Share

Chapter 4 Nakaw Na Halik

SYD

KAGAGALING ko lang sa computer shop nila Lhian. Nag-online registration ako roon, para makakuha ng available slot para sa pagpapa-renew ko ng aking expired na NBI Clearance. Buenas naman sapagkat natiyempuhan ko na makakuha agad ng schedule sa makalawa.

Sinisimulan ko na kasing asikasuhin isa-isa ang mga kakailanganin kong requirements, para sa a-applyan naming trabaho ng kaibigan kong si Noreen. Hiring daw kasi ngayon sa Yazaki at nangangailangan ang kumpanya ng mga bagong empleyado.

Suwerte nang maituturing kung sakali mang matanggap ako sa production company na iyon. Sapagkat bukod sa minimum rate, mayroon din silang ibinibigay na sampung kilong bigas sa bawat empleyado nito tuwing payday. Magiging malaking kabawasan na rin iyon sa gastusin namin sa pang-araw-araw, kapag nagkataon.

PAGKARATING ko sa amin, naabutan ko si mama na abalang nagbabalot ng lumpiang togue na ibebenta niya para bukas. Hindi ko mapigilang mapangiti habang maigi siyang pinagmamasdan sa kaniyang ginagawa.

Marahan kong inilapag sa sofa ang bitbit kong plastic envelope, na pinaglalagyan ng mga ipina-print kong resumé at ilang mga dokumentong ipina-xerox ko kanina.

Hindi pa rin namamalayan ni mama ang pagdating ko. Walang ingay ang ginagawa kong paghakbang, palapit sa kinapupuwestuhan niya. Napakagat-labi ako upang mapigilan ang napipintong pagtawa.

Bigla ko siyang niyakap mula sa kaniyang likuran na siyang naging dahilan nang pagkagulat niya.

“Anak ng tipaklong!” sigaw ni mama na nakapagpaangat pa sa dalawang balikat niya.

Humagalpak ako ng tawa at bumitiw na mula sa pagkakayakap sa kaniya. Pumuwesto ako sa may gilid, sabay abot sa isa niyang kamay upang magmano.

“Ikaw talagang bata ka! Puro ka na lang kalokohan! Saan ka ba nanggaling at bakit ngayon ka lang umuwi?” singhal niya sa akin.

“Kina Lhian po, ma. May inasikaso lang po ako, kaya medyo madilim na po nakauwi. Hmm… tulungan ko na po kayo riyan,” alok ko kay mama.

Nakita ko na may isang plastic bag pa na pinaglalagyan ng mga lumpia wrappers. Tangkang aabutin ko na sana ang mga iyon upang paghiwa-hiwalayin sa pagkakadikit, nang bigla naman akong pigilan ni mama.

“Mamaya mo na asikasuhin iyan, hija. Magsaing ka na lang muna. Nakaligtaan ko nang gawin iyon dahil doble itong gagawin ko ngayong bilang ng lumpia.”

“Doble? Bakit naman po? Marami na po ‘yong palaging ginagawa ninyo, ‘di po ba? Hindi po kaya masayang lang ang puhunan kung hindi naman lahat maibebenta?” sagot ko kay mama.

Naglakad na ako patungong kusina. Kinuha ko ang kaldero. Sinandok ko ang mga tira pang lamig na kanin at inilagay sa malukong na mangkok.

Nakatitig lang ako sa lumalabas na tubig mula sa gripo habang nakikinig sa sagot ni mama.

“Naku, anak! Dinaanan kasi ako nong regular customer ko kanina, at ang sabi niya…" bahagyang huminto si mama sa pagsasalita.

Napalingon ako sa kaniya, habang patuloy sa paghuhugas ng bigas ang isang kamay ko. “Ano pong sabi ng customer niyo, ma?”

“Ang sabi niya babalikan niya raw ako bukas, para pick-up-in ang isandaang pirasong lumpiang togue na in-order niya sa akin. Pinadagdagan niya pa nga ng isandaang piraso rin na nilagang itlog ‘yong order niya, eh!” masayang balita sa akin ni mama.

