Share

CHAPTER TWO

CALISTA

NAPABALIKWAS ako nang ibagsak ni Klaire ang napakaraming magazines sa mesa. Naglalaman iyon ng mga larawan ni Dayne.

“Hindi lang iyan, pagkatapos mong tignan ang mga ‘yan, ipapakita ko naman sayo ang mga awards ni Dayne.”

Tinatamad kong kunin ang magazine na nasa harapan ko. Aanhin ko naman ang mga ito?

“Dayne Cervantez?” Pagbabasa ko rito.

Isang artista si Dayne. Kaya pala nagtataka sila kung bakit hindi ko man lang siya nakilala. Base sa nakikita ko, isa siya sa mga pinakasikat na artista rito sa Pilipinas.

“Kilala mo na siguro ako ngayon, Calista.”

Muntikan ko nang mabitawan ang hawak kong magazine nang biglang may magsalita sa harapan ko! Napatingin ako kay Dayne na abot tainga ang ngiti. Ngayon ko lang napansin na may dimple pala ito sa kanang bahagi ng pisngi niya. Sanay akong tawagin sa pangalang iyon, ngunit nang marinig ko ito, ay bahagya akong nailang.

“C-Cali na lang,” nahihiyang saad ko.

“Okay, Cali. I think, that’s even better.”

Napangiti ako at gano’n din siya. Napaiwas tuloy ako ng tingin at nilapag ang magazine sa may mesa. Naramdaman kong umupo ito sa tabi ko. Siguro ay ito na ang tamang oras para tanungin siya.

“Hanggang ngayon hindi pa rin malinaw sa akin ang lahat. Ano ba talagang gusto mong mangyari? Bakit kailangan akong maging substitute wife mo?” diretsahang tanong ko sa kanya.

Bigla namang napalitan ang ekspresyon ng mukha niya.

“Huwag kang mag-alala. It’s just a fake wedding. Tanging kapamilya at mga kaibigan lang ang imbitado. After that, ipapalabas natin sa social media ang wedding natin. Pictures, videos and anything that goes with it na mapapaniwala na totoong ikinasal tayo.”

“P-Pero bakit kailangan nating gawin iyon?”

“As you can see, kamukhang-kamukha mo ang nasa painting. She’s Clarisse Sarmiento, my fiancée.”

“Fiancée?”

Nanlaki ang aking mga mata. Tama ako. Siya nga ang tinutukoy nilang Clarisse Sarmiento. Pero bakit kamukhang-kamukha ko siya?

“Oo, Cali. Katulad ko ay isa rin siyang sikat na artista dito sa Pilipinas. Since childhood, she has been my leading lady. Mayroon kaming palabas na ginagawa ngayon. Kung kailan malapit na namin itong matapos, saka pa siya nawala. Ngunit natigil ito pansamantala dahil sa nangyari kay Clarisse. Pero ang alam nila, natigil ito dahil ikakasal kaming dalawa.”

“A-Anong gusto mong gawin ko?”

“Magpanggap ka bilang isang Clarisse Sarmiento.”

Nanlaki ang mga mata ko! Noong una, gusto niyang paniwalain ang mga tao na kasal kami, tapos ngayon magpanggap naman? Nababaliw na ba siya? 

“Magpanggap? Anong alam ko sa pagpapanggap?” halos pasigaw kong tanong.

“Please, calm down, Cali,” saad niya. “Kaya gusto kong makipagkasundo sayo. When people found out about Clarisse’s death, it was a big mess. I mean, bukod sa iiyak ang buong Pilipinas, masisira ang career naming dalawa.”

“Nang dahil lang doon?”

“Hindi iyon basta-basta, Cali.” He sighed. “Importante ang bagay na ito para sa aming dalawa. Malaking bagay ang movie na iyon para sa career namin. Bukod sa popularity, ito magsisilbing pinto namin papasok sa international screen.”

Napailing ako. Sa tono ng pananalita niya, sarili niya lang ang iniisip niya. Dahil lang sa kasikatan, magsisinungaling kami sa maraming tao?

“Pero Dayne, hindi ba unfair ‘yon? Kailangang malaman nila ang pagkamatay ni Clarisse. Hindi habang buhay, matatago niyo ito.”

“I know. Pero masyado pang bata si Clarisse. Biglaan ang pagkamatay niya at alam kong hindi siya handa roon. Importante sa amin ang bagay na ito. Magmula pagkabata, sinikap namin ni Clarisse na umabot dito. Ito ang pangarap namin, ang maging global film ang love team naming dalawa. Pero kung kailan nandito na kami, saka naman siya nawala. Ayokong mawala iyon. Ayokong mawala lahat ng pinaghirapan namin.”

