Share

Chapter 2

Kinagabihan ng araw na iyon, napansin ko ang tila ba pagka-aligaga ng mga tao sa orphanage. Nag-aayos sila ng mga kwarto, naglilinis ng playground at naglampaso sa sahig. May mangyayari ba bukas? May bibisita ba ulit? Mukhang napaka-importante ng mangyayari bukas ah. Puna ko habang tinitignan ang mga tao na mataranta. 

May isa pang pumasok sa isip ko habang ginagawa nila ito. Kapag kasi may dadating na mga tao para umampon, ginagawa nila ito. Narinig ko naman sa gilid ko ang pag-uusap nila Jasmine. 

"Mukhang may mag-aampon na naman bukas ah," sabi ni Marie habang tinatanaw sila Sister Mary na kausap sina Mang Tonio at Mang Mario– mga taga-linis sa orphanage. Napansin naman ako ni Pia na nakatingin sa kanila. 

"Ano'ng tinitingin-tingin mo diyan?" mataray na tanong nito at umirap pa. 

"Bakit? Bawal tumingin?! Irap, irap ka pa diyan, hugutin ko mata mo eh," mataray na balik sa kanila ni Andrea na biglang sumulpot sa gilid ko. "Hindi naman maganda."

Hinampas ko naman si Andrea sa sinabi niya. Masama ang manira ng kapwa, turo iyon nina Sister. Ang sabi ni Sister Mary at Sister Ann, kapag binato ka ng bato, batuhin mo ng tinapay. 

"Sana ma-ampon na tayo 'no? Gusto ko na ulit maranasan at maramdaman ang pagmamahal ng isang pamilya," malungkot na sabi ni Andrea. Inakbayan ko naman siya dahil sa sinabi niya. 

"Tiwala lang, Andeng! Magkakaroon din tayo ng pamilya! 'Wag ka mawalan ng pag-asa. Mahaba pa ang panahon, panigurado, dadating din ang tamang mga tao para sa atin," sabi ko at ngumiti sa kaniya. Tuluyan na niya akong niyakap habang hawak-hawak sa aming mga puso ang pag-asa na iyon. 

"Ang drama jusko," pagpaparinig ni Jasmine pero hindi na lang namin pinansin. 

Pagsapit ng alas nueve ng gabi, tumunog na ang bell ni Sister Mary—hudyat ng oras nang pagtulog namin. Sabay-sabay naman kaming sumampa sa kama at lumapit naman sa amin si Ate Jen para i-check kung lahat ba ay nandito na sa sleeping quarters namin. Nang masigurado niya na kumpleto kami, lumabas na siya. 

Nagtalukbong na ako ng kumot at pinilit na matulog pero patuloy pa rin ang pagbaha ng mga tanong sa utak ko, kasabay pa ang mabilis na pagtibok ng puso ko dahil sa kaba. Ma-aampon kaya ako bukas? Magkakapamilya na ba ako? Mabait kaya sila? Magustuhan kaya nila ako? Kapag ba sinabi ko na gusto kong isama namin si Andrea, papayag kaya sila? 

Naramdaman ko na may kumalabit sa akin kaya hinarap ko iyon at nakita si Andrea na gising na gising pa rin. Magkatabi ang mga kama namin kaya hindi siya nahirapan na gawin 'yon. 

"Hindi ka ba makatulog?" pabulong na tanong niya. Umiling naman ako sa tanong niya at nakita ko siyang bumuntong hininga. 

"Kinakabahan ako, Abby. Sana magustuhan nila tayo," sabi ni Andrea at pumikit na tila humihiling. 

"Sana nga, Andeng at saka, sana parehas nila tayo mapili," sabi ko habang nangingilid na ang luha sa aking mga mata. 

"Umaasa ako, Abby. Umaasa ako," sabi ni Andrea. Buong gabi na iyon ay nagkuwentuhan lang kami patungkol sa mga kung ano-anong bagay. Madistract 'man lang namin ang mga sarili namin sa kabang nararamdaman namin ng gabing iyon. 

Nagising kami sa tunog ng bell ni Sister Mary. Patuloy niya iyon na ginagalaw hanggang hindi nagigising lahat. 

"Maghanda na kayo at dadating na ang pamilya na mag-aampon ngayon!" masiglang sabi ni Sister Mary sa amin na nagbigay tuwa sa nakararami. 

"Okay po, Sister!" masayang sabi ng lahat at akmang aalis na si Sister Mary ng bigla siyang humarap ulit. 

"May nakakalimutan yata kayo?" parang nang-aasar na tanong ni Sister Mary kaya sabay-sabay kaming bumati. 

"Magandang umaga po!" 

Nagmadali kaagad ang lahat sa pag-aayos. Ang iba ay sinuot ang pinaka-makukulay at pinakamagara  nilang mga damit. Nakita ko rin ang iba na naglalagay ng mga cute nilang clip at hairpin para mas kapansin-pansin sila. 

Ako naman ay sinuot ang pinakapaborito kong puting bistida na iniregalo nina Sister Mary at Sister Ann sa akin noong nakaraang pasko. Tuwing may dadating na pamilyang mag-aampon, ito ang isinusuot ko. 

