Share

Chapter 4

KANINA pa wala sa sarili si Anicka. Hanggang sa mga oras na iyon ay naiisip niya pa rin si Tyron.

Parang nararamdaman niya pa rin ang talim ng mga titig nito sa kanya kanina.

Sigurado siyang nakita nito ang ginawang paghalik sa kanya ni Albert.

Ano kaya ang iniisip nito sa nakita?

At bakit parang galit ito sa talim ng titig nito sa kanya?

Posible kayang...--?

"Hays! Erase, erase, erase!" mahina niyang sabi na inihilamos ang kamay sa mukha. "Huwag mo na siyang isipin, Anicka. Mas marami kang bagay na mas dapat isipin kaysa sa kanya." kausap niya sa sarili habang pinapaypayan ang sarili gamit ang mga kamay at huminga ng malalim.

Pagdating ng lunch time ay may problema na naman si Anicka.

Wala siyang baong lunch!

Tanghali na kasi siyang nagising kanina kaya't hindi na siya nagluto ng babaunin.

Sa isip niya ay kakainin na lamang siya sa canteen sa tapat.

Sa kabila naman kasi ng nangyari sa nakaraan ay maganda naman ang pakitungo ni Nanay Trining sa kanya.

Ito pa ang nagpilit na tawagin na lamang daw niya itong nanay, tutal, ay parang anak na rin naman daw ang turing nito sa kanya.

Hindi niya nga lamang inaasahan na darating si Tyron.

At ngayon nga ay namomroblema siya.

Hindi umaalis si Tyron sa canteen.

Dahil salamin na sliding door ang pintuan ng canteen ng mga ito, ay tanaw niya si Tyron, na siya ngayong naka-upo sa kaha na tila nalilibang sa kanyang ginagawa.

Ang susunod pa namang pinaka-malapit na kakainan ay kinse minutos na lakarin.

Kinse minutos papunta, at kinse minutos din pabalik, e di, treinta minutos agad ang mawawala sa oras ng lunch break niya. Ayaw niya namang mamasahe at nanghihinayang din siya sa ibabayad niya.

Napahinga na lamang siya ng malalim.

"Bahala na nga."

Pagdating ng break time ay wala siyang ibang pagpipilian kundi kumain sa canteen sa tapat.

Mabuti na lamang at may kasabay siya.

Wala ring baong pagkain ang isa niyang kasama kaya't napagpasyahan nilang sabay na lamang kumain sa canteen sa tapat.

Pagpasok pa lamang nila sa loob ng canteen ay ramdam niya na ang mga mata ni Tyron na nakasunod sa kanya.

Pero kahit yata magka-stiff neck siya ay hindi siya lilingon sa gawi nito.

"Kuya, sobra po 'yong sukli ko, two hundred na buo lang po iyong binayad ko, hindi po five hundred. Sobra po kayo ng three hundred."

Narinig niyang sabi ng isang estudiyante sa cashier.

"Ahh... gan'on ba? Oo nga ano...?" nakangiting sabi nito sa estudiyante na halatang kinilig nang ngitian nito.

Sino ba naman ang hindi kikiligin?

Naka-suot ito ng yellow polo shirt na humahapit sa maskulado nitong dibdib at maong na pantalon na tila ay yumayakap sa mga hita nito.

Samahan pa ng mala-toothpaste commercial nitong ngiti.

Parang gusto na niyang dumighay sa kabusugan kahit hindi pa man lang siya nakaka-order.

"Akala ko ba hindi ka lilingon?" nang-uuyam na sabi ng isang bahagi ng utak niya. "Sorry naman, napalingon lang naman ako d'on sa estudiyante." sagot naman ng kabila.

Napailing na lamang siya sa naisip.

Dati niyang pag-aari ang lahat ng iyon.

Dating buong pusong iniaalay sa kanya.

Kung hindi lang sana--

Napahinga na lamang siya ng malalim.

"Huy, nakikinig ka ba?" siko ng kasamahan niyang si Claire ang nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan.

"Huh?!" nagulat pang sabi niya.

"Hay nako... sabi ko na nga ba, lumilipad na naman 'yang utak mo, eh," sabi nito sabay paikot ng mga mata. "Sabi ko, ang gwapo ng bagong cashier. Grabe, kung ganito ba araw-araw, eh di, lagi na lang akong hindi magbabaon," kinikilig na bulong nito sa kanya.

"Shhh... marinig ka! Halika na nga, pila na tayo." sabi niya ritong bahagya lamang sumulyap kay Tyron.

Nagulat pa siya sapagkat nakatingin pa rin si Tyron sa kanya.

