Share

Kabanata 3

Berdeng Mata

Nakapikit ako habang dinadama ang paligid. Masakit parin ang aking buong katawan, idagdag pa ang mga mahahapding sugat na lubos na nagpapahirap sa aking pakiramdam.

Ang kinalalagyan ko, gumagalaw ito. Parang nakasakay ako sa kung saan. Hindi ko pa sana nais imulat ang aking mga mata ngunit bumaha sa alaala ko ang mga pangyayari bago ako tuluyang nilamon ng dilim.

Dali dali akong bumangon. Kinakabahan at nagtatakang tiningnan ko ang kinasasadlakan.

Minulat ko ang mata ko.

Bakit purong itim parin ang nakikita ko?!

Ilang beses kong sinubukang kumurap ngunit wala itong epekto!

Bulag na ba ako?

Itinaas ko ang kamay ko, umaasang may makakapa akong dingding o kahit anong bagay sa paligid. Hindi nga ako nagkamali dahil isang magaspang na bagay ang aking naramdaman. Kinapa ko pa itong mabuti, tila ang magaspang na teksturang ito ay ang buong dingding.

Pinagpatuloy ko ang paggamit sa aking pandama hanggang sa naramdaman ko na lamang na biglang tumigil sa paggalaw ang kinalalagyan ko.

Isang liwanag mula sa harapan ang sumilaw sa akin. Hirap man ay pinilit ko itong inaninag. Tila nagbubukas ito, mula sa itaas na bahagi hanggang sa maibaba ang bagay na naging hadlang upang masilayan ko ang kaganapan sa paligid.

Pagkababang pagkababa ng inaakala kong magagaspang na dingding ay sumalubong sa akin ang malamig na pares ng abong mata.

Nanginginig ako nang makilala ko kung sino siya.

Bakit siya nandito! Nasaan si Ina?! Anong nangyari kay Ina?!

Naluluha na ako sa pag aalala. Lalong lumakas ang tibok ng puso ko nang iniangat niya ang kanang kamay at inutusan muli ang kanyang mga rosas.

"Ilabas niyo ang babaeng yan." Nagmistulang mga tapat na kawal ang kanyang mga rosas. Gumapang ito patungo sa kinalalagyan ko kaya't lumayo ako hanggang sa maramdaman ko na ang dulo. 

Wala na akong maatrasan!

Sinipa ko ng paulit ulit ang mga rosas niya.

Hindi pwede! Ayaw ko sa mga rosas na 'yan!

Alam kong hindi na siya nasisiyahan sa pangyayaring nasasaksihan kaya't lalo akong kinabahan. Pumitik siya ng isang beses. Sa isang iglap ay nawala ang mga rosas sa paligid ngunit nanatili ang mga tinik nito.

Gulat akong tumingin sa kanya. Walang ka-amor amor ang tingin niya. Katulad parin ng una ko siyang nakita.

"Hindi ba't hinahanap mo ang Puting Orkids, talulot? Sumama ka ng mahinahon kung gusto mo pa siyang makita." Tumalikod na siya at nagsimulang maglakad.

Puting Orkids? Si Ina ba ang tinutukoy niya?

Sa kagustuhang malaman ang kalagayan ng aking Ina ay kusang loob akong lumabas mula sa madilim na kinalalagyan.

Pagkatapak ko sa labas ay naramdaman ko ang mga damo. Nasa gitna kami ng kagubatan. Nilingon ko ang sinasakyan ko kanina.

Halos mahimatay ako nang makitang isa iyong malaking itim na rosas na hindi pa namumulaklak.

Maari na pala niya akong gawing abo kanina!

Naalala ko na ang bulaklak na iyon ay nagbubunga ng itim na usok. Alam kong nagiging abo ang kahit anong bagay na bugahan ng itim na usok mula sa rosas!

Tumigil sa paglalakad ang babae at lumingon sa akin. Nakita ko ang pagsilay ng ngisi sa kanyang mukha. Kaya't napaatras ako.

"Hawakan niyong mabuti ang babaeng 'yan." Malamig ang tinig ng babae. Nakasuot siya ng itim na salakot, may burdang rosas na hindi pa bumubukadkad sa kaliwang bahagi ng dibdib ng kanyang kapa, meron din itong logo na katabi, hindi ko makita nang maayos anong klaseng anyo ang mayroon sa logong iyon ngunit kulay ginto ang paligid nun.