I became silent for a while. Gulong-gulo na ang isipan ko ngayon.

“A-Ano bang ikinamatay ni C-Clarisse? Sabi mo, masyado pa siyang bata. Ano ba talagang nangyari sa kaniya?”

Nakita ko ang pag-iwas at ang paglunok ng sariling laway niya. Nakita ko rin ang malalim na paghinga niya bago magsalita.

“Namatay siya sa aksidente.”

“Aksidente? Kung gano’n, paano niyo ito nagawang itago sa media? Ikaw na mismo ang nagsabi na sikat na sikat kayong dalawa.”

“My Father is a good doctor. Siya ang gumamot at nagbantay kay Clarisse. He owns a private hospital kaya nagawa namin itong itago sa media. Nagtalo kami noong gabing iyon kaya’t sinundan ko siya noong gabing umalis siya. Sa paraang ‘yon, mabilis naming nalinis ang gamit nitong sasakyan sa tulong ng private investigator namin at ang mga kaibigan nitong pulis.” Napatigil siya at nakita ko ang pagbuhos ng kanyang luha. “Masakit man, ngunit hindi na kinaya ng katawan ni Clarisse. Sumuko siya at tuluyan na akong iniwan.”

Mas lalong bumuhos ang luha ni Dayne. Ramdam ko ang sakit at pangungulilang nararamdaman niya. Alam kong hindi madali ang pinagdadaanan niya. Ngunit, naguguluhan pa rin ako.

“Please Cali. . . Hindi ko pa kayang bitawan si Clarisse lalo na ang pangarap naming dalawa.”

Ngayon ay naiintindihan ko na. Importante ang bagay na ito para sa kanya dahil sa binuo nilang pangarap. Importante ang career para kay Dayne ngunit nakikita ko ring mahal na mahal niya ang fiancée niya at handa niyang gawin ang lahat para dito. Kahit pa wala na siya.

“Think about it carefully, Cali. Kapag pumayag ka, lahat ibibigay ko sayo. You also do not have to look for a job as long as you agree to pretend to be Clarisse Sarmiento.”

Napatitig ako sa kanya. Base sa kanya ay nakasama na niya ang ang babaeng iyon magmula pagkabata. Marahil ay kilalang-kilala niya ito. Kung papayag ako sa gusto niya, sigurado akong matutulungan niya rin ako. Pero kakayanin ba ng konsensya ko ang manloko ng ibang tao? 

--**--

“Simpleng paglakad lang hindi mo pa magawa nang maayos?” sigaw ni Klaire.

Gusto ko siyang sigawan pabalik dahil kanina pa siya nagrereklamo! Ngayon kasi ang umpisa ng pagsasanay ko bilang isang Clarisse at kanina pa ako nagkakamali. Pasalamat nga siya dahil pumayag ako sa gusto nila! Kung hindi ko lang talaga kailangan ng pera at matutuluyan, hindi ako magtitiis dito!

“Ano ba Klaire! Ipaghanda mo na lang kami ng makakain, pwede ba?” utos ni Dayne.

Nanlaki ang mga mata ko! Bakit kung makapag-utos siya ay parang hindi niya ito kaibigan?

“Sorry sa inasal ng PA ko, Cali. Gano’n lang talaga siya,” natatawang saad ni Dayne.

Mas lalong nanlaki ang mga mata ko. PA? PA pala ang babaeng ‘yon tapos kung umasta siya ay daig pa niya si Dayne!

Napaupo na lang ako sa may sofa at tinanggal ang heels sa mga paa ko. Sobrang sakit na nito at halos namamaga na. Nagkasugat-sugat na rin ito. Sa buong buhay ko ay ngayon lang ako nakapagsuot ng ganito kaya hindi nila ako masisisi kung bakit hindi ko alam ilakad ito.

Napabuntonghininga ako nang makita ko si Dayne na bakas ang pag-aalala sa kaniyang mukha. 

“Magpahinga ka muna. Tatawagin ko lang si Manang para gamutin ang sugat mo.”

Aalis na sana siya ngunit agad ko siyang pinigilan.

“A-Ayos lang. Kaya ko.”

Ngumiti siya at tumabi sa akin.

“You know what? You and Clarisse are exactly the same.”

“Ha?”

“Pati tono ng pananalita niyo ay magkapareho.”

Napatango ako habang siya ay sumandal sa sofa at bahagyang pinikit ang kanyang mga mata. Hinawakan rin niya ang sentido niya. Halatang problemado talaga siya. Kahit hindi niya sabihin ay halata ko ang pagkadismaya niya sa akin.

“Uhm, Dayne,” saad ko.

“Hmm?”

“Paano kung pumalpak ako?”

Bahagya siyang napatingin sa akin.