"Nicks, nakatingin siya rito. Ano? Okay lang ba ang hitsura ko? Hindi ba magulo ang buhok ko? Hindi pa naman ako nakapag-retouch, oh my God, hindi ako prepared!" maarteng bulong pa rin nito na pinanlakihan niya na lamang ng mga mata.

Ang style ng canteen ni Nanay Trining ay iyong tila sa mga foodcourt ng mall.

Pipila ka upang pumili ng pagkain at sa unahan ng pila ay naroon ang cashier upang bayaran ang in-order mo.

Kaya't heto siya ngayon, kinakabahang makarating sa unahan ng pila.

Nakapili na siya ng pagkain at hinihintay na lamang ang turn niya sa pagbabayad.

Pagdating sa kanya ay pilit niyang iniiwasang magtama ang mga mata nila ng cashier.

"One hundred pesos," narinig niyang sabi nito sa baritonong tinig.

Inabot niya rito ang isandaang piso nang hindi pa rin tumitingin dito.

"Duwag ka pa rin," 

Gulat na nag-angat siya ng tingin sa sinabi nito.

Pagtingin  niya rito ay kay Claire na ito nakangiting nakatingin.

Na lalo namang nagpakilig dito.

Naiiling na binuhat niya na lamang ang tray ng pagkain at inilibot ang paningin upang humanap ng bakanteng mesa.

Tila naman nananadya, ang mesa na malapit sa counter lamang ang nakita niyang bakante. Kaya't wala siyang choice kundi doon maupo.

Paglingon niya ay nakita niyang naroon pa rin si Claire at sa mga sandaling iyon ay hawak nito ang cellphone nito.

Ganoon din si Tyron.

Mukhang nagpalitan na ng number ang dalawa.

Ang bilis talaga ni Claire.

Nagkibit na lamang siya ng balikat at nag-umpisa nang kumain kahit wala pa ito sa mesa.

Baka matagalan pa ang pakikipag-ngisngisan nito sa cashier.

Lihim siyang napa-ingos.

MAYA-MAYA pa ay dumating na si Claire na dala rin ang tray ng pagkain nito.

"Hay nako, wala na pala akong pag-asa kay pogi,"

Nangunot ang noo niya sa sinabi nito. Akala ba niya ay nagkapalitan na ang mga ito ng cellphone number?

Hinihintay niyang dugtungan nito ang sinabi ngunit nakangiti lamang itong nag-umpisa nang kumain.

Lokaret talaga 'to. Binitin pa ako sa kwento.

Hindi naman na siya nagtanong at ipinagpatuloy na lamang ang pagkain.

Maya-maya ay tumunog ang cellphone niya.

Si Albert.

Uminom muna siya ng tubig bago sinagot ang tawag.

"Hello..."

"Hi, baby. Kumain ka na ba?"

"Kumakain kami ngayon, kasabay ko si Claire."

"Sayang naman, akala ko pwede tayong mag-sabay. Nandito ako ngayon sa malapit, may kausap akong prospective buyer, eh."

"Ah, gan'on ba? First batch kasi kami ni Claire, kaya ang aga naming nag-lunch,"

Hindi sabay-sabay ang break ng mga empleyado sa school supplies na pinagta-trabahuhan niya. Kailangang may maiwang bantay sa tindahan habang kumakain ang iba, kaya't body-body ang schedule ng kain nila. Anim sila sa tindahan kaya naman tatlong batch sila kung mag-lunch.

"Ah, gan'on ba? Hindi bale, mamaya na lang. Sabay tayong mag-dinner, bago kita ihatid sa bahay mo,"

"Sige. Hihintayin na lang kita mamaya."

"Sige na, baka naaabala na kita sa pagkain mo. I love you."

"Sige. Goodluck sa ka-meeting mo."

Iyon lang at tinapos na niya ang tawag.

"Sino 'yon? Si Papa Albert?"

"Oo." matipid niyang sagot.

Ayaw niya na sana pang pag-usapan.

Ewan niya, pero nararamdaman niya pa rin na nakatingin si Tyron sa kanya.

Nang mag-angat siya ng tingin ay hindi nga siya nagkamali.

Madilim na naman ng mukha nitong nakatingin nga sa kanya.

"Ang swerte mo talaga, Nicks. Ang ganda mo kasi, eh. Kapag sinagot mo si Papa Albert, balato mo na lang sa akin si pogi, ha." sabi nitong sinundan ng hagikgik.

Muli ay kunot-noo niyang tiningnan ito na tila hinihingan ng paliwanag sa mga sinabi nito.

Ngunit nakangiting nagkibit lamang itong muli ng balikat.

Naiiling na ipinagpatuloy na lamang niya ang pagkain.

Kailangan na niyang maka-alis sa lugar na iyon. Kung totoong apoy lamang ang inilalabas ng mga mata ni Tyron, malamang, kanina pa siya abo. Hindi na siya magtataka kung hindi siya matunawan.

