Share

KABANATA 5: Nakakahanga

"ANO?! Dalawa lang ang natira sa halos batalyong pulis na kasamahan mo, Major Aragon?!" pagalit na katanungan ni General Fernandez sa dalagang si Aurelia na kasalukuyang tinatanggap ang mga sermon niya mula pa kanina.

Natapango ito bilang pagtugon. "Opo, General. Lahat po ay patay na nang sinuri namin muli ang lugar," dagdag salaysay niya pa upang maireport ang lahat ng nangyari.

"Kahapon pa naganap ang pagsugod ninyo roon, hindi ba? Bakit ngayong kinaumagahan lang din kayo nagtungo rito kung gano'n?" kuwestiyon pa nito.

Malalim na lamang na napabuntong-hininga si Aurelia. Buong buhay niya ay ngayon lamang siya napagalitan, lahat noon ay perpekto, ngayon lamang ito nagkapalpak sa trabaho.

"Nadakip po kami ng mga kalaban, General. Nakatakas lang po kami noong tulog pa ang mga sindikatong iyon. Sabay po kaming tumakas ng mga kasama ko. Pagkatapos po niyon ay nagpunta kami sa lugar upang tingnan kung may nakaligtas pong mga pulis pero sa kasamaang palad ay binawian na po silang lahat ng buhay. Patawad po, General. Nabigo ko po kayo," magalang na usal niya sa kausap.

Napahilamos sa mukha si General Fernandez na halata sa kaniyang siya ay labis na problemado sa mga narinig. "Isipin mo kung paano na lang ang mga naiwang pamilya nila, Major Aragon! Madalas mangyari ang ganito rito pero mula noong mahalal ako sa posisyong ito ay ngayon lang ako nakasaksi ng mga gano'n karami na binawian ng buhay mula sa distrito natin!" Mas lalong napayuko si Aurelia. Gusto niyang maluha ngunit pinipigilan niya dahil sa harap ng maraming tao, ang tingin sa kaniya'y matatag na babae't perpekto sa lahat ng bagay. "May nakilala ka bang mukha mula sa mga kalaban?" tanong ni General Fernandez muli matapos ang ilang segundong katahimikang namutawi sa silid na iyon.

Napailing si Aurelia nang agaran. "W-wala po, General. Kahit isa ay wala po, hindi pamilyar ang kanilang mga mukha," sinungaling nitong sagot. Aminado itong galit siya sa kapatid niya ngunit hindi niya kayang ilaglag ito. Handa niyang gawin ang lahat, kahit na masira pa ang kaniyang pangalan, mailayo lang sa kapahamakan ang kaniyang pamilya.

"Dismissed," wika ng General sa dalaga. Sumaludo si Aurelia sa kaniya nang hindi pa rin diretsong makatingin sa mga mata nito dahil sa konsenyang nararamdaman niya simula pa kahapon.

Nang sumaludo pabalik ang lalaki ay roon na magsimulang humakbang ang dalaga papalabas sa opisinang iyon. Ngunit bago pa man siya tuluyang makalabas ay may mga salita pang binitawan si General Fernandez sa kaniya. "I hope you're aware that I'm so disappointed to you right now, Major Aragon." Mahihimigan sa boses nito ang labis na pagkadismayado niya talaga sa dalaga.

Malungkot na napangiti si Aurelia bago ito tipid na napatango. "I'm aware po, General," turan nito bago tuluyang umalis.

Pagkalabas niya ay naabutan niya si Xavier at Denis na halatang inaabangan siya ng mga ito. Ayaw niya sana muna ng makakausap sa mga oras na iyon ngunit wala siyang pagpipilian dahil responsibilidad niyang sumagot sa mga katanungan nila.

"Major, hindi naman sa chismoso akong tao, ha? Narinig kasi namin nitong si Xavier ang ilan sa mga usapan ninyo ni General. Ang akin lang ay bakit pinagtakpan ninyo ang kapatid ninyo tungkol sa nangyari? Hindi ba't pagdating sa trabaho ay wala ho dapat kinalaman ang personal na emosyon ninyo?" usisa nito sa kaniya.

"Huwag mo 'kong pangunahan sa mga hakbang ko. Sasabihin ko rin ang lahat nang detalyado kay General, huwag lang ngayon dahil gagawa iyon agad ng aksyon laban sa kapatid ko na hindi dapat mangyari dahil sa oras na gawin niya iyon ay baka mabaluktot ang plano niya. Mas higit kong kilala ang kapatid ko kaya hayaan niyo munang ako ang magplano para madala siya mismo sa selda. Kilala mo naman siguro ako na hindi sumusuway sa batas?" taas-noo nitong katanungan sa pulis na under sa kaniyang pamamahala.

Ngunit ang totoo ay kabaliktaran ang kaniyang mga sinabi, dahil gagawin niya ang lahat, huwag lang maidala sa presinto ang Kuya Jax niya. Mas lamang sa kaniya ang salitang pamilya kaysa sa trabaho.

