Share

Chapter 1

"Thank you, Sister Ann" 

Sabay-sabay na sabi namin at nagmano isa-isa kila sister. Kapag ganitong bakasyon ay sila sister ang nagtuturo sa amin. 

Apat na taong gulang daw ako noong dinala ako dito sa ampunan. Tahimik lang daw ako noong unang beses akong dinala dito. Walang kinikibo at kadalasan, nakatulala lang. Sa totoo lang, hindi ko alam kung ano ang nangyari sa akin at wala rin akong naalala sa nakaraan ko. 

"Hoy, Abegail!" sigaw sa akin ni Marie habang naglalakad kami papunta sa playground. Humarap ako sa kaniya at sumambulat sa akin ang tubig na binato niya sa mukha ko. Ramdam ko ang pagkabasa ng damit ko at rinig ko rin ang tawanan nila magkakaibigan. 

"Ang kapal naman ng mukha mo na iharap 'yang pangit na pagmumukha mo sa amin," sabi naman ni Pia. Hindi ko naman napigilan ang pagtulo ng luha ko. Nagsimula na naman sila. 

"Loser ka talaga," mataray na sabi ni Jasmine at binangga pa niya at nilagpasan niya ako. Samantalang si Marie naman ay tinulak ako at tumatawa lang si Pia habang dinadaanan ako. 

Hindi ko alam kung bakit sila nagagalit sa akin. Wala naman akong ginagawa sa kanila. Sadyang mainit lang ang dugo nila sa akin at araw-araw ay ginagawa nila ito. Sanay na ako pero hindi ko pa rin maiwasan maiyak dahil gusto ko lang naman ng kaibigan at maayos naman ang pakikitungo ko sa kanila.

Tumayo na ako at sinulyapan na lang ang playground na naglalaro na sila. Dahan-dahan akong naglakad papunta sa sleeping quarters namin para magpalit ng damit. 

Kung tutuusin ay masiyado na akong matanda dito sa ampunan. Sa totoo lang kami nila Marie ang pinakamatanda dito. Kadalasan sa mga bata dito ay na-aampon na kaagad sa edad na dalawang taong gulang hanggang pitong taong gulang. Swerte sila kapag may pumipili sila at inaampon pero kalungkutan naman ang hatid no'n para sa iba—para sa akin. Dahil isang kaibigan na naman ang aalis at hindi na naman kami napili. Gusto lang naman namin magkaroon ng pamilya pero hindi namin alam, kung bakit iyon ipinagkait at patuloy na ipinagkakait sa amin pero sabi nga nila sister—may dahilan kung bakit nangyayari ang lahat ng ito at kumakapit ako sa dahilan na iyon. 

Ilang beses ko na rin narinig kila sister na kapag kami ay tumuntong sa edad na labing-anim ay kakailanganin na namin umalis sa ampunan at maghanap ng sariling trabaho at bahay para sa amin. Alam ko na ayaw iyon nila sister pero dahil kailangan pa ng ibang batang ulila na may matitirhan, kailangan nila iyon gawin sa amin. Kung dumating naman na sa puntong iyon ay tatanggapin ko iyon ng buong-buo. Magpapasalamat pa ako kila sister dahil minahal, pinalaki at inalagaan nila kami dito na parang tunay nilang mga anak.

Nagpalit ako kaagad ng damit sa sleeping quarters dahil baka magkasakit ako kapag natuyuan ng pawis. Napadako naman ang tingin ko sa kama ng batang kaka-ampon lamang kahapon. Sa totoo lang, naiinggit ako. Sana ampunin na rin nila ako, ayokong iwan ang pamilya ko dito pero gusto ko rin naman magkaroon ng sarili kong pamilya. Gusto kong maranasan tumawag ng 'mama' at magdadala sa akin sa mga lugar na gusto ko. 

Lumabas na ako sa sleeping quarters at pumunta sa canteen para sumilip kung ano ang tanghalian ngayong araw. 

"Hello, Ate May!" sabi ko sa isang taga-luto namin dito. 

"Jusko kang bata ka, oo oh! Ginulat mo naman ako, Abegail!" sabi ni Ate May at napahawak pa sa dibdib niya. 

"Sorry na, Ate May," nakangusong sabi ko at pinameywangan lang ako nito. 

"At bakit nandito ka na naman?" sabi niya at natawa naman ako kasi alam naman na niya ang dahilan nagtatanong pa siya. 

"Sisilip lang po ng pagkain," nakangiting sabi ko. Nakangiting umiiling naman si Ate May at nagpatuloy na sa paghihiwa. 

Agad naman akong tumulong sa kaniya sa kusina at hinugasan ang mga gulay na hihiwain niya para sa pagkain namin ngayon. Hinugasan ko na rin ang mga pinag-gamitan niya para bawas sa nakakalat sa gawaan niya. Hindi na ako pinigilan ni Ate May kasi sanay na siya sa akin. Pagpatak ng alas diyes ng umaga ay dito na ako kaagad dumidiretso, lalo na kapag nakasalubong ko ang grupo nila Pia. Noong una ay todo ang pagpapaalis niya sa akin dito at binantaan pa na isusumbong ako kila Sister Mary kapag hindi ako tumigil pero sa huli ay siya rin naman ang sumuko. 

