Share

Chapter 2  

MARAHAS na paghinga ang pinawalan ni Jornaliza matapos siyang humarap sa salamin upang tingnan ang kanyang sarili. Medyo napalunok lang siya dahil hindi niya sigurado kung mapapanindigan ba niya ang pagbabago ng kanyang anyo. 

From being a conservative girl to a liberated woman. Pero pagkaraan ay tinawanan din niya ang sarili. Sa panahon kasi ngayon ay masasabing konserbatibo pa rin ang kanyang suot dahil may manggas pa rin naman ang suot niya. 

Naisip niya kasi na hindi niya matutupad ang kanyang pangarap kung mananatili lang siya sa loob ng silid at magtipa nang magtipa ng kanyang istorya. Kailangan din niyang pakinggan ang payo sa kanya ni Miss Ava, ang kanyang editor, dahil alam niyang iyon lamang ang paraan para matupad niya ang kanyang pangarap. 

Ang pagiging manunulat daw ay hindi lang iyong nagkukulong sa isang kuwarto at pagtitipa ng istorya. Kailangan din siyempreng lumabas at damhin ang damdamin ng isang babaeng nagmamahal at nagnanasa. Hindi niya tuloy napigilan ang mapangisi sa dalawang salitang iyon. 

Nagmamahal at nagnanasa. 

Wala pa sa isipan niya ang ma-in love dahil may pangarap pa siyang gustong abutin. Ewan lang niya kung paano niya makakamtan iyon kung tinanggihan siya ng best friend niya na pagbigyan ang kanyang request. 

Kaya, naisip niyang tanggapin na lang niya ang pagtanggi nito at maghanap ng ibang paraan kung paano matututo ng kamanyakan. Iyon nga lang para siyang hihimatayin nang makapanood siya ng porn.

Ang laki!

Para tuloy gusto niyang  kilabutan nang maisip niyang ganoon kalaki ang papasok sa kanyang...shucks! 

Ngunit, ang sakit na naisip niya ay balewala sa sakit na naramdaman niya nu'ng sabihin sa kanya ni Luigi na hindi siya nito tutulungan sa kanyang problema. Iyon ang unang pagkakataon na tinanggihan siya nito. Dati rati naman ay agad itong pumapayag kapag may hinihiling siya. 

Ibang klase rin naman kasi ang hinihiling mo, inis niyang sabi sa sarili sabay kastigo sa isang bahagi ng isipan niya na nakaisip na si Luigi ang solusyon para gumanda ang kanyang libro. Kung magturingan kayo ni Luigi ay para kayong magkapatid pero ngayon ay parang hinihilingin mo na bastusin ka niya.

Malalim na buntunghininga ang kanyang pinawalan nang muli niyang tapunan ng tingin ang kanyang suot. Croptop na dark blue ang kanyang suot kaya kitang-kita ang kanyang kaputian. Nais sana niyang magsuot ng denim shorts pero tiyak niyang hindi siya makakalabas ng bahay kapag nakita siya ng ama kaya nag-skinny jeans na lang siya pero tiniyak niyang hapit na hapit sa katawan niya ang kanyang suot. 

Pakiramdam kasi niya kaya siya tinanggihan ni Luigi ay dahil wala siyang kadating-dating para rito. Napabuntunghininga lang siya nang maalala nga niyang mistulang pang Miss Universe ang ganda ng mga babaeng nagugustuhan nito. Bukod sa magaganda at seksi, matatangkad pa ang mga ito at magaling magdala ng damit. Ewan niva lang kung bakit walang sineryoso ito sa mga iyon. 

Collect and collect and then select, iyon ang pabirong isasagot sa kanya ni Luigi kapag nagtatanong siya rito kung bakit hindi ito maging stick to one. Napabuntunghininga lang siya nang maisip niyang mali rin naman siya. Kahit kailan ay hindi nagsabay-sabay ng babae si Luigi. Gayunman hindi rin ito maikukunsiderang one woman man dahil hindi pa naman daw ito nai-in love. 

