Share

Chapter 3 Asungot

SYD

NAUNA nang magpaalam ang mga ka-team ko matapos ng ilang oras naming pahinga at makuwelang pagkukuwentuhan. Naiwan namang nagkakasiyahan sa loob ang mga kuya ko kasama ang ilan pa nilang mga katropa.

Panigurado, na aabutan na naman sila ng pagtilaok ng manok bago matapos ang pag-iinuman nila.

Welcome naman sa bahay ang lahat ng mga kaibigan namin, mapababae man ito o lalaki. Mas pabor nga ito kina mama at papa dahil katuwiran nila, hindi na raw kami ang lalayo para lang makidayo pa sa ibang lugar. Mas mapapanatag daw ang kalooban nila kapag alam nilang nasa bahay lang kami o ‘di naman kaya ay nandito lang sa malapit. Iwas trouble, kumbaga, lalo na at puro barako ang mga anak nila.

Mas pinili ko na lang muna mag-stay sa ilalim ng punong mangga na nasa loob ng aming bakuran. Mayroon ditong ikinabit si papa na duyan na gawa sa lubid at makapal na kahoy ng Narra, na nagsisilbi naman nitong upuan.

Bukod sa rooftop, isa rin talaga ito sa mga favorite spot ko sa tuwing gusto kong mapag-isa o ‘di naman kaya ay kapag trip kong mag-isip tungkol sa mga bagay-bagay.

Dinig hanggang dito ang kantahan nila kuya, na sinasabayan pa nang pagtugtog ng gitara ng isa sa mga kaibigan nila, na si Sammy. Hindi ko na napigilan, kaya tuloy pati ako ay napapasabay na rin sa kanila sa pagkanta.

Napasinghap ako. Mahigit isang buwan na akong tambay. Hindi ko na matitiis pa na maging dagdag pasanin pa sa mga magulang ko, lalo pa at ang paglalako na lang ni mama ng mga paninda n’yang Lumpiyang Togue ang inaasahan namin na mapagkukuhaan ng pang-araw-araw namin na ikabubuhay.

Kapwa pamilyado na sina Kuya Lemy at ang sumunod sa kaniya na si Diko Joey. Parehong may maayos na trabaho naman ang mga ito. Gayunpaman, hindi sila inuubliga nina mama at papa na tumulong sa gastusin sa bahay, dahil alam nilang mas kailangan ng mga ito ng ipangtutustos para sa kani-kanilang pamilya.

Samantalang, kakae-endo lang sa pinasukan niyang production company ang pangatlo sa aming magkakapatid na si Sangko Ronnel, kaya heto at parehas na kami ngayong nakatengga sa bahay.

Kailangan ko na maghanap ng bagong trabaho. Iyong tipong pangmatagalan na sana, lalo pa at mayroon pa akong apat na nakababatang kapatid na kailangang suportahan.

Salamat na lamang at mayroong foundation na nag-i-sponsor sa pag-aaral ng mga kapatid ko. Bukod pa roon, nauna na nilang tinulungan sa pagpapagamot si papa noong kasalukuyan siyang na-stroke at nakaratay lang sa ospital.

Ayon kay mama, nakilala raw niya ang mga ito, ilang araw matapos kong bumiyahe pa-Ilocos. Parang nga daw blessing in disguise, sabi ni mama, dahil kusa na lamang daw dumating ang mga staff nito noong mga oras na kailangang-kailangan namin ng tulong. Maituturing na nga silang mga tunay na guardian angels sa lupa dahil sa dami ng mga kabutihang bagay na nagawa nila sa pamilya ko.

Veintidos años na ako ngayong taon at ang goal ko, kailangan ay mayroon na akong stable job bago ako tumungtong ng twenty-three.

Ayoko na rin kasing bumalik pa sa bahay ng Tita Allyson ko sa Ilocos.