Napakunot ang noo ko. Tig-isandaang pirasong nilagang itlog at lumpia? Ang dami naman non? Kaya pala mayroon akong nakitang apat na tray ng itlog sa may dirty kitchen namin sa labas.

Teka… ano ba iyong umorder sa kaniya? May-ari ng lugawan?

Muli kong nilingon ang kinauupuan ni mama. Nasilayan ko sa kaniyang mukha kung gaano siya kasaya sa ibinalita niya.

“Talaga po, ma? Eh, ‘di wow!” biro ko, kahit na ang totoo ay diskumpiyado ako sa kung sino man ang customer niyang iyon. “Mukhang suwerte po ang araw na ito sa inyo, ah. Kaya lang, Ma, hindi kaya kayo non indiyanin bukas? Ibig ko pong sabihin… sobrang dami po ng in-order niya. Baka po masayang lang ang lahat ng pagod at puhunan ninyo kung hindi niya kayo sisiputin bukas?” Nag-aalalang saad ko.

Lumapit ako sa pinagsasabitan ng basahan at pinunasan ang basang puwitan ng kaldero, bago ko tuluyang inilagay sa rice cooker.

“Huwag ka nang mag-alala sa puhunan, hija. Dahil nag-advance payment na kanina ‘yong guwapong customer ko na umorder sa akin ng mga ito.”

Bahagyang namilog ang mga mata ko. Tama ba ‘yong narinig ko? Guwapong customer? Aba! Bihira lang pumuri nang ganoon si mama, ah. Nakakapanibago.

Lumapit ako sa kaniya at tinabihan siya sa pag-upo. Kumuha na rin ako ng dalawang pirasong disposable gloves para matulungan na siya sa pagbabalot ng lumpiang togue.

“Guwapo po ba talaga? Ha, ma?” mapang-asar na tanong ko, sabay taas-baba ng dalawa kong kilay. Nahalata ko kasi na parang kinilig pa si mama, pagkabanggit niya sa salitang guwapo.

“Aba’y oo, anak. Hindi lang basta guwapo, kung hindi nuknukan pa ng guwapo! Irereto ko nga siya sa iyo, eh,” walang prenong saad ni mama, na siyang nakapagpatikom ng bibig ko.

*

KINABUKASAN, maaga pa lang ay nakatanggap na ako ng text message mula kay Maggi. Pumunta raw ako sa kanila, mamayang alas tres ng hapon. Dadalaw daw kasi sa kanila sina L.a at Kelly at gusto rin daw ako ng mga ito makita.

High School pa lang ay magkakaibigan na silang tatlo nila Maggi. Naging ka-close ko lang sila noong naging classmate nila ako sa Saint Clare University.

Kilala ang grupo nila noon sa campus dahil sa isa pa nilang kaibigan na si Toni Lee. Natatandaan ko, bigatin talaga ang isang iyon. Marami ang inggit sa kaniya, lalong-lalo na iyong napapabalitang half-sister niya. Ilang beses pa ngang may nangyaring trouble sa pagitan ng dalawang iyon noon sa loob ng campus. Pati nga ako, muntik nang pag-initan ng grupo ng classbitch na iyon dahil ang akala nila, kasama ako sa grupo nila Maggi.

“GRABE, Syd! Mas lalo kang naging attractive ngayon, na-starstruck ako!” maharot na salubong sa akin ni Kelly. “Kung napatol lang ako sa tomboy, jojowain na kita, eh. Ang sarap mong i-rampa sa mall!" dagdag pa niya.

Kumibot ang labi ko sa sinabi niya. And, excuse me! Kahit naman ganito ako, ni minsan, hindi pumasok sa isip ko na makipagrelasyon sa kapwa ko babae. Isipin ko pa lang, kinikilabutan na ako!

Tinapunan ko na lang siya nang pekeng ngiti, para hindi niya naman isipin na asiwa ako sa sinabi niya.