Umangat ang tingin ko sa kanyang mukha, kasing pula ng rosas ang kanyang labi, lubhang maputi rin ang kanyang balat, katamtaman ang tangos ng ilong, may mala-pusang hugis ng mata, kulay rosas ang buhok, at ang pinakauna kong napansin nang makita ko siya, ang malamig na tingin mula sa kulay abo niyang mata. Ngayon ko lamang natingnan nang maigi ang kanyang bawat detalye.

Nagulat ako ng maramdaman kong may humawak sa magkabilang pala pulsuhan ko. May mga alalay siya! Mukhang mga kawal ito mula sa hindi ko malamang kaharian dahil nakasuot sila ng baluti na kulay ginto.

Nagpatuloy siya sa paglalakad. Elegante ang bawat galaw niya at napakamayumi ngang talaga ngunit hindi mo maikakaila ang palaban nitong awra, tila isang rosas na punong puno ng tinik. Tiyak na masusugatan ka oras na mahawakan mo siya. 

Patuloy parin akong hinihigit ng dalawa niyang alalay upang sumunod sa kanilang amo. Nilagyan din nila ng taling gawa sa baging ang dalawa kong kamay para hindi ako makatakas.

Tumigil siya sa paglalakad, itinaas ang kaliwang kamay at sumenyas kaya naman napatigil din ang dalawang kawal na humahawak sa aking magkabilang bisig.

Pinilit kong tanggalin ang makapal na baging na nagsisilbing tali sa aking dalawang palapulsuhan mula sa likuran ngunit tila wala itong epekto dahil mas lalo pa itong sumikip, dahilan upang makaramdam ako ng hapdi!

Susunod naman ako sa kanya, bakit kailangan pa akong itali?!

Nagsugat na ang aking palapulsuhan sa sobrang higpit nang pagkakatali nito!

Nawala rito ang atensiyon ko nang maramdaman ko ang paggalaw ng halaman sa paligid ko. Naging alerto naman ang dalawang tauhan ng babae sa gilid ko habang pinapanatili ang seguridad na hindi ako makakatakas mula sa kanilang dalawa.

Ang higpit na nga ng pagkakatali, tingin ba nila makakatakas pa ako? Sa lagay kong 'to? Sabagay may mga paa pa naman ako, pwede akong tumakbo anumang oras!

Ngunit paano si Ina?

Sumayaw muli ang mga halaman sa paligid ngunit hindi tulad kanina. Masyado nang malakas ang ihip ng hangin papunta sa iisang direksiyon. Nagmistulang nag bibigay pugay ang mga halaman sa paligid, tila yumuko ang mga ito para sa isang maliit na anino mula sa malayo.

Buryong buryo ang itsura ng babaeng dumakip sa akin habang nakatingin sa maliit na anino. Pinagkrus niya ang dalawang kamay at itinaas ang kaliwang kilay sa astang pagtataray.

Noong una akala ko'y masyado lamang siyang malayo kaya maliit ang aninong natatanaw ko ngunit nagkamali ako dahil maliit talaga siya!

Isang bata!

"Y-yifa! Yifa!" mabagal ang lakad niya at galak na galak ang mukha. Pumapalakpak ang kamay habang tinitingnan ang babaeng nakasuot ng itim na salakot.

"Anong ginawa mo?" Sabi ng babae habang tinitingnan ang batang tingin ko ay nasa tatlo o apat na taong gulang pa lamang. May matambok itong pisngi, matangos na ilong, mamula-mulang kutis at mayroong berdeng pares ng mata.

Ang gwapong bata!

Sinubukang tumakbo ng gwapong bata papunta sa direksiyon ng babae ngunit nadapa lamang siya.

Bumuntong hininga ang babae, tila asar na asar sa ginawa ng bata.

Hindi ba natatakot ang bata sa bruhang 'yan?

Sabagay, mukha namang magkakilala ang dalawa.

Hindi ba niya tutulungan? Kung ako yan baka hindi lang tulong ang gawin ko, baka ampunin ko na yan at iuwi sa bahay.

Namula ang ilong at nagbabadya na ang luha sa mata ng bata.

O, mukhang papalahaw na ito sa pag iyak!

Bago pa man umiyak nang tuluyan ang bata ay mayroong sumibol na mga bulaklak ng mirasol sa paligid niya at tinulungan siyang tumayo.

Ngayon lang tuluyang rumihistro sa utak ko ang mahikang kanina ko pa nasasaksihan. Namamangha parin ako sa mga nangyayari. Totoo nga ang mahika at mukhang hindi ako nananaginip lang basta basta!

Nang tuluyan nang nakatayo ang bata ay ngumiti na naman siya na parang walang nangyari. Umalingawngaw ang halakhak niya sa kagubatan. Tila ito'y kinikiliti.

