Share

Ikaanim na kabanata

“Mahal na reyna, katulad ng aming ipinangako, ito na ang nilalang na nagtangka sa buhay mo.” Napatigil ako mula sa pagbabasa ng mga batas na kailangan kong lagdaan at markahan nang pumasok bigla si Arthur dito sa bulwagang kinaroroonan ko at sinabi iyon niya iyon.

Agad na napatingin ako sa direksyon niya at nakitang kasama niya si Adam at Delaila, kasunod ang dalawa pang kawal na may hawak ng isang nilalang—isang bampira na nakakulay itim na kasuotan. Namumula ang mga mata at masama ang tingin sa akin. Isang converted vampire.

Ang isang converted vampire ay ang mga nilalang, bampira man o hindi, na namatay na ngunit muling binuhay ng isang bampira. Mabilis na matutukoy ang isang katulad niya mula sa normal na bampira dahil sila ay nananatiling namumula ang mga mata, labas ang mga pangil at mas hayok sa dugo ng kahit anong nilalang.

Lubos na ipinagbabawal sa aming lahi ang gumawa ng kalapastanganang bumuhay ng patay… ngunit, ako ba’y magtataka pa? Nakakasigurado akong iisang grupo at pinuno lang naman ang nasa likod nito.

Iniabot ko kay Danie ang binabasa ko at maingat na itinabi niya iyon. Tumayo ako mula sa pwesto ko at lumapit sa kanila.

“Magbigay galang ka!” mariing utos ni Adam sa kanya at itinulak paluhod. Agad na sinuri ko ang itsura niya at ang una kong napansin ay ang mga sugat sa kaniyang mukha at leeg. Pansinin ito dahil mula sa pwesto ko ay amoy na amoy ko ang nabubulok niyang dugo at halatang mga bago pa lamang ang kaniyang sugat at hindi naghihilom.

“Ikaw ba ang nasa likod ng pag-atake sa akin?” mahinahon kong tanong. Agad na pumalag siya mula sa pagkakatali ngunit siya lamang ang nasaktan dahil sa pilak na kadenang nakapulupot sa katawan niya.

“Hin—”

“Kaya nga namin siya dinala rito dahil siya ang bampirang—”

“Hindi ikaw ang kausap ko kung kaya’t manahimik ka! Hindi ko hinihingi ang iyong opinyon!” Natigilan si Adam dahil sa pagsigaw kong iyon. Lapastangan! Hindi ko alam kung may pinag-aralan ba talaga siya o wala! Ang sagot ng hinarap nilang bampira sa akin ang kailangan ko at hindi ang kung ano mang gusto nilang sabihin!

“Patawad, mahal na reyna,” hinging paumanhin ni Adam. Tinaasan ko na lang siya ng kilay at binalingan muli ang bampirang hinarap nila sa akin.

“Kalagan niyo siya,” utos ko sa mga kawal na may hawak sa kanya.

“Pero mahal na reyna—”

“Kalagan niyo siya,” pag-uulit ko. Mariin kong tinignan si Arthur at tinaasan siya ng kilay. Napabuntong-hininga na lamang siya at inutusan ang mga kawal na sundin ang utos ko.

Dahan-dahan nilang inalis ang kadenang pilak mula sa pagkakapulupot sa katawan ng bampirang iniharap sa akin. Matapos nilang alisin iyon ay sa isang kisap mata’y sumugod siya sa akin, ngunit dahil mailap ako at mas mabilis, agad na nahawak ko siya sa leeg. Impit na umungol siya sa sakit at hinawak ng mahigpit ang braso ko.

“Sino ang nag-utos sa’yo?” mahinahong tanong ko. Unti-unti kong inalis ang pagkakahawa sa kanya hanggang sa nanghihina siyang bumagsak sa sahig. Paluhod siyang humarap sa akin at yumuko.

“W-wala! Ako lang ang m-mag-isang kumilos dahil gusto kitang mawala na sa mundo! H-hindi ka karapat-dapat na maging pinuno! Wala kang kwenta!” sigaw niya sa akin. Sa palagay ko’y nakuha na ang sagot na ninanais ko.

“Naiintindihan ko.” Mabilis na napaangat siya ng tingin sa akin at kinunutan ako ng noo. Bakas sa mukha niya ang pagtataka dahil sa sinagot ko.

“Mahal na reyna?” nagtatakang tawag ni Adam sa akin.

“Dalhin niyo siya sa piitan sa pinakailalim na parte ng kastilyo. Huwag bibigyan ng dugo ngunit pakainin ng laman. Sa oras na malaman kong napugto ang hininga niya ng dahil sa kagagawan ninyo, kayo ang mananagot sa akin. Naiintindihan niyo ba?” Isa-isa kong tinignan si Arthur, Adam, Delaila at ang dalawa pang kawal na bakas ang pagtataka sa mukha dahil sa sinabi ko.

“Ngunit siya ang utak ng paglason—”

“Naiintindihan niyo ba?” mariin kong tanong.

“Mahal na reyna! Siya ang nagtangka sa buhay mo at kamatayan ang parusa sa lahat ng magtangka sa buhay ng isang pinuno!” giit ni Arthur. Iniiubos niya ang pasensiya ko!