Naghahalo na si Ate May ngayon ng sabaw namin ng bigla niya akong tanungin. 

"Bakit hindi ka palagi lumalabas sa playground para makipaglaro sa kanila?" tanong ni Ate May. Natigilan ako sa tanong niya pero sumagot din kaagad. 

"Masiyado na akong matanda para maglaro, Ate," sabi ko at tumawa na lang para pagtakpan ang kalungkutan na nakapaloob doon.

Natatakot akong pumunta doon dahil panigurado, ib-bully na naman ako nila Jasmine. Noong unang beses na tumapak ako sa playground, mukha ko ang unang nakaranas ng lupa doon. Itinulak kasi ako ni Marie at dahil hindi ko iyon inaasahan, diretsong sa mukha ko ang tama no'n. Pinalagpas ko iyon dahil akala ko ay hindi naman nila iyon sinasadya. Tahimik na lang akong naglaro noon pero nagulat ako noong nasa slide ako ay may tumulak sa akin pababa. Agad akong nagpagulong-gulong sa slide at sobra ang takot ko noon na baka mamatay ako dahil ang taas ng slide na iyon pero bago pa 'man dumiretso ang ulo ko sa lupa ay may sumalo na sa akin at siya si Andrea—ang tanging kaibigan ko dito sa ampunan. 

"HOY, ABBY!" 

Biglang may sumigaw sa tainga ko at napatalon ako dahil doon. Nagmamadali akong humarap sa taong iyon at nakita ang tumatawang si Andrea. 

"Ano ba naman 'yan, Andeng!" sabi ko habang hawak ang tainga ko. 

"HAHAHAHAHA," tawa pa rin nito na nakahawak pa sa tiyan niya. 

"Isa ka pa, Andeng ha! Naku! Nandito na naman kayong dalawa," sabi ni Ate May.

"Ito kasi si Abegail, Ate May! Hindi na naman pumunta sa playground, hintay ako nang hintay sa kaniya doon. Hinala ko nandito na naman siya at ha! Tama ako!" Tuwang-tuwa sabi nito at pumapalakpak pa. 

"Masiyado na raw kasi siyang bata para sa playground, Andeng," pang-aasar sa akin ni Ate May. Napalunok ako dahil alam kong hindi biro ang dating kay Andrea no’n. Naging mariin ang titig sa akin ni Andrea dahil doon, alam niya. Alam niyang may ginawa na naman sila Pia sa akin. 

"Sige, Ate May! Dalhin ko na sa playground 'tong matanda kong kaibigan," sabi ni Andrea at binigyang diin pa ang 'matanda'. 

"Okay. Sabihan niyo na rin ang mga ibang bata na malapit ng maluto ang tanghalian ha," pagpapa-alala sa amin ni Ate May at agad naman kaming tumugon. 

"Sabihin mo nga sa akin, ano na naman ang ginawa sa iyo nila Jasmine ha," medyo galit na sabi ni Andrea sa akin habang hila-hila ako. 

"Wala! Ayos lang ako, Andeng! Kaya kung susugurin mo sila, 'wag na," sabi ko habng pinipigilan siya sa paglalakad. 

"Hindi ko naman sila susugurin eh," sabi niya. Bumitaw naman ako sa kaniya at pagod ko siyang tinignan. 

"Kilala kita, Andrea. Huwag na kasi, ayoko ng gulo," malumanay na sabi ko. 

"Tignan mo, may ginawa nga sila!" siguradong-sigurado na sambit ni Andrea. 

"Hayaan mo na lang. Ayoko ng palakihin pa 'to," pagmamakaawa ko sa kaniya at ilang minuto kaming natahimik. Maya-maya ay nakita ko ang pagtango niya. 

"Ngayon lang 'to ha! Sa susunod, kakausapin ko na talaga sila Marie!" sabi ni Andrea na nakapagpangiti sa akin. 

Pagkatapos no'n ay pumunta na kami sa playground para sabihin na malapit na ang oras ng pagkain. Tuwang-tuwa kami ni Andrea sa mga baby na nandito sa ampunan dahil mukha silang mga inosente pero nalulungkot ako dahil sanggol pa lamang sila pero ayaw na sa kanila kaagad ng mga magulang nila. Minsan ay nilalaro rin namin sila. 

Si Andrea ay dumating dito tatlong taon na ang nakakalipas. Naalala ko noon na sobrang taray niya at palagi niya akong sinusungitan pero dahil siguro sa kakulitan ko, naging okay siya sa akin kahit papaano. Lalo kaming naging malapit noong tinulungan niya ako mula kila Pia. 

