One Month Deal with my Cold Hearted Billionaire Husband
“Let’s have a deal. Let me be your real wife just for one month, Dashiel.”
Isang simpleng hiling iyon. Parang huling pakiusap ng isang babaeng pagod na pagod nang masaktan. Para kay Addison Leigh Castillo, iyon na lang ang natitira sa kanya, ang huling piraso ng dignidad kapalit ng pagmamahal na ibinigay niya kahit kailan ay hindi niya naranasang masuklian.
Alam na ni Addison simula pa lang na ang kasal nila ay hindi dahil sa pag-ibig. Pinakasalan siya ni Dashiel Kristian Gutierrez dahil sa obligasyon at sa kagustuhan ng lola nito. Walang lambing, walang yakap, walang titig na may damdamin. Tahimik lang ang bahay, malamig, at hindi kailanman naging tahanan.
Pero kahit ganoon, kumapit pa rin si Addison. Sinubukan niyang maging mabuting asawa. Tahimik siyang umasa na baka balang araw, matutunan siyang mahalin ni Dashiel. Hanggang sa unti-unti siyang naubos.
Gusto nang pakasalan ni Dashiel ang babaeng mahal nito talaga. At ang mas masakit, buong pamilya nito ang pumayag. Doon tuluyang gumuho si Addison.
Kaya gumawa siya ng isang huling kahilingan. Isang buwan lang. Isang buwan na tratuhin siya bilang tunay na asawa. Isang buwan na maramdaman kung ano ang pakiramdam na mahal ka. Pagkatapos noon, aalis na siya nang tuluyan.
Para kay Dashiel, desperado lang si Addison. Isang babaeng ayaw pang bumitaw.
Pero mali siya.
Sa loob ng isang buwan, unti-unting nagbago ang lahat. Napansin niya ang mga ngiti ni Addison, ang tahimik pero buo nitong pagmamahal, at ang paraan ng pag-alis nito, walang reklamo, pero may iniwang sakit sa puso niya. Doon niya napagtanto ang lahat.
Nang makita niya ang pagmamahal na matagal niyang binalewala, saka lang niya ito naramdaman. Pero huli na ba?
O lalaban ba si Dashiel; sa pamilya, sa nakaraan, at sa sarili niyang pagkakamali, para sa isa pang pagkakataon?
“One more chance,” bulong ng puso ni Dashiel.
Pero handa pa bang bumalik si Addison… o tapos na talaga ang kwento nilang dalawa?