Mabilis na lumapit ako sa pwesto ng isang kawal na kasama nila at inagaw ang espadang nasa may tagiliran niya at itinapat sa leeg ni Arthur. Agad na napasinghap ang lahat ng nandito sa bulwagan dahil sa ginawa ko.

“Mahal na reyna! Nakikiusap ako, ibaba niyo ang inyong espada!” pakiusap ni Delaila sa akin.

“Pakiusap, mahal na reyna!” sabi ni Adam na lumapit sa ama niya. Tikom ang bibig ni Arthur habang diretsong nakatitig sa akin. Tila ba’y nakikipagsukatan siya ng titig at tinitignan kung itutuloy ko ba ang pagpaslang sa kaniya.

“Ako ang reyna at ang desisyon ko ang palaging nasusunod. Ako ang may pinakamataas na posisyon sa mundo na ito. Ako ang reyna at ako ang sinusunod. Naiintindihan mo ba, Ginoong Arthur? Ang pinuno ng konseho na dapat ay unang makikinig at susunod sa mga desisyon ko?” tanong ko.

“Naiintindihan ko, mahal na reyna,” sagot niya. Unti-unti kong binaba ang pagkakatapat ng espada sa kaniyang leeg at sa isang iglap ay pinaglaho iyon. Agad na tinalikuran ko sila at mabagal na naglakad pabalik sa pwesto ko kanina.

“Umalis na kayo at sundin ang eksaktong sinabi ko,” utos ko sa kanila. Nakarinig ako ng muling pagtunog ng kadena, simbolo na muli nilang itinali ang bampira.

“Masusunod, mahal na reyna.” Ang sunod ko na lamang narinig ay ang pagbukas at pagsarado ng pinto ng bulwagan.

“Mahal na reyna, baka mas lalong magiging taliwas ang konseho dahil sa desisyong binitawan mo ngayon. Kamatayan ang palaging hatol sa mga nagkakasala, at nakakasigurado akong gagawa ng paraan si Ginoong Arthur upang patayin kung sino man iyong iniharap nila sa inyo,” bungad sa akin ni Danie pagkalapit ko sa kanila. Naupo ako ulit sa pwesto ko kanina at kinuha sa kaniya ang binabasa ko.

“Hindi nila susubukan, dahil alam kong alam na nila ang nalaman ko. Alam nilang sa oras na ginawa nila iyon, ay para bang pinagbulgaran na nila na sila mismo ang nasa likod ng pagtatangka sa akin,” saad ko. Inilapag ko ang scroll sa aking harapan at inabot ang dragon stamp na aking simbolo sa gilid. Itinatak ko iyon sa scroll bilang tanda na inaaprubahan ko ang nakasaad rito.

“Ngunit tuso si Ginoong Arthur at isama pa ang mga alagad niya,” nag-aalalang dagdag ni Danie. Inilagay ko sa may kanang bahagi ko ang scroll kasama ang iba pang naaprubahan ko bago siya hinarap.

Matamis na nginitian ko siya.

“At hinding-hindi ako magpapadaig sa kanila. Hindi ako pinalaki at hinulma ni ama upang maging mahinang pinuno. Bago pa sila makagawa ng hakbang ay kailangan na nating mauna ng ilang hakbang mula sa kanila. Oo, mahirap silang kalabanin, mahirap malaman ang mga susunod nilang galaw dahil maingat silang kumilos, pero kung ano man ang susunod nilang plano ay lalabanan ko iyon.” Dahil sa sinabi kong iyon ay nakahinga ng maluwag si Danie at nginitian na rin ako pabalik. Umupo siyang muli sa pwesto niya kanina at iniabot sa akin ang susunod kong kailangang basahin at pag-aralan.

Tatlong araw rin akong nagbawi ng buong lakas kung kaya’t natambakan ako ng gawain. Hindi naman porket may konseho ay sa kanila ang bagsak ng lahat ng gawain. Katulad nga ng sinabi ko kanina kay Arthur, sa anumang sitwasyon ay ako pa rin ang nasusunod. Magkaisa man sila sa layunin nila at gustong ipatupad na batas, kung salungat iyon sa gusto ko at hindi ko aprubado ay ako pa rin ang nasusunod.

Sa akin ang huling paghuhusga at desisyon.

“Fajra, ano na ang plano mo ngayon? Narinig kong pinag-uusapan ng mga konseho na muling banggitin sa iyo ang tungkol sa pakikipag-isang dibdib sa Adam na iyon.” Napabuga na lang ako ng hangin nang sabihin iyon ni Dan na nasa kaliwang bahagi ko nakapwesto.

Ibinaling ko ang tingin ko siya at napangiti.

“Hindi ko nagugustuhan ang iyong ngiti. Ano na naman ba ang naisip mo at gustong ipagawa sa akin?” tanong niya. Bahagya akong natawa at napailing. Kabisado nga ako ni Dan. Alam niya ang ibig sabihin sa likod ng aking ngiti dahil minsan lang naman ako nakakangiti ng totoo at naayon sa kaligayahan talaga.

