Share

THE LEGEND OF PRINCESS AMAYAH
THE LEGEND OF PRINCESS AMAYAH
Author: MATECA

Kabanata 1

"Habulin mo pa ako, Ama!"Tumatakbong sigaw ng walong taong gulang na si Prinsesa Amayah ng kaharian nang Lancayan. Nasa hardin sila ng palasyo at masayang naglalaro. Hinahabol siya ng kanyang ama hari na si Haring Kendra habang tumatawa. Kasama rin nila ang nakatatanda niyang kapatid na si Prinsesa Aloha at ang kanilang ina na si Reyna Aruha. Larawan sila ng isang masayang pamilya.

Ang mga yuno nila ay may ngiti sa mga labi habang nakamasid lamang sa paglalaro nilang mag-anak. At kung nadadapa siya ay agad siyang nilalapitan ng mga ito para tulungang makatayo. Alalang-alala ang mga ito sa kanya. Kahit na magasgasan siya ng konti ay agad nang nagpapatawag ng doktor para gamutin siya ang pinuno ng mga yuno.

Napaka-suwerte niya dahil maraming mga tao ang nagmamahal sa kanya at higit sa lahat ay mayro'n siyang mapagmahal na amang hari at inang reyna. Hindi sila katulad ng ibang kaharian na walang oras para makipaglaro sa kanilang mga anak. Ang mga magulang niya ay sadyang naglalaan ng oras para sa kanilang pamilya. Hindi lang siya ang masuwerte kundi ang buong nasasakupan nila dahil hindi lang ito mapagmahal na asawa't mga anak kundi mapagmahal din sa mga taong nasasakupan. Kaya naman mahal na mahal ng mga taong bayan ang kanilang hari at reyna.

"Huwag kang masyadong tumakbo at baka madapa ka, Amayah," nag-aalalang sigaw ng kanyang inang reyna. Katulad ng ama ay hinabol din siya nito samantalang ang nakatatanda niyang kapatid ay naupo na sa upuan at nagpahinga.

"Habulin n'yo ako," ang masayang sigaw niya. Tumakbo siya malayo at nagtago sa makapal na mga halaman. Natatawa siya habang nagtatago. Siguradong hindi siya makikita ng mga magulang niya dahil makapal ang pinagtataguan niyang halaman. Ilang minuto na siyang naghihintay na matagpuan ng kanyang mga magulang ngunit nagtaka siya kung bakit hindi siya hinahanap ng mga ito. Lumabas siya sa kanyang pinagtataguan para alamin kung nasaan ang mga magulang niya.

Nasaan na ba sila? Bakit hindi nila ako hinanap? nakasimangot niyang tanong sa kanyang isip. Naglakad siya pabalik sa hardin kung saan naroon ang kanyang mga magulang at mga yuno. Ngunit gano'n na lamang ang pagkagulat at takot na kanyang naramdaman nang makita niyang nakahiga sa damuhan at walang buhay ang kanilang mga yuno.

"Amayah, magtago ka! Tumakbo ka't iligtas mo ang iyong sarili!" malakas na sigaw ng kanyang inang reyna. Tumatakbo ito at hawak ang kanyang nakatatandang kapatid habang hinahabol ang mga ito ng mga lalaking nakasuot ng itim ang buot katawan at tanging mga mata lamang ang nakikita. May hawak na espada ang mga ito at walang awa na pinagpapapatay ang mga yunong sumasalubong dito para hindi maabutan ang kanyang ina at kapatid.

Mayamaya ay biglang nadapa ang kanyang Ate Aloha na agad namang dinaluhan ng kanyang ina. Ngunit dahil sa nangyari ay naabutan ang mga ito ng dalawang taong humahabol sa kanila at walang awang sinaksak ang kanyang ina't kapatid sa kanyang harapan. Nanlalaki ang mga mata ni Amayah habang nakatingin sa kanyang mga mahal sa buhay na pinatay sa kanyang harapan. Gusto niyang umiyak, sumigaw at lapitan ang mga ito para tulungan ngunit tila naging tuod na siya sa kanyang kinatatayuan. Ramdam niya ang panginginig ng kanyang buong katawan.

