Share

Chapter 0005.2

Nagtatakang napatingin sa kaniya si Annie. Naguguluhan. 

“Naaalala ko pa noong pinakasalan ko siya ay ikaw ang unang- unang tumutol sa kasal namin pero ngayong nalaman mong naghiwalay kami ay nagagalit ka pa. Hindi ba dapat ay ikaw ang unang maging masaya dahil tuluyan na kaming maghihiwalay?” tanong niya rito.

“Noon iyon, iba na ngayon. Noong una aaminin ko na hindi talaga kita gusto noon para kay Lucas pero noong makilala kita ay nag- iba ang pagtingin ko sayo. Isa pa ay kasal na kayo, ang kasal ay dapat ninyong pahalagahan dahil hindi naman isang laro ang pagpapakasal. At isa pa…” ibinitin nito ang sinasabi at nagpatuloy, “Mas bagay ka pa rin naman para kay Lucas kaysa sa Trisha na iyon.” makahulugang sabi nito sa kaniya bago siya nito tinalikuran. Hindi na niya nagawang magsalita pa o ni sumagot man lang rito.

Naipilig na lamang niya ang kanyang ulo at mabilis na tumalikod din doon upang tawagin na lamang niya ang driver. Kailangan na niyang maiuwi ang kanyang asawa. Mabilis niya namang natawag ang driver at pagkatapos ay tinulungan siya nitong alalayan si Lucas patungo sa kotse. Habang nasa sasakyan ay hindi lubusang maisip ni Annie ang dahilan kung bakit ito naglasing kaya muli na naman siyang napahugot ng malalim na buntung- hininga.

Ilang sandali pa nga ay nakarating na rin sila sa wakas sa kanilang bahay at pinagbuksan sila ng pinto ng driver. Katulad kanina ay tinulungan na naman siya nitong alalayan si Lucas pababa ng sasakyan dahil kung mag- isa lamang siya ay alam niyang hindi niya makakaya lalo pa at mas mabigat ito sa kaniya.

Pagkababa nila ng sasakyan ay mabilis niyang inilagay ang braso ni Lucas sa kanyang balikat at inalalayan itong maglakad ngunit nang mag- angat siya ng kanyang mga mata ay nabigla siya sa lalaking nasa harap nila ng mga oras na iyon walang iba kundi ang Daddy ni Lucas, si Alejandro Montenegro.

“Dad ka- kanina ka pa ba?” halos nauutal na tanong niya rito at pilit na binabalanse ang kanyang timbang.

Nakita niya kung paano nito tingnan si Lucas na nasa tabi niya.

“Lasing na lasing. Hindi man lang marunong magkontrol ng sarili.” napapailing na sabi nito at bakas sa mukha nito ang pagkadismaya.

“Dad hindi naman siya araw- araw na ganito. Nag- inom lang naman siya dahil kasama namin ang mga kaibigan namin para sa selebrasyon ng pangalawang taon ng anibersaryo namin at kaya siya nalasing ng sobra dahil ang mga shot na para sana sa akin ay, ay siya ang uminom.” paliwanag niya rito.

Mabuti na lamang at mukhang nakumbinse niya ito sa kanyang paliwanag.

“Ganun ba.” sabi nito at pagkatapos ay naglakad ito palapit sa kaniya at inabot ang isnag box. “Kaya ako nagpunta rito para ibigay sayo iyan. Regalo namin ni Papa sa iyo para sa anniversary ninyo. May ginawa pa kasi ako kaya ngayon ko lang iyan nadala sayo, sana ay magustuhan mo. wala akong ibang hiling kundi sana ay maging matatag ang pagsasama ninyong dalawa.” mahabang sabi nito.

Agad naman niyang inabot ang box. “Salamat po at pakisabi rin po kay Lolo na salamat.” sabi niya at hindi niya maiwasan na hindi maantig ang puso niya dahil nag- effort pa talaga ang mga ito para bigyan siya ng regalo.

“Ayaw mo bang buksan at tingnan?” tanong nito sa kaniya ngunit umiling siya at mabilis na ngumiti.

“Kahit na anu man ang laman nito basta galing sainyo ni Lolo ay magugustuhan ko po.” nakangiting sabi niya rito.

Napangiti naman ito at napailing dahil sa sinabi niya. “Isa kang mabuting bata at napaka- simple, higit sa lahat ay napakabait.” puri nito sa kaniya na pagkaraan ng ilang sandali ay dumako kay Lucas ang mga mata nito. “Kung sinasaktan ka niya ay huwag kang matakot na sabihin sa akin o kay Papa dahil hinding- hindi namin siya kakampihan.” 

“Salamat po Dad. tatandaan ko ang sinabi ninyo.” sabi niya rito at ngumiti.

“O siya, iyon lang at aalis na ako. Gabi na rin naman. Magpahinga ka na. Aalis na muna ako.” paalam nito sa kaniya.

Agad niyang sinenyasan ni Annie ang kanilang driver upang ito na muna ang umalalay si Lucas at ipasok sa loob.

“Dad ayaw niyo po ba munang pumasok sa loob?” tanong niya sa ama ni Lucas.

Napailing ito. “Hindi na. Kailangan mo muna siyang asikasuhin at kapag natapos mo na siyang asikasuhin ay matulog ka na rin.” sabi nito at pagkatapos ay tinanguan siya. Nag- umpisa na itong maglakad paalis sa harap niya.

