Share

CHAPTER ONE

CALISTA

“KASAL?”

Tila nag-echo ang boses ko sa loob ng pamamahay na ito. Dinala ako ng lalaking ‘yon, sa lugar na ito. Hindi ko matukoy kung bahay ba ito o mansyon dahil sa laki at lawak nito. Pansin ko rin ang nagkikintabang kagamitan rito at sa palagay ko’y milyones ang halaga ng mga ito. Sa buong buhay ko, ngayon lang ako nakakita ng ganito.

“Kung may bayad lang lahat ng tanong mo, siguradong mas madadagdagan ang kayamanan ko. Ilang beses ba dapat naming sagutin ang tanong na ‘yan?” maarteng saad ng babaeng nasa harapan ko.

Nang makarating kami sa bahay na ito ay agad na sumalubong ang babaeng ito sa amin. Hindi ko siya kilala ngunit kanina pa siya sumasabat sa mga tanong ko.

“Stop it, Klaire,” saad ng lalaki sa kanya.

Tinignan ko sila nang masama. Kasalukuyan akong nakaupo sa malambot na sofa habang nasa harapan ko naman ang lalaking nagdala sa akin dito at ang babaeng kasama niya.

Sino ba naman ang hindi magugulat sa mga nangyayari? Nagkagulo ang mga tao nang makita kami kasabay no’n ang pagbanggit nila sa pangalang hindi ko kilala. Isa pa, isang estrangherong lalaki ang nagyayang magpakasal sa isang babaeng hindi naman niya kilala. Hindi ba nila alam ang ibig sabihin ng kasal? Para lang ito sa mga taong nagmamahalan. Sa kaso namin pa’no kami ikakasal kung ngayon lang kami nagkita?

Napailing ako. Hindi ko akalaing ganito ang buhay rito. Hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong maramdaman. Lumaki akong walang ideya sa mga taga-bayan. Dapat ba akong matakot?

“Pwede bang paalisin niyo na ako? Hindi ko kayo kilala! Bakit ba pinagpipilitan ninyong ikasal ako sa taong hindi ko naman kilala?” pasigaw kong tanong.

“I can’t believe this, Dayne! Sigurado ka ba talaga sa plano mo? Ni hindi ka nga kilala ng isang ‘yan!”

Kumunot ang noo ko nang marinig ko ang sabi ng babae. Plano? Anong ibig niyang sabihin?

Napaupo ang lalaking tinawag niyang Dayne. Napayuko siya habang hawak ang sentido niya. Mukha siyang problemado dahil sa posisyon niyang iyon. Kumunot naman ang noo ko dahil sa nangyayari. Ano ba talaga ang pakay nila? Para namang mahirap itong paniwalaan dahil napakagwapo at napakayaman niya. Paano naman siya magkakainteres sa katulad kong mas mahirap pa sa daga?

“Plano?” hindi ko maiwasang itanong.

Pansin ko ang pagkagulat ng dalawang ito nang bigla akong magsalita. Agad na tumayo ang lalaki palapit sa akin.

“Kailangan mo ng pera, hindi ba?”

“P-Paano mo nalaman ang bagay na ‘yan?”

“Dahil kanina pa kita sinusudan. Inobserbahan ko ang bawat galaw mo. Nakita ko rin kung paano ka nadismaya nang makita mo ang laman ng wallet mo. Doon pa lang, alam kong kailangan mo ng pera.”

Hindi agad ako nakasagot. Tama siya. Wala nga akong pera. Kung hindi niya ako dinala rito, saan nga ba ako pupunta lalo na’t walang-wala ako ngayon? Bago pa lamang ako rito kaya tiyak na wala akong mapupuntahan.

“I can help you and I know you can help me too.”

Napalunok ako. Ano ba ang dapat kong gawin?

“Be my substitute wife.”

--**--

“Calista?”

Napalingon ako nang may tumawag sa pangalan ko. Si Klaire iyon. Hindi na rin ako nagulat dahil kilala na ako ng mga ito.

