Share

Kabanata 2

Bagsak ang balikat ko nang magkasabay kaming lumabas ni tiya Rosa sa opisina ni Sir Ezekiel. Kita ko ang awa sa mukha ni tiya Rosa. 

"Ano, Amber, kailan ka raw magsisimula?" nakangiting tanong sa akin ni Stella.

"Hindi ako natanggap," malungkot kong balita sa kan'ya. 

"Pero ang hindi ko maintindihan ay kung bakit maka-ilang beses kang tinawag na Felize ni Sir Ezekiel," komento ni tiya Rosa. 

"Kahit po ako, tiya Rosa. Nalilito rin po ako," dagdag ko. 

"Sino naman 'yong Felize?" si Stella. 

"Sigurado ka bang hindi mo kilala si Felize, Amber? O baka naman umaarte ka lang kagaya ng madalas mong gawin?" Lahat kami ay napabaling kay manang Lourdes. 

"Ano pong ibig mong sabihin, manang? Maniwala po kayo, wala po akong kilalang Felize at lalong hindi po ako 'yon," paliwanag ko. 

"At kaya kong patunayan 'yon, manang Lourdes. Si Amber ay pinanganak at lumalkkkli la isang tenement sa kabilang bayan. Kilala ko ang mga magulang niyan kaya paano siyang magiging si Felize," ani tiya Rosa. 

"Mas'yado matalino ang babaeng 'yon, na kayang gawin ang lahat makabalik lamang sa pamamahay na ito kaya pasensya na Amber pero kailangan mo ng umalis," wika ni manang Lourdes. 

Tumango lang ako kay manang Lourdes. Mabigat man sa loob ko ang nangyari ay wala na lang din akong magawa. Hindi ko kilala ang Felize na 'yon at hindi ko rin alam kung anong ginawa niya kay Sir Ezekiel para maging gano'n ito kagalit. 

Hindi ko alam kung paano akong nakauwi. Patuloy pa rin kasi ako sa pag-iisip kung sino ba ang Felize na iyon at kung bakit napagkamalan nila akong Felize. Buong buhay ko narito na ako sa tenement, dito na ako nagkaisip at tumanda kaya paanong magiging ako iyong Felize na sinasabi nila. 

Pagkauwi ko nang bahay nadatnan ko sina France at Kael na parehong abala sa panunuod ng basketball, dumiretso ako sa kwarto ko tsaka nagpalit ng damit na pambahay. 

Nang matapos ay dumiretso ako sa kusina para makapagluto na nang hapunan namin. 

"Dito ka ba kakain, France?" tanong ko sa kaibigang hanggang ngayon ay abala pa rin sa panunuod. 

"Pwede rin namang umuwi ako kung ayaw mo akong pakain," sarkastikong sagot nito kaya inirapan ko. Habang nagluluto ay naglinis na rin ako ng bahay. Habang naglilinis ay panay naman ang pag-iisip ko kung saan pa ako p’wedeng maghanap ng trabaho. Hindi naman ako maarte at pihikan sa trabaho kaya kahit na ano ay tatanggapin ko na. 

"Kamusta naman ang paghahanap mo ng trabaho?" Sa dami yata ng iniisip ko hindi ko na naramdaman ang paglapit sa akin ni France. 

Ikinuwento ko sa kan'ya lahat ang nangyari kanina. Pati na rin iyong napagkamalan nila akong si Felize. 

“Sino naman ‘yang Felize na ‘yan? At bakit naman nila naisip na ikaw iyon?” 

“Ayan din ang mga tanong ko, France, pero hindi ko na nagawa pang magtanong sa kanila dahil kailangan ko na ring umalis pagkatapos. Ang weird lang.”

“Eh talagang ang weird.” 

Matapos ang usapan namin ni France ay ipinagpatuloy ko na rin ang pagluluto ko ng hapunan namin. Habang abala ako sa pagluluto, si France naman ay abala sa kakahanap ng mga p’wede kong pasukan online. 

“Eh kung magtrabaho ka kaya abroad?” suhestiyon na kaagad ko namang tinaggihan. 

“Hindi ko p’wedeng iwan si Kael,” mabilis kong sagot. 

“Oo na. Oo na. Maghahanap na lang ako rito.” 

 Nang matapos ang hapunan ay kaagad na nagpaalam si France na mauuna ng umuwi. Hinahanap na rin kasi siya ng kan’yang nanay. Magkatabi naman kami ngayon ni Kael sa higaan. Kinakantahan ko siya ng paborito niyang kanta.

