Share

CHAPTER 02

" Ano kamo? Mayroon kang trabaho? " hindi makapaniwalang tanong ni sister Bella kay Lucine na ngayon ay nasa kaniyang opisina upang ipaalam ang balitng ito. " P-paanong nangyari 'yon? Saan? Kailan pa? "

" Kahapon lang po at natanggap na rin po ako agad. Ngayong umaga na rin po ang unang araw ko, " tugon niya, " Hindi po ninyo kailangan mag-alala dahil malinis po ang trabahong pinasok ko. Mag aalaga po ako ng isang taong baldado sa mansyon ng mga Hassan. "

Tila lalong lumaki ang mga mata ng madre at napatayo sa kaniyang kinauupan habang hindi makapaniwalang nakatingin sa dalaga.

" Lucine, ano bang gusto mong mangyari? Hindi naman kita pinaghahanap ng trabaho para pasukin ang—"

" Sarili ko po itong desisyon, sister Bella. "

" Pero—"

" Alam ko pong sa mansyong iyon nakatira ang pamilya ng aking ama, " aniya, " pero wala po akong balak manggulo sa kanila. Gusto ko lang po makita, makasama at makilala pa ang taong umabanduna saamin ng aking ina. Masama mo ba kung gagawin ko iyon? "

Hindi agad nakapagsalita ang madre. Hindi na niya mabasa ang nasa isip ng dalagang pinalaki niya dahil bihira lang ito magpakita ng emosyon. Malapit naman sila sa isa't-isa,  ngunit nagbago ang lahat nang simulan niya itong pagbawalan na hanapin ang ama dahil iyon ang huling bilhin ng ina nito sa kaniya. Alam niya ang dahilan at hindi niya iyon sinabi kay Lucine dahil masasaktan lamang ito, pero hindi naman niya inakala na ito mismo ang gagawa ng paraan para masagot ang lahat ng katanungan na matagal na nilang hindi napag-uusapan dahil akala niya, tapos na nila itong pag diskusyunan.

Buong akala rin niya'y kilala na niya ang ugali nito, subalit marami pa pala siyang hindi na di-diskobre.

" May magagawa pa ba ako para mapigilan ka? " tanong ng madre saka bumalik sa pagkakaupo sa silya. " Wala akong ideya sa kung ano man ang tumatakbo sa isip mo at hirap din akong tukuyin kung ano ang nais mong mangyari sainyo ng ama mo, pero sana'y huwag kang pumasok sa isang bagay na panganib lang ang dala sayo. "

Tumango si Lucine at yumuko. " Salamat po sister Bella. Mauna na ho ako. "

Tumalikod na siya at handa na sanang lumabas nang muli siyang tawagin ng madre. 

" Mag-iingat ka at panalangin ko na  sana maging maganda ang unang araw mo sa iyong trabaho, " aniya at isang tipid na tango lang ang itinugon sa kaniya ni Lucine bago tuluyang umalis sa opisina.

Ibinaba niya ang tingin sa mesa kung saan mayroon silang larawan noong kabataan nila ng ina ni Lucine. Magkaibigan sila at parehong nangarap na pumasok sa kumbento, subalit nasira ang lahat nang umibig ito sa lalaking sa huli ay tatalikuran lang pala ang mag-ina.

" Lucinda, gabayan mo sana ang iyong anak. Sa dami ba naman kasi ng mamanahin sayo, iyong katigasan pa ng iyong ulo, " mahinang bigkas niya habang nagbabaliktanaw sa nakaraan kung saan buhay pa ang matalik niyang kaibigan.

***

Nakatayo si Lucine sa harap ng pinto ng silid kung saan naroroon ang taong kaniyang aalagaan simula ngayong umaga. Kabado pero kailangan niya itong paamuhin at pakainin ng umagahan gaya ng ipinagbilin sa kaniya ng mayordoma.

Mahigpit ang hawak niya sa bandeha sa takot na baka magaya siya sa nasaksihan niya kahapon sa kwartong ito. Humugot siya nang malalim na hangin bago ito ibuga at kumatok sa pinto. 

Isa, dalawa, tatlo. Tatlong beses siyang kumatok at tumawag sa loob pero walang sumagot. Wala siyang nagawa kung hindi hawakan ang busol ng pinto at pihitin upang ito ay mabuksan. 

" Señor? " tawag niya rito pero masyadong madilim ang kwarto. Binuksan niya ang ilaw, pero halos walang pinagbago dahil tila pundi na ang ilaw kaya naman ibinaba na muna niya sa mesa ang kaniyang dala at lumapit sa bintana upang hawiin ang kurtina. Sa ginawa niya, pumasok ang sikat ng araw sa loob kaya umaliwalas.