Oo nga at nakatulong sa amin nang malaki ang pagtatrabaho ko noon sa grocery store nila, dahil bukod sa sinusuweldo ko buwan-buwan, ay nagbibigay din siya ng monthly allowance para sa maintenance ni papa sa gamot.

Ngunit, sadyang may mga bagay lang kasi talaga na hindi na kailangan pang malaman ng pamilya ko. Alam kong malaking gulo at kahihiyan lamang ang maidudulot nito, sa oras na lumabas ang itinatago ko.

WALA sa sariling sinusundan ko lamang ang bawat paggalaw ng aking mga paang pinagkukuhaan ko ng puwersa upang mabilis na mapaugoy ang duyan. Feeling ko, bumalik ako sa pagkabata habang ninanamnam ang kasiyahang hatid ng ginagawa kong ito.

Napatingala ako sa langit. Napakaraming bituin ngayon ang nagkalat sa malawak na kalangitan. Hindi ko maiwasan ang mapangiti. Ipinikit ko ang aking mga mata, habang malayang sinasalubong ng aking balat ang malamig na simoy ng panggabing hangin.

Mabilis akong napalingon sa aking likuran nang maramdaman ko na may ibang tao ang marahang tumulak sa dinuduyanan ko.

“K-kuya Miguel? Ikaw pala,” may pagkabiglang saad ko habang nakalingon sa kaniya.

Nasobrahan yata ang ginagawa kong pagmumuni-muni, kaya tuloy hindi ko na namalayan pati ang paglapit niya.

“Mukhang malalim ang iniisip natin, ah? Ingat lang at baka mahulog ka,” pabirong sagot niya sa akin.

Pagak akong napangiti, habang pilit na pinakakalma ang sarili. Pero ang totoo, halos tumagos na ang puso ko dahil sa sobrang lakas ng pagtibok nito.

Pinasadsad ko sa lupa ang suot kong tsinelas upang pansamantalang pahintuin sa paggalaw ang duyan. Ngunit, mukhang napalakas yata ang pagpapaugoy ko, kaya hindi ko ito agad mapatigil.

Mabilis na pumuwesto si Kuya Miguel sa unahan ko at tinaymingan ang muling pasulong na galaw nito.

Otomatikong sumunod ang mga mata ko sa isang kamay niya nang mahawakan niya na ang magkabilang lubid.

“Got you,” aniya habang nakangiting nakatingin sa akin.

You got me na talaga! Malanding sagot ng utak ko. Parang gusto ko tuloy kurutin ang singit ko dahil sa kaharutan ko.

Napansin ko ang bahagyang paggala ng mga mata ni Kuya Miguel sa paligid.

Maya-maya ay tumalikod siya sa akin at tinunton ang isang monoblock chair na nasa kabilang side lang ng pader. Sinamantala ko ang pagkakataon hanggat hindi siya nakatingin.

Wala akong imik at pinagmamasdan lang ang bawat pagkilos niya. Napakagat-labi ako, habang abala sa paghagod ang pilya kong mga mata sa makalaglag panty niyang pigura.

Tuod na lang talaga ang sinumang anak ni eba na hindi hahanga sa isang katulad ni Miguel. Puwet pa lang, ulam na!

Mabilis kong binawi ang malagkit na pagkakatingin sa kaniyang kabuuan, nang gumiya na siya pabalik sa akin.

Inilapag ni Kuya Migs ang plastic na silya malapit sa gilid ko at saka tahimik lang na umupo. In-open niya ang cellphone niya nang may nag-pop up na notification dito.

Napayuko ako, umarte na tila hindi interesado sa presensya niya. Itinuon ko na lang ang mga mata sa ibang bagay na nakikita ko, ngunit sadyang hindi ako makatiis! Pasimple pa rin akong sumusulyap sa kaniya.

Ilang minuto rin ang itinagal bago niya nagawang basagin ang katahimikan na pumapagitan sa amin. Tumikhim si Kuya Miguel, na siyang nakapagpalingon sa akin.