Hanggang ngayon, hindi pa rin maalis sa isipan ko kung tama ba ang naging desisyon kong pumayag sa kagustuhan nila. Kailangan ko ng pera at matutuluyan. Alam kong walang kasiguraduhan ang bagay na ito ngunit wala nang mas importante pa sa akin kundi ang buhayin ang sarili ko. Isa pa, ayokong mamatay sa gutom nang hindi ko nalalaman ang totoo kong pagkatao.

Nanlaki ang aking mga mata nang ilapag niya ang napakaraming paper bags.

“A-Ano ang mga bagay na ‘yan?” naguguluhan kong tanong.

“Mga damit, bags at sapatos ang laman ng mga ‘yan,” sagot naman ni Klaire. Napatingin din ako kay Dayne na kakarating lang.

“I-Ibig bang sabihin sa akin lahat ng mga ‘yan?”

Nagulat na lang ako nang biglang humagalpak sa tawa si Klaire. Anong nakakatawa sa sinabi ko?

“Hindi ko alam kung tama ba ang naging desisyon natin, Dayne! Nakakatawa ang kilos ng babaeng ito. Sigurado akong hindi pa nag-uumpisa ang plano ay palpak ka na!”

Magsasalita pa sana si Dayne, ngunit agad na bumukas ang pinto sa sala nila. Niluwa nito ang isang lalaki at isang babaeng tingin ko’y nasa edad kwarenta na. Hindi maalis ang tingin ng dalawang ito sa akin na para bang gulat na gulat habang papalapit sila!

“Totoo ba ang nakikita ko? Hindi kaya namamalikmata lang ako?” sabi ng babae habang titig na titig sa akin.

Napalayo ako dito. Ano bang pinagsasabi niya?

“I can’t believe this,” pailing-iling niyang saad.

Nakakapagtaka lang. Magmula kahapon, bakit parang kilalang-kilala ako ng mga taong nakakakita sa akin? Ano bang meron? Naalala kong may binabanggit silang pangalan kahapon. Kung hindi ako nagkakamali, Clarisse Sarmiento ang pangalang iyon. Ano bang kinalaman ko sa taong iyon?

“Klaire, stay here. Bantayan mo muna siya,” utos ni Dayne at tuluyan nang lumabas kasama ang dalawa na kararating lang.

Napabuntong hininga na lamang ako nang maiwan kaming dalawa ni Klaire.

Napatingin ako sa kanya. Walang kahit na isa sa amin ang nagsasalita. Iniwas ko ang tingin sa kanya nang bigla rin siyang tumingin sa akin. Hindi ko feel ang babaeng ito kaya mas pinili kong manahimik na lang.

“Umamin ka nga.” Bigla akong napatingin sa kanya nang magsalita siya. “Nakakapagtaka lang. Bakit hindi mo kilala si Dayne?” dugtong niya.

Anong problema ng babaeng ‘to? Malamang hindi ko siya kilala. Ngayon ko lang siya nakita. Isa pa, laki akong bundok at bago pa lang ako rito.

“Kakaiba ka talaga. Taga-saang planeta ka ba? Wala bang T.V sa inyo o kahit radyo man lang?”

Tinaasan ko siya ng isang kilay. Ano bang kinalaman ng TV at radyo sa buhay ni Dayne? Nakakainsulto man pero tama siya. Magmula pagkabata, hindi ko naranasang makanuod sa TV dahil wala naman kami no’n at isa pa, walang signal sa lugar namin. Pahirapan mang pumasok sa eskwelahan doon, nagsikap pa rin ako para mag-aral. Nang makapagtapos ako ng high school, doon naman nawala ang Lola ko. Bukod sa napakalayo ng eskwelahan, namatay na rin ang Lola ko kaya’t hindi na ako nakapag-college. Napakahirap ang buhay roon. Nasaksihan ko lahat ng hirap ng mga tao sa amin lalo na ang mga estudyanteng katulad ko. Pangarap kong makapagtapos ng pag-aaral at maging isang guro, dahil gusto ko silang tulungan.