Mukhang natuwa ang kalikasan sa halakhak ng batang nasa aming harapan dahil umihip ang banayad na hangin, sumayaw ng marahan ang mga dahon ng puno, nagbibigay ng pagbati ang mga ibon sa himpapawid at lumiwanag pang lalo ang haring araw, ngunit hindi sa paraang nakakapaso kundi sa paraang nagbibigay nang init ng kapayapaan.

Nang sa wakas ay nakarating na sa harap ng babae ang bata ay itinaas nito ang dalawang kamay, tila nagpapabuhat.

"Yi-yifa, kalga." Tumalon talon pa ito.

"Mahal na Prinsipe. Ano na naman ang ginawa mo." hindi natutuwa ang babae sa harap ko.

Binaba nang bata ang dalawang kamay at ngumuso. Nawala ang sigla sa berdeng mata niya ngunit nang oras na magawi sa akin ang tingin niya ay parang bumbilya na naman itong nagkabuhay.

Tumakbo sa akin ang bata.

Naku po! Ano ako pangalawang opsyon? Matapos 'di piliin sa akin tatakbo?

Nakarating na sa harap ko ang bata. Bahagya niyang hinila ang aking mahabang saya habang natingala sa akin.

"Kalga?"

Jusko po! Paano pa ako tatanggi niyan? Mukhang anghel ang nasa harapan ko!

"Hindi pwede bata, nakatali ang kamay ko. Pinatali ng bruha." Ibinulong ko lamang ang huling mga kataga.

Nginuso ko pa ang dalawang kawal sa gilid ko. Tiningnan ko ang babae kanina at nakita kong masamang masama ang tingin niya.

O, bakit parang kasalanan ko? Bakit parang ako pa ang nanghuli sa kanya at nagtali, kahit siya naman ang may kasalanan bakit ako nandito!

Tumingin ang bata sa babae.

"Lulot?" Tipid na tumango lang ang babae bilang sagot sa bata.

Ngumuso siya at umupo. Hinawakan ang dulo ng mahaba kong palda mukhang iaangat panga!

"H-hoy! Ano yan! Manyakis kang bata ka! Sinong nagturo sayo niyan?!"

Tumingin ng maamo sa akin ang bata bago mabilisang inangat ang palda ko at hinawakan ang talampakan ko! Muntikan ko na siyang masipa pero nagulat na lamang ako nang guminhawa ang aking pakiramdam.

Nawala na ang hapdi ng talampakan ko dala ng mga sugat kanina habang pilit akong hinihila ng dalawang kawal na ito sa utos ng babaeng kulang sa emosyon.

Unti unti ring natanggal ang pagkakatali ko sa likuran kaya nakahinga na ako nang maluwag. Hahawakan sana ako ulit nang mahigpit ng dalawang utusan ng babae ngunit sumenyas ito na hayaan na lamang ako.

Lumakas ang aking pakiramdam, parang kayang kaya kong makipagsabunutan sa mga unggoy buong araw!

Hindi nakatakas sa aking paningin ang pagbabago ng kulay ng aking buhok. Ang buhok kong kasing itim ng uling ay naging kulay kayumanggi na may pagka pula sa ibang bahagi. Hinawakan kong maigi ang aking buhok at siniguro kong hindi ako namamalikmata lang dala ng gutom.

Ilang saglit pa'y nagbago rin ang kulay ng aking balat. Ang kayumangging balat ko naman na laging nabababad sa arawan ay pumusyaw ng kaunti.

Anong klaseng pampaganda ang nilagay sa akin ng batang 'to? Kailangan 'kong makakuha ng sekretong pormula at ibebenta ko sa mundo nang mga tao! Tiyak na yayaman ako!

Ilang saglit ay tumayo na ang bata at lumingon ulit sa babaeng naka salakot at umiling iling.

"Lulot nana" habang kinakaway ang dalawang kamay parang sinasabing 'wala'.

Bumuntong hininga muli ang babae at tumalikod na. Nagsimula na siyang maglakad, ganun din ang ginawa ng dalawa niyang tagasunod.

Tinanaw ko sila.

Ano? Ganun na 'yon? Matapos nila akong kaladkarin dito. Aalis sila na parang walang nangyari? Anong klase?!

Naputol ang paghihimutok ko sa aking isipan nang maramdaman ko ulit ang pag higit sa palda ko ng batang nasa paanan ko.

Tinaas niya ang dalawa niyang kamay.

"Kalga?"

