Share

The Husband's Comeback
The Husband's Comeback
Author: Yurikendo

Ang buhay ng pagiging isang Kordal

Walang ibang liwanang na pumapasok sa silid na pagmamay-ari ni Hesusa Kordal kundi ang sikat ng araw na sumisilip mula sa labas. Nakatabing ang kaniyang kurtinang kulay abuhin, nakatayo siya paharap sa labas habang hithit ang sigarilyong paupos na rin. Malimit niyang gawin ang ganito lalo kapag nasa bahay lang s’ya. Marami ang tumatakbo sa kaniyang utak, tungkol sa negosyo, upcoming investments at sa paparating na kaarawan ng anak ng asawa sa iba, si Julian. Mayro’n siyang matagal ng plano para rito, at ngayon na isang linggo na lang ay nape-pressure na siya sa gagawin. Hindi madaling basahin ang laman ng isipan ng ginang, sa tagal ng panahon ay natutunan niya kung papaano maging malamig sa mga taong nakakasalamuha. 

Bahagyang tumigil ang mga senaryo na kaniyang nabubuo sa isipan ng tumunog ang telepono na nakalapag sa lamesa sa tabi niya.

Ibinuga niya ang usok ng sigarilyo palabas ng binatana habang nakikinig sa nagsasalita sa kabilang linya.

“Okay, ayaw kong mapurnada ang plano, ilang taon kong hinintay ‘to, alam mo ‘yan,” sagot niya sa kabilang linya.

Hindi na nagtagal pa ang usapang iyon at ibinaba na rin ni Hesusa ang kaniyang telepono. Sa repleksyon sa kaniyang mukha ay tila satisfied ito sa kung ano man ang sinabi ng nakausap sa kabilang linya.

“Hindi maaaring mawala ang lahat sa akin,” aniya sa sarili, at sumilay ang nakakalokong ngiti sa mga labi ng ginang. Ngiti na nagamit na rin niya noong namatay ang kaniyang asawa.

“Hon, bilisan mo na at baka pagalitan na naman tayo ni mama, anong oras na. Jessie, anak, bumaba ka na rin dito,” malakas ang pagsigaw ng ilaw ng tahanan ng pamilya ni Julian Kordal. Araw ng linggo, mayroong family lunch ang pamilya ng mga Kordal sa kanilang mansiyon. Si Alice ang naging asawa ni Julian Kordal, ang panganay na anak ng isa sa mayamang business man sa bansa. Ngunit kahit na siya pa ang panaganay ay siya naman ang may pinakakarampot na karapatan sa malawak na ari-arian ng namayapang matandang bilyonaryo.

Si Julian ay sinasabing anak sa labas, isang bastardo sa pamilya ngunit gayon pa man ay naging mabuti ang pagsukli niya sa pagtanggap nito sa kaniya sa pamilya. Iyon lang ay hindi naging pantay ang karapatan sa pagitan ng tatlong magkakapatid na Kordal. Pero nagpapasalamat pa rin naman siya na nakaapak siya sa eskwelahan at ngayon na may pamilya na ay may sarili ng trabaho sa kanilang kompaniya, bilang isang Head ng Janitorial Department. Hindi naman siya gaanong nag-aasam ng pang ‘boss’ na posisyon, iyon bang igagalang ka ng lahat ng empleyado sa Kumpaniya. Pumabor na rin siya bilang maging Puno ng Janitorial Staff dahil ang importante naman sa kaniya ay may mapagkuhaan ng pinansiyal na kita bago pa man tumunong ang panahon na basahin na sa kaniya ang iniwang mana ng ama.

Kakaiba rin kasi ang naging istratehiya ng Amang Kordal, ang para kay Julian ay inihuli nito at isinaad na kapag nasa tatlumpu’t limang taong gulang na siya ay saka lamang nito makukuha ang para sa kaniya.

“Heto na, palabas na ako Hon,” umalingawngaw rin ang mahinahon ngunit buong boses ni Julian. Nakaplaster ang masayang ngiti sa kaniyang mukha habang bitbit ang isang maliit na itim na bag na siyang pinaglagyan ng asawa ng niluto nitong potchero. Iyon ang paborito ng ina kaya naman ‘yon ang naisipan nilang dalhin ngayon.

Hindi gano’n ka-pormal ang suot ni Julian, tama na ang plain yellow polo shirt at asulin na pantalon sa lakad niya ngayon. Pero kahit na ganoon ay pumapangibabaw ang kakaibang kisig niya na halatang nakuha niya sa namayapang ama. Ang brownish niyang mga mata ang mas lalong nagpapatingkad sa pagiging tunay niyang Kordal.

