Share

ARAW-ARAW KANG MAMAHALIN
ARAW-ARAW KANG MAMAHALIN
Author: SEENMORE

Chapter 1.πŸ’œ

"MAYA!"

Napangiwi ako ng pingutin ni Senyora Lina ang tenga ko. Pinigil ko ang aking sarili na huwag umiyak dahil mas lalo lamang ako masasaktan kapag umiyak ako. Hanggang sa makarating kami sa kusina ay hawak pa rin niya ng madiin ang tenga ko. Sobra ang pagpipigil ko na kahit mahinang d***g ay huwag lumabas sa labi ko.

"Hindi ba't sinabi ko sa'yo na huwag na huwag kang lalabas? Peste ka talagang bata ka wala kang kadala-dala!" Saka lamang ako binitiwan nito ng maisara nito ang pinto ng kusina.

"Sorry po!" Hingi ko ng tawad habang hawak ang tenga ko na napakasakit. Iniyuko ko ang ulo ng magsimula itong itulak ang noo ko gamit ang matulis nitong kuko, halos bumaon sa noo ko ito at talaga namang nagdudulot ng sakit subalit tiniis ko ito.

"Puro ka 'sorry! Pero hindi ka naman nakikinig? Ang tigas-tigas ng ulo mong peste ka!"

Ang alam ko ay insekto ang peste, kaya naman hindi ko alam kung bakit paborito itong itawag sa akin ni Senyora. Hindi naman ako isang insekto.

"Senyora Lina!" Agad na lumapit sa akin si nanay saka ako hinila at niyakap. "Tama na ho-"

"At isa ka pa!" Puno ng pagkairita na dinuro ni Senyora Lina si nanay. "Turuan mo ng magandang asal ang iyong anak! Simpleng utos lang ay hindi pa marunong sumunod! Peste talaga kayong mag ina!" Dagdag nito bago kami tinalikuran.

Saka ko lamang pinakawalan ang luha na kanina ko pa pinipigilan. Humikbi ako habang nakayakap kay nanay. Bumuntong-hininga si nanay at hinawakan ako sa balikat. "Sumilip ka na naman sa kaarawan ni Hannah?"

Tumango ako. "Sorry po, nay... gusto ko lang naman po sana na makita ang mga kaibigan niya at ang mga dala nilang regalo para kay Hannah." Pagsasabi ko ng totoo rito.

Ngayon din ang ika-sampong kaarawan ko. Pero hindi kagaya ng kaarawan ni Hannah ang kaarawan ko. Sa tuwing kaarawan ko ay wala kaming masarap na pagkain na handa, wala akong kaibigan na bisita, at walang regalong natatanggap. Kaya sa tuwing kaarawan ko ay hindi ko napipigilan ang sarili na sumilip sa malaking bulwagan ng mansion kung nasaan ang engrandeng selebrasyon ng kaarawan ni Hannah. Gusto ko lang naman na sumaya sa araw ng kaarawan ko, at ang makita ang masayang kaarawan ni Hannah ang magbibigay sa akin noon.

Niyakap ako ni nanay. Naramdaman ko ang pag-alog ng kanyang balikat tanda na siya ay umiiyak. "Pasensya ka na, anak. Wala man lang akong maibigay sayo... wala man lang akong magawa para ialis ang pamilya natin sa mansion na ito."

"Nay, totoo po ba na hindi kayo nakakatanggap ng sahod kada-buwan?" Tanong ko sa kanya.

Narinig ko ang usap-usapan ng iba pang kasambahay sa mansion. Si nanay lang daw ang hindi nakakatanggap ng bayad sa paninilbihan dito. Kaya siguro palagi kaming walang pera para ipambili ng masarap na pagkain sa tuwing kaarawan ko, o maski magandang laruan man lang.

Mahina na naman akong napahikbi ng maalala ang mabangis na mukha ni Senyora Lina. "Saka, nay, bakit po siya gano'n sa atin? Bakit palagi po siyang galit? May nagawa po ba tayong masama sa kanila?" Dagdag na tanong ko pa.

Mas lalong umalog ang balikat ni nanay dahil sa pag-iyak. Pigil niya ang ingay mula sa kanyang labi, bata man ako ay ramdam ko na kaybigat ng kanyang dinadalang sama ng loob.

"M-Malaki ang pagkakautang ko sa pamilya nila anak kaya galit sila sa akin."

"Nay, hayaan niyo po paglaki ko ay tutulungan kita na bayaran sila sa pagkakautang. Mag-aaral po akong mabuti para po paglaki ko ay yayaman po ako! At kapag nakabayad na po tayo ay aalis na tayo rito!" Sa edad kong sampo ay hindi pa ako nakakatuntong ng paaralan, hindi dahil ayaw ng nanay ko kundi ayaw ni Senyora Lina.

Wala daw akong karapatan mag-aral. Iyon ang sabi ni Senyora sa akin. Hindi ko maintindihan ang ibig niyang sabihin pero umaasa pa rin ako na isang araw ay bubuti ang pakikitungo nila sa amin ni nanay.

