang," supla ni Gela kaya nagtawanan kami.

"Aba, pasmado rin pala ang bunganga mo. Oo na," giit ni Rosanna habang medyo pumapadyak sa sahig.

"Huwag ninyong kalilimutan, Juness Pilapil... nang 'di kayo mabagabag, Juness na lang," pagsingit ko.

"Uy, ang kyot naman ng pangalan mo," segunda ni Gela.

"Mas bet ko ang apelyido mo," ani Rosanna na humahagikgik sabay apir pa kay Gela.

"Ganiyanan na, a..." malumanay kong sambit na kunwari'y nakasibangot.

"Huwag kang mag-alala, love ka namin," pampalubag-loob ni Rosanna sabay yakap sa akin. Nakiyakap na rin si Gela kaya nagyakapan kaming tatlo rito sa hallway habang nagbubungisngisan.

Napatigil kaming bigla dahil sa tila ba may nasamid sa aming likuran. Nagulat kaming tatlo dahil may lalaking prof na harapan namin.

"Girls, hindi rito ang room ng mga freshmen. Kung naliligaw kayo, tumungo kayo ro'n sa may bagong building sa may likod ng College of Nursing, hindi 'yung dito kaya nag-iingay. Nakakaabala kayo sa mga nagkaklase," pahayag nito.

"Pasensya na po," sambit naming tatlo at nagmamadaling umalis.

Hindi namin maiwasang hindi maghagikgikan habang bumababa ng hagdan dahil papanot-panot na si Sir.

Pagdating namin sa aming silid-aralan, pumipirma na ng registration form 'yung prof namin. Mahigit isang oras na kaming late pero pumasok pa rin kami.

---

"Tama kayo riyan pero may iba pa. Iba ang chika ko sa inyo ngayon. Naaalala n'yo pa ba si Mr. Maskels?" ani Rosanna.

"Oo naman," sabay naming sagot ni Gela.

Mayamaya, may inilabas na pastillas si Gela sa kaniyang bag.

"Bente pesos iyan, tig-sampu kayo," litaniya ni Gela.

Agad naman namin iyong nilantakan ni Rosanna. Tulong na rin namin iyon kay Gela kaya madalas kaming bumili ng paninda niya. 

"Ano nga pala ang mayroon kay Mr. Maskels?" saad ko habang ngumunguya ng pastillas.

"Syaks talaga mga bes, nakasabay ko siyang pumasok sa gate kanina. Ang bango-bango niya grabe! Para akong bubuyog na gusto siyang dapuan, e," kuwento ni Osang na tila ba damang-dama pa ang pagkukuwento.

"Ang suwerte mo naman," wika ni Gela.

"Hindi lang iyon, nalaman ko ring Architecture ang kurso niya! Syaks, bagay na bagay kami..." dagdag pa ni Rosanna.

"Oy oy oy, anong kami? Bagay siya sa ating tatlo. Future Architect at Future Engineer, syaks talaga! Heaven..." saad ko na tila ba pinagpapantasyahan si Mr. Maskels habang kilig na kilig.

Para kaming timang na tatlo habang naglalaway sa kakaisip kay Mr. Maskels na sobrang hot. Kailangan na yata naming bumisita sa building nila...

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status