Tipid na napatango sa kaniya si Denis. "Opo, Major. Pasensiya na sa panghihinala ko sa inyo. Nawa'y totoo nga talaga ang mga binitawan ninyong salita dahil kung hindi ay ako mismo ang magrereport niyon kay General Fernandez at alam niyo naman siguro ang pupuwedeng mangyari sa inyo, Major?" Napataas ang kilay ng dalaga sa narinig niya.

"Pinagbabantaan mo ba ako?" anito.

Napailing si Denis kay Aurelia. "Walang halong pagbabanta ang mga tinuran ko, Major. Nasa sa inyo na po 'yan kung 'yon ang pagkakaintindi ninyo. Mawalang galang na po pero babalik na ako sa trabaho," turan nito na sumaludo pagkatapos ngunit hindi sumaludo pabalik si Aurelia dahilan upang hindi pa ito makaalis.

"Bakit? May importante ka pa bang gagawin? Kung wala, puwede bang maaya muna kayo ni Xavier? Tamang inuman lang, hindi upang mag-celebrate kun'di para ipagluksa ang mga kasamahan natin. Kailangan ko lang sana ng makakasama," aya ng dalaga. Madalas talaga kung ito ay mag-aya ng inuman sa kanilang grupo. Nakakalungkot nga lang dahil tatatlo na lamang sila ngayon.

"Sige, Major. Sasama ako. Pero mangako kang tutuparin mo talaga 'yong mga binitawan mong salita dahil kung hindi ay ako po mismo ang hihila sa inyo pababa. Alam niyo naman siguro kung gaano kasakit mawalan ng matalik na kaibigan?" Biglang nag-iba ang hitsura ni Aurelia nang marinig ang salitang kaibigan. Naalala kasi niya bigla si James, ang bukod tanging kaibigan na itinuring na rin niya bilang kapatid ngunit naglaho iyon nang pagtangkaan nito ang ama niya kung kaya't ang dalaga mismo ang nagdala sa kaniya patungo sa bilangguan. Iyon nga lang ay nakatakas ito at hanggang ngayon ay pinaghahanap pa rin. "Wala ka nga palang pakialam sa pagkakaibiganan dahil----"

"Pinagtangkaan niya ang buhay ng ama ko noon, Denis. Ano ang sa tingin mong gagawin ko? Magbulag-bulagan at hahayaan siyang magpagala-gala upang kitilin ang buhay ni Daddy? Ha?! Ano sa tingin mo?!" Biglang bumugso ang galit at sakit na naramdaman ni Aurelia. Galit dahil hindi niya lubos akalaing magagawa iyon ni James at sakit dahil natapos ang kanilang pagkakaibiganan nang gano'n-gano'n lang.

Ang mga iilang pulis na malapit sa kanilang gawi ay kasalukuyang pinagtitinginan na sila ngayon. Habang si Xavier naman ay nanatiling tahimik lamang na nakikinig sa kanilang tabi. Halata sa hitsura nito ang pagkalito kung papagitna ba siya upang patigilin ang dalawa o kung mananatili na lamang siya roon dahil baka maging palpak na naman ang kaniyang magiging kilos. Sa huli ay nanatili na lamang itong hindi gumagalaw sa kaniyang puwesto.

Pagak na napatawa si Denis sa narinig mula sa dalaga. "Wala po akong karapatang bastusin ka sa loob ng trabaho natin kaya sige, pumunta na tayo ngayon din sa dating lugar kung saan nagsasaya ang grupo, Major." Hindi na nito hinintay pa ang sagot ng dalaga dahil agaran na itong lumabas.

Napahinga nang malalim si Aurelia bago pilit na ngumiti upang ipakita sa lahat na ayos lang siya kahit na ang totoo ay hindi sapagkat nagkanda-sunod-sunod ang mga problemang kailangan niyang harapin ngayon.

"Tara na, Xavier. Samahan mo kami at kung ano man sana ang mapag-uusapan namin ay hindi na makararating pa sa iba." Tanging pagtango lang ang naitugon ng binata sa kaniya bago sila sabay na lumabas.

Naabutan nilang nasa driver's seat na si Denis na halatang kagagaling lang sa iyak. Matalik na kaibigan na kasi ang turing nito sa bawat miyembro ng kanilang grupo kung kaya't sobrang sakit para sa kaniya na payapa na ngayong nakapikit ang mga mata nila.

Nang sila ay makasakay na sa sasakyan ay walang salitang pinaandar na iyon ni Denis.

Buong akala ni Xavier ay mababalot lamang sila ng katahimikan sa kanilang byahe ngunit nagkamali siya sa isiping iyon nang magsalita si Denis na ngayon ay kasalukuyan nang umiiyak nang makita niya ito mula sa rearview mirror.

"Bukod sa amin na kaibigan ni James ay ikaw ang mas higit na nakakakilala sa kaniya dahil kayo na ang magkasama simula pa pagkabata. Pero nagkamali pala ako dahil hindi mo pa pala siya lubos na kilala. Sa tingin mo ba, magagawa niyang pagtangkaan ang buhay ng ama ng babaeng minamahal niya nang labis? Nabanggit na niya noon sa amin na ipinagtapat na niya ang nararamdaman niya sa 'yo pero sinabi mo raw sa kaniyang kaibigan lang ang turing mo kaya tinanggap niya 'yon, Aurelia! Pinigilan niya ang nararamdaman niya sa 'yo para magkasama't magkausap pa rin kayo kagaya nang dati!" sigaw nito ngunit sa daan nakapokus ang kaniyang atensiyon upang hindi sila madisgrasya.