Parang ibig niyang magtaka na tila hindi naniniwala sa pag-ibig si Luigi gayung ang mga magulang nito ay daig pa ang mga teenager kung maglambingan. Parang mga walang pakialam kahit na may ibang taong nakaharap. Basta ang mahalaga ay maipadama ng kanyang Tito Solomon at Tita Guada ang pag-ibig sa isa't isa. 

Sa tingin nga niya ang mga magulang ni Luigi ang naging inspirasyon niya para maniwala na mayroon ngang pag-ibig. Iyon nga lang, hindi pa naman niya nakikita ang makapagpapatibok sa kanyang puso kaya maigi pang maniwala muna siya sa kanyang mga sinusulat.

Ang mga nobela niyang hindi nga pumapasa sa panlasa ng mga editors dahil maraming kulang -- kilig, pag-ibig at pagnanasa. 

Ang mga ito ang dahilan kaya nagbago siya ng image. Dati'y kuntento na siyang magsuot ng maluwag na tshirt, maluwag na pantalon at rubber shoes. Ngayon ay kailangan niyang magsuot ng medyo daring dahil nakalitaw ang pusod niya't kita ang kanyang kaputian. Hindi naman nakahihiya na gawin niya iyon dahil flat stomach naman siya. Kahit naman kasi lagi siyang nakakulong sa kanyang kuwarto at nagtitipa ng kanyang istorya ay may bestfriend pa rin siyang gustong makita siyang laging healthy siya kaya lagi siyang niyayakag mag-gym. 

Kung dati'y kinatatamaran niya ang magpunta sa L's kundi siya isasabay ni Luigi sa gym nito, ngayon ay excited pa siyang gawin iyon. Desidido kasi siyang magpaturo kay Luigi ng tungkol sa pakikipaghalikan at pakikipagtalik. Kaya, naisip niyang para mapapayag niya ito ay kailangang magkaroon din siya ng dating sa paningin nito. Ibig nga lang niyang magtawa dahil ng ibaba niya sa kanyang paa ang tingin niya ay rubber shoes pa rin ang suot niya. 

Ipinilig lang niya ang ulo niya nang sabihin ng atribidang bahagi ng kanyang isipan na dapat sandals ang isinuot niya. Kahit naman kasi may layunin siyang mang-akit ay nais din naman niyang maging komportable. 

Saka maayos naman ang kanyang make up. Naglagay siya ng foundation, blush on, eyeliner, pinag-curl pa niya ang kanyang kilay at nag-lipstic din siya. Hindi man siya kasing fashionista at kasing aarte ng mga naging girlfriend ni Luigi, tiyak naman niyang may panlaban naman ang ganda niya sa mga ito. Maamo ang kanyang mukha na kinapapalooban ng mala diyamanteng mata, matangos na ilong, malapad at mapupulang mga labi. Kulay mais ang alon-alon niyang buhok na lampas balikat kaya naman lutang na lutang ang pagiging Half Australian niya. Mamula-mula rin ang balat niya. At ang taas niyang 5'8" ay nag-swak sa katawan niyang may vital statistics na 36-24-36. 

Marami man ang nagsasabi na maganda siya ay tawa lang ang isinasagot niya rito. Hindi dahil sa ayaw niyang paniwalaan iyon. Hindi naman kasi siya bulag kaya alam niyang may ibubuga siya sa pagandahan. Kailangan lang talaga niyang mag-ayos para lumutang iyon.  At iyon nga ang kanyang ginawa. 

"Hep, hep, hep," wika ng ama niya pagkababa niya ng hagdan. Nagmistulan tuloy itong traffic enforcer na walang silbato. Kahit na ipinanganak at lumaki sa Australia ang kanyang Daddy, may taglay din  Itong kakonsebatibuhan. Marahil, nahawa ito sa kanyang ina. Ang Mommy Ester niya kasi ay isa Pilipina at laki sa konserbatibong angkan. "Saan ka pupunta?"

Kahit na beinte tres anyos na siya ay mistulang paslit pa rin siya kung itrato ng kanyang ama. Gayung sabi nito dati, kapag nakapagtapos ka na ng kolehiyo ay maaari mo na gawin ang lahat ng gusto mo. 