“Mag- ingat po kayo sa daan.” sabi na lamang niya.

Pagkaalis nito ay kaagad siyang pumasok sa loob ng kanilang bahay at umakyat sa kanilang silid kung saan ay naroon na si Lucas at naabutan niya itong nakahiga sa kanilang kama. Dahil nga hindi pwedeng hindi ito maligo dahil sa sobrang kalasingan nito ay kailangan niya ito liguin. Ibinaba niya ang hawak niya box sa kama at mabilis na hinawakan mga braso nito upang itayo.

Medyo nahirapan pa siyang ibangon ito dahil may kabigatan ito. Mabuti na lang ay naibangon niya ito at naalalayan patungo sa banyo. Pinaupo niya muna ito sa sahig at mabilis na isinindi ang gripo para mapuno ang bathtub. Lumabas muna siya pagkatapos upang kumuha ng towel at pagbalik niya ay naabutan niyang nakahiga na ito sa sahig.

Wala siyang nagawa kundi ang mapailing na lang dahil sa likod ng kagalang- galang nitong anyo ay inaabot rin pala nito ang katulad ng itsura nito ng mga oras na iyon. Lumuhod siya upang gisingin ito.

“Lucas bumangon ka diyan at ng maligo ka.” niyugyug niya ito para magising. “Hoy, gumising ka na diyan.” hindi ito sumagot. Napabuntung- hininga siya. “Kung ayaw mong gumising at bumangon diyan ngayon, bahala ka diyan. Manigas ka diyan sa sahig.” sabi niya rito at mabuti na lang dahil nakinig ito sa kaniya at hirap na hirap na bumangon dahil sa sobrang kalasingan.

Dahil nga hindi rin naman nito kayang maligo mag- isa ay tinulungan na lamang niya itong maligo. Hindi niya maiwasang hindi mapapikit ng maamoy niya ang gel na sabon na siya mismo ang pumili, amoy gatas at amoy mayaman talaga. Ngunit habang pinapaliguan niya ito ay ilang beses din siyang nasuka. Hindi na niya tinagalan pa ang pagpapaligo rito at mabilis na sinuotan ng roba.

Hindi na niya alam kung kaya niyang pang bihisan ito dahil ramdam na niya ang pagod niya. Inihiga na lamang niya ito basta sa kama. Dahil nga tapos na niyang maasikaso ito ay naisip niya na iyon na siguro ang tamang oras para magpahinga na siya. Handa na sana siyang umalis nang bigla na lamang siyang nagulat dahil niyakap siya ni Lucas mula sa knaiyang likod.

“Huwag kang umalis, dito ka na muna matulog sa tabi ko.” mahinang bulong nito at hindi niya naiwasan na hindi makaramdam ng tila isang palad na mainit na humaplos sa kanyang puso dahil sa pakiusap nito sa kaniya. Bumilis din ang tibok ng puso niya ng mga oras na iyon.

Ang nararamdaman niyang pagbilis ng tibok ng puso niya ay katulad lang din noong una niyang masilayan ang kagwapuhan nito. Palagi itong mukhang seryoso ngunit madalang lang itong maglambing kaya hindi na niya pinigilan pa o ni makipagtalo man lang rito at nagpaubaya na lamang siya. Ilang araw na lang naman ay maghihiwalay na sila, kung bukas na sila maghihiwalay ibig sabihin ay ito na ang huling pagkakataon na makakatabi niya ito sa pagtulog.

Hahayaan niya na lang muna na makatabi ito sa huling pagkakataon upang kahit na papano ay masaya ang huling sandali nilang magkasama.

“Sige kung iyon ang gusto mo.” mahinang tugon niya rito at pagkatapos ay sumampa na rin sa kama.

Dinampot niya ang kumot at kinumutan niya silang dalawa hanggang sa dibdib. Humarap siya rito at pagkatapos ay tinitigan ang kilay, ilong at labi nito. Ilang araw na lang ay hindi na niya makikita pa ang mukha nito mabuti na lang at ito mismo ang humiling sa kaniya na tumabi siya sa pagtulog rito. Isiniksik niya ang sarili niya rito kung saan ay awtomatiko namang pumulupot ang kamay nito sa kaniya.

Nagising si Annie dahil sa vibration ng kanyang cellphone. Nakapikit pa siya habang hinahanap niya ang kanyang cellphone at mabuti na lang at nahanap niya ito sa ilalim ng kanyang unan. Inaantok pa siya dahil halos hindi siya nakatulog ng maayos. Sinagot niya ito at pagkatapos ay inilagay ito sa kanyang tenga.

“Hello…”

“Annie?” natigilan siya at mabilis na napamulat ng kanyang mga mata nang marinig niya ang tinig ng babae sa kabilang linya. Boses iyon ni Trisha at hindi siya pwedeng magkamali sa kanyang narinig. Napatingin siya sa hawak niyang cellphone at hindi pala sa kaniya iyon kundi kay Lucas at hindi niya sinasadyang makuha ito at masagot ang tawag na para sana kay Lucas.

Dahil sa kanyang gulat ay mabilis siyang napabangon ng wala sa oras at umupo sa kama. Agad niyang niyugyug si Lucas na nasa kanyang tabi at natutulog pa.

“Hmm…” umungol ito at pagkatapos ay dahan- dahang nagmulat ng mga mata.

“Hinahanap ka ni Trisha…” sabi niya sabay abot niya ng cellphone rito.

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status