Share

Kabanata 2

10 years later...

"Mga inutil! Mga walang silbi!"

Nasa bungad pa nga lang si Amayah ng pintuan ng manor nang kanyang amain na si Ding Qinn ay dinig na dinig na niya ang malakas na boses nito habang pinapagalitan ang mga tauhan nito. Hindi niya alam kung ano ang nagawang kasalanan o kapalpakan ng mga tauhan nito para magalit ito ng ganoon. 

"Nakabalik ka na pala, Amayah. Masaya ako't nandito ka na muli."

Naudlot ang gagawing pagpasok ni Amayah sa loob ng pintuan nang marinig niya ang tinig na iyon ng nakatatanda niyang kapatid na si Suli. Ang tunay at nag-iisang anak ng kanyang amain. Nakangiting bumaling siya rito. 

"Suli, ikaw pala. Matagal na tayong hindi nagkikita at nagkakausap. Masaya akong makita kang muli." Nakangiting sinalubong niya ng yakap ang kapatid.

"Kung makayakap akala mo'y tunay silang magkapatid," mahinang parunggit ni Ada, ang personal na alalay ni Suli. Masama ang tingin nito sa kanya at halatadong hindi nito gusto ang pagiging malapit niya sa amo nito.

Tama naman ang sinabi ni Ada na hindi sila tunay na magkapatid ni Suli. Ampon lamang kasi siya ni Yuno Ding. Nang araw na muntikan na siyang maapakan ng kabayo ay si Yuno Ding ang nagligtas sa kanya. Isinama siya nito sa manor nito at inampon. Ngunit dahil ayaw sa kanya ng kapatid ni Yuno Ding noong nabubuhay pa ito kaya sa malayong probinsiya na lamang siya pinatira ng amain. Kapag may pagkakataon ay sumasama si Suli sa ama nito kapag binibisita siya sa bahay na tinitirahan niya kaya naging malapit sila sa isa't isa. Mabait kasi ito, hindi katulad sa tiyahin nitong hindi maganda ang ugali.

Tulad ng inihabilin sa kanya ni Yuno Eli ay hindi niya sinabi sa kahit kanino man ang tungkol sa kanyang tunay na pagkatao. Isang takas na alipin lamang ang sinabi niya kay Yuno Ding noong tanungin siya tungkol sa kanyang pinagmulan. Mabuti na lamang at wala siyang sapin sa paa noon dahil naiwan niya habang tumatakbo siya ng mabilis. Hindi na niya binalikan pa ang sapin sa paa sa takot na maabutan sila ni Yuno Eli ng mga kawal na humahabol sa kanila. Ang kanyang suot din ay marumi at nagkanda punit-punit dahil kung saan-saan sila nagsusuot para lamang makatakas. Nakatulong ang hitsura niyang iyon para hindi na siya usisain pa ng kanyang amain sa tungkol sa tunay niyang pinagmulan. 

Ang pangalan niya ay hindi niya pinalitan dahil kahit man lang sa pangalan ay maalala niya at hindi makalimutan na siya si Amayah, ang prinsesa ng kaharian nang Lancayan. Laking pasasalamat niya na inampon siya ni Yuno Ding. Dahil kung hindi siya iniligtas nito sa kapahamakan at inampon ay malamang na matagal na siyang sumunod sa kanyang mga magulang at kapatid sa kabilang buhay.

"Tumigil ka, Ada. Nakauwi na ang aking kapatid kaya dapat tayong magsaya."

Hindi na nagsalita si Ada ngunit tinapunan siya nito nang masamang tingin. Hindi m

a lamang niya ito pinansin. Ngunit kapag napuno na siya rito ay tuturuan niya ito ng leksiyon. Wala siyang utang-na-loob dito kaya hindi siya mangingiming turuan ito ng leksiyon para matuto itong lumugar kung saan ito nararapat. Kahit sabihin mang  ampon lamang siya ni Yuno Ding ay prinsesa pa rin siya at hindi siya papayag na basta na lamang tatratuhin ng ganoon nang isang alalay lamang.