"Ang ganda mo talaga, Abby! Bagay talaga sa'yo ang dress mo," puri ni Andrea sa akin. Siya naman ay suot niya ang paborito niyang itim na medyo pa-balloon na dress. 

"Tara na, dumating na sila," anunsyo ni Ate Jen. Gusto ko na rin sana makipagsabayan sa kanila na nagmamadali kaso naiihi ako. 

"Andeng, mauna ka na, iihi lang ako," sabi ko kay Andrea at agad naman itong tumango.

Lumabas na ako sa sleeping quarters at nagtungo na sa banyo. Nasa dulo ito ng hallway, dalawang pinto mula sa sleeping quarters namin. Mabilis naman akong pumasok sa isang cubicle at umihi. Nahahati pa rin kasi sa cubicle ang banyo at may shower rin sa bawat isa. Nag-aayos na ako ng marinig ko ang isang click. Hindi ko na lang pinansin kasi baka may nalaglag lang sa labas. Nagmamadali kong binuksan ang cubicle dahil baka nagpapakilala na sila pero pagpihit ko ng doorknob, ayaw nito bumukas. 

"Tao! Tao po!" sigaw ko. Malayo sila dito sa pwesto ko kaya hindi nila ako kaagad maririnig pero sumisigaw pa rin ako para manghingi ng tulong. 

"Tulong! May tao dito!" sigaw ko ulit. 

"Tulong! Tulungan niyo ako! Nandito ho ako!" pagsubok ko pero walang dumating. 

Nagpasya ako na magpahinga na muna. Tumutulo na rin ang pawis ko dahil sa pagod ng kaka-katok at kalabog sa pinto, isama pa ang pagsigaw ko. Sumandal na lang muna ako sa lababo para maghintay ng papasok. Panigurado may papasok dito dahil iihi rin sila panigurado. 

"Ay! Nasira po ang lock niyan. Sa lobby na lang po kayo mag-cr," rinig kong may nagsalita medyo malapit sa akin. Agad akong tumakbo papunta sa pinto at kumatok doon ng tuloy-tuloy. 

"May tao po dito! Ilabas niyo na po ako!" sigaw ko pero yabag lang papaalis ang narinig ko. 

"Manigas ka diyan," biglang may nagsalita sa pinto at nakarinig ako ng malalakas na tawa. Teka, boses ni Jasmine 'yon ah. 

"Jasmine?! Jasmine! Tulungan niyo naman ako oh. Hindi naman ako galit sa inyo eh—sa mga pinaggagawa niyo. Basta tulungan niyo lang ako makalabas oh, sige na please," pagmamakaawa ko habang umiiyak pero wala akong narinig na sagot mula sa kabila. 

Napadaus-dos na lang ako pababa habang nakasandal sa pinto at walang humpay pa rin ang pagtulo ng luha ko. Matagal na minuto ang lumipas at humihikbi pa rin ako. 

"TULUNGAN NIYO AKO!" ubod ng lakas kong sigaw, nagbabaka-sakaling sa pagkakataon na ito ay may makarinig na ng daing ko pero sa huling pagkakataon, wala pa rin. Unti-unti na akong nawawalan ng pag-asa ng makita ko ang mop sa gilid. 

Nagmamadali akong tumayo at lumapit doon. Kinuha ko ito at kahit mabigat ay pinilit kong buhatin ito. Ubod ng lakas ko itong hinampas sa doorknob at nakita na medyo nayupi ito. Nabuhayan ako ng loob ng makita iyon, kaya ibinuhos ko na ang lakas ko at inihampas ko ito ulit. Nasira ang doorknob at nagmamadali akong lumabas. Nakasalubong ko pa si Ate Jen na nagtataka kung bakit magulo ang ayos ko. 

"Abegail! Ano'ng nangyari sa'yo?" tanong ni Ate Jen sa akin pero nagmamadali akong dumiretso sa lobby pero wala ng tao doon. 

"Ate Jen, nasaan na 'yung pamilya?" mahinang tanong ko habang nakatingin sa lobby ng orphanage. 

"Kanina pa sila nakaalis, anak. Bakit wala ka doon kanina?" sabi ni Ate Jen. Tumulo ulit ang panibagong luha sa aking mga mata. Nalagpasan na naman ako ng pagkakataon na magkaroon ng sariling pamilya. 

"Wala po, Ate Jen," mahinang sabi ko. "Salamat po."

At naglakad na ako papunta sa sleeping quarters. Magbibihis muna ako bago hanapin si Andrea pero pagdating ko doon, nagtaka ako kung bakit walang mga gamit sa kama ni Andrea. Dinagundong ng kaba ang dibdib ko sa ideyang pumasok sa isip ko. Sana mali ang naiisip ko, sana hindi siya umalis. 

Pumunta ako sa office nina Sister Mary at Sister Ann. Kumatok muna ako bago binuksan ang pinto. 

"Oh, Abegail," sabi ni Sister Ann pagkakita sa akin. 

"S-Sister, bakit wala po ang mga gamit ni A-Andeng sa k-kwarto?" nauutal kong tanong dahil sa kaba. 