“Akala ko’y aabutin ka pa ng isang oras bago makalabas, mag-uusok na naman ang ilong ni mama kapag gano’n,” tinapik ni Alice ang asawa sa balikat sinesenysan siya na dalhin na ang ilang gamit sa sasakyan.

“Hindi ka pa nasanay kay mama, parati naman ‘yon nagagalit,” sinabayan na ni Julian ng biro ang sinabi ng asawa niya. Tama naman kasi siya, wala na atang araw na hindi nakasimangot o nambara ang madrasta, lalo pa sa kaniya.

“Hay,” muli niyang napalo ang asawa na siyang ikinatuwa nito. Niyakap niya si Alice, nilambing at ng lumaon ay ginawaran ng halik sa noo. 

“Ang bango talaga ng asawa ko,” pag-iiba niya sa usapan. Inamoy-amoy niya pa angleeg nito na siyang nakapagpakiliti sa asawa.

‘Huy, nasa labas tayo, baka mamaya’y may makakita sa ‘tin, masigawan pa tayo. Umayos ka Julian ha, ‘wag kang pilyo riyan.” Sinaway na niya ang asawa’t itinulak patungo sa driver’s door. 

“Mamaya?” malawak na nakangiti si Julian habang inaasar ang mahal na asawa.

Sasagot na sana si Alice ng madinig ang pagdating ng anak na si Jessie, kaya naman pinandilatan na lamang niya ng mga mata si Julian. Kung abot lang niya ang asawa’y napingot na naman sana niya ‘to sa tainga.

Naging maayos ang biyahe ng tatlo patungo sa mansiyon ng Kordal, hindi naman ganoong kalayo ang tirahan nila sa malaking bahay kaya hindi rin naman nagtagal ay naroon na sila. Pagdating nila’y pulos pagkamangha ang nadama ng anak na si Jessie, kahit kailan talaga’y hindi nito mapigilan na mapatulala sa tatlong palapag na Mansiyon ng kaniyang Granpa. Tuwang-tuwa pa ito sa mga bulaklak na sumibol sa hardin at mga trimmed plants sa paligid ng malaking bahay. Magiling na sumayaw na para bang isang prinsesa sa aisle na dinesenyohan ng mga white stones, at marangyang naglakad ng paekis-ekis sa malawak na hagdang tumatahak sa main door ng bahay.

Nagpatuloy ang kanilang araw ng maayos, at sa pagkakataong ito ay kumpleto ang pamilya Kordal sa harapan ng hapagkainan. Ang inang si Hesusa na puno ng kapangyarihan sa kaniyang itim na blusa’t ilang kumikinang na alahas mula tainga hanggang daliri. Hindi ito masiyadong umiimik lalo kung hindi tungkol sa usaping trabaho ang topic, kaya naman para bang isang silid-aklatan ang tanghalian na iyon sa malaking bahay. Sa kabilang banda naman, mula sa kanan malapit kay Hesusa ay naroon ang panganay at tunay nitong anak na si Harold. At sa gawing kaliwa ay ang bunso sa mga Kordal, si Terra. Taliwas siya sa ugali ng kaniyang kapatid at ina, sa ngayon ay panay ang pakikipag-usap niya sa pamangking si Jessie, maganda siya’t madaling lapitan kaya naman ito ang nagiging kakampi ni Julian sa mga panahon na idina-down siya ng ina.

“Julian, nakuha mo ba ‘yong pinadala ko sa ‘yo no’ng nakaraan?” Binasag ni Harold ang katahimikan sa harap ng hapag at inungkat ang tungkol sa package na ipinadala niya sa kapatid ng manggaling siya sa isang business trip sa Germany.

Umawang naman ang sigla sa mukha ni Julian sa tanong ng kapatid sa kaniya. “Ah, oo nakuha ko. Salamat.”

“Hmp. Mabuti naman, ikaw Jessie, nakuha mo ba ang bagong phone na galing kay tito, huh?”

“Opo tito, thank you so much po. Grabe inggit na inggit nga po sa ‘kin ang mga classmates ko. New model ng phone raw po kasi ang phone ko,” masaya pa sa masaya na balita ni Jessie sa kaniyang tito Harol.

“Of course, hindi tayo puwede mahuli sa mga latest. Next time kapag may bagong model ulit na inilabas, bibilhan ullit kita ha.”

“Yehey! You’re the best po talaga, tito.”

“Ini-spoiled mo na naman ang bata Ha-” sinubukang sumingit ni Julian sa usapan ng magtito ng pigilan rin siya ni Harold sa huli.