Katulad ng palagi niyang sinasabi noon, pupwede na niya raw akong maihelera sa mga witch na kung ngumiti ay kikilabutan ka talaga. Hindi raw ako nakakatuwang pagmasdan sa gano’ng klaseng ngiti, bagkus ay nakakakilabot.

“Gusto kong bantayan mo ang bawat galaw ng mga Venderheel. Magbantay ka at alamin kung saan sila pumupunta, kung may kakaiba ba sa mga kilos nila at kung sino ang kanilang mga kinikita. Mula roon ay makakakuha tayo ng ideya sa mga susunod niyang plano. Hindi ko man mabasa ang isipan niya ay maari nating gamitin ang mga taong nakapaligid sa kaniya upang mapagtagpi-tagpi ang plano niya,” paliwanag ko sa gusto kong mangyari.

Hindi ko man malaman ang laman ng isipan ni Arthur at ng mga may matataas na pwesto sa tabi niya ay pupwede ko namang gamitin ang mga tauhan niya. May kakayahan akong basahin ang nasa isip ng lahat na nilalang at kayang-kaya kong kontrolin iyon. Maari ko ring burahin ang memorya nila at bumuo ng isa kung gugustuhin ko. Ang kakayahan kong ito ay namana ko mula sa aking amang hari.

Ang aking amang hari ay hindi matatawag na pinakamalakas sa lahat ng nilalang noong nabubuhay siya kung hindi totoo. Lubos na pinagpala at biniyayaan siya ng mga kakayahan at kapangyarihan. Idagdag pa na siya ang kauna-unahang hybrid ng Demon at Vampire. Dalawang lahing hindi pwedeng pagsamahin dahil sa tunggalian, ngunit nagawa dahil sa tadhana.

Idagdag pa ang dugo ng aking ina na nananalaytay sa akin. Siya ay mula sa sinaunang lahi ng mga bampira na may natural na malakas na kakayahan at kapangyarihan. Ang sabi sa alamat, ang kanilang lahi ang itinatangi sa lahat ng bampira. Kung kaya’t dahil ako ang kanilang nag-iisang anak, ay nakuha ko ang mga kakayahan nila. Ako na ang naging pinakamalakas sa lahat simula noong yumao ang aking amang hari. Ngunit kagaya ng palaging pinapa-alala sa akin ni Danie ay kailangan kong patuloy na magsanay upang makontrol ng maayos ang kapangyarihan ko at upang mas mapalakas pa ang aking sarili.

“Para bang inutos mo na sa akin na hukayin ko ang sarili kong paglilibingan dahil sa gusto mong gawin ko,” sagot ni Dan at sinabayan ng pagkamot sa kaniyang ulo. Napailing na lamang ako dahil doon.

“Sa tingin mo ba ay papabayaan kita? At sino bang nagsabi na kailangan mo silang manmanan sa malapit? Kung gano’n ang gusto mong gawin, ikaw ang bahala,” kibit-balikat kong sagot sa kanya.

“Sabi ko nga, ngunit hindi naman no’n masosolusyunan ang kagustuhan nilang magpakasal ka. Isa pa iyon sa problemang dapat mong solusyunan at agapan.” Isinara ko ang scroll na nasa harapan ko dahil nawala na ang pagtutuon ko ng pansin dito.

“Kung gusto nilang madaliin ang pakikipag-isang dibdib ko ay gagawin ko,” saad ko.

“Teka, ano? Susundin mo? Magpapakasal ka sa Adam na iyon?!” gulat na tanong ni Dan at sinabayan pa niya ng pagtayo. Hinarap ko siya at nginitian.

“Sinong may sabing kay Adam Venderheel ako makikipag-isang dibdib? Bakit? Siya ba ang mate ko?” balik tanong ko sa kaniya. Napakunot ang noo ni Dan at muling bumalik sa pagkakaupo.

“Fajra, ano ang iyong ibig sabihin?” naguguluhang tanong ni Danie. Siya ang sunod kong hinarap at nginitian.

“Katulad ng gusto ko at dapat mangyari, tanging ang nakatakdang nilalang sa akin ang tangi kong papakasalan at iibigin,” sagot ko. Mukhang hindi pa nila maintindihan ang gusto kong ipunto at ang plano ko kaya napabuntong-hininga ako.

“Bukas, bago pa sumapit ang bukang-liwayway, kasabay ng pag-alis ni Dan sa kastilyo ay aalis din ako upang hanapin ang nararapat na maging kapareha ko at ang natatanging karapat-dapat na maging hari ng mundong ito,” paliwanag ko. Nagkatinginan ang sina Danie at Dan bago muling ibinaling ang tingin sa akin at napasapo sa kanilang ulo.

Kahit kailan, hindi ko hahayaang mapunta sa mag-amang gahaman ang karapatan na makontrol at pamunuan ang aming mundo. Hindi maaari, at hindi ko hahayaan kaya gagawin ko ang lahat ng mga posibleng paraan upang mapigilan ang kagustuhan nila. Hindi ako naghirap ng ilang taon na itayong muli ang mundo namin upang hayaan ang mga katulad nila na mamuno.

Hinding-hindi.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status