Share

*°•|KABANATA 1|•°*

Bukod sa gawaing bahay ay marami ring kayang gawin si Phana pero ang lahat ng kakayahan niya ay limitado dahil nababaling ang kaniyang oras sa pagtatrabaho at paninilbihan sa kaniyang tiyahin.

Kaunting oras na lang ay matatapos na si Phana sa gawaing bahay. Sunod niyang tatapusin ay ang kaniyang mga takdang aralin. Nasa kolehiyo na si Phana at pinapangarap na maging isang guro. Dahil sa hirap ng buhay at dahil sa pag abandona ng kaniyang mga magulang sa kaniya, naging kalbaryo niya araw araw ang  mabibigat na gawain sa kaniyang tiyahin.

Kahit na ganoon ay nagpapasalamat pa rin siya dahil hindi nawawala ang suporta nito sa kaniyang pag-aaral. Iyon na lang din ang minimithi niya sa buhay.

"Huy, Phana! Punasan mo nga 'tong sapatos ko! Ang kupad-kupad mo!" Halos lumipad na ang sandok mula sa kamay ni Phana dahil sa pagkagulat.

Kasalukuyan siyang nagluluto para sa pananghalian at sadyang nahihirapan na siya dahil mayroon pang nakatambak na mga gawain na dapat niyang matapos.

Mabilis niyang binalingan ang nagsalita. Nakita niya sa kaniyang likuran ang anak ng kaniyang tiyahin. 

"Mamaya po, kuya. Tatapusin ko lang ho ito." Pagkatapos na magsalita ay saka siya tumalikod para asikasuhin niya ang sinaing. Ikinagulat naman niya nang muli itong sumigaw.

"May pasok ako! Ano ba?!" Dahil doon ay mabilis siyang tumalima at kaagad niyang tinungo ang kinaroroonan ng sapatos nito.

"Ano ba yan, Greg?! Nakikita mong may inililista ako, nakakaistorbo ka ng tao!" Isang ngiti ang sumilay sa mukha ni Phana nang lumabas mula sa kwarto ang kaniyang tiyahin at kaagad na binulyawan ang anak nito. Sigurado siyang magagalit ito kay Greg dahil sa pagiging iresponsable nito.

"Ito kasing si Phana! Babakla-bakla! Ang tagal kumilos–" kung nakamamatay lang ang mga titig ni Greg ay kanina pa bumulagta si Phana.

Sa simula pa lang ay ganoon na ang trato ni Greg sa kaniya. Pinipilit niyang sanayin ang sarili sa mga panghuhusga nito. Hindi rin siya nakakaligtas sa dalawa pang kapatid nito na babae. Mas matindi ang mga iyon kung manglait sa kaniya.

"Itigil mo na ang paninisi mo kay Phana!" Biglang naibaling ni Phana ang atensyon sa kaniyang tiyahin. Kahit paano ay nagagawa nitong ipagtanggol siya sa mga anak nito. Kaya niyang tiisin ang lahat dahil ito na lang din ang tumatayo niyang ina. 

Narinig niya ang padabog na pag-iwas ni Greg. Kung tutuusin ay dapat pa nga itong magpasalamat dahil madalas siya na ang gumagawa sa mga takdang aralin nito pero sadyang napaka bugnutin nito at hindi man lang marunong magpasalamat.

"Tiya, hayaan niyo na po si kuya Greg. Sigurado ako na balang araw, magiging mabuti rin siyang anak sa 'yo." Dahan dahan siyang lumapit sa kaniyang tiyahin at saka masuyong hinaplos ang likod nito.

"Nagpapasalamat ako na 'andito ka, Phana." Mahigpit siyang niyakap ng tiyahin. Noong una ay nahirapan siyang aminin ang tungkol sa kaniyang pananaw at sa kung anong gusto niya pero laking tuwa niya na buong puso siya nitong tinanggap. 

"Mas nagpapasalamat ako, tiya.. Kinupkop niyo po ako nang walang pag-aalinlangan." Pagkatapos niya iyong sabihin ay saka niya narinig ang palihim na paghikbi ng tiyahin.

Isang bagay lang ang nagpapakalma sa tiyahin sa tuwing makikita niya itong malungkot. Kaya niyang pakalmahin ang kaniyang tiyahin sa pamamagitan nang pagkanta. Ginagamit niya rin iyon kapag nararamdaman niyang galit sa kaniya ang mga magkakapatid.

Nagsimula siyang buuin ang marilag na boses mula sa kaniyang bibig. Napapikit siya at magiliw na pinakawalan ang animo'y nagsusumamong tinig sa karimlan. 

