Share

3 - Pagkikita Ng Gangster at ng Prinsipe

KINABUKASAN ay pauwi na si Prince Dylan galing sa kabilang parte ng lugar kung saan nakatira ang mga mababang uri na mga tao. Ang tanging ikinabubuhay lang ay ang pagtatanim ng gulay. Dinalaw niya ang mga ito at tiningnan kung maayos pa ba ang kabuhayan ng mga tao roon.

Malapit na ang prinsipe kasama ng ilang kawal sa palasyo sakay ng kabayo. Nang nakarating sila sa tapat ng palasyo ay bumaba na siya at ang kawal na lang ang kumuha sa kabayo nito papunta sa kwadra. Pumasok siya sa loob at agad naman siyang binati ng mga kawal na nakabantay sa malaking pintuan, yumuko ang mga ito ng sabay-sabay, pero pagpasok pa lang niya ng palasyo ay sinalubong na kaagad siya ni Heneral Agustin.

"Magandang umaga prinsipe, maayos naman ba ang naging paglalakbay mo?"

"Oo, pero kailangan ko munang magpahinga at napagod ako sa paglalakbay." Aalis na sana ito ng pinigilan siya ng heneral.

"Ngunit bago 'yon, pinapatawag ka ng hari. Alam kong pagod ka na ngunit importante ang sasabihin ng iyong ama."

Napabuntong-hininga na lang ang prinsipe dahil gusto na niya talagang humiga at magpahinga, pero kalaunan ay sumama na rin siya kay Heneral Agustin. Pumasok sila sa opisina ng kanyang ama sa parte kung saan may lamesa na kasya ang 6 na tao, dalawa sa magkabilang side at isa sa bawat dulo ng lamesa. Ang kanyang ama ay nakaupo sa dulo at siya naman ay umupo malapit rito.

"Ama, anong pag-uusapan natin ngayon? Gusto ko na sanang magpahinga ngunit sinabi ni Heneral Agustin na may importante kayong sasabihin sa akin?"

Pinagsalikop nito ang mga kamay. "Oo, importante at hindi na puwedeng ipagpabukas pa ito. Mamaya ay kailangan mo muling magsanay kasama si Heneral Agustin."

Nagtaka siya sa sinabi ng kanyang amang hari. "Iyon na ang sinasabi mong importante ama?"

"Oo."

"Pero, bakit agad-agad naman? Hindi pa ako nagkaroon ng pahinga galing sa paglalakbay ng may kalayuan na lugar, ama."

"Puwede ka ng magpahinga ngayon, pero bago sumapit ang takip-silim ay gising ka na dapat at magsanay muli."

Nakakunot ang noo niya habang nakatingin sa kanyang ama. "Hindi po ba puwedeng sa ibang araw na lang ako magsanay?"

"Hindi, kahit isang oras lang ay puwede na 'yon at pagkatapos ay puwede na kayong huminto."

Nagtataka talaga siya sa sinasabi ng kanyang ama na hindi niya maipaliwanag, magsasanay ng isang oras. Ang tagal ng oras ng pagsasanay nila ni Heneral Agustin ay umaabot minsan ng limang oras, tapos ngayon ay isang oras lang? Ano pa ang magagawa nila kung isang oras lang na pagsasanay ang gagawin, pero dahil utos ng kanyang ama ay sumunod na lang siya.

"Kung ganon, pupunta na po ako sa kwarto ko at magpahinga at gigising bago sumapit ang takip-silim." Tumango ang kanyang ama at saka tuluyan na siyang lumabas ng kwarto na 'yon.

Samantala naiwan si Heneral Agustin at si King Stephen. "Pumunta ka sa kwarto ni Adira, sabihin mo na pumayag na siya."

Nagbigay galang muna si Heneral Agustin bago lumabas ng kwarto at nagpatuloy papunta sa kwarto ni Adira.

"Binibini, maaari ba akong pumasok?!" may kalakasan na sambit ni Heneral Agustin sa tapat ng pinto ng kwarto ni Adira.

Bumukas naman ito at nagtuloy na pumasok si Heneral Agustin. "Magandang balita, narito na ang prinsipe sa palasyo, pumayag na siya at bago mag takip-silim ay saka kami magsasanay. Kung gusto mong lihim na manood ay doon ka pumunta sa tuktok ng palasyo para kitang-kita mo kung paano siya gumalaw at kung ang paningin mo ay katulad ng isang agila. Mag-ingat ka nga lang dahil baka mapansin ka niya at tuluyan na hindi na matuloy ang gusto mong makita sa kanya. "

"Okay sige, makakaasa ka."