" Isara mo ang kurtina. "

Halos mapatalon siya sa gulat nang marinig ang boses mula sa likod niya. Agad siyang lumingon at kagaya ng inaasahan, malamig na tingin pa rin ang sumalubong sa kaniya. Nakaupo ito sa silyang de-gulong at ang isang kamay nito ay nakahawak sa isang bagay na kadugtong ng inuupan nito  at wari niya'y ang bagay na iyon ay nagbibigay ng kontrol at direksyon saan man nito gustuhin pumunta.

" Masyado po kasing madilim sa kwarto kaya binuksan ko ang kurtina niyo—"

" Sino ang nagbigay sa'yo ng permiso na pumasok sa kwarto ng iba? " tanong nito at may ginalaw sa sinasandalan ng kanang kamay niya upang umandar ang kinauupan nito papunta sa gawi ni Lucine. " Labas. Isama mo na rin ang pagkaing dinala mo dito. Hindi ako gutom. "

Pinagmasdan ni Lucine at kabuuan ng lalaki sa kaniyang harapan. Malalim at maitim ang mga mata nito na animo'y matagal ng walang tulog. Ang buhok nito ay nakatali kaya batid niyang ito ay mahaba, isama na rin ang bigote at balbas na masyado na ring makapal at mahaba dahilan para wala ng halos makita sa mukha nito. 

" Tapos ka ng pagmasdan ako? " Nabalik siya sa realidad nang marinig muli ang boses nito. " Lumabas ka na ngayon din mismo. "

" Kailangan niyo pong kumain ng umagahan. Kahit tatlo hanggang limang subo lang ng kutsara, ayos na basta magkaroon ng laman ang sikmura ninyo, " aniya saka lumapit sa mesa para aysuin  ang dala niyang pagkain. " Kailangan niyo ring uminom ng gamot sa tamang oras ayon na rin sa ibinilin saakin. "

" Hindi ba't ikaw 'yong nanggaling dito kahapon? " tanong nito saka inikot ang inuupan niya paharap kay Lucine. " Tiyak akong alam mo ang mangyayari sa dinala mo oras na ilapit mo 'yang pagkain saakin."  

" Kung ganoon babalik po ako para dalhan ulit kayo ng panibago. Kung itapon niyo ulit, ganoon din ulit ang gagawin ko hanggang sa kumain kayo ng dala ko. "

Hindi ito nakapagsalita ngunit mababasa naman sa mga mata nito na hindi niya nagustuhan ang naging sagot sa kaniya ng dalaga sa harapan niya.

" Gusto niyo ho bang subuan ko kayo? " Walang halong pagbibiro o pag uuyam dahil kitang-kita naman sa ekspresyon ng mukha ni Lucine kung gaano siya ka-seryoso sa tanong niya. 

Sumilay ang sarkastikong ngiti sa labi nito. " Anong pinamumukha mo saakin? "

" Wala ho akong ibig sabihin sa sinabi ko. Gusto ko lang kayo tanungin kung ayos lang sainyo na subuan kayo para lang kumain kayo. "

Pinaandar nito ang silyang de-gulong palapit sa kinatatayuan ni Lucine at gamit ang kaliwang kamay niya ay marahas niyang isinagi ang pagkain sa mesa dahilan kaya ito ay nagkalat sa sahig. 

" Pagkatapos mong ligpitin ang mga 'yan, umalis ka na. Huwag mo ng pagtangkaang umulit pa dahil nagsasayang ka lang ng oras dito. "

Walang imik na pinagmasdan ni Lucine ang sahig kung saan nagkalat ang pagkain na dinala niya. May ilang nabasag kaya nagkalat rin sa sahig ang mga bubog. 

Naupo siya at sinimulan itong pulutin isa-isa. Pinanood lamang siya ng lalaking nasa harapan niya na animo'y walang pakialam sa ginawa bago nito muling paandarin ang silyang de-gulong palayo sa puwesto ni Lucine na nabubog dahil bigla na lamang may pumatak na pulang likido mula sa hintuturo nito.

***

Mula sa isang madilim na silid, banayad na gumagawa ng init ang dalawang taong nagsasalo sa iisang kama. Sa kwartong ito lamang rinig ang tila musikang kumakawala sa bibig ng bawat isa. Sa bawat haplos at galaw, animo'y tinutupok ng nagliliyab na apoy ang punong-kahoy na dahilan ng pagkatas ng maraming dagta.