"Ate Amber?"

"Hmm?"

"Malayo ba 'yong pinuntahan ni nanay? Kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nakakabalik?" Natigilan ako sa tanong ng aking kapatid. Ayun kasi ang dahilan ko kay Kael nang magsimula siyang hanapin sa akin si nanay. 

Simula nang mamatay si nanay ay ako na ang nag-alaga kay Kael. Ako na ang tumayong nanay ay tatay sa kan'ya. Kung anu-ano na ring trabaho ang pinasukan ko para lang may pangtustos sa pang-araw-araw naming dalawa. Mas lumaki nga lang ang gastos namin simula nang mag-aral si Kael, mahirap man ay nagtitiyaga ako para lang maigapang ko ang pag-aaral niya. 

Sa loob ng tatlong taon na kaming dalawa lang ni Kael ay nakaya naman namin, ayun nga lang baon na baon naman kami sa dami ng utang. Tatlong buwan ang nakakaraan noong bigla namang magsarado 'yong kompanyang pinagtatrabahuhan ko kaya 'yong paunti-unti kong pagbabayad sa mga pinagkakautang namin ay natigil at mas nadadagdagan pa ngayon. 

Isang linggo matapos kong mawalan ng trabaho noon ng mapagpasyahan kong magtinda na lang sa palengke. Maliit nga lang ang kita ko, sapat lang para sa pang-araw-araw namin ni Kael. Kaya minsan ay tumatanggap ako ng labada galing sa mga kapitbahay namin, lahat ng kita ko roon ay iniipon ko para pambayad naman namin sa kuryente, tubig at renta rito sa tenement. Ayun nga lang kahit anong gawin ko hindi pa rin talaga sapat ang kakarampot kong kita para mabayaran lahat ng bayarin namin. 

"Nasa heaven na si nanay, Kael," sagot ko sa aking kapatid habang patuloy ako sa paghaplos sa kan'yang buhok.

"Saan po 'yung heaven, ate?" 

"Malayo 'yun eh."

"P’wede po ba tayong pumunta roon? Gusto ko pong makita si nanay, ate." Nahihirapan na akong ipaliwanag ang totoo kay Kael, dahil kahit ano namang paliwanag ang sabihin ko ay bata pa siya para maintindihan ako. 

“Hindi tayo p’wedeng pumunta roon, Kael. Mas’yadong malayo ‘yon. Nandito naman ako eh, h’wag kang mag-alala hindi ka pababayaan ni ate Amber,” tanging nasabi ko na lang. 

 Kinaumagahan ay maaga akong nagising. Mabilis kong inayos ang almusal ni Kael pati na rin ang babaunin niya sa eskwelahan. Pagkatapos kong magluto ay ginising ko na rin si Kael. Kumakain siya ng almusal habang ako naman ay abala sa pagplantsya ng unifrom niya. Naghanap na rin ako ng damit na maisusuot ko, maghahanap ulit ako ng trabaho. 

 Nasa kalagitnaan kami ng pagkain ng almusal nang dumating si France. Actually, hindi lang siya. Namilog ang aking mga mata nang makita si Sir Ezekiel kasama si Stella. 

“Ano pong ginagawa niyo rito, Sir Ezekiel?” nagtatakang tanong ko. 

“Hinanap pa namin ‘tong bahay mo, Amber. Hired ka na raw kasi sabi ni Sir Ezekiel,” si Stella ang sumagot. Tuwang-tuwa pa ang kaibigan ko sa balita niya. 

“I’m sorry for the way I acted yesterday. I thought you were someone I knew,” hinging paumanhin ni Sir Ezekiel. 

Magkakasunod akong tumango, “wala pong problema,” 

“P’wede ka na bang magsimula ngayon?” tanong ni Sir Ezekiel. 

“Susunod na lang po ako sa inyo, kailangan ko pa po kasing ihatid papasok sa eskwelahan niya itong kapatid ko,” 

“H’wag mo ng problemahin si Kael, bakla. Ako ng bahalang maghatid sa kan’ya. Mag-ayos ka na para makapagtrabaho ka na,” si France. 

“Salamat.” 

