Share

CHAPTER 10

MAG-ISA sa bahay si David dahil nang gabing iyon ay wala si Raven, hindi rin nakauwi ang kaniyang ama dahil mag-o-over time raw sa training center at bukas pa ng umaga ang uwi.

Mas mabuti na ring wala ang lalaki dahil hindi niya pa rin talaga gustong kasama ang ama. Ilang araw na rin siya sa bahay nito pero hindi pa rin nababawasan ang galit niya para rito.

Desidido talaga ang lalaki sa sinabi nitong babawi sa kaniya. Tuwing darating siya sa gabi ay todo asikaso sa kaniya at anumang sabihin niya ay gagawin at ibibigay nito sa abot ng makakaya nito. Na lalo lamang niyang ikinagagalit sa ama. Paano nito nagagawang umakto na parang wala itong ginawa sa kaniya noon? Sabagay, wala naman talaga itong nagawa para sa kaniya noon dahil bata pa lang siya ay iniwan na siya nito!

Sa tuwing nakikita niya ang mukha ng ama ay bumabalik sa kaniya lahat ng sakit, hirap, at pangungulilang dinulot nito sa kaniya. Awang-awa siya sarili tuwing inaabot na siya ng gabi sa labas ng bahay para lang abangan ang pagdating nito, pero taon na ang lumipas ay hindi man lang ito nagpakita. Nasasaktan siya dahil inggit na inggit siya sa mga batang nakikita niyang kasama ang mga ama nito at kumpleto ang pamilya. Tampulan din siya noon ng tukso dahil hindi raw siya mahal ng kaniyang papa kaya iniwan siya nito. Sa tuwing tatanungin naman niya ang mama niya tungkol sa ama ay sasaktan siya nito, sinabi nitong huwag na niyang hintayin ang ama dahil hindi na nito gustong balikan siya. At habang tumatagal ay mas nagagalit lang siya sa sarili dahil nangungulila lang siya rito.

Nandito lang naman siya hindi para bigyan ng chance ang lalaki kundi para pahirapan ito at para na rin masaksihan ang sinasabi nitong nalalapit nitong katapusan. Gusto niyang nandoon siya at makitang nahihirapan ang lalaki. Gusto niyang masaktan ito higit pa sa sakit na ibinigay nito sa kaniya noon.

Sabihin ng wala siyang awa. Pero sa lahat ng makasalanang tao na-encounter niya, ang ama ang hindi niya kayang patawarin. Hindi niya kayang patawarin ang ama na umabandona sa sariling nitong anak!

Hating gabi na noon pero hindi pa rin siya makatulog. Nakakapanibago dahil mga ganitong oras ay nahihimbing na siya dapat, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin siya dinadalaw ng antok.

Bakit kaya hindi pa umuuwi ang babaeng ‘yun? Hindi kaya ay nagi-imbestiga siyang mag-isa?

May ginagawa talaga ang babaeng iyon na lingid sa kaalaman niya! Pakiramdam niya ay may alam ito at tinatago nito iyon sa kaniya. Naalala na naman niya ang sugat nito sa kanang hita, alam niyang tama iyon ng baril pero harap-harapan pa rin itong nagsinungaling na nakalawit lang daw iyon.

Ang hindi niya maintindihan ay kung bakit kailangan nitong itago sa kaniya ang mga nalalaman nito. Tungkol naman siguro iyon sa kasong hawak nila? Kung ganoon ay karapatan niyang malaman iyon at responsibilidad nitong sabihin iyon sa kaniya!

Pwera na lang kung hindi iyon tungkol sa kaso kaya hindi nito masabi-sabi sa kaniya?

Napabalikwas siya paupo dahil sa mga naiisip. Kung hindi man iyon tungkol sa kaso at hindi talaga nito sasabihin iyon sa kaniya, siya na mismo ang hahanap ng sagot mag-isa! Siguraduhin lang ng babaeng iyon na may maganda siyang dahilan sa pagtatago nito sa kaniya!

Nasa ganoong tagpo siya nang may marinig na kaluskos sa sala. Mabilis niyang kinuha ang baril sa ilalim ng unan, may iilang baril siyang tinago sa iba’t ibang sulok ng kwarto.

Mabilis pero maingat niyang tinungo ang sala, sinuguradong hindi makagagawa ng anumang ingay. Tanging ilaw sa labas ng bahay ang nagsisilbing liwanag sa kanilang sala. Hindi niya masyadong maaninag ang paligid, nang masanay ang mata sa dilim ay naaninagan niya ang isang bulto ng tao na nakatayo.

Dahan-dahan siyang lumakad papalapit dito. Walang ingay niyang tinutukan ito sa ulo.

“Kapag gumalaw ka, magkakalat sa sahig ang utak mo!” mapanganib niyang banta rito. “Sino ka at anong kailangan mo?”

“Shighe...” sagot nito at bigla na lang tumumba sa sahig.

“Shit!” Dali-dali niyang binuksan ang ilaw. “Tangina, Raven!”

Tumambad sa kaniya ang nakabulagtang babae habang may hawak na bote ng alak sa kanang kamay.