“Hayaan mo na, gusto ko lang naman maging masaya ang pamangkin ko. Isa pa, kung hindi ko ibibigay sa kaniya ang mga gano’ng bagay, sino ang magpo-provide? Don’t tell me, ikaw?” Napangisi pa si Harold, halatang hinahamak niya ang kapatid sa kalagayan nito.

“Don’t worry kahit forever pang ma-spoiled si Jessie kaya ko naman panindigan, okay? Chill ka lang,” dugtong niya pa. “Ba’t hindi mo pala sinubukan na isukat ang mga damit na ibinigay ko, it will make you more human if you wear those. I bet on it!”

“Kuya!”

Ngingisi-ngisi si Harold na itinaas sa ere ang dalawang kamay, na para bang gusto niyang sabihin sa kapatid na si Terra … bakit? Totoo naman ang sinasabi ko ha?

“Julian, pumunta ka mamaya sa Opisina ko para sa allowance mo. Mayroon din akong importanteng sasabihin,” ani Hesusa na ni hindi man lang tumingin sa direksyon ni Julian. Nakaramdam na rin ng pagkairita ang ina sa magkakapatid kaya minabuti niyang putulin ang walang kwenta nilang usapan.

‘Sige po, ma.” Bakas naman sa boses ni Julian ang pagkalumbay, naipit na naman kasi siya sa ligid kung saan ay mababa na naman ang tingin sa kaniya ng half-brother.

Ganito naman parati ang sitwasyon ni Julian, nakakakuha naman siya ng pinansiyal sa madrasta, ngunit buwanan, allowance na katulad noong nag-aaral siya. Hindi katulad ng kaniyang mga kapatid na mayroong sariling bank accounts and cards. Awtomatikong nakakapaglabas ng pera kung kailan man nila naisin, samantalang siya ay budget na, para siyang isang estudyante sa disposisyon niya sa pamilyang ito.

“Ma, bakit hindi mo na lang kasi bigyan si Kuya ng sariling savings account, para rin hindi na maging abala sa ‘yo at sa kaniya na rin na parati kang mag-aabot sa kaniya ng pera. Hindi na bata si Kuya Julian-”

Hindi naging maganda ang pagsingit na iyon ni Terra sa usapan, naging pabagsak ang paglapag ni Hesusa sa kopita ng tubig na kanina’y sinisimsim niya.

“Don’t mind me Terra, that’s my rule, right?” mukhang mahinahon ang boses nito pero ang aura ay tila pang Leon. Ang mga mata ni Hesusa at puno ng pagkairita, gayunpaman ay pilit naman niyang iwinawaksi iyon sa harapan nila.

Gusto pa sanang sumagot ng anak na babae kung hindi lamang muling nagsalita si Julian. Sinubukan niyang ibahin ang usapan upang mawala ang tensiyon sa pagitan ng mag-ina. “Ah, ma, nga pala po may proposal sana akong gustong ipakita sa ‘yo, tungkol sa department ko. Medyo marami kasi ang nagpapasa sa ‘kin ng resignation letter, halos  lahat sa kanila’y tungkol sa benepisyo ang problema,” simula niya ni Julian. Nakasulyap siya sa ina, ngunit ito at tila walang amor upang makinig sa sinasabi niya. 

“Kaya naman may naisip po akong paraan upang maging maayos ang problema,” dugsong pa ni Julian sa kaniyang sinasabi.

“Kung ano man ay ipaabot mo na lang sa sekretarya ko, ako na ang bahalang umintindi kung ano man ‘yon.” Sumagot naman ang ginang sa ipinapaliwanag sa kaniya ng anak ngunit nanatili itong malamig at walang gana sa lalaki.

Naramdaman naman ni Julian ang hindi magandang pakikitungo ng ina kaya pinili niyang manahimik na lang. Subalit ang pagyukod ng ulo niya sa kaniyang plato ay naputol din ng ang kapatid na si Harold ang nagsalita, walang pakundangan na nagbigay ng iba’t-ibang suhestiyon ang ina sa mga sinasabi nito. Masiyado niyang ipinapamukha kay Julian na wala siyang pakialam sa kaniya, kulang na lamang ay isigaw nito sa kaniyang mukha na hindi niya ito anak kaya bahala sya sa buhay niya.

Mabuti na lang at nariyan ang pinakamamahal niyang si Alice, bahagya nitong hinawakan ang kaniyang kamay at ginawaran ng ngiti. “Pabayaan mo na, sige na kumain ka na.” Pabulong lang iyon ngunit dama ni Julian ang init ng pagmamahal ng asawa.

Hindi bale ng wala siyang mapigang simpatya sa ina, basta ba’t alam niyang may nagmamahal sa kaniya.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Lady Reaper
Ganda nito.
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status