“Bakit nag-iisa ka lang dito? Ayaw mo bang maki-jamming sa amin sa loob, hmm?” aniya, matapos niya marahil replyan kung sino man ang nag-message sa kaniya kanina.

“Hindi naman, kuya. Gusto ko lang muna magpahangin dito sa labas. Actually, nagpapaantok lang talaga ako. Mamaya lang, aakyat na rin ako sa taas para makapagpahinga,” alibi ko.

Tumango siya habang naka-pout ang mapupulang labi. Napatingin ako sa mga iyon. Hindi ko tuloy maiwasang isipin, kung ano kaya ang pakiramdam na mahalikan ng mga labing iyon?

“Nakaisang buwan ka na palang nakabalik dito?” muling saad niya.

“Ah… oo,” sagot ko, sabay tango. “Nakaisang buwan na ako pero ngayon lang tayo nagkita. Hmm... masyado ka yatang busy sa buhay mo, eh? O busy sa pambababae?” birong banat ko sa kaniya.

Sabay na tumaas ang magkabilang kilay niya. “Grabe siya? Pambababae talaga? Hindi ba puwedeng… abala lang sa pagtitinda ng yelo?” sabay tawa. Lalo tuloy lumiit ang singkit niyang mga mata.

Hindi ko na naman maiwasang mapahanga sa kaniya. Gustong-gusto ko talaga siyang nakikitang nakangiti. Sobrang cute niyang tingnan!

“Pero don’t worry, dahil madalas mo na ulit ako makikita,” aniya na nakapagbigay sa akin ng katanungan.

“H-ha? Bakit? Anong ibig mong sabihin?”

“Sa bahay na kasi ako ulit titira," sagot niya.

“Babalik ka na ulit sa inyo? Pero ‘di ba nakabukod ka na? Ano'ng nakain mo at bakit parang bigla naman yata nagbago ‘yang isip mo?” balik na tanong ko.

Biglang sumeryoso ang mukha ni Miguel at inalis ang pagkakatingin sa akin. Suminghap muna siya ng hangin bago niya ako sinagot.

“Plano ko na kasi ibenta ‘yong condo unit ko na nasa Taguig.”

“Ibenta? Pero ‘di ba regalo 'yon sa'yo ng parents mo, noong nag-21st birthday ka? So, bakit mo ibibenta? ‘Di ba't parang sayang naman?” gusot-noong tanong ko.

Muli siyang bumuga ng hangin sa ikalawang pagkakataon. “Kailangan ko kasi ng additional budget na gagamitin para sa Ice Plant Business na itinayo ko. Medyo malaki-laki pa kasi ang kakailanganin namin para makumpleto ang mga facilities.”

“Ganoon ba?” tanging naging sagot ko. Mukhang wala rin naman kasi akong maitutulong sa kaniya.

“Yup! At saka ayaw mo non? Araw-araw mo na ulit ako makikita? Just like the old days, right?”

Nagbunyi ang puso ko sa narinig. Oo nga naman, may punto siya. Kung ‘yon naman pala ang dahilan, mukhang papabor nga talaga sa akin ang pagkakataon. Ibig lang sabihin, magiging regular na ulit ang pagpunta niya rito sa amin. Na araw-araw ko na nga talaga ulit siyang makikita.

“Cinderella.”

Dagling kumunot ang noo ko. Tinawag lang naman niya ang pangalan ko, ngunit bakit tila may kung anong kakaibang humaplos sa puso ko? Nilingon ko siya.

Halos maduling ako dahil sa hindi inaasahang pagtapat ng mukha niya sa mukha ko.

Todo ang effort ko para mapigilan lang ang paghinga. Ano ba kasi'ng problema niya? Unti-unti na akong nako-conscious dahil sa ginagawa niya. What if– mabaho na pala ang hininga ko? Shit, Syd! Nakakahiya!