"Hindi ba nasabi ng ibang mga bata sa'yo?" tanong ni Sister Mary na biglang nagpatindi ng kutob ko. "Si Andrea ang napiling ampunin."

Bumagsak ang puso ko ng marinig iyon. Si Andrea… Si Andrea na tanging kaibigan at pamilya ko dito ay wala na. Napahikbi ako at tinakpan ang bibig ko. Naramdaman ko naman ang pagyakap sa akin ni Sister Mary. 

"Tahan na, anak. Magkikita pa rin kayo, huwag kang mag-alala. Malaki ang mundo, mahahanap at mahahanap mo siya," sabi ni Sister habang hinahagod ang likod ko na tila ba ako'y pinapakalma. 

Simula nang araw na iyon. Naging tahimik na ako at halos walang kinikibo. Nagtataka na rin si Ate May kung bakit hindi na ako pumupunta sa kusina pero hindi na siya nagtanong pa. Sila Sister Ann at Sister Mary naman, araw-araw akong ipinapatawag sa counselling room para kamustahin ako at ang araw ko. May mga bagong bata na dumating pero wala ni isa sa kanila ang naging kaibigan ko. 

Dahil nga wala na dito sa ampunan si Andrea, ang tagapagtanggol ko. Lalong lumala ang pambubully sa akin ng grupo ni Jasmine. Naroon pa ang sadya nilang pagsira ng mga gawa ko, sadyang pagbuhos ng mga b****a sa akin at pagpapahiya sa harap ng ibang bata. Hindi ko magawang lumaban sa kanila dahil alam kong kapag nagsumbong ako ay walang maniniwala sa akin. Kaya mas pinipili ko na manahimik na lang.

Nagsimula na rin kaming pumasok ulit sa eskwelahan at doon, lalo akong nahirapan. Umabot sa paaralan ang panunukso at pangangantiyaw sa akin. Sinasabihan ako na salot dahil wala akong mga magulang. May nagsasabi rin na iniwan ako ng mga magulang ko kasi pangit daw ako at mabaho. Masakit marinig sa kanila ang mga iyon pero totoo naman eh. Iniwan ako ng mga magulang ko pero ni minsan, hindi sumagi sa isip ko na magalit sa kanila kasi lagi kong naaalala ang mga sinasabi ni Sister Ann sa amin. 

"Lahat kayo ay nandito dahil mahal kayo ng mga magulang niyo. Gusto lang nila na mapabuti kayo, kaya nandito kayo sa piling namin. May dahilan ang lahat ng nangyayari, pakatatandaan niyo 'yan."

Paulit-ulit 'yan sinasabi sa amin ni Sister, lalo na kapag may mga bata na bagong dating sa amin. 

Taon ang lumipas at unti-unting nauubos ang mga bata dito sa orphanage. Lahat sila nagkakaroon nang pamilya. Masaya na sila pero ako nandito pa rin, walang pumipili pero ayos lang. May plano sa akin ang Diyos at tiwala ako sa kaniya. 

"Kawawa ka naman hanggang ngayon nandito ka pa rin," pang-aasar ni Pia at umaktong naiiyak pa. 

"Oo nga, ang dugyot mo kasing tignan kaya walang pumipili sa'yo eh," tumatawang pahayag ni Jasmine. 

"Amoy b****a pa," pagsali ni Marie sa kanila.

Tatlong taon rin ang lumipas pero nandito pa rin silang tatlo—patuloy pa rin na nagpapahirap sa buhay ko. Hindi ko na lang sila gaanong pinapansin dahil siguro, nalulungkot lang din sila dahil walang pumipili sa kanila, kaya ibinunuhos na lang nila sa akin ang frustrations nila at kahit papaano maging masaya. 

"Ayos lang," sagot ko sa kanila. 

"Nandito pa rin naman kayo eh," pagpapatuloy ko at ngumiti. Nakita ko naman ang disgusto sa mukha nila na nakapagpatawa sa akin. 

Pero isang malaking akala ko lang pala iyon dahil sunod-sunod din silang na-ampon ng mga pamilyang dumating. Naging payapa ang buhay ko simula noon pero hindi ako masaya. 

And that's when I established my goals. 

Ang sabi ko sa sarili ko, mag-aaral ako, magtatapos ako at hahanap ng disenteng trabaho. Magtatrabaho ako ng mabuti at mag-iipon dahil gusto kong hanapin ang pamilya ko. Galit 'man sila sa akin, okay lang! Basta ako, hindi ako galit sa kanila at mahal na mahal ko pa rin sila. 

Apat na taon muli ang lumipas at malapit na ako mag-disesais anyos. Malapit na akong umalis dito sa ampunan dahil walang pamilya ang kumuha sa akin. Matagal ko ng hinanda ang sarili ko kung darating 'man ang araw na ito. Kailangan ko nang maging matatag at responsable dahil magiging mag-isa na lang talaga ako sa buhay. 

Nasa kwarto ako habang iniisip 'yon ng biglang dumating si Kuya Steve—ang taong bumago ng buhay ko.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status