Scam, wika niya sa sarili. Kung talaga kasing seryoso ang ama ng sabihin iyon ay hindi na siya nito pipilitin pang mag-Masteral at hindi na siya aawatin sa pagsusulat. Sa halip, susuportahan na lang siya.

"Sa L's."

"Sa gym ni Luigi?" Tanong naman ng kanyang Tito Solomon, tatay ni Luigi. Hindi niya ito agad napansin na nakasunod sa kanyang ama dahil inire-ready na niya ang kanyang tenga. 

Mag-bestfriends rin ang mga tatay nila ni Luigi kaya hindi kataka-taka na laging nasa kanila ang kanyang Tito Solomon. Kung minsan naman ang Daddy niya ang dumadayo kina Luigi. 

Dapat sana ay matuwa siya dahil kahit paano ay may napaglilibangan ang kanyang ama maliban sa pagga-garden at panenermon aa kanya pero may pagkakataon na kinakabahan aiya kapag magkasama ang mag-bestfriends. Actually, hindi lang siya, pati na rin si Luigi. Paano ba naman kasi sila di kakabahan kung pareho nilang alam na gustung-gusto ng mga ama nila na magkatuluyan silang dalawa. 

"Yes, Tito."

"Eh, bakit ganyan ang suot mo?* Tanong ng kanyang ama. 

"Oo nga," susog naman ng kanyang Tito Solomon. "Dapat kung pupunta ka kay Luigi, short shorts ang suot mo."

"Tito…" hindi makapaniwalang bulalas niya. 

Tumawa ito pero bumaling sa kanyang ama.  "Hindi ba boto ka naman sa unico hijo ko?"

"Kaya nga hindi natin kinuhang Ninong ang isa't isa nu'ng ipinanganak sila gusto nating maging mag-asawa sila at hindi magkinakapatid lang," wika ng kanyang ama na parang gustong pumalakpak sa sobrang excitement. Wari'y sa isipan nito ay nagaganap na ang pag-iisang dibdib nila ni Luigi.  

Nang mga sandaling iyon tuloy ay parang gusto na niyang magsumbong sa mga itong ayaw siyang turuan ni Luigi ng kamanyakan, ngunit siyempre, nasa matinong kaisipan pa naman siya para gawin iyon. Saka, kahit gustung-gusto niyang tulungan siya ni Luigi, hindi niya ito kayang ipahamak. Tiyak din niyang ipapahamak niya ang sarili  kapag nagkataon. Wala aiyang planong magpakasal ng di oras at lalong hindi pwede sa kanyang matalik na kaibigan. 

"Mas maigi pa ngang magpakasal na lang kayo ni Luigi kung ayaw mo rin lang mag-masteral…" walang anu-ano'y sabi ng kanyang ama. 

"Mag-bestfriends lang kami ni Luigi," mariin niyang sabi sa ama.

"Kaya pala para pa rin kayo kambal tuko na hindi mapaghiwalay," sabi naman ng kanyang Tito Solomon. 

Sa winika nito parang gusto niyang humagulgol na. Nito kasing nakalipas na dalawang araw ay wala namang ginawa si Luigi kundi iwasan siya. Siyempre hindi talaga nito gustong tulungan siya sa kanyang problema. Pakiramdam niya tuloy, hindi lang siya tinanggihan nito. Ibig na rin nitong wakasan ang kanilang pagkakaibigan. 

No way! Sigaw niya sa kanyang isipan. Talaga kasing hindi niya hahayaang mangyari iyon. 

"O, ano pang tinatayu-tayo mo diyan. Puntahan mo na si Luigi." Pagtataboy pa sa kanya ng ama. 

Ngayon ay malinaw na sa kanyang isipan kung bakit kahit mahigpit ang ama niya sa mga nagkakamaling nanliligaw sa kanya ay sobrang luwag naman nito kay Luigi. Kung minsan tuloy ay ayaw niyang maniwalang nagkaroon ito ng konserbatibong pag-iisip dahil balewala lang dito kung nagkukulong sila ni Luigi sa kuwarto ng isa't isa. Hindi na nga siya magtataka kung mas gugustuhin pa ng mga ito na makalimot silang dawa. 

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Jewiljen
boto si papa sa bespren ...
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status