Share

Kabanata 2

Puting Orkids

"Sir, pakiusap po. Pakawalan niyo na po si Ina, wala po siyang ginagawang masama." sabi ko nang halos mag magmakaawa na sa pulis na nasa aking harapan.

Dinala nila si Ina sa presinto at ngayo'y nasa loob na siya ng selda! Hindi ko alam bakit ganito ang trato nila, wala naman siyang ginagawang masama!

"Neng, umuwi ka muna. Hindi pa pwedeng pakawalan ang nanay mo. Bukas pa ng umaga." sabi niya habang may sinusulat sa log book.

Ilan pagmamakaawa pa ang ginawa ko pero parang wala silang nakikita o naririnig. Hindi ko alam pa'no nila naaatim damputin ang mga taong hindi naman nagkasala.

Sa huli, wala paring nagawa ang pag sasayang ko ng laway. Hindi parin nila pinalaya si Ina, bagkus ay binagyan lang ako ng ilang minuto upang bisitahin siya.

"Ina..." kalunos-lunos ang kalagayan niya. Natuyo na ang nagdudugong sugat niya kanina. Bitak bitak ang labi sa sobrang tuyo nito, pagod na tsokolateng mga mata, nanginginig na katawan, pilit na hinahapit ang balabal na lila, para bang mapapawi nito ang ginaw na nararamdaman.

Nakaupo siya sa gilid ng selda. Malamlam na nakatingin sa akin. Kahit nahihirapan ay sinubukan niyang ngumiti na para bang ayos lang ang lahat.

"Ina..." naluluha akong lumuhod sa tabi niya. Inabot ang nangungulubot niyang kamay. Kahit malamig ito ay ramdam ko ang init ng pagmamahal.

"Anak ko..." hinaplos niya ang aking buhok pababa sa pisngi gaya ng nakasanayan niyang gawin simula pagkabata.

"Ina, bukas pa raw po kayo ng umaga makakalabas. Hindi po ako pinayagan ilabas kayo dito ngayon." nanghihina kong saad.

Pakiramdam ko'y wala akong kwentang anak sapagkat wala akong magawa para kay Ina.

"Ayos lang Liway. Makakaya ko naman dito ng isang araw." sabi niya habang pinipisil ang aking kamay. Hindi naging hadlang ang rehas sa aming harapan upang maparamdam ni Ina ang kapayapaan sa simpleng haplos. Tila nawala ang mabigat na bagay na nakadagan sa aking dibdib.

Sinikap kong ngumiti kay Ina pabalik. Ngiti ng kasiguraduhan na bukas na bukas, pagsapit nang bukang liwayway ay makakalaya na siya sa bilangguang hindi niya dapat kinasasadlakan ngayon.

"Sige na. Mauna ka na at kumain muna ng almusal. Hindi ko nanaisin na mangayayat ang aking magandang bulaklak." Hindi ko alam kung guni guni ko lamang iyon ngunit may nakita akong pagkislap ng liwanag mula sa suot niyang kulay lilang balabal kung saan natatakpan ang mga sugat niya sa balikat.

Sinilip ko ito ngunit nang oras na pagtuunan ko na ito ng pansin ay wala namang nangyaring kakaiba.

Winakli ko ang tumatakbo sa aking isipan. Tumayo na ako at kahit labag sa loob ay nagpaalam na ako kay Ina.

Lumilipad ang isip habang tinatahak ang daan pauwi sa aming tahanan. Napahinto ako at tiningnan ang nakakapasong init ng haring araw.

Maraming taong sumisilong sa naglalakihang establisyemento. Iba't - ibang kulay ng payong ang dala-dala. Takot na takot mapaso ang mga tao sa tindi ng init na dala niya.

Kakaunti lang ang naglalakas loob damhin siya. Kakaunti lang ang naglalakas loob yakapin ang init niya. Kakaunti lang ang taong kayang tanggapin siya ng buo.

Naisip ko, ano nga ba ang nararamdaman ng hari araw nang makita niyang iniiwasan siya ng mga taong nakikinabang sa liwanag niya?

Nalungkot ba siya? Nasaktan? Nagalit kaya lalong naghihimagsik ang init? O masaya dahil ang kahit kakaunti ang tumatanggap sa kanya, nararamdaman niya naman na totoo ito sa kanya.

Anong mangyayari kay haring araw pag napagod na siya sa pagbibigay ng liwanag? Matutulungan ba siya ng mga bituwin na labis na minamahal ng mga tao tuwing gabi? Matutulungan ba siya ng buwan na kumukuha lang ng lakas sa kanya? May tutulong ba sa kanya?