Humiwalay si nanay sa akin at hinaplos ang aking pisngi. Pinunasan ko naman ang pisngi ni nanay na puno ng luha gamit ang laylayan ng aking lumang bestida.

"Anak, hindi tayo maaaring umalis dito, hindi ba sinabi ko na sa'yo iyan?"

"Kahit makabayad po tayo, nay?" Tanong ko.

Tumango si nanay sa akin. "Pero bakit po, nay? Gusto ko pong maglaro sa labas-"

"Shhh, anak, wag kang maingay at baka marinig ka pa nila." Saway sa akin ni nanay kaya agad akong tumahimik.

Sa edad kong sampo ay hindi pa ako nakakalabas ng mansion. Dati ay sinubukan kong lumabas para maglaro subalit hindi pa man ako nakakalabas ay nahuli na ako ng isang bantay nila Senyora Lina at ibinalik sa loob. Iyak ako ng iyak noon dahil sinaktan ako ni Senyora Lina at nilagnat pa ako kinagabihan dahil sa sobrang takot ko sa kanya.

Malupit sila sa akin, sa amin ng nanay ko. Kaya bawat kilos namin ni nanay ay may kaakibat na pag-iingat. Sa murang edad ay tinatak ko na sa aking isipan na bawal akong magkamali. Hindi ko lang talaga mapigilan ang sarili ko na sumilip sa kaarawan ni Hannah.

Dumukot si nanay sa kanyang bulsa at naglabas ng dalawang magkaparehong kwintas. "Para sa'yo, Maya. Pasensya ka na dahil mumurahing kwintas lamang ang kaya kong bilhin para sa'yo." Hingi ng pasensya ni nanay sa akin matapos isuot ito sa leeg ko.

Agad na iniling ko ang ulo ko habang may ningning ang mata na nakatingin sa makinang na kwintas na nasa aking leeg. "Nay, napakaganda po nito!" Tuwang-tuwa na saad ko.

"Happy birthday, Maya. Mahal na mahal kita anak." May kaligayan na bati sa akin ni nanay at saka ako niyakap ng mahigpit.

"Nay, mahal na mahal din po kita! Salamat po sa napakagandang regalo mo para sa akin!" Ani ko sabay yakap sa kanya ng hindi nabubura ang ngiti sa labi.

Masaya akong natulog habang katabi si nanay at hawak ang kwintas na regalo niya sa akin. Pangako ko na iingatan ko ito at ituturing na aking kayamanan. Sobrang saya ko dahil dalawa ang binili ni nanay at tiyak ako na tig-isa kaming dalawa para pareho kami.

***

[Maya]

Kinabukasan ay maaga ako nagising katulad ng nakasanayan. Pagdilat ko ay wala na si nanay sa aking tabi, wala din ito sa kusina o sa garden.

"Aling Berta, nakita niyo po ba si nanay?" Tanong ko habang nagtatanggal pa ng dumi sa aking mata. Si Aling Berta ay katulad namin na kasambahay rito sa mansion. Mabait ito at may katandaan na, malapit din ito sa aming mag-ina. Lola na ang turing ko sa kanya, at apo naman ang turing nito sa akin.

Tumigil ito sa paghihiwa ng gulay at bumaling sa akin. "Bakit wala ba siya sa kwarto ninyo? Mula ng magising ako ay hindi ko siya nakitang lumabas? Ikaw, Mae? Nakita mo ba si Maria?" Tanong ni Aling Berta kay Ate Mae ng makita ito.

"Hindi, Aling Berta. Bakit? Wala ba siya sa kwarto ninyo, Maya?" Bumaling sa akin si Ate Mae. Si Ate Mae ay halos kasing-edad ni nanay, katulad ni Aling Berta ay kasundo ito namin ni nanay. Mabait din si ate Mae katulad ni aling Berta.

"Nang magising po ako ay wala na po siya sa kwarto. Kaya akala ko po ay narito na siya at nagsisimula ng magtrabaho." Sagot ko. Nakita ko na dumaan ang pagtataka sa mukha ni Aling Berta at Ate Mae. Palaging nagbibilin si nanay sa mga ito na bantayan ako sa tuwing lalabas kaya nagtataka ang mga ito na hindi nagpaalam si nanay sa kanila.

"Hoy, kayo!" Lumapit si Senyora Lina sa aming tatlo, ang matalim nitong mata ay agad na nakapako na sa'kin ng makita ako. "Ano pa ang tinutunganga niyo? Magsi-trabaho na kayo! Ang aga-aga puro kayo tsismisan!"

Nang lalapit sa akin si Senyora Lina ay inunahan ito ni aling Berta na lapitan ako. "Doon ka na muna sa garden at magdilig, Maya. Doon mo hintayin ang nanay mo." Ani pa ni Aling Berta habang hila ang maliit kong braso.