Lalong nanlaki ang mga mata ni Amayah nang dahan-dahang maglakad palapit sa kanya ang dalawang taong pumatay sa kanyang ina at kapatid. Napatitig siya sa talim ng dalawang espada na may bahid ng dugo mula sa katawan ng kanyang ina at nakatatandang kapatid. At hindi magtatagal ay mababahiran naman ng dugo niya ang mga espadang iyon.

Ama! Tulungan mo ako! hiyaw niya sa kanyang utak. Ngunit kahit malapit na sa kanya ang dalawang lalaking nakasuot ng itim ay hindi pa rin dumarating ang ama niyang hari para tulungan siya. Napapikit na lamang siya nang itinaas ng dalawa ang kanilang mga espada para siya naman ang patayin. Ayaw pa niyang mamatay. Bata pa siya at marami pa siyang mga hindi nagagawa sa buhay. Ngunit paano naman niya maipagtatanggol ang kanyang sarili? Ano ang laban ng isang batang walong taong gulang sa dalawang lalaki na mga ekspertong pumatay at makipaglaban? At saka, wala na ang ina niya't kapatid at malamang ay baka pati ang kanyang amang hari ay pinatay na rin ng mga ito kaya ano pa ang dahilan para mabuhay siya? Patayin na lang din siya para sama-sama pa rin silang pamilya kahit nasa kabilang buhay na sila.

Ilang minuto na siyang nakapikit ay hindi pa rin niya nararamdaman ang talas ng espada sa kanyang balat. Bigla siyang nagmulat ng mga mata. Ang gulat niya nang makitang nakadapa na ang dalawang lalaki sa damuhan, parehong wala nang buhay at may tama ng pana sa batok. Sino? Sino ang tumulong sa akin? Ang ama ko bang hari? Buhay pa ba siya?

"Prinsesa Amayah. Maraming salamat sa Panginoon at buhay ka pa," mabilis siyang niyakap ng pinuno ng mga yuno na si Eli at siya palang nagligtas sa kanya't hindi ang kanyang amang hari. May hawak itong busog at at palaso na nakasabit naman sa balikat nito.

"Eli," ang tanging salita na nanulas sa kanyang mga labi kasabay ng pamamalisbis ng kanyang mga luha. Ang kanyang katawan bagama't naigagalaw na niya ay nanghihina naman at nangangatog sa sobrang takot.

"Wala na sila, Prinsesa Amayah. Wala na ang mga magulang mo at si Prinsesa Aloha. Patay na sila." Umiiyak na sabi nito habang nakayakap sa kanya. Mayamaya ay bigla itong kumawala sa pagkakayakap sa kanya at nanlalaki ang mga matang kinausap siya. "Kailangan mong makaalis rito. Kailangan mong makatakas."

"Yunong Eli, bakit nila pinatay ang mga aking inang reyna at kapatid? Ano ba ang naging kasalanan nila?" Umiiyak na tanong niya sa yuno. Sa murang isip niya ay hindi niya maintindihan kung bakit nangyari sa pamilya niya ang ganito kasaklap na pangyayari. Napakabuting hari ng kanyang ama kaya sino ang mga taong may kagagawan nito?

"Hindi pa ako sigurado kung tama ang hinala ko sa may pakana sa nangyaring ito. Pero huwag na muna nating isipin iyon. Ang isipin natin ay ang kaligtasan mo. Kailangan mong makalayo ng palasyo ngayon din." Binuhat siya ng yuno bago patakbong lumayo sa lugar na iyon.

Ama kong hari. Ina kong Reyna, Ate Aloha. 'Di ko alam kung makakabalik pa ako rito sa palasyo. Sisikapin kong mabuhay alang-alang sa inyo, anang isip ni Prinsesa Amayah habang nakatingin siya sa walang buhay na katawan ng kanyang ina at kapatid habang papalayo naman sila ni Yuno Eli.

***

Lakad-takbo ang ginagawa nila Prinsesa Amayah at Yuno Eli para makalayo sa mga humahabol sa kanila na mga kawal ng palasyo. Pagod na pagod na ang mura niyang katawan na hindi sanay sa ganoong klaseng takbuhan. Ngunit hindi niya magawang mag-reklamo sa kasamang yuno dahil alam naman niya na papatayin sila kapag naabutan sila ng mga kawal na humahabol sa kanya. Ang hindi niya maintindihan kung bakit sila hinahabol ng mga kawal sa kanilang palasyo? Hindi ba dapat ay protektahan siya ng mga kawal dahil siya ang prinsesa ng kahariang iyon? Pero bakit sila hinahabol at gustong patayin?