 Mukhang mabait naman si Sir Ezekiel. Hinayaan niya rin muna akong maligo at hinintay na lang nila akong matapos para makasama na sa kanila. Nang makababa kami sa tenement ay kita ko ang pagkamangha ng mga kapitbahay ko kay Sir Ezekiel. Bibihira kasi kaming makakita ng mga mayayamang tao na nagpupunta rito sa tenement kaya hindi ko sila masisisi sa mga reaksyon nila. Si tiya Marina ang unang lumapit sa amin. 

“Sino sila, Amber? Hindi sana namin papasukin kanina kaso ang sabi ni France ay kilala mo raw sila,” si tiya Marina. 

“Ah opo, tiya Marina. Ito po si Stella kaibigan ko,” pakilala ko kay Stella, nakangiting kumaway naman si Stella kay tiya Marina, “at ito naman po si Sir Ezekiel ang bagong boss ko po.” 

“Wow! Ayos ah, Amber? Mukhang bigtime itong bagong amo mo,” singit naman ni kuya Wally. Isa siya sa mga kapitbahay namin dito na aakalain mong sagano dahil sa laki ng katawan niya pero mabait ‘yan, minsan ay siya at ang asawa niyang si ate Lalie ang tumutulong sa amin ni Kael. 

“Ay naku! H’wag na natin silang usisain pa dahil baka kailangan na nilang umalis,” si tiya Marina na agad naman nilang sinang-ayunan. 

 Nahihiyang ibinilin ko pa kay kuya Wally ang bahay namin. Nauunang maglakad pababa ng tenement si Sir Ezekiel. Hiyang-hiya pa nga ako kasi mukhang hindi siya sanay sa ganito ka-crowded na lugar dahil kita ko ang paninibago sa kan ‘yang mga mata. 

“Mukhang nakakatakot iyong mama kanina, Amber,” pagbukas ni Stella ng topic. 

“Gano’n lang talaga si kuya Wally. Una, aakalain mo talagang siya ‘yong tipong gagawa ng kasamaan pero hindi, mababait ang mga tao rito sa tenement,” depensa ko naman. Hindi na sumagot si Stella at tumango na lang sa paliwanag ko. 

“Is it safe here, Amber?” Nagulat ako sa biglaang tanong ni Sir Ezekiel. 

“Opo, safe naman po,” mahinang tugon ko sapat lang para marinig niya. 

 Sa passenger’s seat ako pinasakay ni Stella, siya naman ang sa backseat. Syempre, si Sir Ezekiel ang nasa driver’s seat. 45 minutes ang itinagal ng byahe namin bago kami nakarating sa village nila. Tumigil pa muna ang sasakyan ni Sir Ezekiel sa harapan ng mga guards na nakabantay. Bumati ang mga ito kay Sir Ezekiel bago kami tuluyang pinapasok. 

Nang makarating kami sa mansyon nila ay dumiretso kaming dalawa ni Sir Ezekiel sa opisina niya para raw mapag-usapan namin ang magiging trabaho ko bilang mga yaya ng mga anak niya. 

 Totoo nga ang sinabi sa akin ni Stella kahapon na malaking magpasahod si Sir Ezekiel. Para akong nakahinga ng maluwag nang malaman ko kung gaanong kalaki ang magiging sahod ko sa pag-aalaga lang ng kan’yang mga anak.

“Wala kang ibang gagawin sa pamamahay na ito kung hindi ang alagaan ang mga anak ko,” bilin ni Sir Ezekiel. Hindi naman siguro mahirap alagaan ang mga anak niya no? I mean, si Kael nga hindi naman ako nahihirapan alagaan, iyong mga anak niya pa kaya? 

“Kayang-kaya ko po ‘yan, Sir Ezekiel,” puno ng kompyansa kong sagot sa amo. 

 Tumango-tango si Sir Ezekiel, kapagkuwan ay may iniabot siya sa aking papel na naglalaman ng kontrata ko bilang yaya ng mga anak niya. 

“Read it thorougly, first. Take your time before signing it,” ani Sir Ezekiel. Inabutan niya rin ako ng isang sign pen. 

 Wala naman akong nabasang problema sa nakalagay sa kontrata bukod sa required na sumama ako sa kanila tuwing may pupuntahan silang pamilya at kailangan nang tulong ko. Hindi ko naman siguro kailangang kumuha ng pasaporte, no? 

 Ilang minuto pa ay natapos ko na ring basahin ang nilalaman ng kontrata. Pinirmahan ko na rin agad ang kontrata. 

“P’wede ka ng magsimula ngayon. Hanapin mo na lang si manang Lourdes sa baba para ituro niya sa’yo ang mga kailangan mong gawin,” ani Sir Ezekiel. 