Malalim siyang napabuntong-hininga, akala niya ay napasok ng kung sino ang bahay!

“Hoy, Raven!” yugyog niya rito. Umaalingasaw ang amoy ng alak dito, mukhang hindi lang isang bote ang nainom ng babae.

“Hmmm” ungot nito bago malakas na naghilik.

Akala ko pa naman ay nasa trabaho pa ito pero naglalasing lang pala!  Sakit sa ulo, tsk!

Muli niyang ginising ang babae ngunit mukhang mahimbing na ang tulog nito dahil na rin sa kalasingan. Umayos lang ito sa pagkakahiga, niyakap ang bote ng alak, at malakas na humilik.

Humugot siya ng hininga “Bahala ka nga riyan, malaki ka na.” aniya bago ito iwan. Umakyat na siya para pumasok sa kwarto niya.

Hindi naman siguro iyon maninigas sa lamig? Sa mga napansin niya sa babae ay hindi naman ito lamigin, kakayanin nito ang lamig.

Nahiga na lamang siya at ipinikit ang mga mata. Ilang minuto na ang nakalilipas ay hindi pa rin siya makatulog. Inuusig siya ng konsensya niya!

“Tangina!” Inis niyang mura sa sarili.

Wala siyang nagawa kundi ang buhatin ang babae at dalhin sa sariling kwarto nito. Ngunit mukhang sinasagad ng babae ang pasensiya niya, naka-lock ang kwarto nito at maging ang kwarto ng ama ay naka-lock din.

Mariin niyang pinikit ang mata at kinalma ang sarili.

Dinala na lamang niya ito sa kwarto niya at pabagsak niyang inilapag sa kama.

Hinawakan niya ang balikat at minasahe iyon. Hindi niya inakala na ganoon pala kabigat ang babae, pakiramdam niya ay mas mabigat pa ito sa kaniya.

Kinapa niya ang jacket nito at bulsa ng pantalon para hanapin ang susi ng kwarto nito ngunit wala man lang ni isang gamit na dala ang babae.

Kumuha siya ng towel at tubig para mapunasan ito at mawala ang kapit ng amoy alak dito. Nang hawain niya ang buhok nito ay nasalat niyang mainit ang babae. Sinapo niya ang noo nito at pati na rin ang sariling noo para makumpara ang temperatura.

Nang masigurong nilalagnat ito ay pinalitan niya ng maligamgam na tubig ang dala kanina. Hinubad niya ang jacket na suot nito at pinunasan ang mukha, mga kamay, at braso ng babae. Nang matapos ay kinumutan na lamang niya. Gustuhin niya mang palitan ng damit ang babae ay hindi na lang din niya ginawa. Masyado na itong naging pahirap sa kaniya!

Hinawi niya ang ilang hibla ng buhok na nakatabon sa mukha ng babae. Maamo pala ang mukha ng babae, tipong kahit na buong magdamag itong titigan ay hindi nakakasawa.

“Anghel kapag tulog, demonyo naman kapag gising!”

Halos hindi na niya maalis ang tingin dito nang biglang magdiliryo ang babae.

Bigla na lamang nanginig ang katawan nito at umungol. Hahawakan na sana niya nang magsalita ang babae, malabo ang mga una nitong sinambit, ang huli lang ang naging malinaw sa pandinig niya. “...gagawin kong misirable ang buhay niyo!” ani nito bago nagsisisigaw.

Sino naman kaya ang tinutukoy nito? Mapait siyang napangiti. Mukhang parehas sila ni Raven na may inaalagaang poot sa puso nila. Nang kumpirmahin ng ama niyang ampon nga nito ang babae ay nag-background check siya agad tungkol dito. Ang sabi ng ama ay batang lansangan noon ang babae nang kupkupin niya. Ang sabi naman ng kaibigan nitong si Cindy ay inampon din ng ama nito si Raven pero hindi nagtagal sa kanila ang babae dahil pinalayas din nilang mag-ina ang babae noon.

Walang sigurado sa katauhan ng babae, ang bagay na sigurado lang siya ay hindi nito tunay na pangalan ang gamit nito at parehas nilang pinili ang manatili sa multo ng nakaraan.

Hinawakan niya ito para pakalmahin. Sinilip niya ang mukha nito nang mangibabaw ang katahimikan, nakatulog palang muli ang babae. Hindi niya namalayan na nakayakap na pala siya kay Raven. Inalis niya kaagad ang pagkakayakap sa dalaga at iniwaglit ang kung ano mang isipin na pumasok sa kaniyang isipan.

Nang masigurong maayos na ang babae ay bumaba na siya sa sala. Na pagdesisyonan niyang sa sala na lang matulog.

Habang nakapikit ay pumasok sa balintataw niya ang imahe ng isang babae at lalaki. Umiiyak ang babae sa bisig ng lalaki. Unti-unting luminaw ang imahe ng dalawa, ngayon ay malinaw na niyang nakikita si Raven na umiiyak habang yakap ng isang ‘di pamilyar na lalaki.

Boyfriend niya kaya iyon? Tsk! Walang taste sa lalaki!

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status