Paglingon ko ay nakita ko ang masamang tingin sa akin ni Senyora Lina kaya napalunok ako sa takot. Ang tingin nito sa akin ay kakaiba, wari ko ay nais na naman ako nitong saktan.

"Maya, kung maaari ay iwasan mo sila. Di'ba iyon din ang sinabi ng nanay mo?" Pagkarating sa garden ay lumuhod sa harap ko si aling Berta. "Hindi namin gusto na nasasaktan ka kaya sumunod ka nalang. Naiintindihan mo ba?" Hinawakan nito ang maliit kong braso at marahan na hinaplos. "Ang puti at napakakinis ng 'yong balat kaya ingatan mo ang sarili mo na huwag magkapilat. Oh siya, magdilig ka na rito habang hinihintay ang nanay mo. Tatawagin nalang kita kapag dumating siya." Ginulo pa nito ng bahagya ang aking buhok bago umalis.

Halos bente minuto na akong nagdidilig ng makarinig na galit na boses. Pagtingin ko sa back door ay palapit sa akin si senyora Lina. Awtomatikong umatras ang aking paa sa sobrang takot ng makita ang mabagsik na mukha nito. Ang mga mata nito ay nag aapoy sa galit na nakatingin sa akin.

"Nasaan ang nanay mo?!" Nanigas ang katawan ko sa takot ng humawak ang dalawa nitong kamay sa aking balikat at inalog ang payat kong katawan. "Nasaan ang nanay mo? Bingi ka ba?!"

Taranta na lumapit si Aling Berta at Ate Mae kay Senyora para awayin ito, samantalang ang ibang kasambahay ay nanatiling nakatayo sa malayo at walang balak lumapit sa galit naming amo.

"Hindi ko po alam-"

Slap!

Napasinghap ang lahat ng sampalin ako ni Senyora Lina. Hindi lamang ang pisngi ko ang namanhid sa lakas ng kanyang sampal, maging ang aking buong katawan.

"Diyos ko!" Halos maiyak si Aling Berta dahil sa awa sa akin. "Senyora, nagsasabi ho si Maya ng totoo-

"Tumahimik ka, Berta!" Nanlilisik ang mata na singhal ni Senyora rito. Mas lalong nanlisik ang mata ni Senyora Lina ng makita ang kwintas na suot ko. "Kaya pala ninakawan ako ng nanay mo para bilhan ka nito!"

"Wag po!" Umiiyak ako ng hablutin nito ang kwintas sa leeg ko. "Regalo po 'yan sa'kin ni nanay."

"Regalo? At saan naman siya kukuha ng pera pambili nito?" Ngumisi ito ng makita na natigilan ako. "Nakita mo na? Kahit ikaw alam mong wala naman kayong pera pambili ng ganito!"

Tinaas nito ang kwintas at pinakita sa lahat ng tauhan ng mansion.

"Si Maria ay ninakawan ako para bilhan ng regalo ang inggitera n'yang anak! Ngayon ay tumakas na siya dala pa ang iba ko pang mga alahas!"

Umiiyak na umiling ako. "Hindi po 'yan magagawa ni nanay... huhuhu." Kilala ko si nanay. Mahirap man kami at walang pera ay hindi nito magagawa ang binibintang dito. Mabuting tao ang nanay ko at hindi ito magnanakaw.

Ngumisi ng may pang-iinsulto si Senyora Lina sa akin. "Hindi magagawa? Eh ano ito?" Gigil na lumapit muli ito sa akin habang hawak ang kwintas sa kamay at tinapat sa aking mukha. "Magnanakaw ang nanay mo, at ito ang patunay. Ngayon ay tumakas na siya ng mansion dala ang mga ninakaw niya. At malakas ang kutob ko na hindi na siya babalik pa!"

Marahas na umiling ako habang patuloy sa pag-iyak. "H-Hindi po 'yan totoo."

"Sa dami ng ninakaw niya sa akin ay tiyak akong hindi na siya babalik pa, Maya. Gusto na n'yang mabuhay ng masaya at malaya sa labas ng mansion na ito ng hindi ka kasama dahil isa ka lamang pabigat sa kanya!"

"Babalik po si nanay! Hindi niya po ako iiwan!" Ang malakas na palahaw ko sa mansion ang umalingawngaw buong sa paligid.

Sa murang edad ay tumatak na sa aking isip ang lahat ng mga sinabi nito. Hinding-hindi ko makakalimutan ang araw na nawala na parang bula si nanay. Miss na miss ko na si nanay. Walang gabi na hindi ako umiiyak at naiisip siya. Sobra akong nangungulila sa kanya. Ang tagal ko ng hindi siya nayayakap... Sampong taon na ang nakakaraan subalit ay narito pa rin ako sa mansion at nakakulong. Sampong taon na rin akong naghihintay. Lahat ng sinabi ni Senyora Lina ay hindi ko pinapaniwalaan. Kilala ko si nanay, alam ko na hindi niya ako iiwan ng walang dahilan.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status