Walang pag aalinlangan ko siyang binuhat at sa hindi malamang dahilan ay sinundan ng mga paa ko ang direksiyon na tinatahak ng tatlo. Nais ko paring malaman kung nasaan si Ina.

Isiniksik ng batang karga karga ko ang mukha niya sa pagitan ng balikat at leeg ko.

Hinayaan ko lamang siya at pinagpatuloy ang paglalakad hanggang sa marating namin ang maliit na bahay na napapalibutan ng iba't - ibang uri ng bulaklak. May kalumaan na iyon at gawa sa bato, tila nilipasan na ng matagal na panahon.

Binuksan ng babae ang pintuan at pumasok doon, ganun din ang ginawa ko.

Tuluyan na nga akong nilamon ng pantasya nang oras na makalagpas ako sa pintuan, isang paraiso ang nadatnan ko ngunit nang oras na ikurap ko ang aking mata, isang nakapanlulumong tanawin ang aking nakita.

Tila pumasok ako sa ilusyon sa loob ng tatlong segundo. Malayong malayo ito sa buhay na buhay na kapaligirang una kong nadatnan.

Anong nangyari dito?

Walang buhay ang mga halaman, nalalanta ang lahat. Ang mga punong nakatayo pa ay nangingitim ang ibabang parte. Parang unti unti itong nilalamon ng dilim.

"Ipagpatuloy ang paglalakad." Mautoridad na bigkas ng babae sa harapan.

Ilang saglit pa'y may hinugot siyang maliit na sako ng ginto sa loob ng kanyang kapa. Hindi ko alam kung para saan iyon ngunit nalaman ko din ang dahilan ng makitang may nakaabang na dalawang lalaking may maputlang balat sa aming harapan. Nakatayo sila sa gitna ng isang maliit na arko. Tila hinaharangan nila ang dadaanan.

Masama ang tingin nila sa amin.

Tinitigan ko sila, napaatras ako ng biglang nagkulay dugo ang kanilang mga mata.

"Narito na ang bayad Vinetu, gaya ng napagkasunduan." Pawakling inabot ng isang lalaking may maputlang balat ang maliit na sako ng ginto kasabay ng pagsusuri kung totoo ba ito at tama ang bilang.

"Ito na ang huling pagkakataon Sephos." Tumango lamang ang babae. Binibigyang daan na nila kami sa pamamagitan ng pagtayo sa magkabilang gilid ng maliit na arko.

Kinakabahan man, ay pinilit ko nalamang huwag tumingin sa kanila nang oras na dumaan ako sa arko. Nais kong tumakbo dahil napakabagsik ng tingin nila ngunit hindi ko magawa.

Gumalaw ang batang karga karga ko at lalo itong sumiksik sa akin. Banayad ang paghinga niya. Nakatulog na nga ata ang bata.

Nakahinga ako nang maluwag nang nagkaroon na ng sapat na distansya sa pagitan namin at ng dalawang Vinetu. Kung ganun man ang tawag dapat sa kanila.

Kung gayon, Sephos ang pangalan ng babaeng ito? Ngunit tinawag siyang Yifa kanina ng bata, tapos Aoife naman ang tawag ni Ina sa kanya. Ang dami niya namang pangalan.

Tuloy tuloy lang ang paglalakad namin hanggang sa matanaw ko na ang kabilang parte kung saan mayroong buhay na ang mga halaman. Bukod sa may buhay na mga halaman, kapansin pansin din ang isang pinaghalong puti at gintong karwahe na mayroong dalawang puting kabayo sa harapan.

Walang nagbabantay doon. Kataka takang hindi man lang umalis ang dalawang kabayo sa kanilang pwesto.

Lumapit doon sa karwahe si Aoife. Aoife muna ang itatawag ko sa kanya.

"Huy! Anong gagawin mo dyan? Hindi naman 'yan sayo! Huy!"

Hindi nakinig ang babae sa akin. Dirediretso lamang siyang pumasok sa loob ng karwahe. Walanghiya talaga ang babaeng ito, ginagawa niya lahat ng kanyang gusto.

"Bilisan niyong kumilos!" Sumigaw siya mula sa loob kaya naman napairap na lamang ako sa kawalan.

Ang dalawa niya namang alalay ay nagmadaling tumungo sa harapan ng karwahe. Mukhang sila ang mag mamaniobra nito. Ngunit hindi ito sa amin, bakit nila kukunin nang wala man lang pasabi.

Nakita yata ni Aoife na bumagal ang paglalakad ko kaya't matalim ang binato niyang tingin sa akin mula sa bintana ng karwahe.

