Share

Kabanata 2

“You didn’t reply to my messages, Rina. Kaya ako pumunta dahil nag-aalala ako sa’yo,” sambit ng lalaki.

“Ano ibig sabihin n’ong reply?” tanong ko kay Ate na agad naman akong binatukan.

“Bobo talaga nito, ‘yong sa text ‘yon! ‘Yong sa selpon, bobo,” sagot niya sa ‘kin at ngumisi.

Binatukan ko rin siya pabalik dahil sa inis ko. Ang sakit n’on ha! “Nagtatanong ako nang maayos parang ewan ‘to.”

Natigil kami sa pag gagantihan nang may narinig kaming kakaibang tunog.

“Ah, Ricardo, ah!”

Nagkatinginan kami ni Ate. Boses ni Mama ‘yon, ah? Pero bakit parang may kakaiba sa kan’ya? Para siyang hinihingal na hindi ko maintindihan.

“Bakit sinasabi ni Mama na ‘ah’, sinusubuan niya ng pagkain ‘yong lalaki?” inosenteng tanong ko dahilan para batukan ako ulit ni Ate. Ano ba? Napipikon na talaga ‘ko! Kanina pa batok nang batok ang isang ‘to!

Humalakhak ang kapatid ko at umalis na malapit sa pintuan para pumunta sa kama. “‘Wag mo na tanungin, bata ka pa. Lika na dito, ‘wag ka na makinig d’yan.” Taka kong tiningnan ang ngisi niya dahil hindi ko mawari kung anong kinalaman ng edad ko sa tanong ko sa kan’ya.

Sampung taong gulang pa lamang ako, samantalang ang Ate ay labing anim na taong gulang na. Sabi ng iba naming mga kaanak, ang dahilan kung bakit sobrang layo ng agwat namin ay dahil nakunan noon si Mama. Dapat daw talaga ay tatlo sana kaming magkakapatid.

“Ang sarap mo talaga, Rina.”

Nagulat ako sa sinambit ng lalaki. Kumakain na sila? Sakto naman ang siyang pagkalam ng sikmura ko. Ang daya!

“‘Te, bawal pa ba tayo lumabas? Nagugutom na ‘ko,” simangot ko sa nakatatandang kapatid.

“Naku, maghintay ka! Napalo na ‘ko kanina, ayaw ko na madagdagan ‘no.” Abala na siya ngayon kalikutin ang lumang selpon na binigay sa kan’ya ni Mama noong kaarawan niya.

“E, nakain naman na sila eh,” pilit ko sa kan’ya pero hindi pa rin siya maalis sa pagkakahiga.

“Anong nakain?” tanong niya at bumaling sa akin.

“Sabi n’ong lalaki ang sarap daw, e. Tara na kasi, ‘te.” Gutom na gutom na talaga ‘ko. Pa’no kasi ang kinain ko lang kaninang tanghalian ay tinapay dahil chop suey ang ulam. E, hindi naman ako mahilig sa gulay. Pero dahil mapapalo lang ako kapag nag inarte ako, iyong pandesal na tira na lamang noong almusal ang kinain ko kaso lilima lang iyon. Kung kaya’t sobrang gutom ang dinaranas ko ngayon.

Sumabog naman ang halakhak ng kapatid ko dahil sa sinabi ko.

“Sabi sa’yong ‘wag ka na makinig, e. Takpan mo nga iyang tainga mo, hindi sila kumakain,” sambit niya at umupo sa pagkakahiga. Lumapit ito sa akin para pisilin ang pisngi ko. “Maya-maya p’wede na tayo bumaba, hintay ka na lang d’yan muna.”

Ngunit nang malapit na mag alas otso at hindi pa rin kami pinapababa ni Mama, lumapit na ang Ate ko sa may pinto.

“Dito ka lang muna, ha. Sisilipin ko lang sila, ‘wag kang maingay.” Tumango ako sa kan’ya habang pinapanood siyang maingat na binubuksan ang pintuan ng kwarto.

Nang nagawa niya iyon na walang kahit anong tunog ay napangisi ako rito. Ngumisi rin naman siya pabalik at sumenyas na ‘wag akong maingay. Lumabas siya at marahan niyang sinara ulit ang pintuan.