“Natatandaan ko pa, sobrang popular mo sa campus dati, right, mga sis?” baling niya naman kina Maggi at L.a at muli ring ibinalik ang tingin sa akin. “Isipin mo, both boys ang girls really admired you for being a good looking. Mas sikat ka pa nga dati kay Wacks, kung tutuusin, ano!”

Natatandaan ko iyong binanggit ni Kelly na Joaquin. Iyon ‘yong Third Year College Student noon, na candidate para maging susunod na captain ball ng Men’s Basketball Varsity Team ng Saint Clare.

“Oo nga, sis. Tama si Kelly,” segunda ni L.a. “Biruin mo, freshman ka pa lang sa university dati pero kilalang-kilala ka na agad. Biglang nag-boom ang pangalan mo simula noong napasali ka sa varsity team. Ang dami mong supporters. Everytime na may laro kayo, talagang dinudumog ang gymnasium. Kulang na nga lang magtayo sila ng sarili mong fans club noon, eh."

“S-sikat ba talaga ako? Parang hindi naman…” painosenteng saad ko.

“Teka, wala ka bang social media account? Dati pa kita sini-search pero hindi kita mahanap-hanap, o baka naman iba ang ginagamit mong pangalan?” tanong ulit ni Kelly.

Umiling ako. “Wala, eh. Hindi naman kasi ako mahilig sa mga ganiyan-ganiyan,” alibi ko. “At saka isa pa, mayroon naman akong simcard. Hindi ko kailangan ng social media para makausap ang pamilya ko. Nagte-text o ‘di naman kaya ay tumatawag na lang ako sa cellphone ni mama kapag may gusto akong sabihin sa kanila.”

Tinaasan ako ng kilay ng bruha. Mukhang hindi makapaniwala sa sinabi ko. “Weh? ‘Di nga? Mamatay?” pang-aasar pa nito. “Parang imposible naman yata iyang sinasabi mo, Syd? Ikaw lang yata ang millennials na nakilala kong walang hilig sa soc med, my gosh!”

“Aba! Eh, ‘di huwag kang maniwala!” natatawa na lang na sagot ko.

Sa totoo lang, iniiwasan ko talaga ang magkaroon ng social media account.

Iyon lang kasi ang alam kong paraan upang hindi ko na makita pa ang mga sweet-sweetan posts nila Miguel at ng girlfriend niya pa noon na si Cassy. Sumasama lang ang loob ko.

Pero minsan, dumarating talaga ang oras na hindi ako makatiis. May mga pagkakataon na gumagawa ako ng dummy account para lang silipin kung ano na ba ang ganap sa buhay ni Miguel.

Sa ganitong paraan ko lang din nalaman na ilang buwan lang matapos kong bumiyahe pa-Ilocos ay siya namang hiwalayan nina Miguel at Cassy. Simula noon ay iba-iba na rin ang nakikita kong mukha ng babae na ipinopost niya sa soc med. Siguro, iyon lang din ang way ni Miguel para maipakita na hindi siya affected sa hiwalayan nila ng Cassy na iyon. Pakiramdam ko, lalo lang tuloy akong nawalan ng pag-asa sa kaniya.

Itinaas ko ang mga paa sa silya at humalukipkip ng upo.

Bigla ko na namang naalala si Miguel. Hindi ko maiwasan ang mag-alala. Hindi ko na siya ulit nakita, simula noong gabing iyon. Ano na kaya ang nangyari sa kaniya? Ano rin kaya ang sinabi sa kaniya ni Kuya Lemy?

“Pero, Syd. Ito iyong pinaka hindi ko makakalimutan na nangayari sa iyo noon sa campus,” makahulugang sambit ni Maggi. Naputol tuloy ang malalim na pag-iisip ko sa kuya niya.

Bahagyang kumunot ang noo ko at napaisip sa sinabi niya. “At ano naman iyon, aber?”

