Share

*°•|KABANATA 2|•°*

"Sigurado ka bang, hindi ka sasali?" Ilang ulit na tinatanong ni Lily kay Phana kung sasali siya sa singing contest. Ilang ulit na rin na tumatanggi si Phana. Kahit na alam niyang marunong siyang kumanta, hindi sumagi sa isipan niya na sumali sa kahit na anong uri ng mga patimpalak. Lalong-lalo na sa pagkanta.

"Marunong lang ako kumanta." Magdadahilan pa sana siya nang kaagad naman itong magsalita at sinadyang takpan ang kaniyang bibig. Kasalukuyan silang nasa loob ng silid aralan at tahimik na nakikinig ng radio clip. Hindi pa nagsisimula ang klase dahil nabalitaan niyang may pagpupulong ang mga guro.

"Shhh!! Hindi ka lang marunong, magaling ka! Tandaan mo, magaling ka!" Nakita ni Phana kung paano siya nito ipagmalaki. Kahit kailan ay hindi niya iyon naramdaman sa sarili. Masaya na si Phana na kumanta sa isang araw ngunit ang sumali sa isang patimpalak ay parang kalabisan sa kaniya.

"Ano ba, Lily! Kahit na ano pang sabihin mo, wala ring mangyayari!" Angal niya dito at saka mabilis na tinanggal ang kamay nitong nasa bibig niya.

"Napaka nega mo naman! 'wag kang mag-alala, nandito naman ako–" 

"Manahimik ka." Hindi na maintindihan ni Phana ang sinasabi sa radyo nang dahil sa pagiging madaldal ni Lily.

Tumayo siya at saka hinablot ang radyo. Kailangan niya ng ibang mauupuan. Mamaya na ang oral recitation at kailangan na may maisagot siya. Habang inililibot ni Phana ang kaniyang paningin kung saan pwedeng umupo, patuloy naman siyang sinusundan ni Lily.

"Phana naman! Kahit ngayon lang, pagbigyan mo naman ang sarili mo," padabog na sigaw nito.

"Anong pagbigyan ang sinasabi mo diyan? Hindi ko nga gusto na sumali, Lily! Ang kulit mo naman!" Nabuhay ang iritasyon sa kaniyang sistema nang masigawan niya si Lily.

Nakita niya ang reaksyon ng kaibigan at bakas sa mukha nito ang pagka-gulat. Maski ang kaniyang sarili ay hindi inaasahan na magiging ganoon kataas ang kaniyang boses. Napaatras si Lily nang bumaba ang paningin nito sa kamay ni Phana.

"Ang kamay mo, Phana," Tanging nasambit nito sa kaniya. Dahil sa pagtataka ay natuon ang paningin ni Phana sa kaniyang kamay. 

Hindi niya namalayan na naihampas niya ang kaniyang palad sa ibabaw ng pangsulat brasong upuan. Maigi niya iyong tinitigan at ganoon na lamang ang kaniyang pagka-gulat nang makita ang sugat sa palad.

"H-hindi ko s-sinasadya..." Napamaang siya at muling naibaling ang kaniyang paningin sa bagay kung saan niya naihampas ang kaniyang kamay. Nasira ang upuan dahil sa sobrang lakas.

Napatingin siya kay Lily nang may pag-aalinlangan. Hindi niya inaasahan na mangyayari ang ganoong bagay.

"S-sobrang lakas ng kamay mo..." Kahit ang bibig ni Lily ay naka-buka habang nakatitig kay Phana. 

Muli namang bumalik ang paningin ni Phana sa kaniyang palad. Nakakapagtaka na walang dugo ang lumabas sa sugat. 

"Lily, tingnan mo 'to," natatarantang sabi ni Phana. Nang makalapit si Lily sa kinaroroonan ni Phana ay mabilis nitong tiningnan ang kaniyang palad. 

"Bakit walang dugo? May hiwa, pero walang dugo??" Lumatay sa buong sistema ni Phana ang matinding kaba. Napansin iyon ni Lily kaya pati ito ay kinabahan din.

"H-hindi ko alam," nagtatakang tugon niya dito. Patuloy nilang tinitigan ang sugat ni Phana hanggang sa magliwanag iyon at naging dahilan para sila ay mapasigaw. Mabuti na lamang at walang ibang tao ang nakakakita sa kanila kung hindi, matagal na silang tinawag na mga baliw.