Nahalata marahil ni Kuya Miguel ang pagkailang ko, kaya sumilay ang kaniyang pilyong ngiti.

Mula sa aking mga mata ay bumaba ang tingin niya sa aking ilong, pababa pa sa aking labi. Tumagal ang pagkakatingin niya sa mga ito.

Lalo akong nag-panic nang napansin ko ang unti-unting paglapit ng mukha niya, sa mukha ko

Anong ginagawa niya? Hahalikan niya ba ako? Hindi ako prepared!

Mariin kong naipikit ang mga mata at inisang linya ang aking mga labi.

Ano ba'ng gagawin ko? Itutulak ko ba siya? O magpaparaya lang sa ginagawa niya? Dapat ba light lang? O torrid na agad? My god!

“Cindy.”

Parehas kaming natigilan ni Miguel. Dismayado siyang napapikit at napabuga ng hangin. Sabay naming nilingon ang pinanggalingan ng galit na boses na tumawag sa akin.

Rumehistro sa paningin ko ang imahe ni Kuya Lemy na madilim ang awrang nakatingin sa amin. Halos magliyab ang pisngi ko dahil sa naramdamang pagkahiya,

“Pumasok ka na sa loob, Cindy,” seryosong utos ni kuya sa akin na hindi tinatanggal ang pagkakatingin kay Miguel.

Gayon din naman si Miguel. Nakikipagsukatan siya ng tingin kay kuya na para bang napakaraming bagay ang nais na iparating dito.

Mahigpit akong napalunok. Dama ko ang tensyon sa kanilang dalawa.

“K-kuya, kasi… ano–“

“Pumasok ka na sa loob, Syd,” malambing na saad ni Miguel sa akin. “Late na rin naman kaya magpahinga ka na. I’m sure na napagod ka kanina kay–“

Napaigtad ako sa ginawang pabalang na sabat ni kuya habang nagsasalita pa si Miguel. “Ano pa bang hinihintay mo, ha? Ang ihatid ka pa niya sa loob?”

Nakadama ako ng takot dahil sa walang emosyon na presensya ng kuya ko. Yumuko ako at mabilis na lang na tumakbo papasok sa loob. Ni hindi ko na nagawa pang makapagpaalam kay Miguel.

Nagmamadali akong pumasok sa aking silid. Sumilip ako sa may bintana upang makita kung ano ang magiging ganap sa ibaba.

Kilala ko si Kuya Lemy. Mabait siya kung sa mabait. Ngunit sa awra niya ngayon, alam kong hindi niya mapapalampas ang nadatnan niya sa amin ni Miguel.

Namataan kong kinakausap ni Kuya Lemy si Miguel. Maraming senaryo ang nabubuo ngayon sa isip ko. Hindi ko maiwasang mag-alala.

Ano kaya ang sinasabi sa kaniya ni kuya? Pinagsalitaan kaya siya nito nang hindi maganda? Sinungitan? Kinompronta? At ano naman kaya ang isasagot niya? Na plano niyang halikan ako? Ganon?

Hindi rin nagtagal at tinalikuran na siya ni Kuya Lemy. Nakita ko pa ang paghilamos na ginawa niya sa mukha, bago niya nagawang maglakad papalabas ng aming bakuran.

Kinuha niya ang helmet na nakasabit sa side mirror. Inihakbang niya na rin ang kaniyang paa upang makasakay na sa dala niyang motor.

Bigla akong umurong at nagtago sa gilid nang mapansin ko ang pag-angat ng tingin ni Miguel, dito, sa gawi ng bintana ko sa kuwarto.

Napahawak ako sa aking dibdib. Naguguluhan ako. Ano ba kasi ang ibig sabihin ng ginawa niyang iyon? Seryoso ba siya?

Mae-experience ko na sana ang pinakaaasam kong first kiss sa lalaking lihim na iniibig ko, kung hindi lang kami inabutan ni kuya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status