“Naaalala mo pa rin ba iyong last day of Intrams natin dati sa university?” Sabay pukol nito nang nakakalokong ngiti sa akin.

Natahimik ako.

“OMG! Don’t tell me, iyong ano… iyong… my god! I love those moment of yours, sissy!” patiling sabat ni Kelly kay Maggi, pero sa akin naman ito nakatingin. Sobrang kinikilig pa ang bruha, na aakalain mong isang bulate na sinabuyan ng isang dakot na asin sa katawan.

“Uy! Parang alam ko iyan, bakla!” ani L.a, na halos umabot na sa tainga ang pagkakalapad ng ngiti sa akin.

Napabuntong-hininga ako. Okay… alam ko na ang ibig nilang sabihin.

Biglang nagbago ang timpla ko nang otomatikong nag-rewind sa utak ko ang lahat ng mga naging ganap noong araw na iyon. Hinding-hindi ko makakalimutan ang impaktong lalaki na nagnakaw sa aking first kiss!

Five Years Ago

Saint Clare University

NAGMAMADALING mga hakbang ang ginagawa ko paakyat sa pinaka-rooftop ng pitong palapag na Science Building ng university.

Mainit na buga ng hangin ang agad na sumalubong sa akin, pagkabukas ko pa lang sa bakal na pintuan. Nasa alas tres pasado pa lang ng hapon ngayon at medyo tirik pa rin ang araw.

Nagtungo ako sa railings na siyang bumubuo sa pinakaharang ng rooftop. Hinawi ko ang ilang hibla ng aking buhok na sumusundot ngayon sa mga mata ko.

Ngayon ang huling araw ng Itramurals. Tanaw mula rito sa itaas ang mga estudyante mula sa magkakaibang department, na abala sa mga ginagawang iba’t ibang aktibidades sa ibaba ng campus.

Muli kong sinipat ang hawak kong cellphone nang maramdaman ko ang muling pag-vibrate nito. Panibagong comment na naman ang nabasa ko mula sa ipinost ni Miguel. Mula iyon kay Cassy.

–You don’t know how much lucky I am to be with the coolest man I’ve ever known. Cheers for another more years to come, babe. I love you and I will always do.

Humigpit ang pagkakahawak ko sa kawawang gadget. Namomroblema na nga ako sa pagkakasakit ni papa, dumagdag pa sila!

Hindi ko na naman maiwasan ang lumuha. Ilang beses ko nang sinermonan ang sarili ko, pero… bakit hindi ko pa rin magawang mag-move on?

Come on, Syd! Ang tagal na, oh! Walanghiya! Isang taon na, umaasa ka pa rin? Hindi naman naging kami, pero bakit ganito? Bakit ko pa rin nararamdaman itong pesteng sakit na ito?

Ano ba ang karapatan ko?– wala!

May pakialam ba siya kahit maglupasay pa 'ko rito sa kinatatayuan ko?– wala pa rin! So, ano ngayon itong nginangawa-ngawa ko?

Inilang beses kong ipiniling ang ulo habang mariin na ipinikit ang mga mata. Truth hurts, hindi ba? Oo, literal! Nakakapagtaka lang dahil alam ko naman kung ano ang sagot sa mga katanungan ko, pero bakit hindi ko pa rin magawa ang tama?

Pinunasan ko ng aking palad ang mga luhang nagpapalabo ngayon sa paningin ko. Isang malalim na pagsinghot ang ginawa ko bago ko malakas na isinigaw ang kirot na nararamdaman ko.

“Walang forever! Maghihiwalay din kayo! Tandaan niyo ‘yan!”

Ampalaya na kung sa ampalaya pero wala na akong pakialam. Ito lang naman kasi ang tanging magagawa ko para mailabas ang kinikimkim na sakit ng puso ko.

Akmang sisigaw pa sana ako nang may biglang kung anong bagay ang bumagsak, na siyang nakabasag sa katahimikang bumabalot, dito sa rooftop. Napalinga-linga ako sa paligid.