Kagaya ng ibang tao, lumaki rin si Lola sa Manila. Ang sabi niya, masaya silang nabubuhay roon, pero mas pinili niyang talikuran ang lahat ng ‘yon. Alam kong may mabigat siyang dahilan para gawin ang bagay na ‘yon.

Napatingin naman kaming pareho sa cellphone niya nang bigla itong tumunog.

“Sandali lang. Huwag kang aalis. Sasagutin ko lang ito,” madiin niyang saad.

Napailing na lang ako. Hindi ko tuloy maiwasang isipin. Sino ba talaga si Dayne? Hindi na kasi niya nabanggit kagabi dahil mas pinili niyang pagpahingahin ako. Masyado na ring malalim ang gabi kaya’t nagdesisyon siyang ngayon na lang pag-usapan ang mga bagay na gumugulo sa isipan ko.

Nang silipin ko si Klaire ay abala pa rin siya sa pakikipag-usap kaya’t nagpasya akong libutin ang napakalaking sala nila. Ang gagara ng mga kagamitan at halatang mamahalin. Nakakatakot tuloy hawakan dahil mukhang milyon ang halaga ng mga ‘yon.

Hindi ko alam kung saan ako dadalhin ng aking mga paa ngunit nagpatuloy pa rin ako sa paglilibot dito. Hanggang sa makarating ako malapit sa isang kwarto. May isang napakalaking painting na nakasabit doon. Nanlaki ang mga mata ko at bahagyang nagsitaasan ang mga balahibo ko sa katawan!

Kamukhang-kamukha ko ang nasa larawan. Tinignan ko ito nang maigi. Pati hulma ng mukha namin ay magkapareho. Paanong nangyari iyon? Hindi kaya ito ang tinutukoy nilang Clarisse?

“Calista!”

Napatingin ako sa papalapit na si Klaire. Hinihingal siya habang hawak ang bahagi ng d****b niya. Kasunod niya ang lalaking nagdala sa akin dito at ang dalawang kasama niya. Bakas na bakas sa kanila ang pag-alala.

Napatingin akong muli sa may malaking larawan. Maraming tanong ang namumuo sa aking isipan. Sino ang babaeng ito? At bakit kamukhang-kamukha ko siya? Hindi kaya . . . Ang babaeng ito ang sagot sa aking mga problema? May koneksyon kaya siya sa buhay ko? Siya na kaya ang bubuo sa aking pagkatao? Napangiti ako. Tila sumasang-ayon ang kapalaran sa akin. Hindi ko man maintindihan sa ngayon, ngunit sigurado akong mayroon siyang kinalaman sa buhay ko. Sigurado akong dito ko mahahanap ang lahat ng sagot, sa bahay na ito.

“Kakamatay niya lang two weeks ago.” Tila gumuho ang mundo ko at agad na nawala ang ngiti sa aking labi. Napatingin ako sa lalaking nagdala sa akin dito. Si Dayne. Katulad ko ay nakatingin din pala silang lahat sa malaking larawan na ito. Bakas na bakas ang lungkot sa mga mata nila.

“H-Ha?”

Wala akong masabi. Gusto kong umiyak dahil sa nalaman ko. Akala ko ay masasagot na ang lahat ng katanungan ko. Hindi pa rin pala. Ramdam na ramdam ko rin ang lungkot sa mga mata niya. Pakiramdam ko ay anytime babagsak din ang luha niya, maging ang mga kasama niya.

Pinagmasdan kong muli ang painting na ito. 

“Sino ka ba talaga? At bakit kamukhang-kamukha kita?”

Mga Comments (5)
goodnovel comment avatar
Calista Dale
she's your twin.. you were separated for some reason.. i think
goodnovel comment avatar
Jenifer Padallan Mendoza
baka kambal mo pinaglayo kayo ng kinilala mong lola
goodnovel comment avatar
Jocelyn Pioquinto Armario
hula ko magkakambal sila clarise at calista isinama ng lola nya si calista sa paglayo sa Manila
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status