Huminga ako ng malalim. Minsan ay hindi ko maintindihan kung bakit lagi ko nalang naihahalintulad ang kalikasan na para bang isa itong taong may pakiramdam.

Nanghihina ang bawat hakbang. Kahit pagod na ay pinilit kong tahakin ang daan pauwi.

Nadatnan ko ang nakabukas na pintuan ng aming tahanan.

Maaring nakalimutan ko lamang itong isara kanina.

Pumasok ako sa loob. Wala naman silang mananakaw sa amin kung sakali dahil wala namang mamahaling alahas o pera dito.

Nawalan ako ng pakiramdam sa paligid. Parang saranggolang patuloy na tinatangay ng hangin. Hindi alam ang direksiyon na tatahakin dahil wala na ang humahawak sa pisi nito.

Sa sobrang gulo ng isipan, hindi ko namalayan na may taong nanloob na pala sa aming tahanan.

Eleganteng nakaupo sa upuang tumba tumba, suot suot ang itim na salakot at kapa na may burdang hindi pa bumubukadkad na rosas. Hindi ko masyadong maaninag ang kanyang mukha ngunit nasisiguro kong babae siya.

Napaatras ako sa gulat nang magawi ang tingin niya sa akin. Tumama ang sinag ng araw mula sa labas sa kalahati ng kanyang mukha. Ang kulay abo niyang mga mata, parang babawian ako ng hininga sa kalamigan n'on.

Bakit ganito? Parang ako pa ngayon ang natatakot sa kanya gayong siya nga itong trespassing!

Ilang segundo ang hinintay ko bago mapakalma ang sarili.

"Sino ka? Anong ginagawa mo dito?" sabi ko.

Hindi siya umimik o gumalaw man lang ng alikabok. Nanatili ang tingin niya sa akin.

Inaaral ang bawat parte ng mukha ko. Sinusubukan kong titigan siya ngunit sa tuwing tatama ang paningin niya sa akin nanlalamig ang katawan ko - pinagpapawisan ng malamig.

Mukha naman siyang mayaman, siguradong hindi pera ang gusto niya. Kung gayon, ano?

"Ako ang nagmamay-ari ng bagong bukas na tindahan ng bulaklak sa bayan." sabi niya.

Kahit mas malamig pa ang boses niya kaysa sa mga mata niya. Hindi ko paring mapigilan ang pagkunot ng noo ko.

O, ano naman?

Hindi ko iyon naisatinig ngunit nahalata niya yata sa ekspresyon ko.

"Gusto kitang kuning katiwala ko." sabi niya na para bang nakasulat iyon sa iskrip at napilitan lamang siyang bigkasin.

Hindi na diretso ang pag iisip ko. Nagbuhol buhol na ang mga bagay na gusto kong sabihin. Hindi ko alam pero parang hindi na ako ang may-ari ng sarili 'kong katawan dahil kahit tutol ang aking isipan nagawa parin nitong tumango salungat sa gusto ng nagmamay-ari nito.

"Anong ginawa mo!" Sigaw ko sa kanya.

Kahit hindi ko alam kung siya ba talaga ang may gawa, pero kusang sinisisi ng aking isipan ang babae sa aking harapan sa bigat na aking nararamdaman.

Nanatili siyang nakatingin sa akin, tila hindi naaliw sa munting palabas na kanyang ginawa.

"Nasaan ang Talulot mahal na bulaklak?" sabi niya. May halong puot at pagkamuhi ang tinig niya. Malayo sa mahinahon niyang presensiya kanina.

Dahan dahan ang hakbang niya papalapit sa akin. Gustuhin ko mang tumakbo ay hindi ko magawa. May mga sumisibol na malalaking bulaklak ng rosas sa aking paanan, ang mga ugat at tangkay nitong punong puno ng tinik na nagpapanatili sa akin sa pwesto.

"Sagutin mo ako bulaklak!" tila napigtas na ang natitira niyang pasensiya dahil tinapat niya na sa leeg ko ang kanyang patalim!

Hindi ko alam saan 'yon nanggaling! Basta na lamang itong lumitaw mula sa kamay niya!

Umiling ako.

"Hindi ko alam ang sinasabi mo!"

Sinubukan kong kumawala sa mahigpit na kapit sa akin ng mga rosas niya ngunit hindi yata ito nagustuhan ng mga bulaklak niyang mana sa kanya, dahil mas lalo lang itong gumapang pa itaas hanggang maabot nito ang aking hita.

Ang puting seda ng aking suot na palda ay namantyahan na ng dugo.

Mahapdi! Tila sinusunog ang laman ko!

"Ahh! Tama na pakiusap!" nagmamakaawa na ako. Hindi ko na kaya ang sakit. Para akong pinapatay nito mula sa loob!