"Pakiusap, tumakbo ka lang, Prinsesa Amayah. Huwag kang titigil sa pagtakbo," humihingal sa pagod na pakiusap sa kanya ng yuno. Hawak nito ang isa niyang kamay at hindi siya binibitiwan. Kaya kahit madapa siya ay mabilis siyang nakakatayo agad dahil mabilis siyang nahihila nito patayo.

"Bakit nila tayo hinahabol at gustong patayin, Yuno? Hindi ba't mga kawal sila ng aking amang hari?" humihingal na tanong niya rito.

"Hindi na sila mga kawal ng iyong ama, Prinsesa. Sila ay mga kawal na ng traydor mo-" Hindi na nito naituloy ang balak sabihin nang biglang may naglagos na palaso sa d****b nito. Dahil do'n ay napatigil ito sa paglalakad at biglang napaluhod sa lupa habang tumutulo ang dugo sa bibig at sa sugat nito sa d****b.

"Yuno Eli! Tumayo ka! Magkasama tayong tatakas!"Umiiyak na wika ni Prinsesa Amayah. Hinawakan niya ito sa balikat at pilit na itinatayo.

"P-prins-sesa, t-tum-makbo ka na. H-huwag na h-huwag ka nang b-babalik d-dito," hirap na hirap ang boses na utos nito sa kanya. Bigla itong sumuka ng dugo kaya mas lalo lamang siyang nag-alala. Paano na siya kung pati ito ay mawawala? Wala na ang mga magulang at kapatid niya tapos iiwan pa siya ng yuno na siyang nag-alaga sa kanya simula noong sanggol pa lamang siya. Paano pa siya mabubuhay sa mundo ngayon?

"Ayoko. Hindi kita iiwan, Yuno."Umiiling niyang sagot. Halos hindi na niya makita ang mukha nito dahil hilam na sa luha ang kanyang mga mata.

"Tumakbo ka na!" inubos nito ang lahat ng natitirang lahat at malakas siyang itinulak palayo rito. "T-tandaan mo, Prinsesa. Huwag na huwag mong s-sasabihin s-sa k-kahit k-kanino kung s-sino ka. Takboo!!

Wala siyang nagawa kundi ang tumakbo at iwan ito nang marinig niya ang ingay ng yabag ng mga kabayong paparating.

"Takbo, Prinsesa Amayah. Takbooo!!"

Narinig pa niya ang malakas na boses na iyon ng yuno bago ito tuluyang nalugmok sa lupa at nawalan ng hininga.

Kahit sobrang pagod na pagod na siya ay hindi pa rin siya tumitigil sa pagtakbo. Dapat siyang makaligtas. Hindi dapat masayang ang pagbubuwis ng buhay ng kanyang yuno para lamang siya makaligtas. Sige pa rin siya sa pagtakbo kahit malayo na ang natatakbo niya. Hindi nga niya alam kung sakop pa ba ng kanilang kaharian ang lugar na tinatakbuhan niya. Nagdidilim na ang kanyang paningin ngunit tumatakbo pa rin siya. Mayamaya ay nakarinig siya ng maraming yabag ng mga kabayo na papalapit sa kinaroroonan niya. Napahinto siya kasabay ng panlalaki ng kanyang mga mata nang makita niya ang isang kabayo na nauuna kaysa sa mga kasamahan nito. Pasalubong sa kanya ang kabayo at sa sobrang bilis ng takbo nito ay hindi na niya magagawa pang umiwas. Nanlalabo ang kanyang mga mata kaya hindi niya makita kung sino ang taong sakay ng kabayong iyon. Kung isa ba ito sa mga kawal na humahabol sa kanya para patayin siya o kung isa lamang itong dumadaan sa daanang iyon?

Ama, Ina, Ate Aloha. Susunod na ako sa inyo. At sa pinaghalo-halong pagod at takot na kanyang nararamdaman ay tuluyang nagdilim ang kanyang paningin bago pa man niya maramdaman ang mga paa ng kabayo sa kanyang murang katawan.

Mga Comments (2)
goodnovel comment avatar
Sherry-ann Kuuri-naa
why not in English
goodnovel comment avatar
Theresa Young
ahh, why is it not translated??
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status