Share

Kabanata 3

Tuwing gabi ay lagi kong napapanaginipan ang mga nangyari. Paulit ulit iyon sa utak ko. Bawat detalye, bawat segundo, tandang tanda ko. Madalas akong napapagalitan sa shelter dahil sa lakas ng sigaw ko tuwing nananaginip.

Sabi ng isang namamahala roon ay pini-peke ko lang daw iyon para makaalis ako sa kanila. Sabi naman ng isa ay baka natuluyan na rin daw akong mabaliw kagaya ng kapatid ko na maganda nga ngunit sinto-sinto.

Gusto kong magalit at magwala ngunit wala akong lakas. Tila ba nauubos iyon sa bawat bangungot sa magdamag na wala ng natitira sa akin kinaumagahan.

Wala na rin akong balita sa kapatid ko. Noong una ay madalas pa siyang pag-usapan ng mga tauhan dito sa shelter dahil sa nakakaawang trauma na sinapit nito. Ngunit nang lumaon, napalitan na ng ibang kwento ang usapan nila.

Trinity House: Children’s Home

Iyon daw ang pupuntahan namin ni Daisy ngayon. Kinuwento niya sa akin na marami raw doon na batang kagaya ko na ulila na. Gusto kong sabihin na hindi pa ‘ko ulila dahil may kapatid pa akong naghihintay sa akin, ngunit pakiramdam ko ay hindi lang din niya maiintindihan iyon.

Paulit-ulit ang mga bilin at pangaral niya sa akin. Kung gugustuhin ko raw na makahanap agad ng bagong pamilya ay dapat simulan ko na raw buksan ang sarili ko sa iba. Hindi daw makabubuti sa akin kung patuloy na lamang akong hindi magsasalita.

Nang makarating kami sa bahay ampunan na tinutukoy niya, tatlong madre ang sumalubong sa amin. Nagpakilala sila bilang Sister Erika, Sister Mel, at Sister Luna. Lahat sila ay mababait at mainit ang pagsalubong sa akin ngunit hindi ko masuklian ang bawat ngiting iginagawad nila. Tulad ni Daisy noong nasa shelter pa ako, sinusubukan din nila akong kausapin minsan. Ngunit kapag wala silang sagot na natatamo, tanging ngiti at haplos sa ulo na lamang ang ginagawa nila sa akin tuluyang umalis.

Payapa sa Trinity House. May iilang bata roon ang nais makipaglaro at makipag-usap sa akin. Minsan ay naririnig ko pa silang nag bubulungan kung sino ang lalapit sa akin para sumali sa kanila. Ngunit kinalunan ay nagsawa na rin sila nang mapagtantong wala akong pinapaunlakan na kahit sino.

Hanggang sa namulat na lang ako isang araw na labing dalawang taong gulang na ako. Dalawang taon na ‘ko sa ampunan ngunit wala pa rin gustong umampon sa akin dahil sa pagiging tahimik ko. Madalas naririnig ko ang mga madre na nanghihinayang dahil baka tumanda na lang daw ako dito at hindi makahanap ng kalinga ng isang maayos na pamilya. Pero ang totoo niyan, walang kaso sa akin iyon.

Ayokong bumuo ng bagong pamilya dahil isa lang ang maituturing kong pamilya habang buhay. Si Mama, ang ate, at ako. Kami lang at wala ng iba pa.

Tahimik akong nakasakay sa isang lumang duyan sa labas habang abala ang ibang bata sa pakikipag salamuha sa mga potensyal na adopter. Iyon ang tawag sa mga taong naghahanap ng aampunin.

Nang may narinig na yabag sa damuhan ay napaangat ang tingin ko.

“Ikaw si Aya, ‘di ba?” Ngiti ng isang med’yo may katandaan na babae. Sa base ko ay halos ka-edad niya lamang si Mama. Maganda ito at kulay porselana ang balat. Dahil sa magarbong kasuotan nito ay mahahalata mo ang karangyaan. Kumunot ang uno ko nang naglahad ito ng kamay sa akin bago ulit nagsalita.

“I’m Amanda Fuentes and I can help you avenge your family.”

Noong una ay hindi ko maintindihan kung anong tinutukoy ni Ma’am Amanda. Nagpakilala siya sa akin bilang matalik na kaibigan ni Mama. Matagal na raw niya akong hinahanap nang mabalitaan niya ang nangyari ngunit dahil hindi maaaring ilabas ang mga personal records sa shelter kung kaya’t nahirapan siya.

Ngunit ang mas nag udyok sa akin na makinig sa mga sinasabi niya ay dahil alam niya kung saang mental hospital si Ate.

Kinupkop ako nito kung kaya’t wala akong magawa kung hindi ay sumunod sa kan’ya.

Mayaman siya at nakatira sa isang malaking mansyon. Mayroon siyang dalawang anak na ang pangalan ay Sidro at Uria. Kumpara kay Uria na masayahin at makwela, si Sidro naman ay parang pinaglihi sa sama ng loob at bugnutin. Gaya ko, tahimik lang din ito at hindi madalas na nagsasalita.

“Aya, ito ang magiging room mo,” wika ni Ma’am Amanda sa akin. “By the way, we have to change your name, so, I will talk to you tomorrow, okay? Sa ngayon ay magpahinga ka na muna.” Ngumiti ito sa akin bago lumabas ng kwarto.

Iginala ko ang tingin sa buong silid. Kumpara sa kwarto namin ni Ate, tiyak na mas malawak ito ng halos limang beses. Puno rin ng kulay pink ang bawat paligid. Madalas ko lang makita ang gan’tong disenyo ng kwarto sa palabas kung saan mayayaman ang mga batang bida.

Napatingin ako sa hawak na lumang paper doll. May iilang punit na iyon at halos bumigay na ang pagkakagawa. Simula ng gabing ‘yon ay lagi ko na itong hawak hawak. Iyon na lang kasi ang natitirang ala-ala ko sa buhay na kinagisnan ko noon.

Kinabukasan ang may pumuntang mga pormal na tao. Ani ni Ma’am Amanda, mga abogado raw iyon upang mapalitan ang pangalan ko at pormal na maging anak niya ako sa papel.

“From now on, you are Amara Fuentes, my only daughter.” Matamis ang ngiti niya sa akin habang sinusuklayan ang buhok ko sa harap ng tukador. Madalas siyang magkwento sa akin ng mga bagay na madalas nilang gawin ni Mama noon.

Lagi niya rin akong pinapaalalahanan na maging malakas hindi lang para sa sarili ko kung ‘di ay maging din sa kapatid kong nasa malayo.

At unti-unti, sa pag daan ng mga araw, buwan, at taon, sumibol ang kagustuhan kong maipaghiganti ang sinapit ng kawawa kong ina at kapatid.

“Good morning, I’m Amara Silencia Fuentes, 25 years old,” pakilala ko sa mga panauhin sa harapan. Ito na ang final interview para sa trabahong pinag applyan ko.

“You have an incredible background, Ms. Fuentes, but why do you want to work here in Dela Vega Industries?” tanong ng isang matandang lalaki na nasa gitna. Nagsitanguan naman ang mga katabi nito habang binabasa ang resumé ko.

Napangisi ako. Hmm… bakit nga ba?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status