Nang muling tumunog ang  cellphone niya. 

May nag-text. 

Agad niya iyong kinuha upang tingnan ang mensahe. Nangunot ang noo niya sapagkat hindi niya kilala ang rumehistrong numero dito.

FROM  :09160000000

CANCEL YOUR DATE WITH THAT BASTARD, BOYFRIEND OF YOURS!

Mas lalong nangunot ang noo niya sa pagkagulat nang mabasa ang laman ng katatanggap lamang na mensahe.

Hindi nakarehistro ang number.

Wala naman siyang boyfriend.

Baka wrong send.

Kibit-balikat niyang sabi sa sarili, at saka binura ang naturang mensahe at muling itinabi ang cellphone.

Napitlag siya nang muli iyong tumunog.

May tumatawag.

Kaparehong numero ng nag-text sa kanya kanina.

Ilang saglit na nakatitig lamang siya sa cellphone niya nang huminto iyon sa pagtunog

Ngunit muli na naman iyong tumunog, tanda na may nag-text na naman.

FROM : 09160000000

ANSWER MY CALL! DAMN IT!

FROM : ANICKA

Who are you?

FROM : 09160000000

So, who are you na lang ako ngayon, ha?!

FROM : ANICKA

Hindi nga kita kilala.

FROM : TYRON

Talaga ba? MAHAL? Ngayon, kilala mo na ba ako?

Dagling lumipad ang nanlalaki niyang mga mata patungo rito. Nasalubong niya ang nag-aapoy pa rin nitong mga tingin.

FROM : ANICKA

Tyron?

FROM : TYRON

I'm glad, nakilala mo ako dahil sa endearment na iyan! Bakit? Wala na bang ibang tumawag sa iyo ng ganyan? Teka... ilan nga ba uli kaming pinag-laruan mo? At ilan sila ngayong pina-iikot

mo?

FROM : ANICKA

Tyron, please, hindi ba pwedeng kalimutan na lang natin ang nakaraan? Kung may nagawa man akong kasalanan noon, buong puso akong humihingi ng tawad. Just please... kalimutan na natin 'yon.

FROM : TYRON

In your dreams, Anicka.

FROM : ANICKA

Pagbabayaran mo ang lahat ng sakit na ibinigay mo sa 'kin.

FROM : TYRON

Paano mo nga pala nalaman ang number ko?

FROM : TYRON

Huwag mong ibahin ang usapan.

FROM : ANICKA

Okay. What do you want?

FROM : TYRON

YOU!

Mariin siyang napalunok sa sagot nito.

FROM : ANICKA

Me?

FROM : TYRON

Yes, YOU!

FROM : ANICKA

I have no time for this

FROM : TYRON

I don't care about your fucking time! I am telling you to cancel your date with that fucking bastard! I'll meet you, after your work.

FROM : ANICKA

And if i don't?

FROM : TYRON

THEN, YOU WILL BE SORRY!

NAIINIS SIYA.

Hindi niya alam kung bakit.

Kaninang umaga, nang makita niya si Anicka na inihatid ng Albert na iyon ay ganoon na lamang ang galit na naramdaman niya.

Lalo pa nang makita niyang hinalikan nito si Anicka bago bumaba ng sasakyan.

So, sila pa rin pala?

Sabagay, ano pa nga ba ang inaasahan niya?

Hindi maaari.

Hindi siya papayag na maging masaya ang mga ito.

Kanina, nang malingat si Anicka, ay kinuha niya ang numero nito sa kasama nito.

Hindi naman siya masyadong nahirapan. Kaunting bola, kaunting ngiti... ay ibinigay agad nito ang hinihingi niya.

Nang marinig niya itong may kausap sa cellphone kanina ay naisip niya agad na si Albert iyon. Na kinumpirma ng pagtatanong  ng kasama nito.

Nagtagis ang mga ngipin niya.

Hindi siya papayag na humadlang ito sa paghihiganti niya.

Kailangang mapasa-kanya si Anicka.

Kailangang mahulog ito sa bitag niya.

Walang kahit na ilang Albert ang maka-pipigil sa kanya.

Nakaka-ilang tingin na siya sa relo niya. Ang bagal ng oras. Gustong-gusto na niyang maka-usap si Anicka.

Kailangang maipa-mukha niya na rito na hindi ito maaaring maging masaya sa piling ng iba.

Hindi maaari, hangga't miserable siya.

Tama.

Miserable pa rin siya hanggang ngayon.

Wala naman nang saysay kung ikakaila niya pa iyon maging sa sarili niya.

At si Anicka ang may kagagawan niyon.

Sila ng tatay niya.

At ni Albert.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status