"Bakit ganiyan 'yan? Anong meron sa kamay mo, Phan???" Namutawi ang takot sa mukha ni Lily at tila naging hudyat iyon para maalarma si Phana.

"Hindi ko alam!" napasigaw na siya habang matindi ang kaba na nararamdaman.

"Anong hindi mo alam?!" 

"Basta, hindi ko alam!" Halos magsigawan na sila sa loob ng silid dahil sa matinding kuryusidad.

"May nangyari ba sa 'yo?? May kinain ka bang kakaiba? Wait! Baka may kumukulam sa 'yo?!" Hindi na maintindihan ni Phana kung anong unang isasagot sa mga tanong ni Lily.

"Wala! Hindi ko alam! Nalilito ako, bakit ganito?!" Patuloy pa rin sa pagliwanag ang kamay ni Phana at habang tumatagal ay mas dinadalaw siya ng kakaibang kaba.

Saglit na nag-isip si Lily bago muling magsalita.

"'yan lang ba ang nararamdaman mo? May kakaiba pa bang nangyayari sa 'yo?" Pagtataka nito habang nasa ibabang bibig nito ang hinututro na animo'y humahanap ng sagot sa mga katanungan.

Naalala ni Phana ang kakayahan niyang patulugin ang tao sa pamamagitan ng kaniyang pagkanta. Kung sino man ang makakarinig ng kaniyang tinig ay dadalawin ito ng antok at tuluyan nang makakatulog.

"May ipapakita ako," nakatitig na saad niya kay Lily.

"Ano? Meron pa ba?" 

"Manahimik ka muna! Hintayin muna natin na dumating ang mga classmates at teacher natin," saad niya dito at saktong pagkasabi niya ay kumalabog ang pinto at nagsipasok ang kanilang mga kaklase.

Napatinginsiya sa orasan. Tapos na ang break time. Kusang bumalik si Phana at Lily sa kanilang mga upuan.

"Ano na?" Bahagya siyang nagitla nang pasimple siyang sundutin sa tagiliran ni Lily. Nakaupo na sila at katabi niya ito.

"Sandali," tugon niya dito habang pinagbabantaan niya ito na hindi gumawa ng kahit na anong ingay.

Ngayon pa lang ito gagawin ni Phana dahil hangga't maaari ay pinapanatili niyang lihim ang tungkol sa kakayahan niya. Hindi niya alam kung saan at kung paano iyon nangyari sa kaniya pero ang alam lang niya ay siguradong iba't ibang diskriminasyon ang kaniyang maririnig kung sakaling malaman ng iba ang tungkol sa kaniya.

"Ano ba..." Naramdaman ni Phana ang iritasyon sa boses ni Lily. Sadyang makulit ito at tila hindi na niya nagugustuhan iyon. Muntik nang makalimutan ni Phana na kailangang takpan ni Lily ang sariling tainga upang hindi ito makatulog at madamay sa gagawin niya. 

"Takpan mo ang tainga mo! Bilis!" Tumalima naman kaagad si Lily sa sinabi ni Phana. Nang masiguro ni Phana na nakatakip na ang dalawang tainga ni Lily ay saka siya huminga nang malalim. 

Ramdam niya ang kaba sa buong sistema ngunit tinibayan niya ang kaniyang loob para magawa at maipakita kay Lily ang mga kakaibang bagay na kaniyang nararanasan at ginagawa.

Nagsimulang ibuka ni Phana ang kaniyang bibig hanggang sa lumabas ang marikit na boses. Ilang saglit pa lang ay sunod sunod na paghikab ang ginawa ng kanilang mga kaklase at ng kanilang guro. Hindi nakaligtas sa mga mata ni Lily ang ginawa ni Phana. Saksi ito sa ginagawa niya.

Nagagawang kontrolin ni Phana ang kaniyang tinig at kumanta nang hindi napapatulog ang mga tao. Ginawa lamang niya iyon upang maipakita kay Lily kung anong kakaibang bagay ang kaya niyang gawin. Samantala, hindi pa rin maialis sa mukha ni Lily ang pagkamangha. Napapaisip naman si Phana kung ano ang mga bagay na kaya pa niyang gawin. Sigurado siyang mayroon pa siyang madidikubre sa kaniyang sarili at ramdam niyang nagsisimula pa lang ang lahat. May kung anong takot siyang naramdaman dahil sa mga iniisip.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status