Sinugatan niya ng hawak niyang patalim ang aking kanang pisngi. Tumulo ang dugo mula roon!

Takot na takot ako nang haplusin niya ang dugong patuloy na umaagos mula sa pisngi ko.

"Liway!" isang boses ang nagbigay sa akin ng pag asa.

"Liway Anak!" kahit litong lito kung paano nakarating dito si Ina, lubos parin ang pasasalamat ko.

Natigilan si Ina sa may pintuan nang makita ang babaeng nasa harap ko.

"Aoife." sabi ni Ina.

Gulat ang tingin na sinukli niya sa babaeng si 'Aoife'. Halata ng hindi niya inaasahan ang nakikita niya.

Humalakhak si Aoife na para bang nababaliw. Masayang may halong pang uuyam ang tunog ng tawa niya.

"O, Puting Orkids. Naging masaya ba ang paglalakbay mo sa mundo ng mga tao?" sabi ng babae.

Nawawalan na ako ng lakas. Nanlalabo na ang paningin ngunit malinaw parin ang rehistro sa aking isipan ng mga nangyayari sa paligid.

Kumalas na ang mga rosas na humahawak sa akin kanina. Nakita kong ang dahilan ng pagkalanta ng mga bulaklak ay nagmumula sa puting ilaw na galing sa kamay ni Ina.

"Magaling Puting Orkids! Nasa iyo parin pala ang kapangyarihan mo!" tunog sarkastiko iyon.

Nang tuluyang mawala ang mga rosas, bumagsak ang aking katawan sa sahig. Hindi na kayang suportahan ng mga paa ko ang aking sarili.

Nag-aalala akong tumingin kay Ina. Natanaw ko sila mula sa aking kinasasadlakan. 

Nakaluhod at hinang hina sa harap ng babaeng walang puso. Napansin 'kong lalong lumaki ang bahagi ng katawan ni Ina ang nangingitim at nagsusugat! Lagpas kalahati na iyon ng kanyang katawan!

"T-tama na po..." halos walang kakayahan ngunit sinubukan kong magsalita.

Tumingin sa akin ang babae. Nariyan na naman ang malamig niyang mga mata.

"Ibigay mo na ang Talulot ng Sampaguita, Puting Orkids!" ilang beses na umiling si Ina.

"W-wala na sa pangangalaga ko ang talulot na iyon Aoife." Hindi makapaniwalang tumingin ang babae kay Ina.

"Kung gayon, nasaan!" tinutok niya ang patalim kay Ina. Hindi tulad kanina, mukhang lubusan na ang galit na nararamdaman niya!

Gumagapang ang malalaking halaman ng rosas sa aming tahanan! Ang mga dingding ay punong puno na ng tinik nito! Parang magigiba na ang buong tahanan sa patuloy na paglaki ng mga rosas!

Namumulaklak ito ng itim at hindi pula. Oras na ito'y bumukadkad, isang itim na usok ang nilalabas! Ang matatamaan ng usok na iyon ay nagiging abo.

"Aoife, hindi ko alam! Maawa ka sa amin! Hayaan mong mabuhay ang anak ko!" Nagmamakaawa si Ina habang nakalapat ang dalawang palad.

Tumigil na sa paglaki ang mga bulaklak ngunit nanatili itong naroon. Hindi na din ito bumuga ng itim na usok.

Pansamantalang nakahinga ako ng maluwag. Akala ko'y matutuluyan na ako kanina.

"Sabagay, mukhang hindi ka na 'rin magtatagal Puting Orkids. Nilalason na ng bulaklak mo ang katawang tao mo." Tinalikuran niya si Ina at muling umupo sa tumba tumba na parang walang nangyari.

"Dadalhin ko ang anak mong bulaklak at hindi ko siya papakawan hangga't hindi ko pa nakikita ang Talulot. "

Nawawala na ang tinig nila. Nabibingi na ako. Lalong umikot nang mabilis ang mundo. Wala nang parte ng katawan ko ang maigalaw ko.

At sa huling pagkurap, nakita ko si Ina na lumiliwanag, tuluyan nang nilamon ng itim ang kanyang buong katawan. Hanggang sa huling sandali ay hinahap niya ang aking mata. May pumatak na luha sa kanyang tsokolateng mga mata kasabay ng isang ngiting punong puno ng pagtanggap.

Pilit ko siyang inabot ng aking kamay ngunit hindi ko na nagawa pa dahil ang katawan niya'y tuluyan nang naging mga talulot ng puting Orkids, tinatangay ng hangin sa kawalan.

aeliag © 2022

All rights reserved.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status