Walang nagsasalita, sapat na ang kanilang mga galaw upang magkaroon nang malinaw na komunikasyon. Ang kanilang mga tinginan ay punong-puno ng pagnanasa at nang umabot sa sukdlan, ang isa'y naging dalawa. Parehong bumagsak sa malambot na kama at naghahabol ng hininga.

" Ibang klase ka pa rin, Venice. Patuloy mo akong ginugulat sa kaya mong gawin, " tila nang aakit na komento ni Sergio sa babaeng nasa kaniyang tabi. Niyakap niya ito at marahang dinampi-dampi ang labi sa balikat na animo'y gustong umulit pa ng isa.

" Saakin mo lang 'yon mararanasan at hindi mo iyon mahahanap sa ibang babae d'yan, " anito dahilan kaya natigilan si Sergio sa paglalambing at takhang tumingin kay Venice.

" Mahal ko, sinabi ko na sayong ka-trabaho ko lang ang babaeng nakita mo kahapon. Wala kaming relasyon, sadyang malambing lang talaga siya sa kahit na sino—"

" Iba ang malambing sa malandi, Sergio. Alam ko ang mga galawan ng tulad niya. " Bumangon siya sa kama at pinulot isa-isa ang mga damit niyang nagkalat sa sahig upang suotin. " May tiwala naman ako sayo, pero sa babaeng dikit nang dikit sayo, wala. "

Bumangon din si Sergio sa kama at nilapitan si Venice upang yakapin ito mula sa likod. " Huwag ka ng magalit, mahal ko. Pangako, simula ngayon ay iiwasan ko na ang babaeng 'yon. Bahala na kung ano isipin nila, ayokong mag away tayo dahil lang sa kaniya. "

Tumalikod si Venice upang harapin siya. " Gagawin mo talaga 'yon? "

" Oo naman, bakit hindi? " at sa ikalawang pagkakataon, nagdikit na naman ang kanilang mga labi subalit bago pa sila ulit makarating sa kama, tatlong katok mula sa pinto ang nagpahiwalay sa kanila. 

" Venice? Gising ka na ba? " boses ng kaniyang ina kaya dali-daling niligpit ni Sergio ang kaniyang mga damit sa sahig.

" Gising na po ako, Ma! S-sandali lang po, " maski si Venice ay natatarantang tinulungan si Sergio na magbihis at maghanap ng puwedeng pagtaguan nito hanggang sa madako ang tingin niya sa malaki niyang aparador. Doon niya ito pinatago at bago tuluyang buksan ang pinto, inayos niya ang sarili at minadaling suotin ang pantulog niyang bestida.

" Bakit ba tagal mong buksan? " tanong ni Victoria—ang kaniyang ina na bihis na bihis at mukhang may lakad na naman ngayong umaga.

" Ah, galing po kasi ako sa banyo, " sagot niya at pasimpleng inilagay ang buhok sa bandang leeg dahil baka makita ang mga pulang marka na ginawa ni Sergio. " Saan po pala ang lakad niyo ngayon? Bakit parang bihis na bihis kayo? "

" Sa mga Laurier ang punta ko, magkikita-kita kami doon ng mga ka-amiga ko, " anito saka sumilip sa kwarto niya. " Bakit ang kalat ng kwarto mo? Hindi ba 'yan nililinis ng mga katulong natin dito? "

" Ah, ipalilinis ko po 'to mamaya. " Lumabas siya ng kwarto saka sinara ang pinto. " Bakit niyo po pala ako tinawag? "

" Tama, muntik ko ng malimutan. Ang iyong Papá ay kauuwi lang galing sa kompanya at mahimbing ang tulog niya ngayon sa kwarto, ayoko siyang gisingin para lang magpaalam kaya naman mamaya, kung hanapin ako, sabihin mo kasama ko ang mga amiga ko sa mansyon ng Laurier. "

Tumango na lamang si Venice bilang pagsang-ayon dahil akala niya, importante ang sasabihin sa kaniya.

" At isa pa pala, dalawin mo ang asawa mo sa kaniyang kwarto, " dagdag nito, " lambing-lambingin mo dahil mainit na naman ang ulo. Paligayahin mo nang magtigil sa pagbabasag ng mga plato. Nakakairita sa tainga. "

Maganda ang gising ni Venice subalit nang marinig ang sinabi ng ina, nawalan na siya ng gana. Muntik na niyang makalimutan,  mayroon nga pala siyang obligason bilang asawa sa taong para sakaniya ay isang pabigat at pasakit na lamang sa buhay niya.

***

Sa ikatlong pagkakataon, muli na namang nagkalat sa sahig ang basag na plato at baso dahil sa marahas na pagtabig ng taong sagad na ang pasensya dahil sa tagapag-alaga niya.