Ang kuwento sa akin ni Andrea ay limang taong gulang daw siya ng maulila siya. Namatay ang nanay niya sa isang sakit habang ang ama naman niya ay isang drug addict at napatay noong nagka-raidan sa pinagtatrabahuan niya. Naawa ako kay Andrea noong kinukwento niya ito sa akin dahil sinabi sa kaniya iyon lahat ng diretsuhan ng mga kamag-anak niya. Hindi 'man lang inintindi na masiyado pang bata si Andrea para malaman iyon lahat-lahat at intindihin. 

Simula noon ay dinala siya sa tita niya pero 'di kalaunan ay binigay naman sa kapatid ng lola niya. Maayos naman daw ito kasama at mahal na mahal siya nito pero sa katandaan na rin, binawian ito ng buhay at ang mga anak naman nito ang kumupkop sa kaniya. 

Sa loob ng dalawang taon, pinagpasa-pasahan siya. Ibibigay sa mga kamag-anak niya, iiwan sa kapitbahay. Dadalhin sa mga malalayong kamag-anak nila sa iba't ibang lugar pero iisa lang ang rason nilang lahat—hindi na nila kaya pang mag-alaga ng isa pang bata. Kaya ang ginawa na lamang nila ay dinala nila si Andrea dito sa ampunan para ipa-ampon.

Ayon naman kay Andrea, mas ayos daw na dinala na lang siya dito dahil dito sa ampunan, mas makakakain siya ng maayos, may komportableng matutulugan, may pag-asang makahanap ng bagong pamilya at higit sa lahat, nakilala raw niya ako. 

Naglakad na kami sabay ni Andrea papunta sa canteen. Ang ibang mga bata naman ay nagtatakbuhan pa doon para malaman kung ano ang tanghalian ngayon dahil kung gulay ay magu-unahan sila. Sinanay kasi kami nila sister dito na kumakain ng isda at gulay. 

"Tabi nga," sabi ni Marie at binangga ako sa balikat. 

"Ano ba 'yan? Pakalat-kalat ang mga b****a," sabi ni Pia at nag-apir naman sila ni Jasmine.

"Oo nga eh, pakalat-kalat kayo," sagot naman ni Andrea sa kanila. Kinurot ko naman ng mahina si Andeng sa braso pero hinampas niya lang ang kamay ko at sinamaan ako ng tingin. 

"Ay, nandiyan pala ang tagapagtanggol niya. Kaya naman pala iba ang amoy ngayon eh, dalawa kasing b****a ang nasa harap natin," sabi ni Jasmine at tumawa ng malakas.

"Mas mukha pa nga kayong b****a kaysa sa'min eh," pabalang na sagot ni Andrea sa kanila at akmang susugod ng pigilan ko siya.

"Huwag na," sabi ko. Malakas namang tumawa ang tatlo sa harap namin habang nauna sa paglalakad. 

Halos may pagkain na ang lahat noong dumating kami sa canteen. Pumila na rin kami para makakuha na at makaupo na. 

Ang tanghalian ngayon ay pinakbet at pritong daing. Paborito ko! Masaya akong nakapila habang naghihintay. Ito talaga ang isa sa mga dahilan kung bakit medyo nagpapahuli kami ni Andrea dahil kapag sa mga dulo na, marami na ang servings. Buti na lang nasa dulong-dulo ng pila ang grupo nila Pia dahil baka mamaya ay patirin na naman nila ako. Sayang ang pagkain, grasya din 'yun ng Diyos. 

Noong ako na ay nakangiti kong inilahad ang tray ng paglalagyan ng pagkain ko. Nakangiti naman si Ate May at Sister Mary sa akin habang naglalagay sila. Alam na alam nila na ito talaga ang paborito ko. 

"Thank you, Ate May! Thank you, Sister!" masiglang pagpapasalamat ko at sinundan na si Andrea at umupo na rin sa napili namin na pwesto. Wala munang kumakain dahil magdadasal muna at sabay-sabay dapat lahat kakain. 

Nakita naman namin ang tatlo na sila na pala sa pila. Naunang nabigyan si Jasmine at alam kong ayaw niya sa isda. Hindi siya kaagad nakalakad ng makita ang pagkain na nasa plato niya. Kitang-kita ko ang pandidiri niya doon at pagtutol na kainin iyon. Sa kasamaang palad nasa likod niya si Marie na gustong-gusto ang ulam din ngayon at nabangga niya si Jasmine na naging dahila ng pagbagsak nila. Natawa naman kami ng palihim ni Andrea doon at okay na sana kaso nadapa rin si Pia sa paa ni Marie at bumagsak din siya sa sahig. 

Grabeng pagpipigil ang tawa na ginawa namin ni Andrea. Sa karma na lang ako kumakapit sa mga ganti ko sa kanila. Halos magkapareho lang kami ng mga interes ni Andrea kaya rin kami nagkasundo. 

Hiling nga namin na ma-ampon na kami at sana ay sabay kami at baka maging magkapatid pa kami pero ang hindi ko inaasahan ay kinabukasan… 

Inampon si Andrea.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status