"Bilisan mong lumakad talulot! Napakabagal mo." Labag man sa kalooban ay pumasok ako sa loob ng karwahe habang inaalalayan ang ulo ng batang karga karga ko.

Mamaya ay mauntog pa ito, kawawa naman.

Nang makaupo ako sa tabi niya ay nakita ko ang pagsulyap niya sa batang hawak hawak ko.

Inangat ko ang aking kamay sa aktong pag aabot sa kanya ng batang karga ko.

Walang pag aalinlangan niya itong kinuha mula sa bisig ko at niyakap niya ito at hinalikan sa noo.

Anak niya naman yata ang batang yan e! Dapat kanina niya pa kinarga.

Nagsimula na ang mabilis na paggalaw ng karwahe. Inabala ko na lamang ang aking sarili sa tanawing nasa labas habang nag uunat. Nangalay ako sa batang iyon!

Muli kong sinulyapan ang dalawa sa aking tabi, hindi nakatakas sa aking paningin ang masama niyang tingin sa bata nang oras na ito'y gumalaw ay sumiksik pa lalo sa bandang dibdib niya.

Ay baka kapatid lang niya yan.

Napansin niya yata ang tingin ko kaya lumingon siya sa akin, patay malisya kong binawi ang tingin sa kanila at sumipol sipol pa. Nagkunwaring tinitingnan ang aming dinadaanan.

Habang tumatagal ang byahe nakikita kong lalong humihitik sa bunga ang dinadaanan naming mga puno. Berdeng berde na ang paligid, buhay na buhay. Malayong malayo sa lugar na kung nasaan kami kanina.

Ilang saglit pa'y tumigil na ang karwahe.

"Narito na tayo sa Niteo, kapitan." anunsiyo ng kawal sa harapan.

Kapitan?

Nilingon ko ang babae sa gilid ko. Umismid lamang siya at mabilis na binigay sa akin ang batang karga karga niya. Bago lumabas ng karwahe

Naramdaman siguro ng bata ang mabilisang paggalaw kaya't nagising na ito.

Papungas pungas ito bago tumingin sa akin at kumunot ang noo.

Delikado ang mga babae oras na masilayan ang berde niyang mga mata. Siguradong mahuhulog ang mga ito sa kanya. Tingin ko'y magiging babaero ito paglaki.

Bahagya akong natawa sa naiisip ko. Bago pa magalit ang bruha ay lumabas na ako ng karwahe. Mamaya ay gamitin na naman niya ang rosas niya laban sa akin. Mahirap na.

Pagkalabas ko ng karwahe ay hindi ko inaasahan ang madadatnan. Tila ako'y nasa isang tunay na paraiso, mayroong malaking kastilyong kumikinang sa pinaghalong marmol at ginto mula sa malayo. Nagliliparang malalaking agila sa himpapawid.

Punong puno ang malawak na lugar ng mahihiwagang nilalang, iba't - ibang bulaklak na may iba't - ibang halimuyak. Ngunit isa lang ang nais iparating nito.

Tahanan. .

"Welcome to Fleur Academy, bata.." bulong ng kung sinuman sa tenga ko.

Nagulat ako nang makitang nagmula ang tinig na ito sa batang karga karga ko! Umalis siya mula sa yakap ko at tumalon sa harapan.

Ilang saglit pa'y napapikit ako nang sumungaw ang isang nakakabulag na liwanag mula sa batang yakap yakap ko kanina!

Oras na nawala ang kakaibang liwanag at iminulat ko ng marahan ang aking mga mata. At doon natagpuan ko ang matipunong lalaking nagmamay ari ng berdeng pares ng mata.

Nakasuot siya ng magarang kasuotan tulad ng mga prinsipeng napapanood ko sa telebisyon ng aming kapitbahay. Mayroong makapal na kilay ngunit saktong sakto ang arko nito, matangos na ilong, mamula mulang pisngi, mapulang labi at ang kabigha bighani niyang mga mata isabay pa ang kanyang kongkretong tindig gaya ng isang respetadong hari.

Inilahad niya ang kanyang isang kamay sa akin. Hindi ako makagalaw. Lubos akong namangha sa mga pangyayari. Lalo na sa batang karga karga ko lamang kanina.

Nang makita niyang hindi ko inaabot ang kanyang kamay ay ngumuso siya at siya na mismo ang humila sa akin, nawalan ako ng lakas sumalungat, nag patianod na lamang ako sa lugar na hindi ko kailan mang naisip na mapupuntahan ko.

Ang lugar ng bulaklak at pantasya. . .

aeliag © 2022 

All rights reserved.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status