" Hindi ka ba nakakaintindi? Sinabi ko ng hindi ko kakainin ang mga pagkaing dinadala mo! " nanggagalaiting wika nito kay Lucine na may tatlong benda na sa dalari niya dahil ilang beses siyang  nabubog kanina, ngunit tila wala lang ito sa kaniya dahil muli na naman siyang naupo upang linisin ang mga kalat sa sahig.

" Patuloy ko po itong gagawin hangga't hindi kayo kumakain, " anito habang iniipon sa bandeha ang basag na plato. " Pasensya na po, pero gusto ko lang gawin nang maayos ang trabaho ko. "

" Bakit? Magkano ba ang kailangan mo? Sabihin mo saakin nang maibigay ko, umalis ka lang sa harapan ko. "

Natigilan si Lucine saka sinalubong ang tingin nito. Ramdam niya kung gaano ito kainis sa presensiya niya mula pa kanina, ngunit wala siyang balak tigilan ito hanggat hindi niya nagagawa nang maayos ang pinaka unang trabaho niya.

" Anong nangyayari dito? " kapwa sila napatingin sa pintuan kung saan nanggaling ang boses at doon, nakita ni Lucine ang isang babae na tila isang modelo dahil sa tindig, ganda ng hubog ng katawan, kinis ng balat at makinang na kulay kahoy at mahaba nitong buhok. Si Venice Hassan, ang asawa ng lalaking inaalagaan niya at ang kaniyang kapatid sa ama. Ito ang unang beses na makita niya ito nang malapitan at masasabi niyang para itong isang prinsesa.

Naglakad ito palapit sa asawa at binati sa pamamagitan ng pagdampi ng labi sa pisngi nito. " Mahal, umagang-umaga ang init na naman ng ulo mo. Huwag mo ibuntong sa kaniya ang galit, gusto ka lang naman niyang hatiran ng pagkain para kainin mo, hindi para itapon mo. "

" Hindi ako gutom at wala rin akong ganang kumain, " sa pagkakataong ito kalmado na ang boses niya na siya namang kinamangha ni Lucine dahil maaari naman pala itong magsalita nang hindi sumisigaw.

" Pilitin mong kumain, mahal. Kailangan mong kumain para bumalik ang lakas mo. Tulungan mo rin ang sarili mo, naghihintay ako sa'yo. Marami pa tayong plano, hind ba? " sa boses pa lang ay halata ng nilalambing ang asawa. Sa una ay pahaplos-haplos lang ito sa balikat hanggang sa ito'y maupo mismo sa hita ng asawa upang simulang romansahin.

Agad bumalik sa pagpupulot ng kalat si Lucine sa lapag at nagpanggap na walang naririnig sa paligid niya. Akala niya'y magtatagal ito pero huminto din ang mag asawa nang mapagtantong hindi lang sila ang nasa kwarto. 

" Sige na, babalik ako dito mamaya, mahal ko. Maliligo lang ako at pakiusap lang, huwag mo ng itapon ang dadalhin niya. Kumain ka, " paalam ni Venice saka nilingon si Lucine. " Pakikuha na lang ulit siya ng bago sa kusina pagkatapos mo d'yan. "

Tumango na lamang si Lucine saka kinuha ang walis upang sunod na linisin ang ilang butil ng kanin na nagkalat sa sahig. Ngunit laking pagtataka niya noong pagkalabas na pagkalabas ni Venice, narinig niya ang isang mahinang tawa mula sa likuran niya.

" Tang*na, " tila kinilabutan siya nang marinig itong magmura. Palihim niya itong nilingon at kita niya ang madilim nitong mukha at agresibong pagpunas sa bibig. " Sigarilyo naman ngayon. "

Alak at sigarilyo. Iyon ang dalawang bagay na hindi gusto ng kaniyang asawa kaya tinigilan niya ang madalas na paggamit nito noong magsimula silang magsama. Subalit nitong mga nagdaang buwan, tila may malaking pagbabago sa kaniyang kabiyak at hindi siya bulag para hindi makita ang bago nitong kinahuhumalingan. Hindi siya bingi upang hindi marinig ang usap-usapan at hind rin manhid ang puso niya upang hindi maramdaman ang panlalamig ng asawa sa kaniya.

Si Amadeus Hassan, isang mabait at mabuting asawa na unti-unting dinudurog ng mga tao sa paligid niya. Isa siya sa tinitingala at ginagalang ng mga tao noon, ngunit isang alaala na lamang iyon ngayon. May kapangyarihan, ngunit tinanggalan ng kakayahan dahil sa kaniyang kalagayan.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status