Mga ilang minuto pa ay biglang nagsitahulan ang mga aso ng mga kapitbahay at dinig ko ang pagkalabog ng gate namin sa ibaba.

“I knew it!” sigaw ng isang ‘di pamilyar na boses pambabae.

Kumaripas ako palapit sa pinto at inilapat ulit ang tainga rito.

“You, bitch! Malandi kang babae ka! Pamilyadong tao pero kinakalantari mo! Salot!”

Halos hindi ko na maintindahan ang nangyayari dahil naghahalo halo ang sigaw ni Mama, n’ong babae, at lalaki. Pagkaraan ng ilang segundo ay isang nakakabinging putok ng baril ang umalingawngaw dahilan para magwala ang mga aso sa labas.

“Putang ina, Beatrice! What the hell did you do?” sigaw ng lalaki bago nagsitahimikan. Marahas na kumalabog ang gate sa ibaba habang dinig ko pa rin ang lakas ng tahol ng mga aso ng mga kapit-bahay. Nang marinig ko ang ingay ng makina ng sasakyan at sinubukan kong maingat na buksan ang pintuan ng kwarto.

Nagulat ako nang makita ko ang kapatid kong naka upo sa may hamba ng hagdan at nakatulala habang umiiyak.

“‘Te, nahuli ka?” bulong ko at sinubukang silipin ang baba ngunit wala akong makita dahil nakapatay ang ilaw sa sala. Tanging ilaw lamang sa kusina at hagdan ang nagsisilbing liwanag doon. Binalingan ko ulit ang kapatid ko nang wala pa rin itong kibo.

Sinubukan kong yugyugin ang katawan nito ngunit hindi siya matinag sa kan’yang p’westo. “Uy, ‘te. Ano ba ‘yon? Napalo ka ba?” tanong ko sa mahinang boses dahil sa takot na baka marinig ni Mama at malaman nitong sumuway na naman kami sa utos niya.

Napakunot ang noo ko nang tuloy tuloy pa rin ang landas ng luha sa kan’yang mga mata. Walang tunog ang pag-iyak niya habang nakatulala pa rin.

“Napalo ka ba? May masakit sa ‘yo? Tara na, pasok muna tayo sa kwarto,” anyaya ko sa kan’ya ngunit gan’on pa rin siya. Tulala at umiiyak.

Nang ‘di na ‘ko makatiis ay sinubukan kong bumaba. Dahan dahan ang bawat hakbang ko at sinisikap na walang tunog iyon. Agad ko namang naabot ang switch ng sala ngunit napasigaw ako nang madatnan ko ang hubo’t hubad na katawan ni Mama na nakahandusay sa ibaba ng sofa. Napapalibutan siya ng dugo habang sa noo niya ay may tama ng bala.

Napaiyak ako sa nakita at napunta ang tingin ko sa kapatid ko na tulala pa rin habang umiiyak.

Halos magwala ako nang may mga dumating na pulis sa bahay at kinuha ang bangkay ni Mama habang may mga tauhan naman na nakaputi ang kumuha sa amin ng kapatid ko.

“Itong isa, okay naman. The other one though is mentally incapable. Mukhang na-witness niya ang nangyari sa nanay niya,” wika ng doctor sa harapan. Hindi ko maintindihan ang sinasabi nila habang mahigpit ang hawak ko sa kamay ng kapatid ko.

Mula noong gabing iyon ay hindi pa rin ito nagsasalita. Lagi lang itong tulala at umiiyak. Ilang beses ko na siyang sinubukang kausapin ngunit wala akong nakukuhang ni isang sagot.

Hanggang lumipas ang ilang buwan, nasa shelter ako habang ang kapatid ko ay nasa mental hospital. Sabi nila ay nawalan daw ito ng ulirat dahil sa nangyari. Namanhid na rin ako sa sakit at poot na nararamdaman.

Bukas makalawa ay ililipat na raw ako sa isang maayos na bahay ampunan sabi ng babaeng nagngangalang Daisy. Araw-araw ay sinusubukan niya akong kausapin ngunit hindi ko mahanap ang lakas para sumagot sa mga bawat tanong niya.

Ang tanging nasa isip ko lang ay gusto ko na umuwi sa bahay kasama ang Ate. Baka sakali ay naroon pa si Mama at naghihintay sa amin. Baka sakaling… buhay pa siya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status