"Papasok muna ako sa loob, Suli. Gusto kong malaman ni Ama na nandito na ako," paalam niya rito. "Mag-usap na lang tayo mamaya," nang tumango si Suli at ngumiti ng matamis ay itinuloy na niya ang naudlot niyang pagpasok sa loob ng kabahayan.

"Hindi ko talaga gusto ang Amayah na 'yan, Binibining Suli," narinig pa niyang sabi ni Ada pagkatalikod niya sa dalawa.

"Pareho lang tayo. Hindi rin kita gusto, Ada. At balang araw ay matuturuan din kita ng leksiyon para matuto kang galangin ako," bulong niya sa sarili bago nagtuluy-tuloy na sa pagpasok sa loob.

"Ama, nandito na po ako," tawag niya sa atensiyon nito. Agad namang nagliwanag ang mukha nito nang makita siya.

"Amayah! Mabuti at nandito na ang aking mapagkakatiwalaang anak." Nakangiting saad nito, pagkatapos ay binigyan ng masamang tingin ang dalawang lalaking nakaluhod sa harapan nito. "Ano pa ang hinihitay ninyo? Lumayas kayo sa harapan ko. Mga walang silbi!!"

Napailing na lamang siya nang magkukumahog ang dalawang lalaki sa paglabas ng bahay nila. Alam niyang istrikto ang kanyang amain ngunit tila ngayon lang yata niya ito nakitang nagalit ng ganoon ka tindi.

"Bakit tila yata napakainit ang ulo mo ngayon, Ama?" usisa niya rito nang wala na ang dalawang tauhan nito.

"Paano ba naman ako hindi magagalit, eh isang maliit na sisiw lamang ang pinapakatay ko sa kanila'y hindi pa nila nagawang katayin. Naalerto tuloy ang sisiw kaya siguradong mahihirapan na akong ipakatay ang sisiw na iyon," sagot ng kanyang amain, pagkatapos ay biglang tumiim ang anyo.

"Sisiw lang pala. Hindi nila nakatay ang sisiw kaya tiyak na magigig lawin na iyon sa susunod." Nakangiting wika niya sa amain. "Sa susunod ay ako ang kakatay ng sisiw para sa'yo ama para hindi maging lawin."

Napangiti ang kanyang amain nang marinig ang kanyang sinabi. "Iyan ang gusto kong marinig. Hindi katulad nitong mga gunggong na walang silbi."

Sinenyasan ni Amayah na lumabas na ang dalawang tauhan ng kanyang amain na nananatiling nakaluhod at nakayuko. Agad namang nagsipagpulasan ang mga ito na halatadong takot na takot.

"Bakit ninyo ako pinauwi rito, Ama?" tanong niya nang sila na lamang dalawa ng amain ang natira. Mukhang may mahalagang bagay ito na ipapagawa sa kanya para ipatawag siya nito mula sa probinsiya kung saan siya nakatira.

"Hindi ako magpapaligoy-ligoy, Amayah. Kaya kita pinauwi rito ay dahil may malaking misyon ako na ibibigay sa'yo. Ang misyon mo ay maging taga-bantay ng emperor," seryoso ang tono at mukha na sabi nito sa kanya.

Hindi siya nakapagsalita nang marinig ang sinabi ng kanyang amain. Napakahirap na misyon ang nais nitong ipagawa sa kanya. Siya? Magiging taga-bantay ng emperor? Paano na lang kung may masamang mangyari sa emperor habang binabantayan niya? E di bigla siyang pinapugutan ng ulo. Nakaligtas nga siya siya sa kamay ng mga kawal na humahabol sa kanya noong bata pa siya ay mamamatay naman siya dahil sa palpak na pagbabantay niya sa emperor.