“S-sino ‘yan?” kinakabahang tanong ko. “M-may tao ba riyan?” dumoble ang kaba sa dibdib ko nang wala pa ring nagsasalita. Malakas ang pakiramdam ko na may ibang tao ang naririto.

At paano kung mayroon nga? Ibig sabihin… narinig niyang lahat ang kadramahan ko? Ang katangahan ko?

Napalunok ako. Humigpit ang pagkakahawak ko sa isang strap ng backpack ko. Napako ang aking tingin sa isang malaking tangke ng tubig. Mayroon itong bubungan na maaaring silungan kung sakali mang may ibang tao na naririto.

Baon ang lakas ng loob, dahan-dahan akong lumakad palapit sa tinatantiya kong pinanggalingan ng tunog.

Muli akong napalunok. Nasa may kabilang side na ako ng tangke. Dalawang hakbang na lamang at makikita ko na kung ano o kung sino man ang nagtatago rito, nang biglang may lumipad na dalawang kalapati sa harapan ko na siyang sobrang ikinagulat ko!

Napatili pa nga ako nang bongga at pabagsak na napaupo, kaya damang-dama ng puwet ko ang mainit na semento ng rooftop.

“Buwisit!” pikon na turan ko nang makita ko na napunit pa ang gilid ng nag-iisang pencil cut skirt ko.

Mabilis akong tumayo at pinagpag ang puwetan ko. Hindi na ako nag-abala pa na ituloy ang pagligid ko sa kabilang gilid ng tangke.

Tiningnan ko ang oras sa suot kong relos. Mag-aalas kuwatro na pala! Nagmamadali na akong bumaba dahil may ilang activities pa ako na kailangang salihan.

“SAANG banda ba kasi kayo?” tanong ko kay Maggi, ka-videocall ko siya ngayon. Kasama kaming dalawa sa mga naka-assign sa Photo Booth. Hindi ko nga lang sila natulungan nitong nakaraang dalawang araw dahil kasali ako sa pa-games sa Women’s Basketball.

“Nandito na kami sa booth, Syd. Malapit lang sa may stage. Bilisan mo na at nang matulungan mo na kami. Marami na ring naghahanap sa iyo rito para makapagpa-picture."

Agad akong napangiwi sa isinagot niya.“Okay, sige. Malapit na ako."

Halos patakbo na ang ginagawa kong paghakbang. Natatanaw ko na ang mga makukulay na design ng mga nakahilerang activity booths sa may gilid ng stage ng university.

Tatlong booth na lang ang layo ko kina Maggi nang may kung sino na lang ang biglang nagtakip sa mga mata ko.

“H-hoy! Ano ‘to?” Malakas at naguguluhang tanong ko sa taong gumagawa sa akin nito. Naramdaman ko ang pagtali nito ng panyo sa likuran ng ulo ko.

Rumehistro sa pandinig ko ang iba’t ibang boses ng nagtitilian at naghahagikgikan, na tila ba ay mga kinikilig sa mga nasasaksihan nila.

“Wait lang, miss. Mabilis lang ito.” Napaawang ang labi ko. Boses ito ng lalaki! Rumehistro sa ilong ko ang nakahuhumaling nitong amoy— amoy yayamanin!

Napalunok ako. “T-teka! Ano bang trip mo? Anak ng... kinakabahan ako, ha!” Hinawakan nito ang mga kamay ko at inalalayan papunta sa hindi ko alam na lugar.

Infairness, ang lambot ng dalawang palad niya, ha. Bigla tuloy akong nahiya. Ito kasing sa akin, parang kasing gaspang ng papel de liha, eh. Iyon nga lang… bakit ang lamig naman yata ng mga palad niya? Ano ‘to? Kinakabahan? o sadyang pasmado lang?

Tila may kung anong gumuhit na kakaibang kilabot sa batok ko, nang bumulong ang estrangherong lalaki sa gilid ng aking tainga.

“Sumunod ka na lang,” malambing na sagot nito.