"Kung ganon aalis na ako, huwag mong kalimutan bago mag takip-silim ay dapat naroon ka na sa itaas." Tumango naman siya. "Lalabas na ako." Tuluyan ng lumabas si Heneral Agustin at siya naman ay naisipan na matulog na rin hanggang hinihintay ang oras dahil wala naman siyang gagawin sa loob ng napakalaking kwarto na 'yon.

Sumapit ang hapon ay nasa itaas na si Adira, pero hindi pa niya nakikita ang prinsipe sa ibabang bahagi ng palasyo. Nakadungaw lang siya ng matagal bago niya nakitang may lumabas na dalawang tao at pumunta sa isang pwesto na may mga iba't-ibang armas katulad ng pana, espada, at mga kahoy na patulis ang hugis. Sila ngayon ay nasa gitna, maluwag naman ito kaya mas madaling gumalaw.

Hindi niya pa nakikita ang mukha ng prinsipe dahil na sa itaas siya na bahagi ng palasyo, kaya tanging ulo lang nito ang nakikita niya. Pinagmasdan niya na lang ang mga ito dahil naghahanda na sa pagsasanay, pero nakitaan niya na agad ang prinsipe ng kahinaan. Ang paghawak nito ng hawakan ng espada walang lakas at halatang parang humawak lang ito ng bagay na malapit ng bumagsak at mabasag sa sobrang luwag. Nag-umpisang sumugod si Heneral Agustin na nakita niyang mahusay sa pakikipaglaban lalo na sa paghawak pa lang ng espada, pero ang prinsipe ang nakita niyang isang sugod pa lang ng kalaban ay tiyak na napaslang na sa digmaan. Pinagmasdan niyang mabuti ang mga kamay ng dalawa at nakita niya kung paano itinaas ng prinsipe ang espada sa palapit na espada ni Heneral Agustin, at halatang sa lakas ng pagtama ng espada ng heneral ay nakita niyang lumuwag ang pagkakahawak ng prinsipe sa espada. Naalerto siya dahil si Heneral Agustin ay seryoso, pero ang prinsipe ay hindi, kaya puwedeng dumulas ang espada ng heneral at matamaan ang mukha ng prinsipe. Sa sobrang pokus niya sa dalawa natabig niya ang isang maliit na paso, at sa sobrang gulat ay pinanuod niya lang na mahulog ito. Pero natigil ang dalawa sa baba ng bumagsak na ito sa lupa kaya napatingin si Heneral Agustin at ang prinsipe kung nasaan siya, nagtama ang mata nilang dalawa ng prinsipe, kaya agad siyang yumuko.

"Hindi naman niya siguro ako nakita 'di ba?" tanong niya sa sarili.

Samantala napakunot naman ang noo ni Prince Dylan. "Heneral tama ba 'yong nakita ko. Isang binibini ba 'yon?"

Umilap naman ang mata ni Heneral Agustin. "A-ang alin, wala naman akong nakita?"

"Parang tao talaga ang nakita ko at isang babae pa."

"Baka namalikmata ka lang kamahalan?"

"Pero—" Napatingin ang prinsipe sa paso na bumagsak at agad binitawan ang hawak niyang espada. "Hindi maaari ang halaman ko!" Pag-aalala niya sa halaman na wala ng paso at naghiwalay na ang mga lupa pati na rin ang tanim na halaman at kung saan-saan na napunta. "Yung halaman ko!"

Napakunot naman ang noo ni Heneral Agustin sa sinabi ng prinsipe. "Halaman mo mahal na prinsipe?"

"Oo, akin 'to. Ang tagal ko ring pinalago tapos babagsak lang." Napatingin siya muli sa tuktok ng palasyo at naglakad ng mabilis papunta roon.

Samantala si Adira ay sumilip muli sa ibaba, pero wala na si Prince Dylan at ang heneral.

"Nasaan na sila?" Nagulat na lang siya ng malakas na bumukas ang pintuan papunta kung nasaan siya.

Natigilan siya saglit at ang lalaking nakatayo ngayon ilang hakbang ang layo sa kanya. "Ikaw!" Nakaturo pa ang isang daliri nito sa kanya. "Ikaw ang dahilan ng pagkahulog ng halaman ko!" Pinaningkitan pa siya nito ng mata.

Hindi muna siya nagsalita dahil kasalanan naman talaga niya na bumagsak ang paso, pero ang pinagtataka niya ay bakit ganon na lang ang pag-aalala nito sa halaman.

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status