“Opo, salamat po pala sa pagtanggap niyo sa akin sa trabaho, kailangang-kailangan ko po talaga ito,” pasasalamat ko po. Tumango lang si Sir Ezekiel kaya naman ay tumalikod na ako at bumaba na para hanapin si manang Lourdes. 

 Sa kusina ko nahanap silang lahat. Nakangiting lumapit at bumati sa akin si tiya Rosa. Ipinakilala naman ako manang Lourdes sa lahat ng mga katulong. Nang matapos akong ipakilala ay nagsimula na si manang Lourdes na sabihin ang mga kailangan kong malaman. Maging ang mga kwartong hindi ko maaaring puntahan ay sinabi niya rin. Mas marami nga lng ang bilin niya para sa mga batang kailangan kong alagaan. Kahit ang mga allergies ng mga bata ay sinabi na rin sa akin ni manang Lourdes na kaagad ko namang kinabisado. 

“Ikaw na ang magdala neto sa kwarto nina Nikandra at Nikolo. Iisang kwarto lang naman silang magkapatid. Nasa ikalawang palapag ang kwarto nila, unang pinto sa kanan,” utos sa akin ni ate Gladys. Iniabot niya rin sa akin ang isang tray na may mga pagkain ng dalawang bata. 

Habol ko ang aking paghinga nang sa wakas ay marating ko na rin ang kwarto ng kambal. Laking pasasalamat ko na hindi nakalock ang kanilang pintuan, medyo nangalay din kasi ako sa bigat nitong tray. Nakahanda na ang aking matamis na ngiti para sa kambal ngunit agad iyong nawala nang pagkabukas ko ng pinto ay may bumuhos sa aking kulay pulang pintura kasabay niyon ang pagkahulog sa ulo ko ng timbang pinaglalagyan nung pintura. Bahagya akong napaatras ngunit kaagad ring nawalan ng balanse dahil sa aking naapakan, pati ang tray na hawak ko na may lamang pagkain ay tumilapon na rin sa akin.

Narinig ko ang mga tawanan nilang dalawa sa loob ng kwarto, kinagat ko ang aking pang-ibabang labi, hindi ko malaman kung anong uunahin kong gawin. 

“We don’t need a yaya, so you can. . . mommy?” boses iyon ng batang babae. Pakiwari ko ay si Nikandra na iyon. Kaagad akong nag-angat ng tingin sa kan’ya. Nakita ko naman ang kaguluhan sa kan’yang mga mata, hindi rin niya alam ang gagawin. 

“I’m so sorry, mommy. We didn’t mean it,” boses naman iyon ng batang lalaki, si Nikolo.

“Anong nangyari rito?” tanong ni Sir Ezekiel. 

Kaagad namang dumalo sa akin si tiya Rosa at Stella, tinulangan nila akong makatayo. Hindi pa rin ako makapaniwala habang nakatingin sa kanilang dalawa. 

Kung kanina ay natutuwa ako dahil sa sinabi ni Sir Ezekiel na basta maka-isang linggo lang ako rito ay papasuwelduhin na niya ako, kaya ba ganun ang sinabi niya dahil alam niyang imposibleng may tumagal na yaya sa dalawang batang ito? 

Wala pa akong isang araw dito ngunit ganito na agad ang nangyari though wala akong planong sumuko.

 “Daddy, mommy is back?” si Nikolo. 

“She’s not your mom, Nikolo. She is Amber, your new yaya,” ani Sir Ezekiel. 

“But she looks like. . .”

“Manang Rosa, pakitulungan na lang ho si Amber, kakausapin ko lang ang mga bata,” pagputol ni Sir Ezekiel sa mga sasabihin pa dapat ni Nikolo. 

“Ayos ka lang ba?” tanong sa akin ni Stella. 

“Oo. Nagulat lang ako sa nangyari,” sagot ko. 

“Gano’n talaga kakulit ang mga batang iyon, pasensya ka na,” ani tiya Rosa. Tumango na lang ako. 

Pero ang isip ko ay patuloy na namang naglakbay sa kung saan. Tinawag akong mommy ng kambal, ibig ba nitong sabihin si Felize ang kanilang nanay? Siguro magkamukha talaga kami ng Felize na iyon at ganito na lang ang reaksyong natatanggap ko galing sa kanila. 

Sino ka ba talaga, Felize?

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status