Ang totoo ay kaya naman niya na maging tagabantay ng emperor dahil may kakayahan naman siyang gawin iyon. Mula pagkabata ay sinanay siya ng kanyang amain na gumamit ng iba't ibang uri ng s*****a at pakikipaglaban. Hindi siya tumutol dahil malaki ang maitutulong sa kanya kapag marunong siyang makipaglaban. Mapo-protektahan niya ang kanyang sarili laban sa mga kaaway at magkakaroon pa siya ng kakayahan na maaari niyang magamit sa kanyang paghihiganti sa mga taong naging dahilan ng pagbagsak ng kanilang kaharian at pagkamatay ng kanyang mga magulang at kapatid. Ngunit hindi biro ang maging taga-bantay ng emperor. Nakalagay na sa hukay ang isang paa nang sino mang tagabantay o magiging tagabantay ng nito.

"Ama—" Hindi na itinuloy ni Amayah ang balak niyang pagtanggi nang makita ang masamang tingin sa kanya ng amain. Napaka-seryoso ng anyo nito. Nakakatakot ang anyo nito kapag ito'y seryoso. Kahit sino ay manginginig ang tuhod kapag kaharap nito ang kanyang amain. Kaya naiintindihan niya kung bakit tila takot na takot dito ang mga tauhan nitong naabutan niya kanina rito. Dahil kahit siya ay nangingilag din dito. Mabait ito sa mga taong sumusunod sa gusto nito ngunit nakakatakot itong galitin. Masama itong kaaway. "Pumapayag ako na maging taga-bantay ng emperor, Ama."

Saka pa lamang ngumiti ang kanyang amain nang marinig nito ang kanyang pagpayag. Lihim na lamang siyang napabuntong-hininga. Sana tama ang ginawa niyang pagpayag sa kagustuhan nito. Ngunit kaya ba niyang tanggihan ang taong nagbigay sa kanya ng pangalawang buhay?

Nakangiting lumapit ito sa kanya at inayos ang pagkakalagay ng pulang belo niya sa mukha. "Magaling, Amayah. Pero tandaan mo. Huwag na huwag mong ipapakita sa emperor ang iyong mukha. Nagkakaintindihan ba tayo?"

"Opo, Ama," aniya rito na bahagyang napatungo. Alam niya kasi kung bakit ayaw nitong makita ng emperor ang kanyang mukha. Dahil ang mukha niya ay nakakatakot. Marahil ay ayaw nitong matakot sa kanya ang emeperor kapag nakita nito ang mukha niya na may peklat.

Nang iniligtas siya ni Yuno Ding noong bata pa siya ay hindi raw sinasadyang natamaan siya sa mukha ng latigo na ginamit nito para patigilin ang nagwawalang kabayo. Dalawang beses daw siyang tinamaan at nagmarka iyon sa kanyang mukha. Isang Linggo siyang walang malay at nang siya'y magising ay mayroon na siyang suot na pulang belo sa mukha. Ikinuwento na lamang sa kanya ng kanyang amain kung bakit siya may suot na belo sa mukha pagkagising niya. Magmula noon ay hindi na siya humarap pa sa salamin at palagi na siyang nakasuot ng belo sa mukha. Ayaw niyang alisin ang kanyang belo sa takot na baka may makakita sa kanyang mukha. Siguradong pandidirihan siya at kukutyain dahil sa kanyang hitsura.

"Magaling, magaling," nasisiyahang turan nito. "Sige na, alam kong pagod ka mula sa malayong pagbibiyahe kung kaya't magpahinga ka na."

Tumango lamang siya at pagkatapos ay tumalikod na para tunguhin ang kanyang kuwarto kung saan siya nanatili nang unang araw na dalhin siya ng kanyang amain sa manor bago siya dinala at pinatira sa malayong probinsiya. Habang naglalakad siya sa patungo sa kanyang kuwarto ay hindi niya maiwasang isipin kung hanggang kailan kaya tatagal ang buhay niya sa pagbabantay sa emperor? Kung ano ang hitsura at ugali nito? Sana naman ay makasundo niya ito. Ayaw niyang mapugutan ng ulo. Hindi pa siya maaaring mamatay dahil hindi pa niya naipaghihiganti ang taong may sala sa sinapit ng kanilang kaharian at nang kanyang pamilya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status