Tuyot na tuyot na ang lalamunan ko dahil sa kakalunok. Napaigtad ako nang hindi sinasadyang dumikit ang aking likuran sa malapad nitong dibdib at diyos ko! Nadaplisan ko rin ang kaniyang… ang kaniyang pagkalalaki!

“Do you take this girl, to be your wife…”

Nagsalubong ang dalawang kilay ko. Ano ito? Marriage Booth? Sa dinami-dami, ako pa talaga ang nabiktima ng mga ito?

Nagpatuloy pa sa pagsasalita iyong kunwaring Pari kuno. Hanggang sa narinig ko na naman ang boses ng lalaking nagpiring sa mga mata ko.

“Yes, I do,” mabilis na sagot nito. Nahimas kong bigla ang kaliwang tainga ko nang may biglang tumili nang pagkalakas-lakas sa gilid ko.

“Oh, my god! Kinikilig ako! Sobrang bagay sila, hindi ba?"

"Over acting lang?" usal ko.

Ako naman ngayon ang binalingan ng Pari kuno at tinanong. Siyempre, hindi ako agad nakasagot.

“Say, I do na, miss bride! Naghihintay ng sagot mo si Mr. Groom!” hiyaw ng isa sa mga nanonood.

“Sige ka, kapag hindi ka pa rin sumagot, kakaladkarin kita at ako na lang ang papalit sa puwesto mo!” tudyo pa ng isang papansin na babae.

Natatawa akong napailing. Okay, sige na nga. Pagbigyan ang mga hilig. Tutal, katuwaan lang naman ang lahat ng ito. Wala namang mawawala kung sakyan ko na lang ang trip nila.

“I repeat… do you take this man to be your husband? Do you promise to be faithful to him in good times and in bad, in sickness and in health, to love him and to honor him all the days of your life?"

Binasa ko muna ng laway ang nanunuyo kong mga labi bago ako sumagot ng, “Yes, I do.”

“With the power vested in me, I pronounce you a couple. You may now kiss the bride.”

Walanghiya! Ano raw? Kiss the bride? Hindi ko naisip ito, ah!

Dali-dali kong tinanggal ang pagkakapiring ng aking mga mata.

Never been kiss pa ako. At isa pa… inilalaan ko para kay Miguel ang birhen ko pang nguso. Hindi ko ito iningatan nang ganito katagal, para mahalikan lang ng kung sino. Hindi puwede! Ano siya? Hilo?

Isang estudyanteng lalaki na may suot pang abito ang agad na bumungad sa akin. Ito marahil ang kunwaring Pari na pasimuno sa kalokohan na ito.

“Wait lang, tsong! Wala naman sa usapan ang kiss-kiss na iyan, ah!” maangas na protesta ko, sabay talikod. Ni hindi na ako nag-aksaya pa nang kaunting segundo para sipatin ang hitsura ng lalaking nasa gilid ko— wala akong pakialam sa kaniya!

Akmang lalakad na sana ako palayo para mapuntahan na sina Margareth nang may malapad na kamay ang biglang humawak sa pulsuhan ko at mabilis akong ipinaharap sa kaniya.

“Anak nang– hmp!”

Wala na akong kawala. Naikulong na nito ang mukha ko sa dalawang kamay niya. Halos mapugto ang paghinga ko. Sobrang dumadagundong na rin ang tibok ng puso ko. Hanggang sa namalayan ko na lang ang aking sarili na nakahinang na ang mga labi sa estrangherong lalaki, na basta na lang nagdala sa akin sa sitwasyon na ito.

Mangiyak-ngiyak akong napatingin sa mukha ng estranghero nang ihiniwalay na nito ang kaniyang sarili sa akin. Wala sa mga mata nito ang pagsisisi. Hindi rin nakaligtas sa akin na mapansin ang pagkintal ng ngiti sa mga labi nito.

Lapastangan! Hindi ako makapaniwala! Sa isang iglap… walang kahirap-hirap na nanakaw ng walanghiyang ito ang first kiss ko!

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status