The Billionaire's Aggressive Maid
Tahimik ang mansyon.
Tahimik… maliban sa mahinang iyak ni Princess sa bisig ko—isang buwang gulang, walang alam, walang kasalanan. Pero siya ang unang nasaktan sa lahat ng ‘to. Siya ang naiipit sa pagitan ng dalawang taong hindi na alam kung paano magmahal nang sabay.
Nakaluhod ako sa harap ni Elise. Mahigpit ang hawak ko sa laylayan ng bestida niya, parang batang takot na maiwan sa dilim. Nanginginig ang labi ko, pinipigilan ang mga luhang ayaw na sanang lumabas—pero hindi ko na kayang kontrolin.
“Please, Elise…” garalgal kong pakiusap. “’Wag mo kaming iwan. Hindi ko alam kung paano palalakihin si Princess nang wala ka. Hindi ko alam kung paano mamuhay kung wala kayo…”
Pero wala. Wala siyang emosyon. Wala siyang luha. Matigas ang titig niya, parang ako pa ang mali. Bitbit niya ang maleta niya—hindi lang punô ng damit, kundi punô ng lahat ng alaala namin. Lahat ng pangarap. Lahat ng ‘akala ko tayo.’
“Hindi ko ‘to pinlano, Levi,” mahina niyang sagot. “Pero kailangan kong piliin ang sarili ko. Pagod na akong umasa. Pagod na akong maging pangalawa sa trabaho mo, sa mundo mo. Hindi ko kayang maging ina habang ako mismo’y hindi buo.”
Gumuho ako. Literal. Napayuko ako habang yakap ko si Princess, habang nararamdaman ko ang init ng iyak niya sa dibdib ko. Halik ako nang halik sa noo niya, para bang kaya kong takpan ng pagmamahal ang kawalan ng ina niya.
“Anak mo ‘to, Elise. Anak natin…” pabulong kong daing. “Kung hindi mo na ako kayang mahalin… kahit siya na lang. Kahit siya. ‘Wag mong iwan ang anak mo…”
Pero wala. Ni hindi siya lumapit. Ni hindi siya tumingin. Tumalikod siya, dala ang katahimikang mas malakas pa sa kahit anong sigaw ng pagtanggi.
"Ayoko na" mahina niyang sabi at hinila ang maleta palabas ng mansion.