"Sa tingin mo ba ay matuturuan ko ang sarili kong mahalin din siya pabalik kung ang sinisigaw ng puso't isipan ko ay tanging kaibigan lang talaga ang turing ko sa kaniya? Masasaktan ko lang siya kung paplastikin ko ang tunay kong nararamdaman, Denis. Sana alam mo 'yon!" Hindi na rin nito mapigilan pa ang mapasigaw pabalik.

Sa kabilang banda ay nabibingi na si Xavier sa mga naririnig niya ngunit nagkunyari ito na parang isa lamang siyang hangin sa loob ng kotse upang ibigay ang privacy na seryosong pag-uusap ng dalawa.

"Hindi 'yon ang pinupunto ko rito, Aurelia! Galit siya sa mga magulang mo simula nang patayin nila ang mga magulang niya pero kailanman ay wala sa isipan niya ang gumawa nang masama na ikakalungkot mo, na ikakasakit ng damdamin mo!" Tila nagpintig ang pandinig ng dalaga sa narinig niya.

Nanginginig ang mga labi nito nang siya ay muling magsalita. "A-anong sabi mo? H-hindi 'yon magagawa ng pamilya ko sa kaniya. Imposible dahil parang anak na si James sa kanila, kaya huwag kang magbintang nang kung ano-ano!" depensa niya sa kaniyang pamilya kahit na may ideya na siyang posibleng totoo ang itinala ni Denis.

Napatingin saglit ang lalaki sa gawi ni Aurelia bago ituon muli ang atensyon sa daan. "Totoo 'yon, Aurelia! Akala ko ay tapat ka sa sinumpaan mong serbisyo ngunit kanina ko lang napatunayang hindi pala dahil ni hindi mo dinawit ang pangalan ng kapatid mo sa report!"

Napasabunot na ang dalaga sa kaniyang maayos na buhok dahil sa matinding frustration. "Kalalaman ko lang din kahapon ang tunay na kulay nila, Denis! At oo, sobrang sakit na itinago nila 'yon sa akin! Na gano'n pala ang mga budhi nila! Pero ano'ng magagawa ko? Tapat ako sa tungkulin natin bilang pulis pero ibang usapan na 'to dahil sila ay pamilya ko. Sila na lang ang mayroon ako..."

Napailing nang mariin si Denis. "Hindi na mababago ang desisyon ko dahil panahon na para ilantad sa harapan ng lahat ang masamang kulay ng pamilya mo. At upang malaman mo lang, hindi si James ang nagtangka sa buhay ng ama mo!" Gulat na napatingin ang dalaga dahil sa narinig nito.

"Imposible. Kitang-kita ko kung gaano siya noon kataranta at kahina-hinala ang mga galawan niya," mahinang bulong nito sa kaniyang sarili lamang ngunit hindi iyon nakatakas sa pandinig ni Denis.

"Gano'n lamang siya umasta noon dahil nasaksihan ng dalawang mata niya mismo kung paano ko saksakin sa sikmura ang ama mong sobrang sakim at ka-demonyo! Masuwerte nga siya't hindi binawian ng buhay pero balang araw ay titiyakin kong mamamatay na ang matandang 'y--" Dalawang magkakasunod na putok ng bala ang nagpatigil dito mula sa pagsasalita.

Mabilis na naganap ang mga pangyayaring iyon. Labis na gulat na napatingin si Xavier kay Aurelia na ngayon ay nasa driver's seat na habang ang duguang katawan ng kanilang kasama na si Denis ay basta na lamang nitong itinapon palabas ng sasakyan bago paandarin nang mabilis ang makina ng kotse.

"M-major, s-s-saan po tayo p-pupunta?" Hindi maitatago sa boses ni Xavier kung gaano siya katakot sa dalaga. Halos hindi na nga ito makabuo ng salita dahil sa pagkandautal-utal niya.

Napangisi ang dalaga rito bago sumagot. "Sa bar, iinom upang makalimot. Manatili kang manahimik kung ayaw mong matulad sa kasama natin kanina."

Napalunok na lamang si Xavier sa kaba bago sunod-sunod na napatango. Nakakatakot ang dalaga para sa kaniya magmula noong gabing iyon dahil walang kahit na anong makikilatis man lang na pagsisisi sa kaniyang ginawang pagpaslang kay Denis. Ngunit sa kabilang banda ay hindi maiwasang lihim na mapangiti si Xavier sa angking talino na mayroon ang dalaga. Kahanga-hanga.

Comments (2)
goodnovel comment avatar
Jenanaa
sorry po, ngayon lang. mag uupdate na po
goodnovel comment avatar
Eyyang Aspiras Estoque
Update naman
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status