Lumuwag ang pagkakayakap ng tiyahin sa kaniyang katawan at saka niya ito tinitigan. Nakita niya ang hipnotismo sa mga mata nito habang inaalalayan niya itong makaupo sa salas. Sigurado si Phana maya-maya lang ay magiging maayos na ang pakiramdam nito. Alam niyang pagod ito dahil marami itong ginagawa sa palengke para magtinda ng mga gulay at kung anu-ano pa.

Napangiti siya nang dahan-dahan na pumikit ang mga mata ng tiyahin. Kung anong man ang kakayahan niya ay tanging siya lamang ang may alam. Nakakapagtaka lang na kahit na ilang ulit siyang kumanta sa harapan ng mga magkakapatid ay hindi niya magawang baguhin ang ugali ng mga ito. Ang kagandahan ng kaniyang boses ay isang regalo na ipinagpapasalamat niya sa maykapal.

Sa kabilang banda ay may kung anong tukso ang nabubuo sa kaniyang pagkatao at hindi niya alam kung saan nanggagaling iyon. Ang alam lang niya ay kailangan niya iyong malaman. 

Ipinagpatuloy ni Phana ang kahali-halinang pagkanta hanggang sa tunguhin niya ang silid ni Greg. Nakita niyang nakatulog rin ito at alam niyang dahil iyon sa kaniyang pagkanta. Lumabas siya at dahan-dahan na naglakad papunta sa kaniyang sinaing habang patuloy pa rin siya sa pagkanta.

Nang matapos siya sa ginagawa ay nagsimula siyang maglinis hanggang sa siya na rin ang naglista ng mga gulay na ititinda sa palengke.

Tinapos niya ang gawain ng kaniyang tiyahin. Tinapos na rin niya ang naudlot na paglilinis sa sapatos ni Greg. 

Naisip niyang ihinto ang pagkanta nang mapagluhong wala na siyang gagawin. Narinig niya ang pagkalabog sa loob ng kwarto ni Greg. Alam niya kung ano ang susunod na mangyayari. Sigurado siyang sisigaw ito.

"Late na ako! Dalawang oras akong natulog?! Imposible!" Hinintay ni Phana na makalabas si Greg sa kwarto. Dala-dala niya ang sapatos nito na kaniya nang nalinisan. 

Galit ang mukha ni Greg nang makita si Phana.

"'ayan na po, kuya Greg." Hindi niya pinansin ang galit na boses nito at saka iniabot dito ang sapatos. Hinablot nito iyon at saka mabilis na pumasok ulit sa kwarto para suotin ang sapatos.

"Sa susunod, gigisingin mo naman ako," saad nito habang pinalilisikan siya nito. Natatawa siya dahil kahit paano ay nagagawa niyang makaganti sa pagiging mainitin ng ulo nito.

Tahimik siyang bumalik sa salas. Naabutan niya ang tiyahin na naalimpungatan.

"Nakatulog pa la ako," biglang sabi nito habang naalimpungatan.

"Tinapos ko po ang inililista niyo, Tiya Margarette." Awtomatikong napatingin ito sa kaniya.

"Siya nga? Naku, maraming salamat naman." Tumayo ito at saka tinapik ang kaniyang balikat. Narinig niya ang mga yabag ni Greg papunta sa kanila.

"Alis na po ako, ma." Nakita ni Phana na inilahad ni Greag ang kaniyang palad sa tiyahin. Nakita naman niyang may ilang pera na dinukot sa bulsa ang tiyahin at saka ibinigay dito iyon. Pagkatapos na makuha ang pera ay mabilis itong umalis ng bahay.

"Kumain na ba 'yon, Phana?" takang tanong ng tiyahin.

"Hindi pa po, tiya." Dahil sa kaniyang sinabi ay napabuntong hininga na lamang ang tiyahin. 

"Pasaway na bata... Oh siya, sige na. Kumain na tayo," napapailing na sabi nito.

"Tiya, hindi na po ba uuwi sila ate Nika at ate Nikkie?" Paupo pa lang sila ay tila natigilan naman ang tiyahin sa tanong niya.

"May mga asawa na sila, sigurado akong matagal pa bago sila dumalaw sa atin." Naramdaman ni Phana ang lungkot sa mga sinabi ng tiyahin. May bahagi sa kaniyang puso ang nagpapasalamat dahil sa wakas ay tanging si Greg na lang ang kaniyang magiging kalbaryo.

Isang ngiti ang kaniyang itinugon sa tiyahin at saka nagsimula na silang kumain.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status