“Hindi mangyayari ‘yon, Cali. Magaling ang PA ko. Kayang-kaya ka niyang baguhin.”

Ngumiti siya nang pilit kaya’t tumango ako.

“Sir Dayne, heto na po pala ‘yung mga pinapakuha ninyo.”

Pareho kaming napatingin ni Dayne sa nagsalita. Palagay kong isa siya sa kasambahay dito base sa suot niyang uniporme.

Kinuha ni Dayne ang ibinigay ng babae sa kanya. Nang makaalis siya ay isa-isang nilabas ni Dayne ang laman ng envelope. Mga larawan pala ito.

“Sila ang mga kasamahan namin sa trabaho na magiging katrabaho mo  sa pelikulang gagawin natin.”

Isa-isang ipinakilala ni Dayne ang mga nasa larawan. Nagulat ako nang ipakita niya ang isa sa larawan doon. Isa raw iyon sa mga makaka-partner ko. Kumbaga love triangle ang eksena naming tatlo. Pagkatapos ay inabot niya sa akin ang script.

“Talaga bang sikat ka, Dayne?”

Bahagya siyang natawa.

“Alam mo, hindi ko alam na ganyan ka pala. Laki ka ba sa bundok?”

Sinamaan ko siya ng tingin.

“Don't get me wrong. Hindi ko lang akalain na may mga taong ganyan ang estado ng buhay tipong kahit TV at radyo wala man lang sila.”

“Ganyan naman kayo, eh. Wala kayong alam sa buhay ng ibang tao. Pasalamat na lang ako dahil hindi kita kilala at hindi ako humahanga sa mga katulad ninyo. Kilala niyo lang naman ang mga fans niyo kapag may upcoming movie kayo o concert. Naalala niyo lang sila kapag may kailangan kayo sa kanila. Ang gusto niyo lang naman ay sumikat kayo.”

“Iba ang pagkakakilala mo sa amin, Cali.”

“Totoo naman, ah! Minsan nga naisip ko, umarte lang kayo hinahangaan na agad kayo. Kahit pa hindi kayo marunong sumayaw o kumanta malaking pera na agad ang napupunta sa inyo. Hindi ba unfair ‘yon? Samantalang ‘yung iba, ginawa na lahat wala pa rin.”

Sumeryoso siya ng tingin sa akin. Sumobra yata ako. Na-offend ko ba siya sa mga nasabi ko? Pero totoo naman, eh! Noon, pangarap ko talagang makanuod sa TV, dahil noong nag-aaral pa lang ako, nakuwento ng guro namin na nakapagtrabaho na siya sa Maynila. Palagi niya kaming kinukwentuhan tungkol sa mga napapanood niya at tungkol sa mga artista. Ang sabi niya, kapag naranasan din naming manuod, tiyak hahanga kami sa kanila. Pero habang lumalaki ako, unti-unting nabago ang paningin ko sa kanila. Bukod sa hinahangaan sila ng marami, parang napaka-unfair dahil umarte lang sila, malaking pera na agad ang matatanggap nila.

“Iba-iba tayo ng pananaw sa buhay Cali. Iba ang pagkakakilala mo sa amin. Katulad ninyo, nahihirapan din kami. Kahit kakambal na namin ang pagpupuyat at pagod, kailangan pa rin naming ngumiti para mapasaya ang mga tao. Oo, pangarap namin ang sumikat, pero hindi sa maling paraan.”

“Pero maling magsinungaling sa mga tao,” giit ko.

Bahagya naman siyang natahimik at umiwas ng tingin.

“I’m doing this because it is my dream. This is our dream. Kahit na wala na siya, gusto kong ipagpatuloy ang nasimulan naming dalawa.”

Napalunok ako dahil sa mga salitang binitiwan niya. Nakikita kong mabuti ang puso ni Dayne at sa palagay ko’y nahihirapan rin siya sa sitwasyong ito.

“Pwede ba akong humingi ng pabor sayo?”

Tumango ako.

“Pagbutihan mo lang ang trabahong ito, Cali. Lahat ibibigay ko sa ‘yo. Sayo nakasalalay ang pangarap namin ni Clarisse.”

Kumirot ang bahaging d****b ko. Bakit ganito ang nararamdaman ko? Magkahalong inggit at lungkot. Lumaki si Clarisse na mayaman, artista at maraming tao ang nagmamahal sa kanya. Kagaya ni Dayne, lahat gagawin niya para rito. Lahat ng mga bagay na kinagisnan ni Clarisse ay hindi ko naranasan. Dapat ko nga ba siyang kainggitan?

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Jocelyn Pioquinto Armario
anu kaya ang dahilan ng lola ni calista at isinama sya sa paglayo
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status